CHAPTER 1
6 YEARS AGO...
PAKIRAMDAM... ni George ay matatanggal na ang mga paa niya sa sobrang sakit ng mga iyon. Paano bang hindi, e sa halos sampung oras niyang shift, isang beses lang yata siya nakaupo at sa bandang huli pa noong nagcha-charting na siya.
Laglag ang mga balikat at kung pupwede lang ay gagapang na lang siya pauwi sa labis na pagod.
Isipin niya pa lang na ganito ulit ang kakaharapin niya bukas ay naiiyak na siya.
Gumapang na nga siya ng husto para lang maitawid ang pag-aaral niya ng nursing noong college, hanggang sa makatapos at makapagtrabaho ay gumagapang pa rin siya.
Hay, buhay! Tahimik niyang sabi sa isip.
Lihim siyang nagpasalamat ng sa wakas ay marating niya ang huling kanto bago niya marating ang bahay nila.
Hay sa wakas! Sa loob-loob niya.
"P*tang in* ka talaga, Dana! Wala ka na ngang naitutulong sa pamilyang 'to, mag-aakyat ka pa ng dagdag na konsumisyon!"
Napahinto gulat dahil sa biglaang pagsigaw na iyon.
"Nakuuuu hayan na naman ang nanay mo, George ," komento ng isa sa mga tambay sa eskinitang dinaraanan niya.
Hindi siya kumibo.
Hindi na bago sa kanya ang gan'ong eksena. Sa katunayan, sa sobrang dalas niya ngang makita ang gan'on sila pagkabata, ay na-immune na siya.
Hindi na rin siya nakakaramdam ng hiya sa mga kapitbahay o nagdaraang nakakarinig dahil karaniwang tagpo na iyon dito sa kanila sa Tondo.
"Mukhang na-trouble na naman ang utol mo, George ," pangangantyaw naman ng isa pang tambay.
Hindi niya na lang ulit pinansin iyon dahil wala na siyang lakas para sumagot pa.
Walang kalatoy-latoy na inayos niya ang pagkakasukbit ng bag sa balikat niya tsaka nagpasyang tumuloy na sa paglakad.
Gaya nga ng sabi ng mga miron sa labas, inabutan niyang nagbabangayan ang nanay at nakatatanda niyang kapatid sa sala.
"Eh putang ina ka rin! Makamura't sumbat ka, akala mo naman ke ganda ng buhay na binigay mo sa'kin ah!" pasigaw na sagot din ng ate niya.
Hindi na niya ikinagulat ang paraan ng pananalita ng nakatatanda niyang kapatid sa nanay nila. Simula kasi pagkabata ay gan'on na talaga ito kung umasta, lalo na kapag napapagsabihan ng nanay nila.
Nabaling ang tingin niya sa bunso nilang si Keila na balewalang nakahilata sa sofa habang nagsi-cellphone. Para bang hindi nito alintana ang sigawan at murahan sa paligid nito.
Gaya niya ay nasanay na rin ito sa mga gan'ong tagpo.
Napabuntong hininga siya. Alam niyang hindi dapat, dahil hindi naman tama ang asal ng nanay at ate niya, pero ano bang magagawa niya?
Nagtanggal siya ng sapatos at tahimik na lumapit sa nanay niya para sana magmano, pero agad na winaksi nito ang kamay.
"Wag mo nga akong mamano-manohan, Georgina! Isa ka pa!" Galit nitong baling sa kanya habang dinuduro pa siya.
"IIang taon ka nang tapos, ni daster na punit hindi mo ako mabilhan! Sayang ang lahat ng paghihirap ko sa paglalaba para lang may maipambayad ka sa eskwelahan mong bulok!" Dagdag pa nito.
Minabuti niyang huwag nang sumagot. Hindi rin iyon ang unang beses na sinumbatan siya ng nanay niya. Ilang beses na rin niyang sinubukang ipaliwanag rito ang sitwasyon ng mga nurse sa Pilipinas, pero hindi maganda ang naging resulta ng mga pagkakataong iyon. Kaya ngayon ay alam niyang pinakamainam na huwag na lang kumibo.
"Hu-wow! Kung maka-'hirap ka naman sa paglalaba' 'kala mo naman ikaw ang nagpaaral dito kay George ! Magkano binigay mo? Three hundred??? O baka nga isang daan lang? Kasi pinansugal mo pa 'yong iba?!" singit ng ate niya ng may pang-uuyam.
Bago niya pa mapigilan ang kapatid ay mabilis na pinatikim na ito ng nanay nila ng sampal.
Pati siya ay nagulat.
Kita niya ang panginginig ng ate niya sa galit nang muli nitong balingan ang nanay nila, habang sapo nito ang nasaktang pisngi.
"Sakit marinig ng katotohanan ano? Di bale, at least ngayon alam mo na. Kung ano man ang narating ni George , dahil sa sarili niyang pagsisikap 'yon. Wala kang ambag d'on!" pasigaw na sumbat ng kapatid niya.
"Ate, tama na," pigil niya rito pero hindi siya nito pinansin.
