Kahit hanggang sa pag-akyat ni Evelyn ay hindi mawala ang ngiti niya habang pinagmamasdan ang binili ni Jack para sa kanya. Bigla naman siyang napalingon sa likod nang maramdaman niyang may malakas na humampas sa kanya at inirapan lang niya iyon noong nakita niya na ang kaibigan pala niyang si Tiffany ang humampas sa kanya. Muntik pa siyang magulat na nasa D. Spring, Building 4 ang kaibigan niya pero naalala niya na nagtatrabaho rin ito sa S2J. Sadyang abala lang sila sa kanya-kanyang trabaho kaya hindi madalas na nagkikita.
“Hey, Tiffany! Bakit ka naman nanghahampas diyan?” asik niya sa kaibigan na kapag may nakakita sa kanila ay iisiping nag-aaway sila kahit ang totoo ay normal naman iyon sa kanilang magkaibigan ang ganoong klase ng pag-uusap.
“Bakit ka kinikilig diyan, ah?” tanong nito.
“Ako ba ang sinabihan mo na kinikilig? Bakit ako kikiligin? Nakangiti lang ako, ano! Bawal na ba akong ngumiti ngayon? Masaya lang ang kaibigan mo kaya dapat ay maging masaya ka na rin!”
“Si Sir Jack ang dahilan, ano?” pagbibiro niya sa kaibigan at mabilis naman itong sinagot ni Evelyn ng oo kaya nilingon siya ni Tiffany. “Sabi na nga ba ay type mo siya! Ayaw mo lang talaga na nagpapahuli sa akin kapag may nagugustuhan kang lalaki! Napakalihim mo pa rin!”
Tinakpan pa niya ang bibig ng kaibigan pagkatapos ay hinatak sa elevator bago pa marinig ng maraming tao ang mga sinasabi nito. Agresibo namang inalis ni Tiffany ang kamay ng kanyang kaibigan sa bibig niya upang makahinga nang maayos. “May balak ka bang patayin ako? Hindi ako makahinga sa iyo!”
“Sorry na, ang ingay mo kasi. Baka mamaya ay may makarinig pa sa iyo at kung ano pa ang isipin nila! Propesyunal akong magtrabaho, ah! Hindi nila mahahalata na may paghanga ako sa boss ko.” Wala namang naililihim si Evelyn sa kaibigan kaya walang dahilan para itago niya iyon.
“Wala naman akong nakikitang masama roon. Siya nga pala, bakit naman masaya ka ngayon?”
Ipinakita niya ang pasa sa palapulsuhan niya. “Hindi naman niya ito sinasadya. Magkasama kasi kami kagabi at—”
Hindi na naituloy ni Evleyn ang sinasabi niya nang magreact kaagad si Tiffany. “Hey! Gaga ka! Hindi ko naman alam na may pagka-agresibo pala si Sir Jack!” Bago pa man maituloy ni Tiffany ang sasabihin niya ay muling tinakpan ni Evelyn ang bibig ng kaibigan niya na hindi man lang siya pinatapos sa sinasabi at kung ano-ano pa ang iniisip nito.
“Ang dumi ng isip mo! Hindi ganoon ang sinasabi ko.”
“Ano pala ang ibig mong sabihin? Huwag mong sabihing sinaktan ka niya kaya may pasa iyang palapulsuhan mo?!” sigaw ni Tiffany. Mabuti na lang at walang sumasakay na iba sa elevator.
“Hindi naman ganoon. Ako ang lumapit sa kanya dahil nakita ko na nakatulog siya sa labas ng mansyon niya pagkatapos ay lumapit ako dahil akala ko ay si Charles ay nakatulog doon pero noong nakita kong si Jack iyon ay aalis na sana ako pero pinigilan niya ako. Tulog pa rin siya noon, it turns out na nananaginip siya at mahigpit ang paghahawak niya sa akin dahil sa masamang panaginip na iyon kaya nagkapasa ako. Binilhan niya ako ng cold compress at masaya ako na marunong siyang humingi ng tawad.”
“Aba, marunong pala talaga siya ng ganoon?”
“Oo naman!”
Tumunog na ang elevator kaya nagpaalam na si Evelyn sa kaibigan niya at nang bumukas naman ang elevator ay nakita nila na nakatayo roon si Jack. Maraming dinaanan si Evelyn kaya nauna pa ring umakyat si Jack.
“Hello, Sir Jack,” pagbati ni Tiffany.
Kumunot naman ang kilay ni Jack. “Mula sa anong department ka?”
“Customer service department, Sir Jack.”
“What’s your name again?”
“I’m Tiffany.”
“Ah, yes, I remember you, Tiffany.” Tumingin si Jack kay Evelyn. “Magkakilala kayo?”
“Yes, best friend ko po.”
“Okay.”
Medyo matagal na nakabukas ang elevator at ihinarang na ni Jack ang kamay niya sa pinto para hindi iyon sumara at para matapos ang pinag-uusapan nila ni Tiffany.
“Bakit ka po pala nandito, Sir? May nakalimutan ka po ba? Bababa ka po ba ulit?” tanong ni Evelyn.
“Tinatawagan kita pero hindi ka sumasagot, kailangan kita. Sumunod ka sa opisina ko.” Hindi na hinintay ni Jack ang sagot ni Evelyn at tumalikod na ito sa kanila. Susunod na sana ni Evelyn si Jack nang hilahin ng kaibigan niya ang buhok niya para mapalingon ito sa kanya.
”Aray ko naman!”
“Mukhang namimiss ka na agad ni Sir Jack kapag nawawala ka sa paningin niya, ah?”
“Baliw. Babay na!”
MAY ITINURO LANG ULIT si Jack kay Evelyn noong pinasunod niya sa opisina niya, hindi naman iyon nagtagal dahil mabilis iyong nakuha ni Evelyn. Pagkatapos ay bumalik na rin naman si Evelyn sa mesa niya at naalala niya na nalabhan na niya ang coat na ipinahiram sa kanya Jack noong natapunan siya ng kape.
Kumatok siya at nang marinig niyang nagsalita si Jack ay pumasok naman siya kaagad.
“Ano iyon, Evelyn? May itatanong ka ba sa akin?” tanong ni Jack.
“Wala naman, Sir Jack. Ibabalik ko lang sana ang coat mo, palagi ko pong nakalilimutang dalhin at ngayon ko lang naalalang ibinigay sa iyo. Thank you pala, Sir Jack.”
Iniabot ni Evelyn ang coat niya kay Jack at hindi sinasadya na mahawakan ni Jack ang kamay niya at parehas silang napapitlag dahil literal na nakaramdam sila ng “spark” noong nagdikit ang mga kamay nila kaya parehas silang nagulat.
“Naramdaman mo ba iyon, Sir Jack?” tanong ni Evelyn.
“Yes, I think so.”
“May spark tayo, Sir Jack! Literal nga lang kaya nagulat tayong parehas. Thank you ulit sa coat mo.” Masigla ang pagkakasabi ni Evelyn pero nabalik ang atensyon ni Jack sa palapulsuhan ni Evelyn.
“Masakit ba?” Hindi napigilan ni Jack na itanong iyon kay Evelyn.
“Huh?” tanong ni Evelyn habang naguguluhan pa dahil ang pagkakaalam niya ay coat at spark nilang dalawa ang pinag-uusapan niya. Naisip pa nga niya na ang tanong ni Jack ay sa spark na naramdaman pero parehas naman silang nakaramdam noon kaya dapat ay alam din iyon ni Jack.
Hinawakan ni Jack ang kamay ni Evelyn para tingnan ang pasa nito. Sa tingin ni Evelyn ay kakaibang “spark” ang naramdaman niya ngayon dahil kaagad na bumilis ang t***k ng puso niya noong hinawakan ni Jack ang kamay niya. May mahahabang at makinis na kamay si Jack na nakakuha ng atensyon ni Evelyn kasabay ng pagbilis ng t***k ng puso niya. Wala na yatang hindi perpekto kay Jack dahil maging kamay nito ay maganda na parang kamay ng babae at hindi aakalain ng humahawak sa kamay niya na may naging paghihirap din si Jack noon.
Napadilat na lang si Evelyn noong niyugyog siya ni Jack. “Are you okay?” tanong pa nito. Hindi na hawak ni Jack ang kamay ni Evelyn at alam ni Evelyn na imahinasyon lang niya ang matagal na paghawak nito sa kamay niya dahil ang katotohanan ay saglit lang iyon para makita nang malapitan ang pasa na siya mismo ang gumawa.
“Gosh, Evelyn! Bakit ba nag-i-imagine ka ng ganoon?”
“Okay lang ako, Sir Jack. Lalabas na ako dahil marami pa pala akong gagawin. Salamat ulit sa coat!” sagot ni Evelyn pagkatapos ay umalis na kaagad sa loob ng opisina ni Jack bago pa siya mag-imagine ng kung ano-ano sa boss niya.
“Kasalanan ito ni Tiffany dahil kung ano-anong sinasabi niya sa akin kaya kung ano-ano rin ang pumapasok sa isip ko! Humahanga lang ako sa kanya dahil sa sipag niya! Iyon lang! Ubod ng sungit kaya niya!” ani Evleyn sa isip niya. “Pero marami rin naman siyang good quality at concern ito sa mga empleyado niya. Gusto pa nga nito na inuuna ang pamilya at hindi lahat ng CEO ay ganoon ang pag-iisip dahil marami na lunod na sa kayamanan nila. Sa madaling salita ay may rason naman kung magkagusto ako sa kanya!” Napailing siya sa naisip niya. “Pero hindi ko siya gusto in a romantic way! Period!” sabi ni Evelyn sa isip niya na para bang dipensa sa una niyang sinabi.
Napasabunot na lang siya sa sarili niya dahil sa tingin niya ay may nararamdaman na siya kay Jack.