Kabanata 12

1587 Words
Nang mga oras na marinig ni Evelyn ang pag-amin ni Nestor sa kasalanan nito ay gusto na kaagad niyang umakyat sa opisina ni Jack para sabihin na hindi siya ang nagkamali at mali ito sa pagsasabi na hindi kayang gawin ni Evelyn ang trabaho niya. Mukhang kahit hindi ugali ni Evelyn na ipagtanggol ang sarili niya ay gigil na gigil siya na ipamukha iyon kay Jack at parang gusto na niyang patunayan na mali si Jack sa pagkakataong ito. Matagal na sa kumpaniya na ito si Nestor kaya alam niya na malalaman ni Jack na siya ang nagkamali at nang marinig nga niya sa ibang empleyado na nagalit si Jack sa kapalpakan na iyin ay kinabahan na kaagad siya para sa trabaho niya. Mas lalo lang siyang kinabahan noong lumapit sa kanya si Evelyn para itanong ang bagay na iyon. Naisip kaagad niya ang pamilya niya kaya mas mabuting umamin na lang kaysa magsinungaling pa siya. Naisip niya na kapag umamin siya ay baka mapatawad pa siya ni Jack dahil naiintindihan din niya kung gaano kalaking kliyente ang nawala sa kanila. “Ma’am Evelyn, kailangan ko ang trabahong ito. Kailangan namin ito ng pamilya ko.” Nakikiusap si Nestor kay Evelyn pero ang nasa isip ni Evelyn sa mga oras na iyon ay sabihin kay Jack na hindi siya ang nagkamali. “At ako, Nestor, hindi ko ba kailangan ang trabaho na ito?” tanong ni Evelyn. “Kakausapin ko na lang si Sir Jack para personal na humingi ng tawad.” “Ano po ba ang nangyari? Paano po iyon nagkamali samantalang inayos ko naman iyon? Siniguro ko pa ang mga iyon kaya . . . paano nagkamali?” “Alam ko pong maingat ka sa trabaho mo, Ma’am Evelyn, pero hindi ko po inaasahan na makatatanggap ako ng tawag at nang sabihin na manganganak na ang asawa ko ay nataranta na ako kaya sa maling delivery truck ko naisakay ang mga produkto. Nagpaalam kaagad ako na aalis sa trabaho para puntahan ang asawa ko at nang marinig ko na galit si Sir Jack ay naisip ko kaagad ang nagawa ko. Inaamin ko na naging pabaya ako dahil doon pero kung hindi naman po ako nakauwi kaagad ay baka hindi ko na naabutan ang mag-iina ko.” Na-alarma naman si Evelyn sa mga huling salita na sinabi ni Nestor. “Ano ang ibig mong sabihin?” “Naging kritikal po ang asawa ko sa pagbubuntis kaya nagkaroon ng kumplikasyon sa mga bata at kahit hindi pa niya kabuwanan ay kailangan ng ilabas sa sinapupunan ang mga anak ko. Pare-parehas pa rin silang nasa ospital ngayon at kailangan ko ng malaking halaga para sa kanila. Kambal pa ang anak namin kaya doble rin ang gastos namin sa ospital dahil mahina ang isa sa kanila. Nakikiusap ako, Ma’am Evelyn, alam ko kung gaano ito ka-importante kay Sir Jack pero napaka-importante rin ng dahilan ng pag-alis ko noong araw na iyon.” “Kambal po ang anak niyo?” mahinang tanong ni Evelyn na halos pabulong na. Malapit sa kanya ang mga bata lalo na kapag kambal ang pinag-uusapan. Ang kaninang Evelyn na desididong sabihin ang totoo kay Jack para ipamukha sa binata na mali ito ay nagbago lalo na noong narinig ang kuwento ni Nestor. Alam niyang maiintindihan ni Jack si Nestor dahil pamilya ang pinag-uusapan. Maaaring tulungan pa nga siya ni Jack pero maaari rin na tanggalin siya sa trabaho dahil sa laki ng proyekto na ito. Hindi alam ni Evelyn ang tumatakbo sa isip ni Jack lalo na at galit na galit ang binata sa kanya. Pilit na nakiusap si Nestor kay Evelyn. Nakiusap ito na hayaan siyang magtrabaho muna sa S2J at sa oras na makalabas ang mag-iina niya sa ospital ay ito mismo ang aamin sa kasalanan niya. Likas kay Evelyn ang pagiging maawain at kaagad niyang naisip na mayroon pang maraming oportunidad sa kanya kaysa sa may edad na si Nestor kung sakali man na tatanggalin siya sa trabaho. Naisip na nga niya na siya ang tatanggalin ni Jack sa trabaho at naisip na rin niyang balikan ang ibang kumpaniya na nag-interview sa kanya bago siya tanggapin sa S2J Black Stitch. “Hindi pa naman ito alam ni Sir Jack, Nestor. Pumunta lang ako rito dahil gusto kong malaman ang totoo. Sana lang hindi na ito maulit dahil malaking kawalan ito sa kumpaniya at sana maging ligtas na rin mula sa kapahamakan ang mag-iina mo.” Aalis na sana si Evelyn pero pinigilan siya ni Nestor. “Ma’am Evelyn, aamin naman po ako kay Sir Jack. Hayaan mo lang po akong makaipon para makalabas nang ligtas ang mag-iina ko.” “Ako na po ang bahala, ang mahalaga ay ligtas ang pamilya mo.” Nang sabihin iyon ni Evelyn kay Nestor ay handa siyang akuin ang pagkakamali nito at may ibang plano si Evelyn dahil