Chapter 03

1191 Words
Dala ang pag-asa na sana walang depekto ang binili ko, umuwi na ako ng bahay. Bumulaga pa sa akin ang nagmamakdol kong kapatid dahil hindi raw ako nagdala ng pasalubong. “Tigil-tigilan mo nga ako sa kaartehang `yan, Janisa. Kita mong wala pa akong trabaho `di ba?” naiinis kong bitaw. Hinawi ko siya sa pintuan upang makadaan ako. “Pero nangako ka kanina!” bulyaw niya. “Kaya ka nga binigyan ng lilibuhin—” “Binigyan ako ng pera para makabili ng cellphone. Ano bang hindi mo naiintindihan?” “Hah!” singhal niya. “Dalawang libo? Makakabili ba ng phone `yon? Baka nga pipitsugin lang ang afford no’n.” Wala sana akong balak na ipakita `to. Ngunit dahil isa siyang dakilang makulit, napilitan akong dukutin sa bulsa ko ang cellphone sabay pakita sa kaniya. Kasabay ng pagmuwestra ko nito, unti-unting namilog ang mga mata niya. Umirap ako at nilagpasan siya. “Woah! Oppo ba `yan Kuya? Patingin nga!” habol niya sa likod ko. Sa halip na huminto ay dire-diretso akong naglakad patungong kusina. Hinagilap ko kung anong ulam ang nakahain sa hapag at nakita kong gulay lang iyon; sinabawan. Patuya akong tumawa habang kumukuha ng plato’t kutsara sa pantry. Nasa likod ko pa rin siya, parang buntot na sunod nang sunod. May halong yabang ang boses ko. “Pipitsugin kamo?” “Oppo for two thousand? Hindi ako maniniwala kung sasabihin mong brand new `yan. Second hand!” “At least hindi pipitsugin. Huwag mong igaya sa keypad mo—” “Anong keypad? Hoy, touch screen na ang phone ko `no! “Touch screen pero keypad sa liit. Huwag ako.” Madalas kaming ganito ng kapatid ko. Wala yatang araw na hindi ko `yan maaasar at mapapaiyak. Pati nga sina Mama ay nasanay na lang. Ang tanda-tanda ko na raw para mang-inis pero ano ba kasing iba kong magagawa kung siya at siya lang din ang nakikita ko rito araw-araw? Si Papa madalas kila Tito para manood ng sabong. Ilang lakad lang ang layo mula rito kaya hindi naman pinagbabawalan ni Mama. Graduate ako mula sa isang State University sa Bulacan. May kalayuan iyon dito kaya kinailangan kong mag-rent ng dorm noon. Sa sobrang seryoso ko sa pag-aral, kaunti lang yata ang naging kaibigan ko. Iyong iba ngayon, hindi na ako naalala. Wala naman kasi akong pakialam sa mga koneksyon dati. Basta lang akong tumutok sa acads hanggang sa namalayan kong nakapagtapos na pala ako. Ngayon, ngayong nangangapa na ako kung paano magsimula, hindi ko malaman kung sino ang lalapitan ko. Dahil bukod sa bihira lang ako makipagkaibigan noong college years ko, wala rin akong masyadong close dito sa lugar namin. Hindi dahil karamihan dito’y `di nagsipagtapos at piniling magtrabaho sa murang edad. Karamihan sa mga ka-edad ko ay lumalayo sa’kin dahil yata naiilang. Minsan ko nang tinanong si Mama kung bakit. At doon ko napag-alamang mataas daw ang tingin sa akin ng mga tao rito, tipong malayo ang mararating sa buhay. Nagulat ako, sa totoo lang. Hindi ko inasahan na manliliit sila sa mga sarili nila dahil lang sa isang edukadong nakapagtapos ngunit wala pa namang napapatunayan sa buhay. Hindi ganito ang klase ng buhay na inasahan ko. Mula sa pressure, disappointments, at pagiging academic achiever—hindi. Sa pagkatulala, napabalik na lamang ako ulirat dahil inagaw ni Janisa ang cellphone na pinagmamayabang ko. Sa bilis niya ay nakalayo agad siya at talagang tumakbo pa patungo sa kwarto. Hinayaan ko na lang. Total lowbat naman, sasayangin ko lang ang pagod ko. “Ahay! Kuya lowbat!” sigaw niya mula sa loob ng pinasukang kwarto. Hindi na ako sumagot. Bahala siya kung anong gagawin niya. Mag-isa na akong kumain dito sa kusina at ninamnam ang ulam na magbibigay lakas pa sa akin sa mga susunod na oras. Bigla namang lumabas si Mama sa silid niya, humihikab pa lalo’t bagong gising. Namumuti na ang buhok niya sa katandaan. Kasabay ng pangungulubot ng balat, bahagya na ring nangingitim ang talukap ng kaniyang mata. Natunaw na lang ang puso ko nang sumilay ang ngiti niya— ang ngiti na nagbigay motibasyon sa akin sa mga araw na hirap ako noon sa pag-aaral. Wala na yatang hihigit pa sa pagmamahal ng isang magulang. Kung may higit man akong pasasalamatan kung bakit nakapagtapos ako ng Entrepreneurship, sila iyon ni Papa; ang suporta at pagsisikap nila. “Anak, nakauwi ka na pala. Anong balita? Natanggap ka ba?” Parang pinunit ang puso ko sa narinig. Inasahan ko na ang kaniyang tanong ngunit hindi ako ang nasasaktan para sa sarili ko dahil sa magiging sagot nito. Nasasaktan ako para sa kaniya at kay Papa. Pero hindi pa naman sigurado kung hindi ako qualified. May pag-asa pa naman at iyon ang dapat kong panghawakan, sa ngayon. Ibinaba ko ang hawak na kutsara. Hinila niya ang upuan sa tapat ko at doon pumuwesto. Umiling ako. “Mukhang kailangan pa po natin maghintay nang ilang araw. Sikat po kasi ang kompanya,” pagsisinungaling ko dahil start-up pa lang ang management na ni-reach-out ko. Kadalasan kasi, kapag start-up, sila iyong mas madaling pakiusapan sa trabaho. Hindi lang ganoon kataas ang magiging sweldo sa dahilang nagsisimula pa lang ito. Oo, nakakakonsensyang magsinungaling para lang magmukhang okay ang lahat. Ngunit sa hinaba-haba ng panahong ginugol nila para magsakrispisyo sa kinabukasan ko, nakakatakot magbalita ng hindi maganda. Pumungay ang kaniyang mga mata, dahilan kung bakit mas nakitaan ko ng sinseridad ang kaniyang ngiti. Ganito na siya mula noong magsimula na akong maghanap ng mapapasukan. Kung mapapalitan iyon ng luha dahil sa pagkadismaya, iyon na siguro ang isa sa pinakamasakit na masasaksihan ko. Mahal ko sila nang higit pa sa pagpapahalagang nilaan ko sa sarili ko. Sobra. “Hala! Kuya!” Sigaw ni Janisa ang pumutol sa mga sandaling yumuyurak sa’kin. Hindi ko na lang malaman kung anong gagawin ko nang lumabas siya ng kwarto at ipakita ang umaandar na cellphone. Nasa kondisyon nga iyon gaya ng sinabi ng kundoktor. Ngunit ang nakapagtataka, bakit ganyan siya kung makabulyaw? Lumapit siya sa akin at nilapag sa lamesa ang phone. Nahagip naman ng paningin ko si Mama na sumusunod ang balintataw sa isang bagay na bago sa mata niya. Tumikhim ako nang iniiwas ang tingin sa cellphone. Nang lumingon ako kay Janisa, para siyang nakakita ng multo. “Anong meron? Bakit?” usisa ko. “Sigurado ka bang binili mo `yan, Kuya?” “Oo naman—” “Hindi ako naniniwala! Ninakaw mo `yan!” “H-huh?” Ibinaba ko ang tingin ko sa nakapatay na phone. Na-recharge naman iyon kahit kaunti kaya may buhay na ang baterya. Nang pindutin ko ang power button nito, doon ko natanto kung anong basehan niya sa mga sinabi. Dahil sa puntong ito, bumungad ang lockscreen na hindi mare-redirect sa home screen dahil may password. At isang bagay ang mas pumukaw sa atensyon ko— ang wallpaper. Mirror shot iyon na kalahati lang ng katawan ang makikita, mula white rubber shoes, pink circle skirt, at bewang kung saan makikitang exposed ang porselana nitong kutis. Doon nag-sink-in na hindi pagmamay-ari ng kunduktor ang binili ko. Pagmamay-ari ito ng isang babaeng hindi ko makita sa wallpaper ang mukha!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD