Sa Bahay Nila Honey – Kinagabihan
Habang nasa hapag-kainan, tahimik lang si Honey na naglalaro ng kanin sa plato niya. Hindi niya namamalayang kanina pa siya pinagmamasdan ng kanyang ina, si Aling Agnes.
"Ano na naman ang nangyari sa’yo, ha?" tanong ng ginang habang inaayos ang pagkakaupo.
Napatingin si Honey sa ina, saka bumuntong-hininga nang malakas. "Wala po."
Napataas ng kilay si Aling Agnes. "Wala daw, pero nakanguso na parang pato. Hmm… may kinalaman ba ‘yan kay Desmon?"
Agad na napatingin si Honey sa ina, nanlaki ang mga mata. "Ha? Bakit naman po siya?"
Napangiti si Aling Agnes. "Aba, sino pa ba ang mahilig mang-asar sa’yo?"
Bumuntong-hininga ulit si Honey, saka sumandal sa upuan. "Ewan ko ba kay Desmon, Mama. Ang kulit-kulit niya! Akala mo kung sinong hari kung umasta. Asar na asar na talaga ako sa kanya!" reklamo niya, pero halatang may halong kilig ang tono niya.
Napailing si Aling Agnes, kita sa mukha niya ang aliw habang pinagmamasdan ang anak. "Asar ka nga ba talaga? O baka naman kinikilig ka lang?"
"Mama naman! Hindi po!" mabilis na sagot ni Honey, sabay takip ng mukha. "Hindi talaga! Asar lang! Nakakainis siya!"
Tawang-tawa si Aling Agnes sa reaksyon ng anak. "Nak, kung ayaw mo talaga kay Desmon, bakit mo siya pinag-uusapan pa?"
"Eh kasi po!" Napahinto si Honey, hindi alam ang isasagot. "Dahil lagi niya akong ginugulo! Siya naman po kasi ang makulit!"
Umiling ang kanyang ina at ngumiti. "Alam mo, Honey, kapag ang isang lalaki ay laging nang-aasar sa isang babae, baka hindi lang yan basta trip-trip."
Napakunot ang noo ni Honey. "Anong ibig niyong sabihin, Mama?"
Humagikhik si Aling Agnes at tinapik ang kamay ng anak. "Hay naku, anak. Bata ka pa, pero balang araw, maiintindihan mo rin."
Hindi maintindihan ni Honey kung bakit parang tuwang-tuwa ang kanyang ina. Pero isa lang ang sigurado niya—hindi pa rin siya makawala sa kakulitan ni Desmon Anderson.
Sa Silid ni Honey
Mahigpit na niyakap ni Honey ang kanyang unan habang nakahiga sa kama. Nakapikit na siya, pero sa tuwing susubukan niyang matulog, isang mukha lang ang pumapasok sa isip niya—si Desmon.
"Hmp! Nakakainis talaga ‘yon!" bulong niya sa sarili, pero kahit anong gawin niya, hindi niya mapigilan ang ngiti sa labi niya.
Naalala niya kung paano siya nito sinukol sa kusina kanina. Ang mapanuksong ngiti nito, ang malapit nitong mukha sa kanya… at ang paraan ng pang-aasar na kahit nakakainis ay tila nagpapabilis sa t***k ng kanyang puso.
"Bakit ba siya hindi mawala sa isip ko?" bumuntong-hininga siya at nagtalukbong ng kumot. "Hindi naman siya espesyal! Ginagawa niya lang akong libangan!"
Sinubukan niyang kumbinsihin ang sarili, pero kahit anong gawin niya, tila hindi siya naniniwala sa sarili niyang mga salita.
---
Samantala, sa Mansyon ng Anderson
Nakaupo si Desmon sa kanyang kama, nakapangalumbaba habang naglalaro ng bola sa kamay niya. Wala siyang iniisip, ni hindi niya maalala kung paano niya pinakawalan si Honey kanina.
Para sa kanya, ang pang-aasar sa dalagita ay walang ibang ibig sabihin kundi isang libangan—isang bagay na ginagawa niya para mapawi ang pagkainip niya.
Wala lang talaga si Honey sa kanya. Hindi niya naman ito gusto.
Ngumisi siya sa sarili habang naaalala ang irap ni Honey. "Ang cute niyang magalit." bulong niya, saka ipinikit ang mga mata.
Sa ngayon, wala lang talaga sa kanya ang ginagawa niyang pang-aasar kay Honey. Pero… hanggang kailan niya kaya masasabi ‘yon?
Sa Harap ng Private School – Unang Araw ni Honey
Excited at kabado si Honey habang nakatayo sa harap ng malaking eskwelahang pinapasukan ng mayayamang estudyante. Hindi niya inasahan na makakapag-aral siya sa isang private school, at lahat ng ito ay dahil kay Lola Gloria, na nagpilit na siya’y dito mag-aral.
"Honey, kaya mo ‘to! Huwag kang kabahan!" bulong niya sa sarili habang mahigpit na hawak ang bag.
Habang naglalakad papasok, ramdam niya ang ilang pares ng mata na nakatingin sa kanya. Siguro dahil bago siya, o baka dahil hindi siya sanay sa ganitong klaseng environment.
Pero ang hindi niya alam, isang pares ng mata ang nanlaki sa pagkabigla nang makita siya.
"What the—Honey?!"
Mula sa malayo, halos mabilaukan si Desmon Anderson nang makita ang dalagitang kakilala niya sa loob ng campus. Nakaupo siya kasama ang ilang kaibigan, pero nang matanaw niya si Honey, agad siyang napabangon sa upuan niya.
Hindi makapaniwala si Desmon sa nakita. Ano ang ginagawa ni Honey rito?
Naglakad ito papunta sa kanya, pero mukhang hindi pa siya nito napapansin. Mabilis siyang humarang sa daraanan ng dalagita, dahilan para mapatigil ito.
"Anong ginagawa mo dito?" tanong ni Desmon, halatang gulat pa rin.
Nagtaas ng kilay si Honey. "Ha? Nag-aaral?" sagot niya na parang walang problema.
Napakunot-noo si Desmon. "Dito ka mag-aaral? Sa school namin?"
Natawa si Honey sa reaksyon ng binata. "Oo, bakit? Akala mo ba hindi ako papasa sa ganitong school?"
Hindi agad nakasagot si Desmon. Ang totoo, hindi niya lang inakala na makikita niya ulit si Honey sa lugar na dapat ay teritoryo niya.
Ngumisi si Desmon, bumalik ang pilyong ngiti sa labi niya. "Mukhang hindi ka na makakatakas sa’kin, Honey."
Napairap si Honey. "Hmp! At bakit ko naman gustong tumakas? Hindi naman kita iniiwasan!"
Lalo lang lumapad ang ngiti ni Desmon. "Good. Dahil simula ngayon, wala ka nang ligtas sa pang-aasar ko."
Napahawak si Honey sa noo niya. "Diyos ko po, bakit ko pa ba ito tinanong?" bulong niya sa sarili, habang si Desmon naman ay aliw na aliw sa bagong takbo ng kanilang tadhana.
Desmon’s POV
Nakatitig lang ako sa likuran ni Honey habang papalayo siya. Hindi pa rin ako makapaniwala. Dito siya mag-aaral? Sa private school namin?
Napailing ako at napangisi. "Well, well, well... mukhang magiging mas interesting ang school year na ‘to."
Umupo ako pabalik sa bench, pero hindi ko maiwasang mapaisip. Sa lahat ng eskwelahan, bakit dito pa? Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis.
Si Honey. Yung batang laging nasa bahay namin kapag Sabado’t Linggo. Yung laging inaasar ko. Yung mahilig manguso kapag nabibwisit sa’kin—na hindi ko rin maintindihan kung bakit ang cute tignan.
Ngayon, hindi lang tuwing weekend ko siya makikita. Araw-araw na.
Napangiti ako at napailing. "Hindi ka na makakatakas sa’kin, Honey."
Pero teka—bakit ko nga ba iniisip ‘to? Wala lang naman siya sa’kin, ‘di ba? Ginagawa ko lang siyang libangan.
Muli akong sumandal sa upuan at pinagmasdan ang ibang estudyanteng dumaraan. Pero kahit anong gawin ko, isang mukha lang ang pumapasok sa isip ko.
Si Honey, na may bitbit na bag, nakaayos ang buhok, at may kakaibang kislap sa mga mata.
Bigla akong napabuntong-hininga. "Ano ba ‘to, Desmon? Hindi mo naman siya gusto, ‘di ba?" bulong ko sa sarili.
Pero ewan.
Pakiramdam ko, simula ngayong nandito na siya, mas lalo pang magiging makulit ang buhay ko.
Desmon’s POV
Hindi ko alam kung matatawa ako o mahihilo sa sitwasyon ko ngayon. Simula nang malaman kong dito rin mag-aaral si Honey, pakiramdam ko wala na akong ligtas sa kanya.
Akala ko noon, sa bahay lang kami magbabanggaan. Pero ngayon? Kaklase ko pa pala siya.
Napangisi ako habang nakatayo sa hallway, nakasandal sa locker ko habang pinagmamasdan siyang pumasok sa classroom. Mukhang hindi niya pa ako napapansin.
Pero syempre, hindi ko hahayaan na mapayapa siya.
"Uy, Honey."
Napahinto siya, at nang makita ako, agad siyang nagkunot-noo. "Desmon?!"
Ngumisi ako at nilagay ang kamay sa bulsa. "What a coincidence, huh? Mukhang sinusundan mo ako."
"Excuse me? Sinusundan? Ang kapal naman ng mukha mo!" irap niya, sabay talikod.
Hindi ko napigilang matawa. Honey is still the same. Madaling mairita, pero halatang hindi niya rin ako kayang dedmahin.
Pero hindi pa natatapos ang gulat niya.
Sa kalagitnaan ng klase, habang pinapakilala siya ng teacher bilang bagong estudyante, isang anunsyo ang nagpalaki sa mga mata niya.
"At dahil ikaw ang pinakamataas ang nakuhang entrance exam score sa lahat ng transferees, Honey, ikaw ang magiging class representative."
Bigla siyang napatingin sa akin. At syempre, hindi ko siya bibiguin.
"At sino po ang magiging co-representative niya?" tanong ko na may pilyong ngiti.
Ngumiti ang teacher. "Ikaw, Desmon. Since ikaw ang best student sa batch na ‘to, kayong dalawa ang magiging magkatulong sa mga activities ng klase."
Nakita ko kung paano nanlaki ang mga mata ni Honey, parang gusto niyang lumubog sa sahig.
"WHAT?!" halos sabay naming sigaw.
Pero sa loob-loob ko, mas natuwa ako kaysa nabigla.
Ngumisi ako nang malapad at bumulong sa sarili, "Mukhang magiging masaya ‘tong school year na ‘to. Hindi ka na talaga makakatakas sa’kin, Honey."
Honey’s POV
Halos manlamig ang buong katawan ko sa narinig kong anunsyo. Ako? Class representative? At si Desmon ang co-representative ko?!
Pakiramdam ko, gusto kong bumagsak bigla ang kisame ng classroom para matapos na ‘tong bangungot na ‘to.
At para bang hindi pa sapat ang stress ko, narinig ko ang bulung-bulungan ng mga kaklase namin.
"Si Honey at si Desmon? Magkasama sa leadership? Ang weird!"
"Pero bagay sila, ‘no? Pareho silang matalino."
"Ang swerte naman ni Honey, laging kasama si Desmon! Ang hottie na, ang talino pa!"
"Hindi kaya may something na sa kanila?"
Napalunok ako. What the heck?!
Kahit hindi ako lumilingon, ramdam ko ang mga tingin ng iba. At ang pinaka-ayaw ko? Ramdam ko rin ang titig ni Desmon mula sa tabi ko.
Sinulyapan ko siya. Nakangisi ang gago.
"Mukhang magiging busy tayo sa isa't isa, partner." pabulong niyang sabi.
Napasinghap ako at agad siyang siniko sa tagiliran. "Tigilan mo nga ‘yan! As if gusto ko ‘tong setup na ‘to!" bulong ko pabalik.
Pero imbes na magreklamo, lalo lang siyang ngumiti. "Relax ka lang, Honey. Sino ba naman ang aayaw sa isang hot at smart na co-rep?"
Mas lalo lang akong nairita sa kapal ng mukha niya.
"Ugh! Diyos ko, bakit siya pa?!" sigaw ng isip ko habang binabaon ang mukha sa palad ko.
Mukhang hindi lang siya ang wala nang ligtas sa pang-aasar… ako rin.