susubukan niyang kausapin ang manager ng dalawang store na iyon. Naisip niya na hindi siya magiging masaya na maipaglaban kay Jack na mali ito ng sinabi sa kanya kung malalaman niyang mawawalan ng trabaho si Nestor. Isa pa, matagal na si Nestor sa kumpaniya at bago pa lang siya. DUMATING SI CHARLES AT nahalata ni Evelyn na si Charles ang binibigyan ng trabaho nito at kapag papasok siya sa opisina nito ay papapasukin siya at bibigyan ng ibang trabaho pero karamihan sa mga ibinibigay nitong trabaho ay iyong paglabas-labas o kaya ay pagbaba sa iba’t ibang departamento. Gusto niyang magreklamo ngayon pero inisip niya nab aka ganoon na lang ang parusa sa kanya ni Jack. Nakita ni Charles si Evelyn na kababalik sa lang upuan nito kaya napatingin siya sa kanyang relo. “Evelyn, magtanghalian ka muna,” Paalala ni Charles sa kanya. “Oo, Charles, tatapusin ko lang itong inutos sa akin ni Sir Jack.” Lumapit si Charles kay Evelyn. “Mahaba pa ang araw para tapusin iyan kaya kumain ka muna. Alam kong napagalitan ka ni Jack kanina pero pasensya ka na dahil ganoon lang talaga siya lalo na at importante sa kanya ang mga kliyente na iyon.” Napa-buntonghininga si Evelyn noong naalala niya iyon. “Alam ko naman iyon, Charles. Hindi naman siya nagkulang sa pagsigaw niya at pagmamaliit sa kakayahan ko kanina kaya naiintindihan ko siya. Hindi ko maiwasan na maisip na sadyang ganoon siya sa akin dahil una pa lang naman ay pinupuna na niya ang maliliit na pagkakamali ko. Parang hinihintay nga lang niya na magkaroon ako ng pagkakamali na kagaya nito.” “That’s not true, Evelyn.” “Ganoon ang nararamdaman ko pero sabagay empleyado lang naman ako rito at siya ang boss ko kaya wala siyang pakialam sa nararamdaman ko.” Tumayo si Evelyn at sinabi na kakain na siya tutal ay gutom na rin naman siya at lunch break na. Sa tingin nga ni Evelyn ay nabusog na siya sa sigaw ni Jack kanina. Nahihiya rin siya sa mga katrabaho niya dahil alam ng mga ito ang kapalpakan niya. Ayaw naman niya na si Nestor pa ang mapagbuntunan ng galit ni Jack dahil mayroon na siyang pinagdadaanan at ayaw niya na maging ang trabaho ay problemahin pa nito. Pagkatapos ng pag-uusap nina Charles at Evelyn ay umalis na ito sa puwesto niya para kumain. Samantala, pumasok naman si Charles sa opisina ng Jack at tiningnan niya ito hanggang sa lumingon ito sa kanya. “Ano ang gusto mong sabihin, Charles?” tanong ni Jack habang nakatingin kay Charles. Itinigil pa nito ang pagiging abala sa harap ng laptop niya para tumingin kay Charles. “Sabihin mo nga sa akin, madalas ka pa rin bang nagkakaroon ng masamang panaginip?” “Bakit?” “Iniisip mo pa rin ba na si Evelyn ang dahilan noon?” “Tungkol saan ba itong pag-uusapan natin, Charles? Habang ako ay abala sa pag-aayos ng problema na ginawa niya dahil sa pagiging iresponsableng empleyado ay mukhang concern ka pa sa kanya ngayon.” Umupo si Charles sa harap ni Jack habang ipinaliliwanag na alam niya ang naging pagkakamali ni Evelyn pero si Jack ay kilala sa pagkakaroon ng iba’t ibang ideya sa paglutas sa problema at kayang-kaya nitong humingi ng pagkakataon sa mga may-ari ng store na iyon kaya ganoon na lang ang pagtataka ni Charles na ginagawang big deal ang pagkakamali ni Evelyn kung kaya naman niya iyon gawan ng paraan. “Hindi lang naman iyon ang problema na inaayos ko ngayon. Kung naging maayos lang ang trabaho niya ay hindi na sana mangyayari ito.” “Hindi na kita maintindihan ngayon. Nagkakaganiyan ka pa rin sa tuwing malapit na mag-Abril at mas hindi ko maintindihan kung saan napunta ang pagiging propesyunal mo ngayon. Hindi ka naman ganiyan sa pagkakamali ng iba dahil palaging inaalam mo kung paano sila nagkamali pero kapag si Evelyn ang nagkakamali ay nagagalit ka kaagad sa kanya. It’s weird to think this way pero umiiwas ka ba sa kanya at ginagawa mong defense mechanism ang pagiging galit palagi para hindi ko mahalata na lumalambot ang puso mo sa sekretarya mo? Palagi kang parang ibang tao kapag Pebrero.” “Nababaliw ka na ba? Ano ba ang sinasabi mo? Sinasayang mo ang oras ko sa ganitong usapan.” Tumawa lang si Charles dahil may ibig sabihin ang pag-iwas ni Jack sa ganoong usapan. “I’m observing you, Jack,” sabi pa nito pagkatapos ay tinapik niya sa balikat si Jack. Posible nga kaya na ang dahilan ng pabago-bagong pakikisama ni Jack kay Evelyn ay dahil nakararamdam siya ng paghanga sa dalaga? Bakit kailangan niya iyong pigilan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD