Chapter 3 -Kahit Bilang Kaibigan

1839 Words
Kinabukasan ng umaga dala ang recommendation letter mula kay Principal Valderama ay tinungo ko ang kumpanya ng Javier Publishing sa Timog. Sadyang inagahan ko ang pag-alis ko sa aking tinutuluyan dahil hahanapin ko pa ang lugar ng naturang kumpanya. Pasado alas-siyete ng umaga ay nakarating ako sa destinasyon ko, pinakita ko ang recommendation letter sa guwardiya na binigay sa akin kahapon at kaagad akong pinatuloy sa looban. Pagpasok ko sa loob ay may isang babaeng humarap sa akin para ako ay asistahin. Sinabi ko ang aking pakay at mabilis ako nitong sinamahan sa pribadong silid ng may-ari na siyang kaibigan ni Principal Valderama. Nang makapasok ako sa opisina ng may-ari ay kaagad akong pinaupo ng isang hindi pa katandaan na lalaki na mataas at maganda ang tindig. Sa kasuotan nito ay tiyak ko na siya ang may-ari at ang kaibigan na tinutukoy sa akin ni Principal Valderama. Magiliw akong kinausap ni Mr. Napoleon Javier na siya ngang may-ari ng Javier Publishing. Nagkwento rin ito ng pagkakaibigan nila ni Principal Valderama at mga naging trabaho nito noon bago pa siya nagkaroon ng sariling kumpanya. Base sa unang tingin ay masasabi kong mabait na tao si Mr. Javier, palangiti ito at mapagbiro. Matapos namin mag-usap ay inilibot niya ako sa kanyang kumpanya, ipinakilala rin niya ako sa ibang mga empleyado niya na nakasalubong namin. Hindi muna ako nagsimula agad bilang messenger pero pinatiruan niya ako sa isang empleyado niyang nag-ngangalang na Geronimo sa mga gagawin ko bilang messenger ng Javier Publishing. Nang sumunod na araw ay maaga kong sinimulan ang bagong trabaho ko. Habang naghihintay ako ng mga papeles na dapat kong dalhin sa isang lugar ay nakamasid ako at inaaral ang ginagawa ng mga nasa printing. Kung titingnan ay mukhang madali lamang ang trabaho na ginagawa nila subalit mabusisi pala ang gawa nila at nangangailangan ng pulidong pagbabantay. Isang pagkakamali lamang ay malaki na ang epekto sa iba pang proseso. Nang tawagin na ako para sa mga papeles na aking dadalhin ay mabilis ko ng tinungo ang address na pagdadalhan ko. Isa itong garment factory, Lorenzano and Lorenzano Textile. Nasa may bukana na ako ng naturang factory para ibigay sa guwardiya ang mga dala ko ng may nagsalita sa likuran ko. “Manong Guard?” sabay kaming napatingin ng gwardiya sa babaeng nagsalita. “Yes po, Mam Grace.” ‘May hinabilin sa akin sila Papa. May darating daw po na mga papeles ngayong umaga. Importante daw po ang mga yun so kapag dumating po ay pakidala na lang po kaagad sa office.” Ang ganda ng boses niya, tila ba boses ng isang anghel. Malumanay at malambing na para kang dinuduyan sa ulap. Maganda rin siya, mukha siyang anghel na bumaba sa lupa. Katamtaman lang ang tangkad niya at ganun din ang kanyang pangangatawan. Nakatitig ako sa kanya ng masulyapan niya ako. Nagulat pa ako ng simple siyang ngumiti sa akin bago nagbalik ng tingin sa guwardiya. Para akong tinamaan ng kidlat sa mga ngiti niya. Mas lalo siyang gumanda sa paningin ko ng ngumiti siya. “Sige po, Mam Grace. Kapag dumating po ay kaagad kong dadalhin sa office po.” “Salamat Manong Guard.” ngumiti pa ulit siya bago umalis na palayo. “Anong sa atin, Sir?” narinig ko na tanong ng guwardiya sa akin pero napako ang tingin ko sa babae na palayo na sa amin. “Sir?” kumaway pa ito sa harapan ko pero talagang nakatutok lamang ang paningin ko sa Mam Grace na yun. “Sir!” saka lamang ako napatingin sa guwardiya ng tumaas ang tono ng boses nito. “Anong kailangan nyo po, Sir?” “Ay pasensya na po.” biglang parang nahinto ang pagtakbo ng utak ko at nawala sa isip ko ang talagang pakay ko sa lugar na ito. “Dito ba nagtatrabaho si Mam Grace, Manong?” taka man ito sa tinanong ko sinagot pa rin nito ng maayos ang katanungan ko. “Ah opo, Sir. Anak po si Mam Grace ng may-ari ng factory.” Anak pala siya ng may-ari nitong Lorenzano and Lorenzano Textile. Siguro ay may kaya sila sa buhay base narin sa kutis at pananamit ni Mam Grace. Sigurado rin ay may nobyo na siya sa ganda niyang yun. Bigla akong nakaramdam ng kalungkutan sa naisip ko. “May kailangan pa po ba kayo, Sir? May naghihintay rin po kasi sa likuran ninyo.” saka ko lang naalala ang totoong pakay ko sa pagpunta ko dito. “Ah eh opo, Manong. Pinabibigay po ito ng amo ko sa Javier Publishing. Ako po ang bagong messenger nila. Ang pangalan ko po ay JC.” inabot ko ang isang kahoy kay Manong Guard. “Paki pirmahan na lang po, Manong. Katunayan na natanggap nyo na po ang kahon.” “Baka ito na ang hinihintay ni Mam Grace. Pwede bang paki diretso na ito sa office nila JC? Ang haba na kasi ng pila sa likuran mo.” dahil sa kagustuhan kong makita ulit ang babaeng nag-ngangalan na Grace ay mabilis akong umoo saka kinuha ang kahon at lumayo na. “Sa pinakadulo, JC! Kaliwa tapos ang huling pinto, yun na ang office!” tumango ako at ngumiti sa tinuran ni Manong. Sinunod ko ang sinabi niya. Pagkarating sa huling pinto ay kumatok ako. “Yes?” Kung kanina ang maganda na siya sa malayuan, ngayon na malapit na lang ako sa kanya ay mas maganda siya sa paningin ko. Ang ganda ng mga mata niya pati ng kanyang itim na itim na buhok, ang mga labi na mala-rosas ang kulay na hindi kanipisan maging ang kinis ng kanyang balat ay talaga naman nakakaakit tingnan. “Hi po, Mam. A-Ako po si JC, Mam. bagong messenger po ako ng Javier Publishing at may dala po ako para po yata sa inyo.” “Pasok ka, JC. Paki lapag na lang sa table please.” ang sarap pakinggan ng kanyang boses. Hindi ko maiwasan na mapangiti ng hindi ko sinasadya. Nilagay ko ang kahon sa harapan niya sa may mesa at naghintay. Habang pinipirmahan niya ang receiving paper ay nakatingin lang ako sa kanya. “Ang ganda niyo po, Mam.” wala sa loob kong sabi na ikinatawa niya. “Salamat.” ngumiti siyang muli ng malapad kaya natulala ako. “Ako nga pala si Jillian Grace Lorenzano, anak ako ng may-ari nitong factory.” “Juan Carlo Buenaventura po, Mam.” pinunasan ko muna ang palad ko bago ko ito inilahad sa kanya. Sa ganda ng kaharap ko ngayon ay bigla akong nag-alangan dahil galing ako sa mausok na lansangan. Baka madumihan ko ang makinis niyang balat. Bahagya pa siyang natawa ulit bago tanggapin ang kamay ko. Ang lambot ng kamay niya, parang kamay ng isang maharlika o prinsesa. “Mukhang madadalas kang magpupunta dito kasi ang alam ko ay may ipapagawa pa si Papa sa Javier Publishing.” “Kahit pa araw-araw Mam, pupunta po ako dito masilayan lang po kita ulit.” kung kanina ay nabighani na ako sa kagandahan niya, mas pinukaw niya ang damdamin ko ng mamula ang kanyang mga pisngi. “Ang ganda nyo po talaga, Mam Grace.” “Grabe ka naman, JC. Nahihiya naman ako sa mga sinasabi mo.” “Totoo po, Mam! Maniwala po kayo maganda po talaga kayo. Hindi po ako sinungaling na tao.” “Salamat kung ganon, JC.” hindi pa rin ako umalis sa harapan niya kahit pa naibalik na niya sa akin ang receiving paper na kailangan ko. “Baka may iba ka pang pupuntahan, JC. May gagawin pa rin kasi ako.” “Ay opo, Mam. Pasensya na po ulit. Tutuloy na po ako. Salamat po ulit, Mam Grace.” “Jillian. Jillian na lang ang itawag mo sa akin, huwag ng Grace. Hindi ako sanay na tinatawag na Grace, si Manong Guard lang ang tumatawag ng ganon sa akin.” muli siyang ngumiti kaya lumabas muli ang magkabilang biloy niya sa pisngi. “Sige po, Mam Jillian. Mauuna na po ako. Maraming salamat po ulit. Sige po. Magandang umaga po sa inyo.” Nakalabas na ako ng factory pero hindi pa rin mawala sa isip ko ang mukha ni Mam Jillian. Nakatayo lang ako sa may initan habang sinasariwa ang maganda at maamo niyang mukha, ang mga ngiti niya na ubod ng tamis, ang kanyang mga mata na para bang nangungusap at ang mga labi niya na parang nang-aakit. Ang swerte siguro ng nobyo ni Mam Jillian. Maganda na, mukhang mabait pa at disente. Napaka-swerte ng lalaking makakabihag sa puso ni Mam Jillian. Sana maging malapit kaming dalawa kahit bilang kaibigan lamang. Sana makita ko siyang muli sa susunod na balik ko rito. Palabas na ako ng tuluyan ng may malakas na busina akong narinig. Mula ito sa isang magarang sasakyan at may isang lalaking naka-salamin ang sumigaw sa akin. “Hoy! You! Akala mo pag-aari mo ang way na ito! TUMABI KA DIYAN! NANAGINIP KA PA YATA OR MORE LIKE SLEEP WALKING! HOY! SINABI NG TABI AT DADAAN AKO!” kaagad akong tumabi at mabilis na dumaan ang magarang sasakyan. Paghinto nito ay bumaba ang isang halos kasing tangkad ko lang na lalaki na pormadong manamit. Suot ang itim na salamin ay lumapit ito sa akin. “Bulag ka ba o bingi? Kanina pa ako busina ng busina pero parang wala kang naririnig! Hindi mo ba ako kilala ha? Lahat ng tao sa factory na ito ay kilala kung sino ako!” “Hindi po kita kilala, pasensya na po.” inangat nito ang salamin bago tumitig sa akin ng masama. Hindi naman ako nasisindak sa kanya dahil hindi hamak na mas batak ang katawan ko sa lalaking kaharap ko ngayon, yun nga lang ay ayoko ng gulo. Nagpunta ako dito sa Maynila hindi upang makipag-basagan ng mukha o makipag-away, nandito ako para kumita at magtrabaho. Kaya hanggang maari ay iiwas ako sa anumang gulo para walang problema at hindi na mag-alala pa ang pamilya ko sa probinsya. “Tandaan mo ang mukhang ito ha! Oliver Imperial! Ang nag-iisang tagapagmana ng Imperial Empire! Tandaan mo! Oliver Imperial!” malakas na sigaw nito sa harap ko. “Sige po, tatandaan ko po. Pasensya na pong muli.” bahagya pa akong yumuko bago tumalikod at nagsimulang maglakad palayo sa kanya. Kahit pa may na-engkwentro akong ganun klase ng lalaki na medyo mahangin at may kayabangan na taglay ay hindi pa rin napukaw ang ngiti sa mga labi ko habang binabalikan ko sa isip ko si Mam Jillian. Ang ganda ng pangalan pati niya, Jillian Grace Lorenzano. Pangalan pa lang ay halata ng may sinasabi sa buhay at halatang mabait. “Sana dumating ang araw na mas makilala pa kita ng husto, Mam Jillian. Kahit na malayo ang agwat ng estado natin sa buhay ay mukha ka naman mabait na tao at pala-kaibigan. Sana kaibiganin mo rin ako pagdating ng panahon, Mam Jillian. Gusto kitang mas makilala pa. Sana dumating ang araw na iyon.” bulong ko sa sarili ko habang nag-aabang ng jeep pabalik sa Javier Publishing. ------'--,-'--{@
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD