Nakalibot na si Evelyn sa munting bahay niya kung tawagin ni Charles pero halos hindi nga niya maisara ang bibig niya dahil kanina pa siya nagsasabi ng “wow” at nagiging malaking “O” ang hugis ng bibig niya kada nagsasalita si Charles at inililibot si Evelyn sa lugar. Hindi ito isang maliit na bahay! Malaking bahay ito at solo pa ni Evelyn! Mas malaki pa nga iyon sa bahay nina Evelyn! Kung puwede lang niyang dalhin dito ang mga magulang kasama niya ay ginawa na niya pero bilang respeto na rin sa pribadong buhay ni Jack ay hindi niya iyon gagawin dahil para naman ito sa trabaho niya. Siguro ay nasa pito hanggang sampung lakad lang ang pagitan ng mga pinto ng bahay nina Jack at Evelyn kaya hindi na sila mahihirapan pa kung sakaling may emergency at kailangan niyang puntahan ang binata o kung may trabaho na kailangang pagpuyatan kagaya ng sinabi ni Jack. Ipinaliwanag naman kaagad sa kanya na bayad iyon at magkakaroon pa rin siya ng sapat na pahinga kahit humiling ang binata na mag-overtime siya.
“Nagbibiro ka ba, Charles? Ako lang ang titira rito? Puwede bang sa mas maliit na bahay na lang?” tanong ni Evelyn pagkatapos ipaliwanag ni Charles ang mga dapat niyang malaman.
“Bakit? Hindi mo ba ito nagustuhan?” nagtatakang tanong ni Charles.
“Nagustuhan ko naman pero sobrang laki naman ito. Sobrang ganda at laki nito para sa akin!”
“It’s okay, Evelyn. Parte ito ng benefits mo sa pagtatrabaho mo sa kumpaniya ni Jack.”
“Ano ang ibig mong sabihin na parte? Ang ibig sabihin ba nito ay hindi lang ako ang nakararanas ng ganitong benefits?”
“That’s right. May ibang emplyado si Jack na tinulungan niya sa pagpapatayo ng bahay, pagpapaaral ng mga anak at marami pang bagay. Ipakita mo lang kay Jack na mahal mo ang trabaho mo ay higit pa sa pa inaakala mo ang kaya niyang itulong at ibigay sa iyo. Pamilya ang turingan namin dito kaya itong ipinakita ko sa iyo ay wala pa sa kalingkingan ng kayang itulong ni Jack sa empleyado niya. There are so much more than this, Evelyn. Makikilala mo siya kapag nagtagal ka rito. Basta ang paalala ko lang sa iyo ay—”
Si Evelyn na ang nagpatuloy ng sasabihin ni Charles “—huwag magtatanong sa personal na buhay ni Sir Jack! Alam ko na iyan, promise, tahimik lang ako rito kaya hindi kami magkakaroon ng problema.” Nalaman niya na magkasama rin pala sina Jack at Charles sa bahay ni Jack kaya hindi na rin siya nagtaka na malapit talaga ang mga ito sa isa’t isa.
“Wala ka bang ibang request para mas maging komportable sa bahay na ito?”
“Wala na! Ano pa ba ang mahihiling ko? Hindi ko nga alam kung nagtatrabaho pa ako sa kanya ngayon o mapapangasawa niya ako!” Hindi napigilan ni Evelyn na sabihin iyon bilang biro kaya kaagad naman niyang binawi noong napansin niya ang naging reaksyon ni Charles. “Hindi iyon ang ibig kong sabihin, ah! Kung anoman ang iniisip mo riyan, sobrang ganda lang dito na parang nasa hotel ako ng mayaman.”
Natawa na lang si Charles at naisip na iba talaga ang pagkatao ni Evelyn dahil ang iba ay todo request pa kapag tinatanong niya kung may iba pang gusto samantalang si Evelyn ay wala nang ibang hiniling. Hindi ito umaabuso sa kabaitan ng iba. At nang tanungin naman ni Evelyn si Charles tungkol sa pamilya nito at kung kasama ni Jack ang mga ito ay biglang dumating si Jack.
“It’s none of your business, Evelyn,” tugon niya sa tanong ni Evelyn. Nilingon ni Jack si Charles para sabihing, “And you, bumalik na tayo sa bahay dahil kaya naman niya ang sarili niya.”
“Bye, Evelyn,” pagpapaalam ni Charles.
KAHIT GUSTONG SUMAMA NG loob ni Evelyn kay Jack sa paraan ng pakikitungo sa kanya ay naiintindihan niya ito dahil una pa lang naman ay alam na niyang mahalaga sa binata ang pribado nitong buhay at gusto niya na manatiling pribado iyon kaya iginagalang naman niya iyon kahit na minsan ay gusto niya talagang malaman ang mga ganoong bagay tungkol kay Jack.
Aasahan naman ni Evelyn na hindi magiging madali ang trabaho niya rito lalo na at palagi siyang nasusungitan ni Jack. Gusto pa naman niya iyong marami siyang nagiging kaibigan sa trabaho. Likas na kay Evelyn ang pagiging pala-kaibigan at madaldal na sadyang ayaw na ayaw ng bago niyang boss na si Jack. Sa katunayan ay marami na siyang naging kaibigan at karamihan sa mga empleyado ng kumpaniya ay kinaiinggitan siya dahil palagi raw niyang kasama si Jack at maraming babae ang gusto rin ang ganoong posisyon.
“Kung sila kaya ang palaging awayin ng Sir Jack na iyon ay matutuwa at kikiligin pa kaya sila?” tanong ni Evelyn sa sarili sa tuwing maraming nagsasabi na sana ay sa kanila na lang na trabaho ang ginagawa niya. Hindi naman niya iyon masabi nang malakas dahil ayaw rin naman niyang isipin ng iba na sinisiraan niya ang may-ari ng kumpaniya na tutulong sa pamilya niya.
Sa kabuuan ng araw, naging maayos ang takbo ng trabaho ni Evelyn at naging maayos ang tulog niya sa unang gabi niya sa bahay na tunutuluyan.
Kinabukasan, nagising si Evelyn dahil sa mga tunog ng bakal na hindi niya alam kung saan nanggagaling. Sumilip siya sa bintana ng kuwarto niya at iyong halos nakapikit pa niyang mata ay bigla na lang nanlaki dahil nakita niya na nakahubad si Jack habang nag-e-exercise! Napahawak pa nga si Evelyn sa upuan na nandoon dahil hindi niya akalain na maganda rin pala ang katawan ni Jack.
“Gosh, kung ganito naman ang view ko araw-araw ay maaga talaga akong magigising!” pagkausap niya sa sarili habang nakatingin pa rin kay Jack na abala sa pag-e-exercise.
Kitang-kita ang hubog ng katawan ni Jack dahil sa suot nitong workout gear na sa tingin ni Evelyn ay iyon na ang pinakamagandang workout gear na nakita niya. Isa na rin siguro sa dahilan ay dahil si Jack ay may suot ng damit na iyon. Nakita niya na may tatak iyon ng S2J kaya alam niyang galing din kay Jack ang ideya na iyon. Simpleng black sweatpants lang ang suot niya pero ang lakas ng dating nito at mukhang malamig iyon sa balat habang nag-e-exercise at ang sapatos din naman niya ay itim. Ganito ang ginagawa ni Jack sa tuwing umaga bago pumasok, paraan na rin niya iyon para ma-clear ang isip niya sa panibagong simula ng araw.
“Ibang klase pala talaga siya, guwapo na nga ang mukha niya ay magaling pang mag-manage ng negosiyo niya pagkatapos ay maganda pa ang katawan niya na iisipin mong tambay sa gym. Kumpleto sa abs!” Napasampal pa si Evelyn sa sarili niya noong narinig ang sinabi ng sarili. “Tumigil ka nga, Evelyn! Palaging mainit ang ulo ng lalaki na iyan na pinaglihi sa sama ng loob kaya huwag mong pangarapin na magkagusto sa kanya at huwag kang nagbibigay ng compliment! Magsusungit na naman iyon kapag narinig niya!” sigaw pa niya sa sarili at kasabay noon ay ang pagsampal niya sa sarili.
Nang ibalik naman ni Evelyn ang tingin kay Jack ay nakita niya na masungit itong nakatingin sa kanya kaya napa-atras kaagad siya at hiniling na sana ay hindi siya nakita ni Jack na nakatitig sa katawan at ginagawa nito. Ang totoo niyan ay nakita ni Jack si Evelyn ngunit wala lang iyon sa binata dahil hindi naman niya ikinahihiya ang nakita ni Evelyn, nanibago lang siya na umiwas ang dalaga samantalang ang iba ay lumalapit pa sa kanya.
“Maybe that’s one of the reason why Charles kept on telling me that Evelyn is way too different from the other secretaries I had before. We’ll see, mabuti naman iyong makapag-po-focus kami sa trabaho namin.” Iyan ang naisip ni Jack noong umaga na iyon.
Simula sa araw na iyon ay sabay silang papasok ni Evelyn. Hindi nila guguluhin ang pribadong buhay ng isa’t isa pero kasama sa kontrata na kapag magkasama na sina Jack at Evelyn papunta sa trabaho ay nagsisimula na ang trabaho ni Evelyn. Sa ganoong paraan ay maaari niyang kausapin si Evelyn na may kinalaman sa trabaho.
Ang buong akala nga ni Evelyn ay si Charles ang magiging driver nila pero nagulat na lang siya na pagsakay niya sa sasakyan ay si Jack ang sumakay sa driver’s seat at nasa passenger’s seat siya.
“Good morning, Sir Jack. Sorry, akala ko po ay si Charles ang magmamaneho kaya lilipat lang po ako.”
Bababa na sana si Evelyn para lumipat sa likod dahil kung hindi si Charles ang magmamaneho ay malamang na mauupo iyon sa passenger’s seat pero hindi na siya nakababa dahil pinigilan siya ni Jack. “Hindi natin kasama ni Charles kaya diyan ka maupo.”
“Bakit po?”
“Bakit mo rin tinatanong sa akin? May iba akong ipinagawa sa kanya. Dapat ko ba siyang ipagpaalam sa iyo? At bakit sa likod ka mauupo? Balak mo pa yata ako gawing personal driver mo.”
Ngumiti pa si Evelyn nang alanganin dahil ramdam na naman niya ang pagiging mainit ng ulo ni Jack. Hindi yata makukumpleto ang araw niya kapag hindi naririnig ang pagsusungit ni Jack.
“Hindi naman po, Sir Jack. Nagtatanong lang po, ang aga pa para uminit ang ulo mo sa akin.”
Hindi naman pinansin ni Jack ang pagbibiro ni Evelyn. “What’s my schedule for today? Meetings? Appointments? May tumawag din ba sa iyo para makipagkita sa akin?” tanong ni Jack habang nagmamaneho na ito.
“Wala naman pong tumawag, Sir Jack. May mga nakapila lang pong kliyente ngayong araw na kikitain niyo,” sagot ni Evelyn pagkatapos ay inilapag na ang mga meeting ni Jack sa iba’t ibang kliyente nila. Halos hingalin nga si Evelyn sa pagbabasa ng mga iyon at blangko lang ang ekspresyon ng mukha ni Jack habang nakikinig sa kanya.
“Okay, listen to me, cancel all my meetings from three in the afternoon.” Nabigla naman si Evelyn dahil binasa ulit niya iyon para sabihin na importante ang mga meeting na iyon. “I know, bakit ko naman makalilimutan na importante ang mga iyon? Just do what I say, Evelyn.”
“Bakit po?”
“Do I really need to answer that? Ipaaalala ko lang na ako ang boss mo rito at hindi ko kailangang i-report sa iyo ang lahat ng lakad ko. Are we clear?” Tumango na lang si Evelyn at gustong saktan ang sarili sa pagtatanong kay Jack. Bakit nga ba kasi niya iyon itinanong sa boss niya?
“Hmm . . . siguro ay may date siya kaya maagang uuwi.” Iyon ang naisip niyang dahilan ni Jack. Maging si Evelyn ay nagtataka na rin sa pagiging interesado niya sa buhay ni Jack kahit ang totoo ay hindi naman siya interesado noong una. Madalas siyang binibiro ng matalik na kaibigan kay Jack at iyon ang naiisip niyang dahilan kung bakit gustong-gusto niyang malaman ang iba pang bagay tungkol kay Jack. Sa madaling salita ay kasalanan ito ng kaibigan niya.
Gusto na niyang isipin na masyadong mataas ang naging pangarap niya para maglakas ng loob na maging sekretarya ni Jack na walang alam gawin kung hindi ang magsungit sa kanya pero alam ni Evelyn na kahit gaano pa kasungit si Jack ay hindi siya basta-basta susuko.