YU'ER
"Yu'er, sino iyan? Nasaan ka ngayon?" tanong ni Rio sa kabilang linya ngunit wala naman sa kanya ang pokus ko. Napatingin ako sa mga babaeng palapit sa akin at inilayo ang cellphone sa aking tainga.
"Orb stealer? Do you have any evidence para pagbintangan ako?" Kumunot ang noo ng babaeng nagsalita kanina. Hindi yata nito aakalain na sasagutin ko siya. "Alam mo ba na pwede kitang ipakulong dahil sa paratang mo na 'yan?"
"You! Sino pa ba ang magbabalak na kumuha no'n? Hindi ba ikaw lang naman ang may dahilan dahil balak mong paibigin ang lalaking hindi mo makuha kahit ilang taon mo nang hinahabol at kahit ibigay mo pa sa kanya ang katawan mo ay hindi niya pa rin iyon tutukain? Kawawa ka naman, slut—"
Hindi ko alam kung paano nangyari na nakalapit kaagad ako sa kanila. Ang natatandaan ko lang ay ang pagtaas ng aking kamay at pagdapo no'n sa kanyang mukha para hindi na niya matapos ang kanyang sasabihin.
Nanlalaki ang kanyang mga mata habang nakatingin sa akin. Ngumisi ako rito at umatras ng kaunti para matitigan siya nang maayos.
"Uulitin ko para naman malaman mo na mali ang magbintang. Miss, kung wala kang ebidensyang hawak ay hindi ka pwedeng magbitiw ng mga salitang pwedeng gamitin ng kabila para kasuhan ka. Naiintindihan mo ba?"
"Totoo naman—"
"Grace, stop!" kalmadong sita ng babaeng kasama nito. Lumipat ang aking tingin sa kanya at sinuri ang kabuuan nito. "I'm sorry, Yu'er, medyo stress lang ang lahat dahil sa nanawalang orb. Pagpasensyahan mo na itong si Grace kung hindi niya mapigil ang kanyang bibig."
Tiningnan ko ang aking kamay na ginamit sa pagsampal sa tinatawag niyang Grace at tinanguan ito. "Okay lang naman lalo na at nasampal ko na rin naman siya."
"Ikaw—"
"Grace," muling tawag ng babae na nakapagpahinto rito.
Ngumisi ako at tiningnan siya muli. "Good doggy, makinig ka sa amo mo, ha? Huwag maglilikot at tatahol kaagad sa mga tao. Okay?"
Nakagat ko ang aking ibabang labi para pigilan ang aking tawa nang makita ang pamumula ng kanyang mukha.
"I need to go." Hindi ko na sila hinayaan na makapagsalita pa at naglakad na palayo sa mga 'to.
Napatigil ako nang maalala si Rio na tumatawag kanina. Nakaginhawa lang ako nang maluwag nang makita na pinatay na nito ang tawag.
Kakausapin ko naman talaga siya dahil gusto kong malinawan. Pero hindi na muna ngayon dahil baka mas lalo akong magdamdam kapag hindi sumang-ayon sa gusto ko ang mga sasabihin nito.
Muli kong ibinalik ang cellphone ko sa aking bulsa at pumasok na sa loob. Namamangha ako sa kabuuan ng lugar, sa totoo lang sanay na naman talaga ako na makakita nang magandang lugar. Nakatira ako sa malaking mansyon noong nasa totoong mundo pa ako. Ang malaking space na makikita rin sa labas ay napagmasdan ko na rin.
Pero ngayon lang ako nakakita nang ganitong lugar, tila ba kumikinang ang kabuuan no'n. Siguro dahil na rin mga witches ang nakatira roon at may kakayahan silang pagandahin ang bawat mahahawakan nila.
"Miss, mag-isa ka lang ba?" Napalingon ako sa taong nagsasalita. Ang gwapo nito sa suot niyang tuxedo at maayos na pagkakatupi ng buhok. "Miss?"
Ilang beses akong napakisap-mata at inilingan ito. Nabighani na yata ako ng magandang mukha niya. "I'm sorry. Nagulat lang ako sa iyong pagdating at biglaang pagtanong. Anyway, kasama ko ang mga magulang ko nagkahiwalay lang kami ngayon."
"I'm Red, you are?"
Ilang minuto rin na nanatili ang aking mga mata sa nakalahad niyang kamay bago ko inabot iyon. "Yu'er," sagot ko naman kaagad sa kanya.
Ang akward nang pag-uusap namin sa totoo lang. Parang gusto ko itong layasan kaagad pero parang nakakahiya naman kapag ginawa ko iyon.
"Nagtra-trabaho ka na ba?" tanong ko sa kanya para mabasag ang katahimikan na namamagitan sa aming dalawa.
Tiningnan niya ang kanyang sarili bago tumango. "Oo, pero hindi pa naman ako matanda. Fresh graduate pa lang ako swerte lang na nakapasok ako kaagad sa trabaho."
Malakas akong natawa dahil sa pagka-defensive nito. Wala naman akong sinabing iba pero kung makarason ito tila ba ay nasa harapan ito ng judge.
"Mas maganda ka kapag tumatawa." nakangiti niyang saad. Uminit ang aking pisngi kaya kaagad ko itong hinawakan.
"Salamat, Red. Wala ka bang ibang gagawin?" Umiling naman siya at inilahad sa akin ang wine na dala nito, ngunit kaagad ko itong inilingan bawal iyon sa akin. "Pasensya na pero hindi kasi ako umiinom ng alak."
Tumango siya at inisang lagok iyon bago inilagay sa mesang nasa likuran ko. "Yu'er, babalik na muna ako sa table ko dahil may kailangan akong gawin bago magsimula ang event."
"Sige, salamat sa pakikipag-usap sa akin." Tinapik nito ang aking balikat bago naglakad palayo sa akin. Sinundan ko muna siya ng tingin bago muling naglakad para libutin ang kabuuan ng lugar.
Madilim ang hallway na napasukan ko kaya aatras na sana ako baka restricted iyon at managot pa ako nang may narinig akong nag-uusap. Hindi ko iyon binaliwala dahil narinig ko ang pangalan ko na sinasabi nila.
"Sa tingin ko talaga si Yu'er ang may gawa no'n!" Napabuntong-hininga ako at kinuha ang cellphone ko para i-record ang pangyayaring iyon. "Magnanakaw talaga iyon atsaka siya lang ang may rason na kunin ang orb."
"May rason man siya o wala ay hindi pa rin tayo pwedeng mambintang, Grace! Hindi mo ba narinig ang sinabi ng babaeng iyon kanina?"
"Naniniwala ka naman doon na kakasuhan niya tayo? Mag-aaksaya ba siya ng oras at pera para lang sa bagay na ito," natatawang saad niya.
"Sa sobrang yaman ng babaeng iyon hindi imposible na makasuhan niya tayo. Kaya itikom mo iyang bibig mo kung ayaw mong mabulok sa kulungan."
"Kasi naman bakit niya napa-ibig si Rio kung hindi dahil sa orb na ninakaw niya? Hindi ba at diring-diri dati si Rio sa kanya? Bakit bigla na lang itong nagbago, tila ba sunod-sunoran na ito sa kanya."
Nanigas ang aking katawan dahil sa sinabi nito. Paano nga kaya kung iyon ang dahilan kung bakit nahulog si Rio kay Yu'er at ngayon hindi ko alam gamitin iyon ay bumabalik na siya kay Zane? Anong gagawin ko?