"Alam mo kung tutuusin? Pare-pareho lang naman tayong palamunin ni George dito e. Tapos may gana kang imanumbat na ni daster hindi ka niya mabilhan? Bakit ikaw? Ano bang iniambag mo sa buhay nitong si Georgina?"
"Ate,"
Patuloy ang pag awat niya rito, pero pilit pa rin nitong dinuduro ang nanay nila.
"Para sabihin ko sa'yo, kung hindi pa ikaw ang umire sa amin sa bwiset sa mundong 'to, hindi ka karapat-dapat na tawaging nanay! Dahil kahit kailan, walang nanay ang matitiis iwanan ang mga anak niya na kumakalam ang mga sikmura habang siya ,'ayon! maghapon, magdamag na nakikipagsugalan at inuman na hindi iniisip na may mga anak kang buong araw hindi kumain!"
Sandaling huminto ang ate niya. Unti-unting napalitan ng paghagulhol ang sangil nito.
"Naghihintay sa pag-uwi mo. Buong araw na pinagdasal na sana , pag-uwi mo may dala kang panlaman tiyan, pero ano? Imbes na pagkain ang dala mo, palo, sampal, mura, bulyaw ang inaabot namin dahil lang natalo ka sa sugal," dagdag pa ng ate niya sa mas mahinang boses pero ramdam na ramdam niya ang hinanakit nito.
Hindi niya rin tuloy maiwasang hindi maalala ang mga panahong nabanggit ng kapatid. Batang musmos pa lang siya noon, at gan'on din ito. Apat na taon lang ang tanda nito sa kanya. Samantalang anim na taon naman ang pagitan nila ni Keila na siyang bunso sa kanilang tatlong magkakapatid.
Hindi kumibo ang nanay nila. Nagkaroon ng sandaling katahimikan.
Gaya ng ate niya, marami din siyang tanong noon, at magpasa-hanggang ngayon. Pero never siyang nanumbat. Ano pa man ang sitwasyong mayroon sila, pamilya pa rin sila. At gagawin niya ang lahat para sa pamilya niya.
"Ipinaalam ko sa'yo ang tungkol sa batang 'to dahil gusto ko lang malaman mo, na kahit anong mangyari, hinding-hindi ko ipararanas sa kanya ang mga pinaranas mo sa amin noon," maya maya ay basag ng ate niya sa katahimik.
Ilang segundo ang nagdaan bago niya napagtanto ang mga sinabi nito.
Nanlaki ang mga mata niya at mula rito sa ay bumaba ang tingin niya sa impis pa rin nitong tiyan.
Ang dami niya ulit tanong pero hindi niya alam kung alin ang uunahin niya itanong sa kapatid. Biglang nabaling ang interes niya sa biglaang rebelasyon nito, at nawala na sa kanina'y pagbabalik-tanaw nito sa malungkot nilang kabataan.
Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa ate niya at sa tiyan ng ate niya.
Tiningnan lang siya nito pero wala naman sinabi. Sa halip ay muli nitong binalingan ng tingin ang nanay nila atsaka pinukol ito ng matalim na tingin.
Akala niya ay may sasabihin pa ang ate niya pero tinalikdan na nito ang ina at tuloy-tuloy na lumabas ng pintuan.
Ni hindi niya na nagawang piligan ang kapatid dahil sa mabibilis nitong hakbang.
"Akala mo ba gan'on kadaling maging mabuting ina?! Yabang-yabang mo...tingnan natin kung mapanindigan mo 'yang pagiging mabuting ina mo kapag sinampal ka na ng kahirapan!" pahabol na sigaw ng nanay nila.
Binalingan niya ito para sana dito humingi ng paliwanag, pero sinamaan lang siya nito ng tingin 'tsaka sunod na lumabas rin ng bahay.
Naiwan siyang nakatayo at nakatingin sa nakabukas na pinto kung saan magkahiwalay na lumabas ang ate at nanay niya.
Laglag ang balikat na napabuntong hininga na lang siya. Kung tama ang intindi niya, buntis ang ate niya. Sa ngayon ay hindi niya pa alam ang dapat niyang maramdaman.
Maya maya ay padabog na tumayo si Keila. Muntik na niyang makalimutan na nand'on din nga pala ito. Mabibigat ang hakbang nito habang hindi napapatid ang tingin nito sa hawak na cellphone.
Nilampasan lang siya nito at tinumbok din ang direksyon ng pinto.
"Uy, Keila, s'an ka pupunta?" pigil niya rito.
Tila iritado pa siya nitong nilingon.
"Lalabas, bakit?"
"Gabi na ah," komento niya.
"Paki mo ba? Nanay kita?" pabalang nitong sagot sabay inirapan siya.
Tuloy-tuloy itong lumabas bago pa man siya makasagot.
Wala na siyang nagawa kung di ang muling mapabuntong-hininga.
Mahal niya ang pamilya niya at handa siyang gawin ang lahat para sa mga ito. Pero minsan, hindi niya maiwasang hindi itanong kung bakit palagi na lang mahirap.
Minabuti niyang pumanhik na lang sa taas at ipahinga ang pagod niyang katawan dahil bukas ay panibago na naman laban ang kahaharapan niya.
-