Lumingon si Cairo sa batang nagsalita. Si Niko. Siya ang batang lalaki na anak ng nakatira sa bahay na kanina pa niya tinitingnan. Naging malapit na din siya sa bata lalo pa at madalas nga siyang bumisita sa lugar na iyon.
“Nasasabik ka ba ulit sa dati ninyong bahay?” Inosenteng tanong ni Niko. Napangiti si Cairo. Alam na alam ng batang maliit kung ano ang dahilan ng pagpunta niya roon. “Halika, pumasok ka muna. Nandoon si Ina.”
Ngumiti si Cairo at marahang ginulo ang buhok ni Niko. Humagikhik naman ang bata at hinila ang kamay niya palapit sa bahay. Nagulat pa ang ina nito na si Aling Marta. Pero agad din namang ngumiti at magiliw siyang binate.
“Mabuti naman at naalala mong dumalaw ulit.” Masayang sabi ni Aling Marta. “Nag-almusal ka na ba? Halika at ipaghahanda kita ng pagkain.”
Nahihiyang ngumiti si Cairo sa ginang. Naging napakabait nito sa kanya lalo na noong nalaman ang dahilan kung bakit siya madalas na magpunta doon. Alam nitong nangungulila siya sa dating pamilya. Itinuring na din siyang anak ni Aling Marta at ng asawa nito. Inanyayahan pa siyang manirahan nalang na kasama ng mga ito tutal ay ulila na din naman siya. Pero tumanggi siya. Mahalaga sa kanya na makita si Kannon. At si Kroen. Kilala din ng mga ito ang babaeng minamahal niya.
Minsan na niyang naipakilala si Kroen sa mag-anak. At ganoon nalang din ang dismaya ng mga ito nang malamang hindi natuloy ang kanilang kasal.
BOW AND ARROW ang armas na napili ni Aila ng papiliin sila ni Ryeuki sa mga armas na inilatag nito sa kanilang harapan. Kailangan daw nila iyon sa paglalakbay dahil naglipana ang mga masasamang tao sa paligid. May alam din naman siya sa archery kahit paano dahil naging activity nila iyon sa P.E noong nasa high school pa siya. Kaya naman iyon na ang pinili niya. Sina Ryeuki, Cairo at Yamilla naman ay mga samurai ang kinuha. Nagmumukha tuloy ninja si Yamilla sa outfit nitong all black attire with matching samurai. It was so surprising na naipagpatahi agad sila ni Ryeuki ng mga kasuotang katulad na katulad ng suot nila nang una silang dumating doon. Hindi man ganoon kapulido pero naging kamukha na din. Kahit papaano ay may pamalit sila.
“Sigurado ka bang marunong kang gumamit niyan?” pasimpleng tanong sa kanya ni Cairo.
Tanghalian na nang dumating ang lalaki. Gusto sana niyang mag-usisa kung saan ito nanggaling lalo na nang makitang malungkot ang aura ng lalaki. Pero may pakiramdam siya na walang balak na mag-share si Cairo. At ano bang pakialam niya kung malungkot man ito. Lahat ng tao, may kanya-kanyang pasan na krus. Mas dapat siyang magpokus sa sariling problema bago isipin ang iba.
Binalingan ni Aila si Cairo na chine-check naman ang samurai na hawak.
“Oo naman, ano? Sisiw lang gamitin ‘to.” Kumpiyansang sagot niya. May bigla siyang naalala. “Ikaw ba ang nagbuhat sa akin papunta sa silid ko kagabi?”
Nakatulugan na kasi niya ang pagsa-sound trip. At nang muli siyang magmulat ay liwanag ng araw na nanggagaling sa bintana ng kanyang silid ang sumalubong sa kanya. Ni hindi niya naramdaman na may nagdala na sa kanya roon nang nagdaang gabi.
“Ssshhh!” saway nito sa kanya. “Huwag ka na ngang maingay riyan. Baka marinig ka ng kamahalan at maparusahan ako.”
“Bakit ka naman mapaparusahan?” nagtatakang tanong niya. Hindi ba’t dapat na ipagpasalamat pa niya ang pagdadala nito sa kanya sa silid?
“Isang kalapastanganan ang ginawa kong pagpasok sa silid ng hinirang na binibini.” Pabulong na sagot nito.
Bumulong nalang din siya. “Kung ganoon naman pala, sana ginising mo nalang ako. Paano kung may nakahuli sayo na─”
Nahinto siya sa pagsasalita nang mapansing titig na titig ito sa kanya. Nagkagulo na naman ang dibdib niya.
Why, he has that effect on hers. Nagagawa nitong patibukin ng ganoon kabilis ang dibdib sa pamamagitan lang ng pagtitig nito sa kanya.
“Hindi ko na naisip na gisingin ka dahil pansin kong masarap na ang tulog mo. Kayang-kaya naman kitang kargahin kaya’t kinarga nalang kita.”
“Hindi ang pagkarga mo sa akin ang tinutukoy ko. Ang ibig kong sabihin, paano kung may nakahuli sayo sa pagpasok mo sa silid ko gayong pwede mo─”
“Ayokong gisingin ka. Ayokong maabala ang pagtulog mo. Kung nahuli man ako, maipagtatanggol ko naman ang sarili ko. Pero dahil hindi naman ako nahuli, paninindigan ko nalang na hindi ko ginawa iyon. Ang mahalaga, nakabawi ka na ng lakas dahil sa pagtulog mo. Alam ko naman na madami kang inaalala kaya’t kailangan mo din ng mahabang pahinga.”
Para bang may kung anong mainit na humaplos sa kanyang puso dahil sa kabutihang ipinakita nito sa kanya. Nakadagdag yata iyon sa puntos ng paghanga niya rito. Tama, inaamin na niya sa sarili na inia-admire niya ito. Hindi lang ito gwapo, mabait din. Those were enough reasons to accept that she admires him.
She actually likes him!
What?
“Ano ang pinagbubulungan ninyo diyan?” untag sa kanila ni Ryeuki. “Nakahanda na ang mga kabayo na gagamitin natin sa paglalakbay. Sumunod na kayo sa akin sa labas.” Pagkasabi noon ay tumalikod na ito.
Sumunod naman sila sa pinuno. At parang gusto nalang niyang mapatanga matapos makita ang nagtatayugang mga kabayo. Sa malawak na kaparangan ng hilagang bahagi ng kastilyo naroroon ang mga kabayong ginagamit sa paglalakbay. Hindi yata bagay na gawing sasakyan lang ang mga kabayong iyon. Kung makikita iyon ng mga taong nasa mundo niya na nagbe-breed ng mga stallion horses, malamang na panghinayangan ng mga iyon dahil ginagamit lang as means of transportation.
“Diyan tayo sasakay?” pagkumpirma niya.
“Oo, Aie.” Si Ryeuki ang sumagot.
“Pero… hindi kasi ako marunong mangabayo.”
“Sa kabayo ko nalang ikaw sumakay.” sabay na suhestiyon nina Ryeuki at Cairo.
Nagkatinginan pa ang mga ito at sabay na bumaling sa kanya para hintayin ang kanyang magiging sagot. Nakakapagtaka na hindi nag-give way si Cairo sa pinuno ng mga ito. Sa kabilang banda ay ikinatuwa niya iyon. Dahil kung siya ang masusunod, mas gusto niyang sa iisang kabayo sila sumakay ni Cairo . Pero ayaw rin naman niyang ipahiya si Ryeuki. Napilitan tuloy siyang lingunin si Yamilla na walang kahirap-hirap na nakasakay na sa kabayong ibinigay rito.
“Kay Yamilla nalang ako makikisakay.”