Malapit na umalis si Jack dahil nagawa na ni Evelyn ang utos nito na i-kansela ang lahat ng trabaho niya ngayong hapon. Nag-aayos na rin ng gamit si Evelyn dahil sinabi ni Jack sa kanya na maaari na rin siyang umuwi pagkaalis niya ng opisina. Ipinaalam pa nga ni Evelyn na uuwi muna siya sa bahay nila dahil akala niya ay dapat pa iyong ipaalam kay Jack dahil sa iisang compound lang sila umuuwi pero sinagot siya nito ng, “Do whatever you want after your work. Hindi mo na iyon kailangang ipaalam sa akin dahil ang gusto ko lang ay tinatapos mo ang trabaho mo.” Oh, hindi ba? Grabe rin sa pagiging antipatiko si Jack!
Nag-aayos na ng gamit si Evelyn noong bigla na lang may dumating na babae, ngumiti lang sa kanya pagkatapos ay dire-diretso sa opisina ni Jack kaya naman sinubukan niyang pigilan para sabihin na ayaw magpaabala ni Jack dahil iyon ang bilin nito dahil nga gusto na rin ni Jack na matapos ang trabaho para makaalis na siya at mapuntahan ang pupuntahan niya.
Hinawakan ng babae ang pinto na siya rin namang hinawakan ni Evelyn dahil sinusubukan niyang pigilan ang dalaga. Isa pa, wala namang tumawag sa kanya at wala ring sinabi si Jack na may bisita ito kaya siya ang malalagot sa boss niyang masungit kapag naabala ito.
“Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?” tanong ng dalaga kay Evelyn habang nakatingin sa kamay niya na nakahawak sa pinto para pigilan siyang mabuksan ito.
“I’m sorry pero wala po kayong appointment kay Sir Jack at ang sabi po niya sa akin ay huwag magpapasok nang walang permiso mula sa kanya.”
Magsasalita na sana ang babae na bagong dating noong narinig ni Jack ang ingay mula sa labas ng opisina niya kaya minabuti niyang tumayo para tingnan iyon dahil alam naman ng mga empleyado ng S2J na ayaw niya ng maingay sa trabaho.
Nag-init naman kaagad ang ulo niya noong nakita na si Evelyn na naman pala ang dahilan ng ingay na iyon. Sumasakit lang ang ulo niya sa babaeng iyon. Nawala naman ang iniisip ni Jack noong mapalingon siya sa isang babae na kanina lang ay nagbabalak na pumasok sa opisina niya.
“What is happening here?” tanong ni Jack ngunit hindi iyon matukoy kung para kay Evelyn o kung para sa babaeng kadarating lang ang tanong na iyon.
Sumagot naman kaagad si Evelyn. “Sir Jack, pasensya na po, alam ko po na ayaw niyong magpaabala kaya naman po sinubukan ko siyang pigilan pero—”
“Hey, Jack,” pagtawag ng babae kay Jack pagkatapos ay hinalikan niya ito sa pisngi at yumakap pa nang mahigpit.
“Magkakilala ba sila? Sa bagay, bakit naman papayag siya Sir Jack na halikan at yakapin kung hindi sila magkakilala? Pero kung magkakilala sila, sana ay sinabi man lang niya kung ano ang pakay niya kay Sir Jack o nagpakilala man lang. Hindi iyong papasok agad siya at aasahan na papayagan ko siya kahit hindi ko naman siya kilala,” ani Evelyn sa isip niya.
“I’m sorry, hindi ko napansin na bago ang sekretarya mo at iyon ang gusto niyang iparating sa akin kanina. I’m actually here to surprise you. Well, surprise!”
Tumingin naman si Jack kay Evelyn. “It’s okay, Evelyn. By the way, she is Paige and she’s free to go here in my office anytime. Kahit wala pa ako ay maaari mo siyang papasukin para hindi maghintay sa labas.” Iyon lang ang sinabi niya at inilipat na ni Jack ang atensyon niya kay Paige. “Kaunting minuto na lang ay magkikita na tayo kaya bakit mo pa ako pinuntahan dito sa opisina? Are you that excited to see me, huh?” May halong pagbibiro pa sa tono ng boses ni Jack na ikinabigla ni Evelyn.
“Marunong din pala siyang magbiro kahit minsan,” ani Evelyn nang marinig ang pagbibiro ni Jack.
“Masisisi mo ba ako? I can’t wait to see you. Hindi mo ba ako namiss?” Malambing ang pag-uusap nila at ang huling narinig ni Evelyn bago ito makalayo at makapasok sa opisina ni Jack ay ang pag-amin ni Jack na namiss din niya ang babaeng nagngangalang Paige.
