Chapter 02

1320 Words
Hindi na bago sa akin ang nangyari kanina. Kahit noon pa mang college student ako, may mga menor nang lumalapit para lang magpakita ng motibo. Kaunti na nga lang ay magtataka na ako kung ano bang mayroon sa’kin. Kung tutuusin, hindi naman ako kaguwapuhan. Isa lang din ako sa tipikal na mukha ng mga morenong pilipino. Habang umuusad ang sinasakyan kong tricycle sa kalsadang maingay, napansin kong may maliit na salaming nakasabit sa ceiling part ng side car. Binali ko ang aking kilay upang usisain kung may kakaiba ba sa mukha ko para maging interes ng babaeng iyon. Hindi ko gusto kung paano tumubo ang mga buhok ko sa kilay dahil malago iyon. May mumunti pang tubo ng balbas na ka-a-ahit ko lang noong isang araw kaya sa itsura kong ito, nagmumukha na akong matanda. Pitong taon pa ang aabutin bago ako maging trenta anyos. Ngunit ngayon pa lang, sa edad kong ito, ramdam na ramdam ko na ang bigat na ipinapataw sa’kin ng mga magulang ko. Akala kasi nila, kapag nakapagtapos na ako ay magiging instant mayaman na. Hindi nila alam na sa pagtatapos ng pag-aaral nagsisimula ang totoong laban ng buhay. Wala eh, wala kasing nakapagtapos sa side ni Mama. Mga maagang nagsipag-asawa kagaya ng mga kapatid ni Papa. Natatandaan ko pa nga noong graduation ko, todo ang celebrate ng mga kamag-anak ko sa amin. Talagang nag-renta pa ng catering service para lang magmukhang engrande. “Boss, ikaw ba `yong anak ni Justing?” tanong ng tricycle driver nang huminto ang sasakyan dahil sa traffic. Ang nakakainis, sakto pang lumitaw mula sa likod ng mga ulap ang araw. Lalo tuloy uminit. Hindi ako tumanggi, “Opo, ako nga.” “Kumusta na pala `yon? Magdadalawang buwan ko nang `di nakikita mula no’ng nagtapos ka ah?” tukoy niya kay Papa. Tumikhim ako saka napahimas sa noong pinupunan na ng pawis. “Nasa bahay lang po, maintenance.” “Oh? Anong nangyari?” “Pinagbabawal po kasi ng doctor magtrabaho. Hypertension po.” Isa pa ito sa mga problema ko mula noong inatake si Papa. Pinahinto na siya sa dating trabaho bilang kargador ng bigas sa palengke dahil hindi na raw maayos ang kondisyon. Nasa lahi na talaga nila ang pagiging high blood kaya hindi na kami nagulat pa. Kung may hindi man ako nagustuhan sa mga narinig sa kanila, iyon ay ang pagiging kampante nila dahil tapos na raw ako sa pag-aaral. Wala raw dapat na alalahanin dahil may susustento at may mag-aalaga sa kanila. Don’t get me wrong. Mahal ko ang mga magulang ko. Sila ang dahilan kung bakit sa loob ng lagpas labing dalawang taong pag-aaral ko, nakaraos ako nang hindi hirap. Sila iyong tipo na hindi ako pinayagang mag-sideline o mag-part time para makapag-focus ako. They provided every thing I needed as a student— mula sa financial hanggang sa moral support. Kaya ito… ang problema kong ito ay magiging problema rin nila. Aalalahanin din nila dahil marami na kaming kamag-anak na tumitingala sa amin. Ang sakit lang isipin na sa loob ng dalawang buwan kong pagtambay ay wala man lang akong magandang maibalita. Sa tuwing magtatanong sila, sinasabi ko na lang na busy pa sa dami ng applicants ang in-apply-an ko kaya nagtatagal. Paano na kung hindi na naman ako matatanggap? Saan ako pupulutin? Nang lumuwag na ang daloy ng trapiko, tuloy-tuloy nang umandar ang sasakyan. Dinukot ko ang aking bifold wallet sa bulsa nitong khaki shorts, saka inusisa kung sapat ba ang natitira kong pera para bumili ng cellphone at pasalubong. Tuluyan na kasing nasira `yong ginagamit ko. Dala rin siguro ng kalumaan. Wala na akong balak pang ipagawa iyon dahil mas mahal pa magpaayos kaysa bumili ng bago. Dalawang libo. Kasya kaya `to? Pinahinto ko sa phone shop ang driver. Pagkabayad ay bumaba na ako at naglakad papasok sa mismong shop na hindi naman ganoon kalakihan. Kahilera lang din ito ng iba pang rumirenta sa gilid ng highway. Huminto na ako saka pinakatitigan ang mga presyo ng maaaring sumakto sa budget ko. Oppo, Samsung, Vivo, Realme… Kung may pinakamurang model man akong napapansin dito, kukulangin pa ako ng halos tatlong libo. Ayaw ko namang patulan `yong hindi kalakihan ang storage. Wala kasi akong ibang gadget na maaasahan sa bahay kung papalya rin `to kaagad. “Ito sir, baka gusto mo?” alok sa akin ng tindera. Iminuwestra niya ang tig-one thousand five hundred na hindi pa umaabot ng four gigabytes ang internal storage. Sinusubukan pa niya akong i-salestalk para lang mabili ko. Sa huli ay tinanggihan ko dahil naging cellphone na `yan ng kapatid ko— wala pang isang linngo ay nag-h-hang na. Bigo akong umalis ng phone shop at naglakad sa gilid ng bangketa. May gusto sana ako kaso higit pa sa limang libo ang magagastos. Ayaw ko namang mangutang sa kakilala ko dahil nakakahiya nang sagarin. Ang hirap `pag walang trabaho kaya minsan, nakakahiya na maging tambay. Liliko na sana ako sa isang bakery ngunit may sumigaw sa likod ko. Akala ko’y hindi ako dahil hindi ko naman pangalan ang binabanggit niya. Boy lang nang boy kaya malay kong ako? Huminto ito sa gilid ko, sa mismong tapat ng poste ng kuryente kung saan wala ni kahit na anong silong na nakapailalim. Good thing na kumulimlim ang paligid sa muling pagtago ng araw sa ulap. “Boy, sandali. Pwede ba kitang makausap?” Nang lumingon ako sa kaniya, kasuotan kaagad niya ang napansin ko. Itim ang kaniyang slacks at naka-white polo kung saan may green logo ng transit sa mismong bulsa. Isang trabaho kaagad ang pumasok sa isip ko nang makita ito. Kundoktor siya. Nagtaka ako bigla. Anong sadya niya sa kagaya ko? Hindi ko siya kilala. “Ano po?” magalang kong tanong dahil halatang mas matanda siya nang maraming taon. Hapong hapo siya sa mabilis na habol ng hininga, siguro tinakbo ang daan para lang sundan ako rito. Hindi na siya nag-alangan pa upang dumukot sa bulsa ng kaniyang slacks. May kung anong umintriga sa isip ko nang makitang cellphone iyon. Isang android phone… “Kasabay kita kanina sa shop,” aniya saka huminto upang humugot ng hininga. “Balak ko sana `tong ibenta ro’n kaya lang wala na silang budget para tanggapin `to. Six thousand sana ang presyo ko pero two thousand na lang sa’yo. `Yon na lang ang pera mo, `di ba?” Base sa tanong niya, paniguradong narinig niya ang usapan namin ng tindera kanina. Pero nakapagtataka lang, bakit niya ibebenta ang cellphone na `to sa murang halaga at bakit halos apat na libo ang tinapyas niya para lang makuha na ito? Inabot niya sa akin ang phone para raw mausisa ko. Itim ang case nito at walang gasgas ang screen. Sa tantya ko ay nasa six inches ito. Nang tingnan ko ang logo sa likod, nabasa ko ang Oppo. “Bakit hindi gumagana?” tanong ko nang hindi ito bumukas pagkapindot ko sa power button. “Na-lowbat kasi. Pero promise, gumagana pa `yan.” “Bakit mo `to ibebenta kung nasa maayos namang kondisyon?” “A-ano kasi… nagamit ko sa sabong ang pera ng driver. Siguradong sisibakin ako sa trabaho kung… kung malalaman niya `to…” Napalunok ako. Mukha naman kasi talagang bago ang phone. Kung bibilhin ko `to at may itinatago palang sira, ako pa ang magiging dehado. Nag-isip-isip ako nang ilang segundo. Nais ko sanang tanggihan pero gusto ko rin kasi ang brand. Sayang naman kung palalampasin ko. Mura na ang alok niya. Napasinghap na lang ako. Sa ilang sandali pa’y nagpasya na akong ibulsa ang cellphone. “Patingin ng I.D. mo,” utos ko na kaagad naman niyang ipinakita. Kinabisado ko ang pangalan niya at address, dahilan kung bakit nalaman kong hindi siya taga-Manila, kundi taga-Bulacan. “S-salamat!” maluha-luha niyang sabi pagkaabot na pagkaabot ko ng pera. Kaagad siyang tumalikod at tumungo sa direksyon ng terminal kung saan ko siya maaaring makita sakali mang may depekto ang binenta niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD