Desmon’s POV
Uwian na. Sa wakas.
Habang nag-aayos ako ng gamit, hindi ko maiwasang mapangisi. Hindi ko akalaing magiging ganito ka-interesting ang unang araw ng klase.
Si Honey, ang iniiwasan kong asarin sa bahay, ay hindi ko na matatakasan dito sa school. At ang pinaka-masaya sa lahat? Ako ang co-representative niya.
Lumabas ako ng classroom at agad na nahanap ng mata ko ang maliit na dalagitang sinusumpa ang tadhana. Nakapamewang siya, halatang iritable.
"Ugh! Hindi ko talaga ‘to matanggap!" narinig kong bulong niya sa sarili habang bumubuntong-hininga.
Napangisi ako. "Uy, partner. Sinasabi mo ba ‘yan sa sarili mo o sa akin?"
Napalingon siya at agad na lumuhod ang balikat niya nang makita ako. "Ugh! Bakit nandito ka pa? Akala ko nauna ka nang umalis!" reklamo niya.
Umiling ako. "Bakit kita iiwan? Mas masaya ‘to kapag kasama kita, eh."
Sinamaan niya ako ng tingin. "Hindi ako natutuwa, Desmon."
Lalo lang akong natawa. "Mas lalo akong natutuwa kapag ganyan ang reaksyon mo."
Hindi ko alam kung bakit, pero aliw na aliw akong makita ang iritable niyang mukha. Yung kilay niyang nakakunot, yung bibig niyang nakanguso—parang bumalik kami sa mga araw na nasa bahay kami ni Lola Gloria, kung saan ang paborito kong gawin ay inisin siya.
Pero iba na ngayon.
Hindi lang tuwing weekend. Araw-araw ko na siyang puwedeng asarin.
Habang naglalakad kami palabas ng gate, biglang huminto si Honey at napatingin sa paligid.
"Honey, hatid na kita." Napatingin ako sa gilid, si Lola Gloria pala, nakasakay sa sasakyan at kumakaway sa kanya.
"Lola!" Agad siyang lumapit at sumakay sa sasakyan.
Bago sila umalis, sumilip siya mula sa bintana at tinitigan ako. "Tandaan mo ‘to, Desmon. Hindi mo ako matatalo."
Napataas ako ng kilay. "Talo saan?"
Umismid siya at ngumiti ng mapanukso. "Sa kahit ano. Lalo na sa pagiging boss ko sa ‘yo."
Naningkit ang mga mata ko. "Boss? Anong pinagsasasabi mo?"
Pero bago ko pa siya matanong ulit, sinara na niya ang bintana ng sasakyan at umalis.
Naiwang nakatayo ako, naguguluhan. Boss? Siya? Ako?
Napailing ako, pero hindi ko mapigilan ang ngiti sa labi ko. "Tingnan na lang natin, Honey. Kung sino talaga ang boss sa ating dalawa."
Pagkarating namin sa mansyon, agad na hinila ni Lola Gloria si Honey papunta sa dining area.
“Hindi ka muna uuwi hangga’t hindi ka pa kumakain,” mariing sabi ni Lola habang hinihila si Honey sa upuan.
Natawa ako nang makita ang reaksyon ni Honey—halatang gusto na niyang umuwi pero hindi niya kayang tanggihan si Lola. Cute.
Umupo ako sa tapat niya, habang si Lola naman ay abalang inuutusan ang mga kasambahay na ihain ang pagkain. Napansin kong parang hindi mapakali si Honey.
“Relax ka lang, Honey. Hindi ka naman ipapakain ni Lola,” tukso ko habang sinandalan ang upuan.
Sinamaan niya ako ng tingin. “Hayaan mo ako, Desmon. Gusto ko nang umuwi.”
“Eh kaso hindi ka pa puwede,” sagot ko, sabay abot ng baso ng tubig sa kanya. “Kaya habang nandito ka na rin lang… might as well make yourself useful.”
Napataas ang kilay niya. “Anong ibig mong sabihin?”
Ngumisi ako at inilapit ang isang plato sa kanya. “Bigyan mo nga ako ng kanin. Tamad akong tumayo.”
Napaawang ang bibig niya. “Ano ako, katulong mo?”
Nagkibit-balikat ako. “Eh class rep kita, ‘di ba? Dapat inaalagaan mo co-rep mo.”
Nakita kong napakuyom siya ng kamao. Tila nagpipigil ng gigil. Pero imbes na sumabog, kinuha niya ang sandok at sinandukan ako ng kanin—pero hindi lang basta sandok. PUNONG-PUNO ang plato ko, parang pang-construction worker!
Napalunok ako. “Uh… okay, sobra naman yata ‘to.”
Ngumisi siya ng matamis—yung tipong alam mong may halong pang-aasar. “Dami mong satsat, kumain ka na lang.”
Natawa si Lola Gloria. “Aba, parang mag-asawa kayong dalawa kung mag-asaran!”
Pareho kaming napatigil at napatingin kay Lola.
“L-Lola!” halos sabay naming reklamo.
Ngumiti lang si Lola at tumango. “Ewan ko sa inyo, pero ang cute n’yong panoorin.”
Napatingin ako kay Honey—na ngayon ay namumula ang pisngi at mukhang gusto nang lumubog sa kinauupuan niya.
Napangisi ako.
Kung iniisip niyang siya ang boss ko, mukhang kailangang ipaalala ko sa kanya kung sino talaga ang may upper hand dito.
Habang kumakain, hindi maiwasan ni Lola Gloria na magtanong tungkol sa unang araw ng klase namin ni Honey.
“O, Honey, kamusta naman ang unang araw mo sa eskwelahan?” tanong ni Lola habang pinupunasan ang gilid ng labi niya gamit ang napkin.
Napatigil si Honey sa pagsubo at saglit akong sinulyapan bago sumagot. “Ayos naman po, Lola. Medyo nakakapanibago lang kasi ibang-iba sa dati kong school.”
“Syempre naman, private school ‘to, iha. Mas maganda ang facilities at mas challenging ang mga subjects.” ngumiti si Lola. “Pero alam kong matalino ka, kaya kakayanin mo ‘yan.”
“Salamat po, Lola.” Tumango siya, pero halatang may iniisip pa siya.
Napangisi ako at hindi napigilang sumingit. “Challenge? Paano kung ako ang challenge niya, Lola?”
Napairap si Honey. “Oo nga. Isa ka ngang malaking sagabal sa buhay ko.” bulong niya, pero rinig ko.
Napatawa si Lola at saka tumingin sa akin. “Ikaw naman, Desmon. Kamusta ka naman sa unang araw mo?”
Nagkibit-balikat ako at kumagat sa tinapay. “Wala namang bago, Lola. Except sa isang bagay.” Dahan-dahan kong ibinaling ang tingin ko kay Honey, saka kinindatan siya. “May bago akong libangan sa school.”
Napasinghap si Honey at mabilis akong siniko sa tagiliran. “Tumigil ka nga, Desmon!” bulong niya, pero halatang naiinis.
Natawa lang ako at nagpatuloy sa pagkain.
“Naku, Desmon, wag mong masyadong inisin si Honey, ha?” babala ni Lola, pero may halong tuwa ang tono niya. “Baka dumating ang araw, ikaw naman ang mapikon.”
Napailing ako at sinulyapan si Honey na ngayon ay mukhang handa nang ihampas ang kutsara sa akin.
Challenge accepted, Lola.
Pagtapos kumain, agad na tumayo si Honey at kinuha ang bag niya. Halatang nagmamadali siyang makaalis bago ko pa siya kulitin ulit.
"Lola, salamat po sa pagkain. Uuwi na po ako," magalang niyang sabi habang hinahalikan sa pisngi si Lola Gloria.
Pero bago pa siya makalayo, mabilis akong tumayo at hinarang ang pintuan. "Sandali lang, Honey. Saan ka pupunta?"
Tumaas ang kilay niya. "Uuwi, halata naman, ‘di ba?"
Ngumisi ako at bahagyang sinandal ang balikat sa pinto, hindi ko siya hinayaang makadaan. "Bakit ang bilis mo namang umalis? Parang iniiwasan mo ako."
Napairap siya. "Wala akong oras sa pang-aasar mo, Desmon. Umayos ka nga d’yan at lumayo!"
Pero syempre, mas ginanahan pa ako. Nilapit ko ang mukha ko sa kanya, sapat lang para makita kong namula ang pisngi niya. "Bakit? Kinakabahan ka ba?" bulong ko.
Halos mag-apoy ang tingin niya sa akin. "Kinakabahan? Sa ‘yo? Sa panaginip mo lang, Desmon!"
Natawa ako. "Sigurado ka? Eh bakit parang hindi mo ako matingnan ng diretso?"
Bigla siyang umatras, pero mabilis kong hinawakan ang strap ng bag niya. "Diyan ka lang, hindi pa ako tapos."
"Ano pa bang gusto mo?!" iritadong tanong niya.
Nagkibit-balikat ako. "Wala naman. Gusto ko lang itanong kung masaya ka na ngayong lagi mo na akong makikita sa school."
"Hindi ako masaya!" madiin niyang sagot. "Asar na asar nga ako kasi akala ko weekends lang kita titiisin, ‘yun pala araw-araw na!"
Napangisi ako. "So ibig sabihin, iniisip mo ako palagi?"
"Hindi ‘yun ang ibig kong sabihin!" sigaw niya.
"Sabi mo na nga ba, gusto mo akong makita araw-araw," tukso ko pa.
Bago pa siya sumabog sa inis, mabilis siyang tumalikod at tumakbo palabas ng bahay. "Ugh! Desmon Anderson, kakainis ka!"
Napangisi lang ako habang pinagmamasdan siyang lumayo.
Ang cute niyang mapikon.
At lalo lang akong na-excite sa ideyang araw-araw ko na siyang aasarin.
Habang pinapanood ko ang papalayong si Honey, hindi ko mapigilan ang pagngisi. Ang dali niyang asarin, at mas nakakatuwang makita siyang naiinis sa akin.
Pero bago pa ako makaalis sa kinatatayuan ko, napansin kong nakatingin sa akin si Lola Gloria, may bahagyang lungkot at pangaral sa kanyang mga mata.
“Desmon,” seryoso niyang tawag. “Halika rito.”
Lumapit ako at umupo sa tabi niya sa sofa. "Bakit, Lola? May problema ba?"
Huminga siya nang malalim bago nagsalita. "Alam kong nakasanayan mo nang asarin si Honey, pero apo, hinay-hinay ka lang. Hindi mo alam kung anong pinagdadaanan ng batang ‘yun."
Napaangat ang kilay ko. "Ha? Lola, ang kulit nga no’n, parang wala namang problema sa buhay."
Umiling si Lola. "Huwag kang basta maghusga, Desmon. May mga bagay na hindi natin nakikita sa panlabas lang. Alam mo ba kung sino ang pamilya niya?"
Nagkibit-balikat ako. "Hindi ko alam, pero parang hindi naman mayaman. Kung hindi pa kayo magkakilala ni Aling Agnes, malamang hindi siya makakapag-aral sa private school."
Tumango si Lola. "Tama ka riyan, pero hindi ibig sabihin no’n ay simpleng pamilya lang sila. May kapit sa itaas ang pamilya nila, Desmon."
Napalunok ako. "Ano'ng ibig mong sabihin, Lola?"
Sumandal si Lola sa sofa, waring bumalik sa alaala niya. "Matagal ko nang kilala ang pamilya ni Honey. Lalo na ang ama niya."
Naningkit ang mga mata ko. "Sino ba talaga ‘yung tatay niya?"
Bahagyang ngumiti si Lola, pero kita ko ang lungkot sa kanyang ekspresyon. "Isang taong hindi mo gugustuhing galitin, Desmon. Kilala ko siya dahil minsan nang naikuwento sa akin ni Agnes ang tungkol sa kanya. Isang taong may malaking impluwensya."
Napakurap ako. "So, ibig sabihin... mayaman sila dati?"
Tumango si Lola. "At hindi lang basta mayaman. Kung gusto mong malaman, hintayin mo na lang si Honey mismo ang magsabi sa'yo. Pero tandaan mo ‘to, Desmon—huwag mong sasaktan ang batang ‘yun. Hindi lang dahil malapit siya sa akin, kundi dahil hindi natin alam ang tunay niyang pinagmulan."
Napatahimik ako. Hindi ko alam kung bakit biglang bumigat ang pakiramdam ko. Para bang may kakaibang misteryo sa buhay ni Honey na hindi ko pa alam.
At sa hindi ko maipaliwanag na dahilan... mas lalo akong na-curious sa kanya.