“ANGELU!”
Ang pagtawag sa pangalan niya kasabay ng pagpitik ng daliri sa harap ng mukha ni Angelu ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan. Saka lang niya napagtanto na katabi na niya ang nanay niya sa mahabang bangkong kahoy sa sala nila. “‘Ma…” Inayos niya ang pagkakaupo dahil nakapangalumbaba pa pala siya.
“Sino siya?”
“Sino po?” nagtatakang tanong niya.
Ngumiti ito nang makahulugan. “Sino ang iniisip mo? Sino ang dahilan para matulala ka habang nakangiti, habang nangangarap ang mga mata? Sino ang dahilan kung bakit namamasyal yata sa dreamland ang anak ko?”
Naramdaman niya ang pag-iinit ng mga pisngi. Pero pinili niyang magkaila. “A-ano po ba ang sinasabi ninyo?” nakanguso niyang tanong. s**t. Huling-huli siya sa akto ng nanay niya. Ang Nick na iyon kasi… Para itong sirang palaka na paulit-ulit na nagpi-play sa isip niya. “Wala po ‘yon. Nagandahan lang po ako sa napanood kong pelikula kanina.”
“Kuh, sa akin ka pa ba magkakaila? Papunta ka pa lang, pabalik na ako. Ngayon lang kita nakitang nagkaganyan. Kahit noon ay ni hindi ka rin nagbabanggit ng kahit tungkol sa crush mo. Sa ibang bagay naman ay open ka.”
“Wala naman po kasi akong naging crush na mai-se-share sa inyo.”
“Dahil sa mga naririnig mo, ano?” mahina ang malungkot na boses ng nanay niya. Ngumiti ito pero walang sigla ang ngiting iyon. “Na matutulad ka rin sa akin. Na kung ano ang puno ay siya ring bunga…”
“Ma…” usal niya. Hindi malaman kung ano ang sasabihin. “Hindi ko naman pinapansin ang mga iyon.”
“Talaga nga ba?” Hindi kumbinsidong sabi ng nanay niya. Nakagat niya ang dila niya nang makitang nangingislap na sa luha ang mga mata nito. “Hayan at ni hindi ka magsuot ng shorts, o sleeveless, o blouse na fit sa ‘yo. Ni hindi ka mag-ayos ng sarili mo. M-masyado kang naapektuhan ng mga naririnig mo na pakiramdam mo sumpa ang kagandahan mo. Determinado kang patunayan na hindi ka katulad ng mga sinasabi nila.”
Nagyuko siya ng ulo. She was guilty. Nag-init ang mga mata niya. Namuo ang mga luha.
Sinapo ng nanay niya ang mukha niya at pinahid ang mga butil ng luha. “Angelu, anak, huwag kang mabuhay ayon sa opinion ng ibang tao. Huwag mo silang intindihin. Huwag mo silang hayaan na diktahan ka. It was your life, yours to live. Hangga’t wala kang ginagawang masama, hindi mo kailangang mahiya. Hindi mo kailangang magpaliwanag. Kapag nasa iyo ang paningin ng mga tao, wala kang matinong gagawin para sa kanila. Lagi silang may masasabi. Laging, Damn if you do, damn if you don’t. So just do what makes you happy. Hmm?”
Tuluyan na siyang napahagulhol. Yumakap siya sa ina. “S-sorry po, ‘Ma.” She loves her mother so much. Maaaring marami itong maling desisyon na nagawa noon, but she redeemed herself when she got pregnant. Nagbagong-buhay ito nang dumating siya. Minahal siya, at pinalaki nang maayos. Her mother dedicated herself to her. Nagkamali ito pero nagawang bumangon at iyon ang mahalaga. “A-at mahal kita, ‘Ma. H-huwag ninyong iisipin na… na ikinahihiya ko kayo o ano. P-proud ako sa ‘yo, ‘Ma.”
“O-oh, anak ko. M-mahal na mahal kita kaya gusto kong mabuhay ka nang masaya. Napakabata mo pa. I-enjoy mo muna ang buhay mo.”
Sumisinghot na tumango siya. “G-gagawin ko po.”
Kuntentong tumango ang mama niya. Kapagkuwan ay ngumiti ito. “So, sino siya? Guwapo ba?”
Dahil doon ay natawa siya.