CHAPTER 5

1572 Words
Chapter Five Balang Araw I was starving. Ilang oras na simula ng umalis ang bus mula sa Del Pilar pero hanggang ngayon ay hindi pa rin kami nakakarating sa Maynila. Namamaga pa rin ang mga mata ko dahil sa buong byaheng pag-iyak. Mabigat pa rin sa dibdib kong umalis sa Del Pilar pero iyon ang kailangan para tumigil ang pamilya ni Wade sa panggigipit sa pamilya ko. Ako lang naman ang kinagagalitan nila kaya ako na lang rin ang aalis at hindi na kailanman magpapakita para sa ikatatahimik ng lahat. Sinubukan kong ipikit ang mga mata at magpahinga. Sa muling pagdilat ko ay umaandar pa rin ang bus pero ng makita ang ilang signage sa labas na nasa Cubao na ay bumaba na rin ako sa sumunod na bus stop. Isang malalim na buntong hininga ang kumawala sa aking bibig. Kahit na kasi buo na ang loob kong paglayo ay hindi ko pa rin alam kung saan ako pupunta. I only have twenty thousand pesos on my account and it was all from Wade. He opened an account for me on our first monthsary at kahit na hindi ko iyon tinanggap ay pinilit niyang ibigay sa akin. Kasagsagan iyon ng ilang pinansiyal na problemang nabanggit ko sa kanya kaya iyon ang ibinigay niya sa aking regalo. Hindi ko naman nagastos at wala sanang balak gastusin pero dahil walang-wala na ako ay wala na akong choice. Kahit paano ay nagkaroon ng lakas ng loob ang puso ko. Even though he was gone, siya pa rin ang knight and shining armor ko. He's still my lucky charm. Nagpatuloy lang ako sa paglalakad habang mahigpit ang kapit sa back pack na dala. Mahal ang mabuhay sa Manila dahil hindi gaya sa probinsiya namin, kapag gutom kami ay marami kaming mga pananim na gulay na pwedeng kainin. Libre rin ang ulam na isda at iba pang galing sa dagat dahil kay Papa. Ngayong ako na ang bubuhay sa sarili ko, kailangan ko munang itigil ang ambisyong makapag-aral at maging ganap na guro sa hinaharap. Ngayon, ang tanging dapat kong gawin ay maghanap kaagad ng matitirhan at mapapasukang trabaho. Nag-umpisa na ako sa pagtatanong-tanong pero lahat ng mga for rent na apartment ay mahal at tiyak na mauubos kaagad ang pera ko. Sinuyod ko ang lahat ng mga karinderya para maghanap ng trabaho pero dahil marami silang kailangang dokumento ay nabigo ako. "Ilang taon ka na ba?" "Eighteen po," pagsisinungaling ko dahil alam kong iyon ang legal na edad para makapag-trabaho. Naningkit ang mga mata ng matabang babaeng nakadilaw na apron habang sinisipat ang aking kabuuan. "Bakit kailangan mo ng trabaho? Baka nanakawan mo lang ako." "Naku hindi po! Hindi po ako magnanakaw! Galing po ako sa probinsiya at lumuwas para maghanap ng trabaho." "Probinsiya?" muling umangat at bumaba ang mga mata niya sa aking kabuuan. "Opo." "Hindi ka mukhang galing sa probinsiya. Maputi ang kutis mo, maganda ka at mukhang anak mayaman." "Nagkakamali po kayo. Mahirap lang po kami at kailangan ko po talaga ng trabaho ngayon." nagmamadali kong dinukot sa bulsa ng bag ko ang aking school ID. Sa lahat kasi ng dokumentong pagkakakilanlan ay iyon lang ang mayroon ako. Inilayo niya sa mata ang ID ko para mas matignan ng maayos. "Anastasia Roza, pang mayaman ang pangalan mo. Hindi ba peke 'to? Baka pinagawa mo lang 'to sa recto." Mabilis kong pinabulaanan iyon. "Hindi po ako nagsisinungaling. Kararating ko lang po ngayong araw dito sa Manila at sa Cubao pa po ako galing. Ilang oras po akong naglakad at sumakay ng bus hanggang sa makarating naman ako dito sa Pasay. Wala po akong kilala o kamag-anak na narito at wala pa rin po akong matutuluyan dahil inuna ko ang paghahanap ng trabaho. Sige na po. Marunong po ako sa paglilinis at maging sa pagluluto. Makakatulong po ako rito sa karinderya ninyo. Madali rin po akong matuto. Kahit ano po ay gagawin ko." Ilang ulit pang nagpabalik-balik ang mga mata niya sa akin at sa hawak na ID, pero sa huli ay hindi niya ako tinanggap. Bigo akong umalis at dahil gabi na ay naisip kong maghanap muna ako ng tutuluyan. "Ineng! Ineng!" ilang ulit ko iyong narinig hanggang sa maramdaman ko na ang paghawak ng kung sino sa aking braso. "Sorry! Naku, nagulat yata kita!" anang isang matandang babaeng naka-daster at mukhang ako talaga ang sadya. "Okay lang po." "Narinig ko ang usapan ninyo ni ulikbang Melba, naghahanap ka ng mapapasukang trabaho?" Agad akong napangiti at napatango-tango dahil sa tanong niya. "Opo! Kailangang-kailangan ko po ng trabaho at kahit anong oras po ay pwede na akong magsimula. Kahit ano po basta kikita po ako ng pera." "Taga probinsiya kang talaga?" Muli akong tumango-tango. Siya naman ang napangiti pagkatapos ay isinukbit ang kamay sa aking braso. Hinayaan ko siyang dalhin ako sa kung saan. "Maganda kang bata at tama si Melba, hindi ka mukhang galing sa hirap na pamilya." "Pero iyon po ang totoo. Saan po ba tayo pupunta?" "Eh hindi ba't sabi mo'y wala ka pang matutuluyan dito sa Maynila? Isasama na kita sa bahay para naman makapagpahinga ka ngayong gabi." Kahit na masaya ako sa offer niya ay hindi ko pa rin maiwasang kabahan. Mukhang napansin niya naman iyon kaya muli siyang nagsalita. "Ako si Salve, pwede ring Nanay Salve ang itawag mo sa akin. Marami akong alam na trabaho at tutulungan kita sa paghahanap bukas. Sa ngayon ay kukupkopin muna kita. Delikado ang lugar na ito lalo na sa gaya mong mainit sa mata lalo na sa mga kalalakihan." Ayaw ko sanang magtiwala kaagad pero agad nawala ang mga pagdududa ko nang sa pagliko namin sa isang eskinita ay sinalubong siya ng tatlong mga bata at agad na niyakap. "Nay Salve, ano pong pasalubong ninyo?" tanong ng isang batang babaeng nagniningning pa ang mga mata. Binitiwan niya ako at agad na kinarga ang bata. "Yolly, galing lang sa karinderya si Nanay Salve, hindi naman ako galing sa mall. Tignan mo nga at naka-daster lang ako. Kumain lang ako doon dahil walang magluluto sa akin ng pagkain ngayon," nilingon niya ako. "Sunod ka lang sa akin. Ano nga ulit ang pangalan mo?" "Anastasia po. Tasia na lang po." "Oo nga pala. Tasia sunod ka lang." Nagpatuloy sa pangungulit ng mga bata. Marami kaming mga nadaanang mga barong-barong na bahay. Mga tambay sa lugar na halos mabali ang leeg sa pagsunod ng tingin sa akin. "Nay Salve, may bago na naman kayong apo? Ipakilala niyo naman kami diyan!" "Tarantado tigilan mo at bagong salta lang 'yan. Hindi sanay sa pagmumukha mong hindi mawari." Napayuko ako ng magtawanan ang grupo ng mga lalaking nadaanan namin dahil sa patutsada ng matanda. Binitiwan niya si Yolly para muli akong hawakan. Ilang minuto pa ay nakarating na kami sa kanyang tahanan. Maliit lang iyon. Kahoy ang mga dingding, ang sahig ay may makulay na bulaklaking linoleum kamukha nang kalahati ng dingding. Kahit na iisa lang ang kwarto gaya ng sabi niya at nasa iisang lugar na ang lahat ay malinis at maayos naman. Inilapag ko ang aking mga gamit sa kahoy na upuan at saka naupo. Si Nanay Salve naman ay nagtungo sa kusina para kumuha ng tubig. "Pasensiya ka na at maliit lang ang bahay ko." "Ayos lang po. Hindi rin naman po malaki ang bahay namin sa probinsiya." "Nag-aaral ka pa ba?" "Opo pero dahil kailangan po ng pera ay kinailangan ko pong lumuwas." "Gano'n ba," bumalik siya dala na ang tubig na hinayaan akong ubusin. "Ako lang naman kasi mag-isa rito. Ang mga anak ko ay may kanya-kanya nang pamilya at ang asawa ko naman ay matagal ng patay. Kung gusto mo, para hindi ka na maghahanap pa ng uupahang bahay, dito ka na lang tumira. Kaysa mag-renta ka, kahit abutan mo na lang ako ng magkano para pangkain nating dalawa. Marami akong alam na trabahong pwede mong pasukan at tiyak na bukas na bukas rin ay makakahanap ka. Sasamahan kita." "Talaga po?" hindi ko na mapigilang maging masaya dahil sa mga narinig. Hindi ko pa man siya lubos na kilala ay naging palagay na kaagad ang loob ko sa kanya. Isa pa, desperada na rin naman ako at mas mabuti pang sumang-ayon na lang sa kanya kaysa sa magpalaboy. Binigyan niya ako ng mga unan at kumot na gagamitin ko sa pagtulog. Mayroon rin siyang lumang banig na ibinigay para ilatag ko sa sahig. Nakaligo at nakahiga na ako, pero hindi pa rin ako madalaw ng antok. Kahit na ramdam ko ang pagod sa buong araw ay hindi ko magawang makatulog. Maya-maya pa ay muli kong naramdaman ang pagtulo ng mga luha sa aking mata. Niyakap ko ang isang unan at doon inilagay ang bibig para hindi kumawala ang mga hikbi. I missed everyone. Ngayon lang ako tuluyang nalayo sa mga magulang ko at tiyak na nag-aalala na ang mga iyon sa akin, pero anong magagawa ko? Sana nga lang ay maintindihan nila ang laman ng sulat na iniwan ko. Sana balang araw ay mapatawad nila ako sa mga desisyon ko... At sana balang araw ay mapatawad ko rin ang sarili ko sa lahat ng mga nangyaring dahilan ng mabilis na pagbabago ngayon ng buhay ko. ~~~~~~~~~~~~ What do you think about this story so far? Let me know in the comment section below. :) ~~ Follow all my social media accounts if you want to be updated. Facebook Page : Ceng Crdva Facebook Group : CengCrdva Wp Instagram : CengCrdva/Cengseries Twitter : CengCrdva
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD