Chapter 2 -Pag-panig Ng Kapalaran

2366 Words
“Tuloy na ba ang alis mo bukas, Juan Carlo? Talaga bang sigurado ka na sa plano mong yan?” “Opo inay. Tuloy na po ako bukas. Kailangan kong sumubok sa ibang lugar at mag-baka sakali. Baka sakaling maging maganda ang kahihinatnan ko doon at palarin ako na batid kong makakatulong sa mga gastusin natin dito sa bahay.” kasalukuyan kong inaayos ang mga kagamitan ko na dadalhin papuntang Maynila. Wala akong mataas na pinag-aralan at panganay ako sa amin. Hindi kami biniyayaan ng Maykapal ng yaman upang makapag-aral kami ng maayos kagaya ng iba. Nakatungtong lang ako ng high school pero hindi ko ito natapos dahil narin sa tumulong na ako kay tatay sa pagsasaka. Maliit pa ang mga kapatid ko habang may sakit naman ang nanay ko kaya sa bahay lamang siya at nag-aasikaso sa amin. Ako lamang at ang tatay ko ang inaasahan sa amin pero kahit anong pagsisikap namin ay hindi pa rin sapat ang kinikita namin sa araw-araw para sa lahat ng aming mga gastusin. Kaya noong isang linggo ay nagpasya akong sumugal at makipagsapalaran sa Maynila sa udyok na rin ng isang kababata ko na ngayon ay nagtatrabaho doon bilang isang janitor sa isang paaralan. Mahirap lamang kami at salat sa maraming bagay, pero gayon pa man ay matayog ang aking pangarap sa buhay na hindi lamang para sa sarili ko kung hindi ay para rin sa mga magulang at mga kapatid ko. Kaya hindi na ako nagdalawang-isip pa na puntahan ang Maynila nang balitaan ako ni Antonio na may bakanteng posisyon sa paaralan na pinapasukan niya. Nagpaalam na daw ang isang janitor sa pinapasukan niya dahil kailangan nitong magbalik sa probinsya at may malalang karamdaman ang ama. Kaya naman ng nalaman ito ni Antonio ay kaagad niya akong pinadalhan ng liham upang abisuhan ako na sinabihan na daw niya ang punong tanggapan ng paaralan na may kakilala siya na pwedeng pumalit sa posisyon at ako nga ay pinapa-luwas agad. Ayokong palampasin ang pagkakataon na ito kaya kahit pa maiiwanan ko ang aking pamilya dito sa Bohol ay pikit-mata kong gagawin para narin sa kanila. Para mabigyan ko ang mga kapatid ko ng magandang kinabukasan at maahon ko sila sa kahirapan. “Sumulat ka ng madalas Anak at huwag kang makakalimot na magdasal parati sa Maykapal na gabayan ka niya sa lugar na iyong pupuntahan.” niyakap ako ni nanay ng mahigpit na para bang huling beses na niya akong masisilayan at parang hindi na kami muling magkikita pa. Niyakap ko siya ng mahigpit at hinalikan ang buhok. “Mag-ingat ka doon, Juan Carlo. Maraming balita tungkol sa Maynila. Maraming masasamang loob doon at pwede kang mapahamak kaya mag-ingat kang maigi, Anak.” “Opo inay, mag-ingat po ako. Tatandaan ko pong lahat ang mga bilin at pangaral nyo ni tatay sa akin. Dadalasan ko rin po ang pagbabalita sa inyo at sa unang sweldo ko po ay magpapadala po ako kaagad dito para may pang-gastos po kayo.” “Nawa ay panigan ka ng kapalaran, Juan Carlo. Nawa ay gabayan ka ng Maykapal para matupad mo ang lahat ng iyong mga pangarap sa buhay. Ako ang unang-una na matu-tuwa kapag nakamit mo ang lahat ng mga nais mong makamit, Anak.” Kinabukasan ay maaga akong nag-tungo sa istasyon ng bus. Sa susunod na araw pa naman ako pina-papunta sa paaralan pero ngayon araw ang usapan namin ni Antonio na kikitain niya ako pagdating sa Maynila. Baon ang basbas sa akin ng aking mga magulang pati ang masidhing determinasyon ng maiahon sa hirap ang pamilya ko ay buong tapang akong lumuwas sa lugar na ngayon ko pa lamang mapupuntahan. Pagdating sa hangganan ng aking biyahe ay nakita ko na kaagad si Antonio na nag-aabang na sa akin. Malapad akong ngumiti sa kanya ng mag-tama ang aming mga paningin. “Kamusta JC! Mabuti naman at safe kang nakarating dito! Kamusta sa atin? Kamusta ang Bohol?” tinulungan niya ako sa mga bitbit ko at tumuloy na kami sa sakayan ng jeep. “Maayos naman sa atin, Antonio. Ganun pa rin naman ang Bohol. Mahirap pa rin sa bayan natin at nagsusumikap pa rin ang mga taga roon.” bahagya akong tumawa ng umiling siya. “Sana ay maging regular ka kaagad sa school, JC. Madali lang naman ang trabaho, mas mahirap pa ang mag-saka sa atin. Galingan mo lang at tiyaga lang.” natatawa nitong sagot pagsakay namin ng jeep. “Kahit anong trabaho naman ay papasukin ko, Antonio. Kilala mo naman ako. Hindi ako mapili sa trabaho at kahit ano ay gagawin ko para sa mga kapatid at magulang ko.” “Kaya nga ikaw talaga kaagad ang naisip ko ng sabihan kami ni Mam na umalis na si Miguel. Extra sipag lang JC at huwag kang gumaya sa iba na nakatungtong lang ng Manila ay tumaas na rin ang paa sa lupa. Sigurado na giginhawa rin ang buhay mo dito pati ang pamilya mo doon.” tumango ako sa sinabi ni Antonio. Matagal na siya dito sa Maynila at totoo na umahon sa hirap ang pamilya niya sa amin dahil sa pagsisikap niya dito. Gusto ko rin maranasan yun ang pamilya ko sa amin kaya gagawin ko ang lahat matupad ko lang ang isa sa mga pangarap ko sa buhay. “Pangarap ko talaga yan, Antonio. Kaya gagawin ko ang lahat mangyari lang ang mga nais ko para sa kanila. Gagawin ko ang lahat para lang makaranas rin sila ng ginhawa kagaya ng pamilya mo sa atin.” Nang sumunod na araw ay kaagad akong pinakilala ni Antonio kay Mam Mildred na siyang namamahala sa mga empleyado ng eskwelahan. Hindi na ako masyadong inusisa pa ni Mam Mildred dahil binigay na pala ni Antonio ang aking mga detalye dito. Kaagad na itinuro sa akin ni Antonio ang mga kailangan kong gawin at ang mga pasikot-sikot sa paaralan. Ginabayan niya rin ako sa unang dalawang oras ng trabaho ko bilang janitor at pagkatapos ng dalawang oras ay iniwan na niya ako para magtrabaho na rin siya. Nang sumapit ang tanghalian ay nagkita kaming muli ni Antonio, ni-libre pa niya ako ng tanghalian kahit pa tutol ako sa kanya. Ang sumunod na pagkikita namin ay ng mag-uwian na kami. Pansamantala akong titira sa bahay na tinutuluyan niya, bahay ito ng dalawang pinsan niyang lalaki na nagtatrabaho naman sa isang factory ng de lata. Maayos naman ang pakikitungo sa akin ng mga pinsan ni Antonio, inabisuhan ko sila na magdagdag na lamang ako sa mga bayarin sa bahay bilang pasasalamat sa pansamantalang pagpapatira nila sa akin. Ayoko rin kasing maging pabigat sa kapwa ko na alam kong nagsisikap rin sa buhay. Kaya malamang ay mga ilang buwan lamang ako dito sa kanila. Magsisikap ako at kapag may sapat na akong ipon upang bumukod ay magpapaalam na ako sa kanila at mag-sosolo na. Lumipas ang ilang buwan ay nagamay ko na ang aking trabaho. Nasanay na ako sa paglilinis ng eskwelahan. Naisip ko na magbenta ng balot at penoy sa gabi kaya mabilis akong naka-ipon para sa pag-sosolo ko at para sa padala ko probinsya. Natuwa ang aking mga magulang sa huling liham nila sa akin, maging ako ay masayang binabasa ang liham nila sapagkat huminto na raw ang tatay sa pagsasaka nito at nagtayo na lamang sila ng isang maliit na tindahan sa harap ng kubo namin. Ang mga kapatid ko naman ay mas sinipag lalo na mag-aral dahil maayos na raw ang mga baon nila sa eskwela at kumpleto narin ang mga kagamitan nila. Pagod man sa trabaho ay labis ang aking kaligayahan dahil unti-unti ay nakakaraos na kami. Makalipas ang isang taon ay na-promote ako sa trabaho, kami ni Antonio. Hindi na kami mga janitor, messenger na ako habang si Antonio naman ay naging personal driver ni Mam Mildred. Dahil sa promotion ko ay tumaas narin ang sahod ko. Hindi pa rin ako tumigil sa sideline ko kahit pa tumaas na ang kinikita ko sa eskwelahan. Tinuruan ako ni Antonio na magkumpuni ng sasakyan noong nasa bahay pa nila ako kaya kapag walang pasok ay ume-extra ako sa talyer na malapit lang sa tinitirhan ko. Unti-unting gumaan ang mga pasanin ko sa buhay sa pag-doble kayod ko. Hindi pa rin ako huminto sa pagbebenta ng balot at penoy tuwing gabi dahil malaki rin ang kinikita ko doon. Ang buong sweldo ko sa trabaho ko minus ang upa ko sa tinitirahan ko ay pinapadala kong lahat sa amin. Ang kinikita ko sa pag-extra sa talyer at pagbebenta sa gabi ng itlog ang ginagamit ko sa mga kailangan ko sa araw-araw. Birthday ko ngayon, bente tres na ako. At dahil sa walang pasok ngayon sa paaralan ay nasa talyer ako at may gawa. Imbes na manatili ako sa tinutuluyan ko at magpahinga kasi nga ay birthday ko, mas minabuti kong kumayod na lamang dahil nanghihinayang ako sa isang araw na pwede kong kitain sa talyer at pandagdag sa ipon ko. “Ang sipag mo talaga, Boy! Hindi ba ay birthday mo ngayon!” tumango lang ako at ngumiti sa sinabi ng isang kasamahan ko. “Wala ba tayong pansit man lang diyan, JC!” turan rin ng isa ko pang kasama na mekaniko rin. “Mamaya sa meryenda. Sagot ko na ang mga meryenda natin sa tindahan ni Aling Vilma!” “AYUN! SALAMAT JC!” Unti-unti ay nakapundar na ako ng mga gamit sa tinutuluyan ko. Hindi naman ito kalakihan kaya mukhang marami akong kagamitan sa bahay kung titingnan. Ang dating isang papag at electric fan na meron ako, ngayon ay may radyo na at mesa na nagsilbing kainan ko at dalawang upuan. Nakabili narin ako ng kutson kaya hindi na ako sa matigas nakahiga ngayon. Sa amin naman sa probinsya ay maganda ang takbo ng tindahan nila tatay at nanay. Nakapag-simula narin sila na mag-alaga ng mga biik para ibenta kapag nasa hustong timbang na ito sa palengke. Nang sumunod na araw na pumasok ako sa trabaho ay tinawag ako ng principal. Medyo kabado pa ako dahil sa tagal ko dito ay ilang beses ko pa lang nakaharap ang principal. Pinaupo ako ni Principal Valderama ng makapasok ako sa pribadong silid nito. “Magandang umaga po, Principal Valderama.” magalang akong bumati rito bago umupo. “Good morning rin sayo, JC. Alam mo ba kung bakit kita pinatawag ngayon?” nakangiti itong umupo rin sa harap ko. “Hindi nga po, Sir. Sa katunayan po ay kinakabahan po ako at baka may mali po akong nagawa sa trabaho ko at baka tanggalin nyo po ako.” “Naku wala naman, JC. Honestly ay saludo ako sa pinapakita mong dedication sa trabaho mo. I am also very pleased sa mga feedbacks na nakuha ko sa ibang mga empleyado dito sa school natin tungkol sayo. Sa isang taon mo dito ay nagawa mong lahat ang iyong tungkulin at masaya ako sa mga yun. Ang totoo, kaya kita pinatawag ay dahil sa ang isang kaibigan ko ay nangangailangan ng messenger sa company niya. Familiar ka ba sa Javier Publishing dito sa may Timog?” “Hindi po Sir. Hindi pa po ako nagagawi sa lugar na yun.” “Anyway ay malalaman mo rin ang mga pasikot-sikot dito sa Manila in time. So ayun nga, ang kaibigan ko ay nangangailangan ng messenger na maaasahan niya at tapat. Isang messenger na dedicated at walang arte sa katawan. Publishing ng mga newspapers at printing ang nature ng trabaho niya. Umalis na kasi ang dating messenger niya kaya naghahanap siya ng panibago. Ang gusto niya ay iyong pwede niyang pagkatiwalaan at madaling matuto. I have recommended you to him, JC.” nagulat ako sa huling sinabi ni Principal Valderama. “Ako po Sir? Matanong ko lang po kung hindi nyo mamasamain, pero bakit po ako? Saka sino na lang po ang magiging messenger dito sa school kung lumipat po ako doon, Sir?” “Dalawa naman kayong messenger dito, JC. Isa pa ay hindi ko matanggihan ang kaibigan kong yun dahil malaki ang utang na loob ko sa kanya. Siya ang tumulong sa akin noon ng ako ay nagsisimula pa lamang dito sa Manila. So as an act of thanking him for everything he have helped me, nais ko siyang tulungan sa abot ng aking makakaya. Ikaw na ang nirecommend ko sa kanya para hindi narin siya mahirapan pang maghanap ng qualified person for the job. Nakita ko ang husay mo sa trabaho mo, JC. Alam kong hindi ako mapapahiya sa kaibigan ko kung sakali man.” malapad itong ngumiti sa akin. Nakita niya siguro na nag-iisip ako. “Grab this opportunity, JC. Grab it dahil minsan lang dumating ang opportunity sa isang tao. Bawat opportunities ay dapat gina-grab natin, magiging daan ito sa pag-angat mo pagdating ng araw. Mula sa maliit na posisyon, pa-angat sa itaas. Ganyan rin ako noon kagaya mo, JC. Pero tingnan mo ngayon ang narating ko. Kaya kung ako sayo ay hindi ko ito palalampasin. Malay mo, mas umangat ka pa sa akin balang-araw.” dagdag pa niya. Ngumiti ako sa kanya bago tumango. “Sige po, Sir. Tatanggapin ko po ang alok nyo sa akin. Maraming salamat po sa tiwala at sa pag-rekomenda sa akin, Sir. Pagbubutihin ko po ang trabaho ko sa kumpanya ng kaibigan nyo at hinding-hindi po kayo magsisi sa pag-recommend nyo sa akin.” tumayo na ako ng tumayo si Principal Valderama at kinamayan siya ng may ngiti sa mga labi. “Ganyan dapat, JC! Galingan mo at malayo ang mararating mo sa buhay. Huwag ka lang makalimot sa Maykapal at huwag na huwag kang mang-apak ng kapwa mo para umahon.” yun lamang at pinabalik na niya ako sa trabaho ko. Pagkauwing-pakauwi sa tinutuluyan ko ay kaagad akong gumawa ng liham para sa mga magulang ko. Pagkatapos ay dinala ko agad ito sa istasyon ng bus para makarating kaagad sa amin. Ang laman ng liham ay ang sinabi sa akin ni Principal Valderama kanina. Habang pauwi ako at naglalakad ay hindi mawala ang ngiti sa mga labi ko. Mukhang nagkaka-totoo na ang sinabi ni nanay noon na pag-panig ng kapalaran sa akin, mukhang ito na ang simula ng kaginhawaan namin ng pamilya ko. Mukhang ito na ang simula ng pag-ahon namin sa hirap. ------'--,-'-{@
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD