Habang tumatagal si Evelyn sa trabaho niya ay mas lalo siyang humahanga sa pagtatrabaho na ginagawa ni Jack pati na rin sa paraan kung paano nito i-manage ang S2J Black Stitch dahil habang tumatagal ay mas nakikilala niya ang binata. Totoo ang sinabi ng security guard na guwapo si Jack pero ngayon na nakilala niya ang binata ay masasabi niya na hindi ito masamang tao. Naiintindihan naman niya ang security guard dahil kung hindi naman nakakasama ni Evelyn si Jack ay ganoon din ang iisipin niya lalo na noong unang linggo niya sa opisina. May pagka-strikto ito pagdating sa trabaho at gusto na nasusunod ang rules niya. Ayaw pa rin niya ng madaldal lalo na kung personal ang pag-uusapan. Lahat naman ng iyon ay normal lalo na sa isa sa pinakabata at successful na CEO sa buong Pilipinas at kahit sino namang employer ay gusto na nasusunod ang rules para hindi nasasayang ang binabayad sa empleyado. Sa ganoong paraan ay hindi nasasayang ang oras niya na alam din naman ni Evelyn na kasama sa ayaw ni Jack at kitang-kita rin ang pagiging responsable nito.
Sa paraan ng pagkausap ni Jack sa iba niyang empleyado, totoo pa rin ang pagiging istrikto niyang boss pero nasaksihan na rin ni Evelyn ang pagiging mabait nito lalo na kapag may request ang mga empleyado niya.
Akala rin niya ay maayos na ang samahan nila at nagkakaintindihan na sila pero pabago-bago pa rin ang ugali ni Jack. “Evelyn! Pumasok ka sa opisina ko! Anong kapalpakan na naman ito? Tumawag sa akin ang Makati at Tagaytay branch, sinasabi nila sa akin na maling produkto ang ipinadala mo sa kanila at dahil doon ay maraming kliyente ang hindi kumuha ng produkto na iyon! What have you done?” Napatayo si Evelyn sa upuan niya at nataranta sa sigaw ni Jack. Iniisip pa naman niya ang pagiging mabait ni Jack pero gusto na kaagad niya iyong bawiin dahil sa lakas ng sigaw nito na nagmumula sa telepono at ang sigaw na iyon ay parang rinig din ng ibang empleyado.
Sumilip si Evelyn sa pintuan ng opisina ni Jack. “I said come here!” galit nitong sigaw.
“Ano ba ang ginawa kong mali? Confident ako na maayos ang pagbibigay ko ng instruction sa kanila,” tanong ni Evelyn sa sarili dahil parang ayaw na niyang lumapit kay Jack dahil sa sigaw nito. Ramdam niya ang galit ng kanyang boss.
May mga bagong store sa lugar ng Makati at Tagaytay na bagong bukas pa lang at ang mga branch nila roon ay kulang ng production kaya kinailangan ng tulong ng main branch para maibigay ang hiling ng mga bagong potential client na susubok sa produkto ng S2J. Inatasan ni Jack si Evelyn na ayusin ang pagpapadala ng produkto dahil kailangang masunod ang mga produkto na ni-request ng mga ito para muling silang maging kliyente ng S2J hanggang sa maging regular ang pag-order nila at kalaunan ang maging partner sila ng S2J Black Stitch company. Hindi basta-basta ang mga store na iyon dahil malaking store ang pinag-uusapan kaya ganoon na lang ang galit ni Jack sa pagkakamali ni Evelyn. Hindi alam ni Evelyn kung paano kakausapin si Jack lalo na at galit ito sa kanya. Inisip kaagad ni Evelyn kung ano ang naging mali niya dahil maingat niyang inilagay ang label ng mga iyon para masiguro na hindi magkakamali.
“I’m sure, I did it right!” sigaw ni Evelyn sa isip niya ngunit hindi naman niya masabi nang malakas kay Jack dahil hindi rin naman ito magagalit kung tama ang mga produkto na dumating sa mga branch ng S2J na idedeliver sa mga store na iyon. Dahil bagong store pa lang sana iyon na target makuha ng S2J ay direkta itong tumawag kay Jack para sa mga concern nito at nagkataon pa na reklamo ang natanggap niya.
“Alam mo ba kung ano ang nagawa mo? Napaka-importante ng mga store na ito at maganda ang feedback nila sa presentation at offer ko sa kanila. Ano na lang ang sasabihin nila sa S2J? Na hanggang salita lang at palpak sa trabaho? Mali ba na ipinagkatiwala ko ang simpleng trabaho na iyon sa iyo?” Hindi na nakasagot si Evelyn dahil hindi niya maisip kung paano iyon nangyari gayong ilang beses niya iyong siniguro. Kumakabog ang dibdib niya dahil sa kaba.
“I’m sorry, Sir Jack.”
“Well, I don’t need your sorry, Evelyn. Hindi lang dalawang store ang nawala sa S2J dahil sa kapalpakan mo! Hindi mo alam kung gaano iyon ka-importante sa akin dahil posibleng ipadala pa nila ang produkto natin sa ibang bansa na mayroon silang store kung nagustuhan lang nila ang serbisyo natin. Bakit nga ba kita pinagkatiwalaan sa project na ito? Simpleng pagdidistribute lang ay hindi mo pa nagawa. Ni ayaw nga nila akong makausap at hindi ako pinagbibigyan na magkaroong ng appointment sa kanila! Sinira mo ang matagal na paghihirap ko para lang makuha ang oo nila. Umalis ka na sa harapan ko!”
Lubhang importante iyon kay Jack dahil iyon ang magbubukas ng oportunidad sa S2J Black Stitch para magkaroon ng produkto na ibebenta sa ibang bansa. Matagal na niligawan ni Jack ang mga boss ng store na iyon at maraming beses na siyang hindi binigyan ng pagkakataon dahil marami silang kakumpitensya. Ngayon lang siya binigyan ng pagkakataon at ipinaubaya niya iyon kay Evelyn dahil nagtitiwala na siya sa trabaho nito at ngayon ay nasira pa ang tiwala na iyon.
Dahil sa laki ng impact at damage na magagawa ng kapalpakan ni Evelyn sa S2J ay hindi niya napigilan na malungkot at maiyak kaya dumiretso siya sa rest room para roon ibuhos ang sakit mula sa salita ni Jack. Akala niya ay nagiging maayos na sila pero kagaya rin pala si Jack ng mga naging boss niya na kapag nakagawa ng isang pagkakamali ay makalilimutan ang magagandang nagawa sa kumpaniya. Hindi man ganoon katagal si Evelyn ay marami na siyang nagawang maganda sa S2J. Hindi niya lubos na maisip kung paano siya nagkamali dahil paulit-ulit niya iyong inayos.
Mas nasasaktan siya ngayon dahil nanggaling pa ang mga ganoong salita mula sa taong hinahangaan niya.
“Kailangan mong kumalma at mag-isip ng paraan para masolusyonan ang naging problema, Evelyn. Hindi puwede iyong iiyak ka lang diyan,” pagkausap niya sa sarili habang nakatingin sa salamin. Nang tuluyan na siyang kumalma ay bumalik siya sa mesa niya at sinimulang alamin kung paano nagkamali ang produkto na sinigurado niyang madidstribute sa tamang store.
Halos maubos ang oras niya sa paghahanap ng impormasyon na kailangan niya pati na rin ang pag-iisip ng solusyon sa problema na ito. Ni hindi na nga nagbigay ng iba pang trabaho si Jack sa kanya, malamang na iniisip nito na papalpak ulit siya.
“What should I do? Parang mamatay ako sa pag-iisip ng solusyon dito,” ani Evelyn sa isip niya.
Alam niya na hindi rin siya tatawagin ni Jack ngayon dahil mainit ang ulo nito sa kanya kaya bumaba siya sa bodega at hinanap ang mga nakausap niya sa pag-aayos ng produkto. Mukhang kumalat na kaagad sa opisina ang pagiging mainit ng ulo ni Jack dahil halos lahat ng empleyado na nakasasalubong niya ay binibigyan niya ng ngiti na may halong pagsimpatya.
Alam ni Evelyn sa sarili niya na hindi siya ang may mali kaya naman gusto niyang alamin kung saan nagkamali at kung sino ang nagkamali hindi para ipasa ang pagkakamali na iyon at para malinis ang pangalan niya pero gusto niyang patunayan sa sarili niya na hindi siya ang nagkamali. Wala naman kasi sa ugali ni Evelyn na patunayan ang sarili niya kahit na tama siya lalo na kung kay Jack lang dahil mukhang ganoon naman talaga ang pagkakakilala ni Jack sa kanya.
“Excuse me, Nestor, hindi ba’t tayo ang magkausap tungkol sa delivery ng produkto na kailangan sa Makati at Tagaytay branch? Maaari ko bang malaman kung may naging mali habang inihahanda sa delivery site ang mga iyon?”
“Bakit mo naitanong, Ma’am Evelyn?”
“Importante pong malaman ko dahil importante kay Sir Jack ang pagiging matapat ng empleyado niya,” pagsisimula ni Evelyn habang nag-iisip ng puwedeng sabihin kay Nestor. Sa totoo lang ay puwede naman niya iyong silipin kaagad sa CCTV footage pero mas pinili niyang kausapin ang mga ito dahil maayos naman silang lahat sa trabaho nila, nagkataon lang na si Nestor ang nakita ni Evleyn kaya siya ang unang natanong nito. “Nagkaroon po ng pagkakamali sa naging delivery ng mga damit, napagpalit po iyon kaya nagagalit sa akin si Sir Jack dahil ako ang inutusan niyang mag-ayos noon. Malaking proyekto po kasi ang mawawala sa S2J dahil sa nangyari. Nagtataka lang ako dahil alam ko naman na tama ang pag-aayos ko sa delivery. Gusto ko lang po iyon malaman kaysa si Sir Jack pa ang bumababa rito at magalit sa mga walang kasalanan. Kung ako naman talaga ang nagkamali ay aamin naman ako kaya lang, ginawa ko naman nang tama ang trabaho ko. Ayaw ko na umabot pa iyon sa imbestigasyon kaya kita kinakausap ay dahil—”
Hindi na naituloy ni Evelyn ang pagpapaliwanag niya dahil bigla na lang lumuhod si Nestor sa harap niya na ikinabigla niya. Kaagad naman niyang inalalayan si Nestor para muling tumayo dahil pagsisimulan ng usap-usapan sa opisina kapag may nakakita sa kanila. Baka isipin pa ng iba na pinarurusahan ni Evelyn si Nestor dahil na rin sa pag-iyak na ginagawa nito.
“Nestor, ano ba ang ginagawa mo? Tumayo ka nga riyan bago pa may makakita sa atin.”
“Ma’am Evelyn, huwag niyo po akong ipatatanggal kay Sir Jack.”
Nagtataka man si Evelyn ay ipinagpatuloy niya ang pagkausap kay Nestor. “At bakit ko naman iyon gagawin?”
“Ako ang may kasalanan. Hindi ko po sinasadya na magkamali ng delivery, kasalanan ko po iyon at alam kong malaking kapalpakan ang nagawa ko pero kailangan ko ang trabahong ito kaya huwag mong sasabihin kay Sir Jack na ako ang may kasalanan nito.” Bingo!
“At gusto mo na ako ang mawalan ng trabaho dahil sa ginawa mo?” tanong ni Evelyn kay Nestor.
Kahit papaano ay lumuwag ang paghinga ni Evelyn dahil napatunayan niya na hindi siya ang nagkamali at gusto niyang isampal kay Jack ang mga sinabi nito tungkol sa kanya pati na rin ang pagsigaw nito sa kanya pero hindi niya iyon gagawin, sapat na sa kanya na malaman na mali si Jack.
Puro compliment pa naman ang nasa isip ni Evelyn bago sila mag-usap ni Jack, mukhang gusto na lang talaga niyang bawiin ang lahat ng iyon dahil sa pangyayari na ito. Simpleng empleyado lang naman si Evelyn at naiintindihan niyang masama ang loob ni Jack pero hindi niya nagustuhan ang masasakit na salita mula sa binata. Babae pa rin naman si Evelyn at madaling masaktan sa mga bagay na hindi naman niya kasalanan.