Kabanata 8

1848 Words
Umagang-umaga ay abala na kaagad si Evelyn sa mga utos ni Jack kaya naman umagang-umaga ay pagod na siya sa trabaho. Lumabas si Jack kanina at nang makasalubong siya nito ay humingi ng kape sa kanya ang binata kaya hindi pa man siya nakauupo ay sinunod na niya si Jack. Gustong-gusto na nga niyang magreklamo pero hindi naman niya iyon gagawin dahil propesyonal naman siya pagdating sa trabaho. Sadyang mahilig lang din si Jack sa kape kagaya ng nabanggit ni Charles sa kanya. Sa katunayan ay hindi siya bumalik sa bahay na tinutuluyan niya at nagsabi siya kay Jack na hindi makasasabay sa pagpasok dahil may sakit ang kanyang ama at gusto niya iyong bantayan. Hindi na niya sinabi ang tungkol doon dahil baka isipin pa ni Jack na nagpapaawa siya at ang sabi naman nito ay wala siyang pakialam sa pribadong buhay ng emplyeado niya kaya hindi na niya iyon binanggit. Hindi naman nakaapekto sa trabaho niya ang hindi pagsabay kay Jack kaya hindi naman siya napagalitan. Isa pa, puwede rin naman talaga na hindi siya sumabay lalo na at wala siya sa compound nito. Sa katunayan ay hindi pa siya nag-aagahan kaya naman ramdam niya ang pagod at gutom. Mamaya pa ang break time niya kaya nagtitiis pa siya sa gutom na nararamdaman. Hindi siya nakapag-agahan dahil isinugod sa ospital ang ama niya noong madaling araw at naging maayos ang lagay nito bago siya umalis. Ang ama pa mismo niya ang nagsabi na maayos na ang lagay niya kaya pumasok sa trabaho lalo na at bago pa lang siya sa kumpaniya ni Jack. Siniguro muna niya na maayos ang ama bago pumasok sa trabaho. Kumatok siya sa pinto at nang marinig ang sagot ni Jack ay pumasok na siya. Maingat siyang naglalakad habang hawak ang tasa dahil ayaw na niyang maulit ang nangyari noon dahil sa pagiging clumsy niya. Napansin ni Jack ang pagiging tahimik ni Evelyn at kahit madalas niya itong napagagalitan sa tuwing dumadaldal ay nagtanong pa rin siya kung bakit ito tahimik dahil nanibago ito sa pagiging tahimik ng sekretarya niya. “Pagod ka na ba sa trabaho mo? Umaga pa lang pero parang masama na ang loob mo sa akin. Tahimik ka pala kapag busy ka, ano? Sign na ba iyon para bigyan ka ng maraming trabaho?” “Puyat lang po ako, Sir Jack. May iuutos ka pa po ba?” Bukod sa pagiging puyat ni Evelyn ay pagod at gutom siya pero hindi lang niya iyon inamin dahil gusto na niyang lumabas para muling tingnan kung may mensahe ba ang kanya ina tungkol sa kalagayan ng kanyang ama dahil hiniling niya na magbigay ng update sa kanya kahit maayos na rin naman ang pakiramdam nito at na-kumpirma na iyon ng doktor niya. Tumango pa si Jack bago sabihing, “Kaya ka pala nagsabi sa akin na hindi uuwi ay dahil gumimik ka.” Iyon ang naisip ni Jack dahil karamihan sa mga naging sekretarya niya ay ganoon ang gawain kapag hindi umuuwi sa bahay na inilaan sa sekretarya. Sinabi rin sa kanya ni Charles na hindi masama na makipag-usap sa sekretarya na walang kinalaman sa trabaho kaya naman kahit abala sa trabaho ay sinusubukan iyon ni Jack dahil ayaw na rin naman niyang magpalit na naman ng sekretarya para hindi na nahihirapan ang iba kapag naninibago sa trabaho dahil sa panibagong empleyado. Hindi lang iyon nagustuhan ni Evelyn dahil parang may panghuhusga si Jack noong sinabi niya iyon kaya napilitan siyang sabihin ang totoo. “Nagkakamali ka, Sir Jack. Hindi uso sa akin ang paggimik lalo na at alam kong may responsibilidad at trabaho ako kinabukasan. Nasa lugar naman ako kung gigimik ako at kung gigimik man ako, sisiguraduhin ko naman na hindi iyon makaapekto sa trabaho ko. Sa katunayan po ay sa bahay po namin ako umuwi at nagkaroon po ng emergency ang aking ama kaya dinala po namin siya sa ospital dahilan para hindi na ako umuwi sa compound mo.” Sadyang pagodna si Evelyn kaya nakukuha na rin niyang sumagot sa binata ngunit sa maayos na paraan naman iyon. Umiinom ng kape si Jack noong nagsasalita si Evelyn at dahil sa naging sagot ng dalaga ay napahinto siya sa pag-inom ng kape at tumingin kay Evelyn. “Ano pa ng ginagawa mo rito?” Ang akala ni Evelyn ay pinalalabas na siya ni Jack sa loob ng opisina dahil sa tanong na iyon. “Sorry, akala ko ay may iuutos ka pa.” Lalabas na sana siya pero pinigilan siya ni Jack para sabihin na hindi ganoon ang ibig niyang sabihin. “Ano ba ang ibig mong sabihin?” “Tinatanong kita kung ano ang ginagawa mo rito sa opisina imbes na samahan ang ama mo sa ospital. Ayusin mo na ang gamit mo ay puntahan mo siya, kung gusto mo ay ipahahatid kita kay Charles.” “Naku, hindi na po. Marami pa po akong trabaho at maayos na po ang lagay ng ama ko.” “I insist, Ms. Espinolista. Marami kang trabaho pero nandiyan lang naman ang trabaho mo at puwede ko naman iyan ipagawa sa iba habang wala ka. Unahin mo ang pamilya mo. Bakit hindi mo kaagad sinabi sa akin? Sana ay hindi na kita pinapasok ngayon.” Nagulat si Evelyn sa naging sagot ni Jack at hindi niya iyon inaasahan mula sa antipatiko niyang boss. Ang inaasahan niyang sagot dito ay iyong sagot na parang walang pakialam. “Hinusgahan ko ba siya batay sa mga sinasabi ng ibang tao at pagiging istrikto niya sa akin? Nalilito na ako sa totoo niyang ugali dahil minsan ay wala siyang pakialam kung makasasakit siya ng damdamin at kung minsan naman ay nakikita ko sa mga mata niya ang pag-aalala. Mas lalo lang akong nagiging interesado sa pagkatao niya dahil doon.” Iyon ang naisip ni Evelyn sa mga oras na iyon. “Sigurado ka ba, Sir Jack?” “Mukha ba akong marunong magbiro sa mga ganitong bagay, Ms. Espinolista?” Tinawag na ulit siya nito sa pormal na paraan kaya kahit naguguluhan siya ay umalis siya ng opisina para puntahan ang kanya ama. Hindi naman niya nakalimutang magpasalamat kay Jack bago umalis. NANG PAYAGAN NA MAKAUWI ang kanyang ama sa bahay nila ay pinauwi na rin siya nito sa bahay na pag-aari ni Jack. Naging masaya ang mga magulang niya sa pagbabalik niya sa ospital lalo na at binigyan ni Jack ng pahintulot si Evelyn na lumiban sa trabaho niya para makasama ang mga ito. Malapit si Evelyn sa mga magulang niya kaya hindi ito sanay na nawawalay sa anak kahit na may trabaho pa, ito ang unang pagkakataon na hindi umuuwi sa bahay araw-araw si Evelyn kaya naman kung makapagsaya sila ay parang ilang buwan na nawala sa bahay na iyon si Evelyn. Papasok na siya sa gate ng compound ni Jack nang makasalubong siya nito. Mukhang naglakad-lakad ito sa labas. Cool na cool pa ang itsura nito habang naka-tshirt at short lang at nakapamulsa pa ito kaya hindi maiwasan na isipin ni Evelyn na kahit si Jack ay maaaring maging modelo sa sarili nitong clothing line. “Good evening po, Sir Jack,” pagbati ng dalaga sa boss niya. “Kumusta na ang lagay ng ama mo?” simpleng tanong nito. “Maayos na po at nakauwi na rin po siya. Salamat po ulit sa pagpayag na lumiban muna ngayong araw, babawi na lang po ako sa trabaho bukas.” Habang nasa biyahe sila kanina ni Charles ay napag-usapan nila si Jack dahil normal pala ang ganitong sitwasyon lalo na kapag pamilya ang pinag-uusapan. Inihatid siya ni Charles sa ospital kanina at hindi niya inaasahan na susunduin pa siya nito sa bahay nila. Iyon daw ang sinabi ni Jack na kung babalik si Evelyn ay sunduin ni Charles. Kahit ang ibang empleyado ay pinapayagan niyang hindi pumasok kung ang dahilan ay emergency sa pamilya. Ang mahalaga lang naman kay Jack ay totoo ang dahilan na iyon dahil kapag napatunayan na nagsisinungaling ito ay tanggal na kaagad sa trabaho. Ayaw niya na idinadahilan ang pagkakasakit ng pamilya lalo na kung hindi naman totoo. Sa madaling sabi, may puso rin ang nagmamay-ari ng S2J na si Jack. “Sa susunod, sabihin mo sa akin kapag may ganoong nangyari ulit dahil papayagan naman kita na hindi pumasok. Hindi naman ako kasing sama ng iniisip mo.” Yumuko si Evelyn. “Salamat, Sir Jack.” Napansin ni Jack na may hawak si Evelyn kaya napatingin siya roon kaya naman naalala ni Evelyn na pinag-uwi siya ng pagkain ng mga magulang niya at ibinilin na ibigay iyon kay Jack bilang pasasalamat sa pagpayag nito na makasama ang anak nila. “Siya nga pala, Sir Jack, pinabibigay po ito ng aking ama at ina bilang pasasalamat.” Mabilis namang tumanggi si Jack. “Hindi naman iyon kailangan.” Naisip ni Evelyn na baka ayaw tanggapin ni Jack ang ibinibigay nito dahil galing iyon sa kanila. “Sir Jack, malinis naman po itong pagkain na inihanda para sa iyo. Alam ko po na mas masarap ang pagkain na kinakain mo pero baka puwede mo po itong tanggapin dahil luto ito ng nanay ko.” “Evelyn, hindi ganoon ang ibig kong sabihin. Ibinigay iyan sa akin kaya tatanggapin ko iyan pero hindi naman ito kailangan dahil karapatan mo naman iyon bilang empleyado ko. Dapat palaging inuuna ang pamilya.” Naisip ni Evelyn na muli na naman niyang nahusgahan si Jack. Kinuha na ni Jack ang dala ni Evelyn na pagkain at parang lumutang siya sa saya nang marinig itong nagpasalamat sa kanya. Kahit hindi iyon ang unang pagkakataon ay masaya siya na narinig na nagpasalamat ang boss niya sa kanya! Literal na napahinto siya at nanlaki ang mata nang marinig iyon. “What?” tanong ni Jack na parang nairita pa dahil naiintindihan niya kung bakit napahinto ang dalaga. “Sa maniwala ka man o hindi, tao naman ako, Evelyn, at marunong akong maka-appreciate ng mga ganitong bagay lalo na at pinaghirapan itong lutuin ng iyong ina. Pakisabi sa kanya na salamat sa pagkain na ito at magpagaling ang iyong ama.” Narinig niyang nagpasalamat si Jack pero para iyon sa kanyang ina. “Pumasok ka na at magpahinga,” paalala pa ni Jack kaya muli siyang nagpasalamat at pumasok na sa bahay. Sinilip pa ulit niya si Jack at nakita niyang nakatingin iyon sa pagkain na iniluto ng kanyang ina. Paborito ni Evelyn ang adobong manok na isa sa pinakakilalang pagkain ng mga Filipino na kinahihiligan din ng mga banyagang bumibisita sa Pilipinas. Habang pinagmamasdan ni Jack ang pagkain na iyon ay may sumilay na ngiti sa mga labi nito na ikinagulat ni Evelyn. “Nakita ko na naman na ngumiti siya! Ang ibig bang sabihin nito ay hindi hallucination ang ngiti na nakita ko noong nagkausap kami sa elevator?” bulong niya sa sarili. Umiling na lang siya dahil napansin niya na lahat ng kilos ng binata ay napupuna niya. Kahit ang maliliit na detalye sa ginagawa ng binata ay napapansin niya. Ang ibig sabihin ba nito ay nahuhulog na ang dalaga sa binata niyang amo?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD