YU'ER
Nagising ako sa mumunting halik sa aking balikat, nakakakiliti man ay gusto ko pa rin ang mainit na pagdampi ng labi nito sa aking katawan. Paglingon ko mukha kaagad ni Rio ang bumungad sa akin, napangiti ako nang dampian niya ang aking labi nang mabilis na halik.
"Good morning, wife, thank you sa pagbibigay ng sarili mo kagabi sa akin. Nakatulog ka ba nang maayos? Napanaginipan mo ba ang gwapo kong mukha?" Humarap ako at kinurot nang marahan ang kanyang ilong. "Kanina pa tayo pinatawag ni mama. Sabi niya sa akin na kapag nagising ka raw ay bumaba na lang daw tayo dahil nakahain na ang mga pagkain doon, ngunit baka nasa opisina na raw sila ng mga oras na'to dahil may importanteng meeting."
Tumango ako sa ibinigay niyang impormasyon. Simula kahapon ramdam ko ang pagbibigay ni daddy at mama sa akin nang pagkakataon na makasama si Rio. Siguro dahil alam nilang may alitan din kami dati kaya hinayaan na muna nila kaming magkaayos. "Wala kang pasok ngayon?" nagtataka kong tanong.
"Meron pero hapon pa naman iyon. Umaga ba sa iyo?" tumango ako kaagad. "Magbihis ka na at ihahatid kita bago ako umuwi para naman hindi ka na mahirapan pa."
"Nandito naman si Kuya Sik—"
"Sumama siya sa kanila mama kanina dahil nasira raw ang isang kotse na ginagamit ng mga magulang mo." Napabuntong-hininga ako at tumango na lamang sa sinabi niya. Pero wala pang kaalam-alam ang mga schoolmates namin tungkol sa aming dalawa. Atsaka may pinag-usapan din kami ni Rio na kailangan niya pang bigyan ng tsansa si Zane bago maging kami. "Anong iniisip mo?" tanong niya sa akin.
"Si Zane?" At ang manunulat ng librong ito. Gusto ko rin itong sabihin sa kanya ngunit hindi ko na ginawa. Sana pwedeng baguhin ng writer ang rules nito, sana ay hayaan niya akong magmahal sa mundong ito. "Mauna na akong maligo kaysa sa iyo, Rio, sumunod ka na lang, okay?"
Tumango siya at umayos sa pagkakahiga sa kama. "Yu'er," tawag nito sa akin nang malapit na akong makapasok sa loob ng banyo. Kaagad ko siyang nilingon at tinaasan ng dalawang kilay bilang pagtatanong.
"May problema ba, Rio?"
"Tungkol kay Zane hindi ba pwede na huwag na nating gawin iyon? Ayaw ko nang masangkot sa kanya at baka mas lalo siyang umasa." Nakagat ko ang aking ibabang labi dahil sa sinabi nito.
Ayaw ko rin naman na gawin ito kung pwede lang na hayaan na ako ng writer na gawin ang gusto ko sa mundong ito ay ginawa ko na. "Yu'er?"
Napatingin ako sa kanyang mga mata nang muli niyang tinawag ang aking pangalan. Hindi ako nakaimik at nag-iwas na lamang ng tingin.
Pumasok ako sa banyo na hindi siya sinasagot sa tanong na iyon. Kumalma ang katawan ko nang mapatakan ng maaligamgam tubig. Maraming tumatakbo sa isipan ko habang inaalala ang mga pangyayari. Gusto ko rin na mapasaakin si Rio nang walang kaagaw ngunit makakaya ko kaya ang consequences nito?
NANG matapos akong maligo ay kaagad akong lumabas ng banyo para makapagsimula na rin si Rio. Wala na ang ngiting nakasilay sa labi nito kanina kaya tiyak kong dahil iyon sa hindi ko pagsagot sa kanyang tanong.
Hindi ko rin naman alam ang isasagot kaya mas pinili ko na lamang na tumahimik kaysa magbitiw ng salitang hindi ko alam kung galing ba sa puso ko o hindi.
"Rio," tawag ko sa kanya bago pa siya makapasok sa loob. Lumingon naman kaagad siya sa akin na puno nang antisipasyon. Mas lalong bumigat ang dinadala ng aking dibdib dahil sa reaksyon ibinibinigay nito. "Pwede ba na i-settle mo muna ang problema mo kay Zane bago natin ipagpatuloy ang relasyon natin na'to?"
Hinintay ko ang kanyang sagot ngunit wala akong narinig mula rito, tanging ang mahigpit na yakap niya lang ang natanggap ko. Napangiti ako at niyakap siya pabalik, wala na akong pakialam sa gagawin ng writer sa akin gusto ko lang naman maging masaya. Bawal ba iyon? Gusto ko lang na makasama si Rio at ang anak namin nang matagal.
"I like it! Thank you so much, Yu'er, sisiguraduhin kong hindi mo pagsisihan ang mga desisyon mo na ito." Lumayo ako sa kanya at pinisil ang kanyang mukha. "Sige na maligo ka na at ayaw kong ma-late sa klase ko."
Tumango naman siya at dinampian ng halik ang aking noo bago patakbong tinakbo ang banyo. Nakangiti akong sinusuklay ang aking buhok dahil sa sobrang tuwa ng aking puso, lalo na at nakita ko ang masayang mukha ni Rio.
Nawala lang iyon nang may mensaheng dumating sa number na hindi ko kilala. Kinakabahan ako habang pinagmamasdan iyon lalo na at unknown number din ang ginamit ng author dati para balaan ako.
"You break the rules so you need to receive the punishment."
Punishment? Anong punishment iyon? Hindi ba at sabi niya na hindi ako makakabalik sa totoong mundo kapag napalapit ako sa mga taong nasa libro na ito.
"You only have 5 lives. Kapag nagamit mo na ang lahat ng iyan ay kailangan mo nang bumalik sa mundo natin."
Nanlalaki ang aking mga mata sa sobrang tuwa lalo at may tsansa pa na makasama ko nang matagal si Rio, at may pag-asa rin ako para makabalik sa tunay kong mundo.
"Yu'er... Yu'er!"
Napatingin ako sa kay Rio dahil sa biglaang pagsulpot nito sa aking harapan. Natapos na pala itong maligo pero ako ay nandito pa rin at hindi pa nakakasuklay.
"Bakit tila ba kay lalim nang iniisip mo, Yu'er?" tanong niya sa akin sabay hawak sa aking noo para salatin iyon kung may lagnat ba ako o wala. "Magaling ka na naman. Bakit pakiramdam ko ay lutang ka ngayong araw?"
Niyakap ko siya nang mahigpit at isinandal ang ulo ko sa kanyang dibdib. "Kapag nakipag-usap ka kay Zane bawal iyong hug, okay?" Narinig ko ang mahinang pagtawa nito at unti-unti niyang paglayo sa akin para matingnan ako sa mga mata. "Hindi ako nagbibiro, Rio Reigo," mariin kong saad.
"Miss Ma'am, mapagkakatiwalaan mo po ako na uuwi sayong walang babaeng nakayakap sa akin! Atsaka bakit may naririnig akong selos sa mga salita mo na iyon?"
Tumaas ang sulok ng aking labi at inirapan ito. "Mauna na ako sa iyo sa baba dahil nagugutom na kami ni baby!" paalam ko sa kanya at lumabas na ng kwarto.
NAPAHANGA ako sa mga pagkain na nakahanda sa mesa. Hindi ako makapaniwala na naghanda si mama nang maraming pagkain kong kami lang namang dalawa ni Rio ang kakain.
"Bakit nakatayo ka pa riyan? Halika ka na at kumain na tayo dahil nagugutom na ako, wife!" Hindi ko naman aakalain na mabilis lang na matatapos si Rio. "Hindi mo ba gusto ang mga pagkain? Bibili na lang ako ng ibang pagkain—"
"Huwag, Rio, ang dami na nga niyan at sigurado akong hindi natin iyan mauubos at baka masayang lang ang mga pagkain," sagot ko sa kanya. "Sige na kumain na tayo at nagugutom na ako."
Ipinaghila ako nito nang upuan sa tabi niya at umupo na rin sa tabi ko. Napangiti ako nang makita kong tinatanggal niya ang cover ng shrimps bago inilagay iyon sa aking plato. Mas magana tuloy ang aking pagkain dahil may nag-aalaga sa akin para makakain nang maayos at kusa ang aksyon nito.
"Salamat, Rio, atsaka may sasabihin sana ako sa'yong importante." Itinigil niya ang kanyang ginagawa sabay tingin sa akin.
"Ano iyon, Yu'er? Iyan ba ngayon ang gumugulo sa iyong isipan?" tanong nito sa kain.
"Gusto ko sanang i-sekreto muna ang tungkol sa relasyon nating dalawa hanggang sa matanggap na ng publiko ang paghihiwalay ninyo ni Zane," mahinahong kong saad. Gusto kong makipag-kompentensiya kay Zane para kay Rio pero kapag ginawa ko iyon ay mas lalo akong tataba. "Okay lang ba sa iyo, Rio?"
Napabuntong-hininga siya ngunit ilang sandali lang ay tumango din naman ito. "Okay pero hanggang isang buwan lang, Yu'er."
"Salamat sa pag-iintindi sa akin, Rio, babawi ang ako sa susunod sa iyo."
"My kiss later for the good job." Natawa ako pero tumango rin naman sa sinabi nito. "Yes! Magpapakabait na talaga ako, wife, para palagi na akong may halik na matatanggap mula sa iyo."
"Baliw ka talaga, Reigo!"