Sa hindi malamang dahilan ay bigla na lang nagpakawala nang malalim na buntonghininga si Evelyn na para bang lahat ng pagod niya buong araw ay dumoble pa.
NANG MAKAUWI NAMAN SI Evelyn sa bahay nila ay kaagad na nahiga sa kama niya na akala mo ay matagal na siyang nawala sa bahay na iyon. Kahit hindi ganoon karami ang ginawa niya ngayong araw ay napagod siya dahilan para makatulog siya sa sarili niyang kuwarto.
Nagising na lang siya noong naramdaman niyang may pumasok sa kuwarto niya at nahiga rin nang pabagsak sa kuwarto niya kagaya ng ginawa niya kanina.
“How’s your day? Pagod ka rin ba sa trabaho mo?” tanong ni Evelyn kahit na hindi pa niya alam kung sino ang pumasok sa kuwarto niya. Hindi naman kaagad sumagot ang taong tinatanong niya kaya nagtanong ulit siya. “Hey, Evan, can I at least get a response from you? Tinatanong kita.”
Napabuntonghininga ang katabi niya sa kama, marahil ay nalungkot nang marinig ang pangalan na binanggit ni Evelyn. “It’s Tiffany, Evelyn. Evan is not here.” Nalungkot siya noong narinig iyon at nagpaliwanag sa kaibigan na akala niya ay panaginip lang iyon dahil ganoon ang ginagawa ni Evan sa tuwing pumapasok ito sa kuwarto niya. Nalungkot siya nang maalala si Evan kaya napayakap na lang siya sa matalik na kaibigan na si Tiffany. Hindi na nga niya naisip na magtaka kung ano ang ginagawa ng kaibigan niya sa bahay nila dahil palagi naman itong pumupunta sa kanila lalo na kung alam niyang nandoon si Evelyn.
“Huwag ka na malungkot, may good news ako sa iyo!” anunsyo ni Tiffany sa kaibigan at halata sa boses nito ang pagiging excited niya.
Umupo ito mula sa pagkakahiga kaya naman nagkatinginan silang magkaibigan. “What is it? May boyfriend ka na? Trabaho? Pera?” tanong naman ni Evelyn na may pang-aasar pa na kasama. “Just tell it to me. Hindi ko nga rin alam na pupunta ka rito kaya sabihin mo na ang good news na sinasabi mo.”
“I’m loving my job at S2J! Good news iyon dahil matagal na nating hinihiling na sana ay may maayos na kumpaniya tayong mapapasukan. Ang saya-saya! Magkaiba lang tayo ng department pero nasa iisang kumpaniya lang tayo! Ang exciting noon dahil palagi na tayong magkikita kahit nasa trabaho pa tayo!”
Dahil sa narinig na balita ay napatayo pa sila sa tuwa at nagtatalon pa na akala mo ay hindi alam na sa iisang kumpaniya lang siya nagtatrabaho. Natural ang pagiging isip-bata sa kanila tuwing magkasama. Magkaibigan na sila simula bata pa lang at napaghihiwalay lang sila noong nagsimula na silang magtrabaho at ngayon ay natutuwa sila na muli silang magsasama sa trabaho. Kung maingay si Evelyn, mas maingay ang kaibigan niyang si Tiffany.
“I’m so happy for you!” sigaw ni Evelyn sa kaibigan pagkatapos ay niyakap pa niya ito.
“Ikaw ang sikat sa department namin! Alam mo ba iyon?”
Nagtaka naman si Evelyn dahil hindi naman siya nagagawi sa department na sinabi ng kaibigan niya at naisip niya nab aka kumalat kaagad sa opisina ang kapalpakan niya kaya kaagad na itinanong iyon sa kaibigan niya. “Bakit naman ako naging sikat sa inyo? Ano ang ginawa mo?”
“Hindi naman ganoon ang ibig kong sabihin. Siyempre, ikaw ang sekretarya ng boss ng lahat! Sa madaling salita ay naiinggit sa iyo lahat ng kababaihan! Ikaw na raw ang pinakasuwerteng babae sa S2J! Mag-kuwento ka naman kung anong klaseng boss siya! Naitanong mo na ba ang mga gutso kong malaman tungkol sa kanya? Curious lang ako, ah!” Excited na sinabi ng kaibigan niyang si Tiffany. Naalala niya na dahil din sa ganitong tanong ni Tiffany tungkol kay Jack ay ganoon ang naging tanong niya kay Charles kaya naisip pa niyang magpaliwanag dahil baka isipin nito na siya ang interesado kay Jack. Well, guwapo naman talaga si Jack at hindi iyon itatanggi ni Evelyn pero kagaya ng sinabi niya ay hindi naman siya bulag para hindi makita na magandang lalaki ang boss niya.
“Ewan ko ba sa inyo. Oo, sige, nandoon na tayo na sobrang guwapo at pinagpala siya sa bagay na iyon pero sobrang istrikto niyang boss at hindi nakukumpleto ang araw niya na hindi ako nasusungitan. Halos araw-araw ko na nga yata siyang nakikitang galit.”
“Bakit? Unreasonable ba ang galit niya?”
“Hmm, hindi naman lahat pero parang iyong galit niya ay sa akin niya naibubuhos.”
“Paano mo naman nasabi?”
“Kaunting mali ko lang ay galit na siya sa akin. Kung tutuusin ay hindi naman dapat siya nagagalit dahil nasosolusyunan ko naman ang mga mali na iyon at saka hindi naman niya ikalulugi ang pagkakamali ko lalo na na naitatama naman kaagad. Isa pa, mainit lang talaga ang ulo niya dahil ayaw niya sa pagiging maingay ko! Ang hirap kayang pigilan ng pagiging maingay ko lalo na at nakasanayan ko na iyon.”
“Ayun naman pala, kaya ka naman pala nagrarant diyan ay dahil hindi ka makatiis na hindi dumaldal. Ramdam ko ang nararamdaman mo dahil maging ako ay naninibago na sobrang tahimik sa office!”
Saglit pa silang nag-usap tungkol sa ibang bagay para magkumustahan na rin ngunit bumalik ulit sa pag-uusap tungkol kay Jack si Tiffany na gustong-gusto niyang binibiro sa kaibigan. “Maalala ko nga pala, anong feeling ng kapit-bahay si Sir Jack?” tanong pa ng kaibigan niya. Naalala tuloy ni Evelyn ang nasaksihan niya habang nag-e-exercise si Jack at hindi niya napigilang mapangiti. Hindi iyon ang unang pagkakataon niyang makakita ng lalaking naka-topless pero iyon ang unang pagkakataon na napangiti siya dahil sa ganoong ala-ala! “Hey! Ano ang ibig sabihn ng ngiti na iyan, ah? Huwag mong sabihin na attracted ka na sa boss mo? Ang sabi mo lang ay hanga ka sa pagiging masipag niya, ah! Aamin ka na ba na iba na ang hinahangaan mo sa kanya?”
“Ano ba, Tiffany, hindi!” sigaw ni Evelyn at kasabay ng pagsigaw niya ay ang pagpasok ng kanyang ina sa kuwarto niya para sabihin na sabay-sabay silang maghahapunan at ang usapan lang sa pagkain na iyon ay ang bagong trabaho nina Tiffany at Evelyn. Hiniling ni Evelyn kay Tiffany na huwag na banggitin ang panaginip niya tungkol kay Evan dahil sa masayang hapunan at ayaw niya na magbago iyon dahil sa panaginip niya.
But she badly miss Evan.
Sa kabilang banda, masayang nag-uusap sina Jack at Paige kaya naman binibiro ni Paige ang binata dahil alam naman niya ang image nito sa opisina. “Kung nakikita ka ng mga empleyado mo ngayon ay baka isipin pa nila na may himala dahil sa mga ngiti mo!”
“I’m not smiling.”
“Yes, you are, Jack!”
“What? Gusto mo rin ba na seryoso ako kahit na alam mong masaya ako na nakita ulit kita?”
“No, sinasabi ko lang naman iyan sa iyo dahil akala ko ay magiging seryoso ka na rin kapag kasama ako. Dahil naipapakita mo sa akin ang mga ngiti na iyan, pakiramdam ko ay espesiyal ako para sa iyo.”
“Paige, you are special to me.” Puno nang sinseridad si Jack sa mga salitang binitiwan niya at totoo rin ang ngiti na ipinakikita niya kay Paige. Sadyang masaya si Jack sa muling pagkikita nila ni Paige kaya naman nang tawagan siya ng dalaga ay nag-isip kaagad siya ng paraan para bigyan ito ng oras. Ganiyan ang isa sa ugali ni Jack na hindi alam ng nakararami, kaya niyang gumawa nang paraan para magkaroon ng oras sa mga taong imortante sa kanya.