KABANATA 23
Yria's POV
Naghihintay si Hermes ng sagot ko. Ayaw ko siyang biguin. Kahit madami akong agam-agam ay hindi ko hahayaang maging malungkot si Hermes. Gusto ko itong pasayahin kahit ang kapalit niyon ay kalungkutan para sa akin.
Sinapo ko ang kabilang bahagi ng mukha nito. Ngumiti ako kasabay niyon ang pagtango ko bilang tugon sa tanong nito.
Bakas sa mukha nito ang kasiyahan sa naging sagot ko. Tumayo ito at niyakap ako mula sa likod.
"I love you, Yria. Pinaligaya mo ako. Mahal na mahal kita."
"Mahal din kita, Hermes." Isang salitang hindi ko lubos akalain na lalabas sa aking bibig dahil wala sa hinagap ko na iibig ako sa isang taga lupa.
Handa na ako sa posibleng mangyari. Kung ano man ang kahinatnan ng paglabag ko sa mga ipinagbabawal ay handa kong harapin. Kung may ipapataw na parusa sa akin ay bukal sa loob kong tatanggapin. Ang mahalaga ay napaligaya ko si Hermes. Napaligaya ko ang taong mahal ko.
Nang umalis ng umagang iyon si Hermes ay baon nito ang isang ngiti. Hindi ko siya binigo.
Naiwan na naman kaming muli sa bahay. Si Gaston ay naiiwan na din sa bahay.
Nang matapos ang apat na linggong pagpapahinga ni Hermes ay hindi na nito hinayaang ipagmaneho ito ni Gaston. Kaya naman si Gaston ay inaabala na lamang ang sarili sa ibang bagay.
"Gaston, anong ginagawa mo?" Tanong ko ng makita ko ito sa hardin na tila malalim ang iniisip habang nakaupo.
Sinulyapan lang ako nito sandali at muling pinagmasdan ang mga naggagandahang halaman.
Minsan napapaisip ako. Kung tutuusin maaari na maghanap ng ibang trabaho si Gaston. Pero nananatili pa din ito sa bahay ni Hermes.
"Nag-iisip lang," sabi nito ng hindi ako sinusulyapan.
Naupo ako sa bakanteng upuan. Nakapangalumbaba akong pinagmasdan din ang mga halaman.
Bigla kong na-miss ang Wings Fairy. Kumusta na kaya ang kapwa ko fairy? Si Feya kaya anong balita? Ang mga Guardian Fairy, alam na kaya nila?
Wala sa loob na bumuntong hininga ako. Kung alam na nila, bakit hindi nila ako magawang paalalahanan? Wala ba silang sasabihin na dapat ko ng itigil ang misyon na ito dahil hindi ko naman nagawang iwasan ang mga bilin nila sa akin?
"Matapang ka, Yria. Sana kasing tapang mo din ako." Malungkot ang boses na iyon ni Gaston ng sabihin nito iyon.
Sinulyapan ko ito. Mataman itong nakatitig sa pinagmamasdan nito.
Hindi ko alam kung saan ako naging matapang. Pero kung ang tinutukoy nito ay ang mahalin si Hermes, siguro nga ay matapang ako. Matapang ako dahil nagawa kong hindi sundin ang mga bilin sa akin ng mga Guardian Fairy.
"Salamat nga pala," bagkos ay sabi ko.
"Para saan?"
"Dahil sa binigay mong mensahe sa'kin. Hindi ko inaasahan na magti-text ka." Muli kong itinuon ang aking mata sa mga halaman.
"Gusto ko lang maranasan mo ang nararanasan ko. Hindi natin alam kung kailan tayo aalis at kung kailan tayo mananatili sa piling nila. Ang mahalaga ay sulitin natin ang mga araw na kasama natin sila." Makahulugang wika ni Gaston.
Minsan ay hindi ko maintindihan ang mga sinasabi ni Gaston. Para bang may pinanghuhugutan ang mga bawat katagang binibitawan nito.
Tulad ng nakagawian ko ay hinintay kong dumating si Hermes. Tumawag ito sa akin na gagabihin daw ito ng uwi.
Minabuti kong lumabas muna ng kwarto. Wala pa sa loob ng kwarto si Trudis kaya naman ay hinanap ko ito.
Wala ito sa kusina. Wala naman itong ibang pinupuntahan maliban sa hardin. Kaya naman ay pinasya kong puntahan ang hardin. Nagbabakasakaling baka nandoon ito.
Pagdating ko ng hardin ay nagulat ako dahil nakita kong muli doon si Gaston. Ngunit hindi ito nag-iisa. Kasama nito si Trudis. Nakahilig si Trudis sa balikat ni Gaston.
"Gaston," mahina kong tawag kay Gaston na ikinalingon nito.
Hindi nakaligtas sa mata ko ang kislap sa gilid ng mata nito.
Malungkot itong ngumiti sa akin. Marahan itong gumalaw at binuhat si Trudis na natutulog.
"Dadalhin ko lang si Trudis sa kwarto." Tumango lamang ako bilang tugon.
Hinintay ko itong bumalik sa hardin ngunit ilang minuto na ang nakalipas ay hindi pa din ito bumabalik kaya naman ay tinungo ko ang sala ngunit nagtaka ako sa aking nakita.
May dalang bag na malaki si Gaston.
"Saan ka pupunta?" Nagtataka kong tanong sa kan'ya.
"Aalis muna ako." Maikli nitong sagot.
"Pero bakit?" tanong ko.
"May pupuntahan lang ako. Babalik din naman ako. Ilang araw lang naman." Paliwanag nito.
Sumunod ako sa kan'ya palabas ng gate. Malungkot niya akong tiningnan.
"Alam na ba ni Hermes na aalis ka?" tanong ko sa kan'ya.
Malungkot si Gaston. Bakit?
Tumango lamang ito bilang tugon.
"Sana kapag dumating muli ang araw na iyon Yria, kayanin mo." Malungkot nitong wika at mapait na ngumiti.
"Hindi kita maintindihan,"
Nilagay nito ang kamay sa tapat ng dibdib.
"K-kasi… m-masakit dito…" gumaralgal ang boses ni Gaston.
Nagtatanong ang mga matang tiningnan ko siya. Hindi ko maintindihan ang mga sinasabi niya.
"Hahanapin ka ni Trudis, Gaston." Bagkos ay sabi ko.
Umiling-iling ito at tumalikod na sa akin.
"H'wag ka mag-aalala, magpapalipas lang ako ng ilang araw. Babalik din ako." Sabi pa nito at tuluyan na itong umalis.
Wala na akong nagawa kun'di ang pagmasdan na lamang ito habang papalayo.
Pumasok na ako sa loob at naupo ako sofa sa sala. Dito ko na lang hihintayin si Hermes.
Nilapat ko ang aking likod at sinandal ko ang ulo sa likod ng sofa. Pumikit ako at nagpakawala ako ng isang malalim na buntong hininga.
Lahat ng sinabi ni Gaston ay hindi ko maintindihan. Bakit ganoon na lamang siya magsalita? Nag-away ba sila ni Trudis? Pero sa naabutan ko kanina ay mukha namang okay sila.
Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako dahil sa pag-iisip. Naramdaman ko na lamang ang marahang paghaplos sa aking mukha. Iminulat ko ang aking mata at ang nag-aalalang mukha ni Hermes ang aking nakita.
Ngumiti ako ng makita ko siya. Makita ko lang ang mukha nito ay masaya na ako.
"Nandito ka na pala," sabi ko na nanatiling nakasandal ang ulo.
Ngumiti ito at dinampian ako ng halik sa noo. Tumabi ito sa akin at inihilig ang aking ulo sa balikat nito.
"I'm sorry, I'm late," saad nito.
"Ayos lang, ang mahalaga nandito ka na." Niyakap ko siya ng mahigpit. Gusto ko sulitin ang bawat araw na kasama ko siya.
"Hmm… ang sarap naman ng yakap mo. Nawala yata lahat ng pagod ko." Mahina itong tumawa.
"Gusto mo na ba kumain? Maghahanda lang ako." Bagkos ay sabi ko.
Hinawakan niya ang kamay ko at pinagsalikop nito iyon.
"Yakap mo pa lang busog na ako," sabi nito.
"Si Gaston nga pala umalis." Banggit ko kay Gaston.
"Yeah, tumawag siya sa akin kanina. Kailangan din ng pahinga ni Gaston. Matagal na siyang nagta-trabaho sa akin." Paliwanag nito.
Kumawala ako sa pagkakayakap niya. Tumayo ako at hinawakan ko siya sa kamay at pinatayo. Kapag hindi ako ang nauna na yayain ito ay malamang ilang oras kami sa ganoong posisyon.
"Halika na. Kumain na tayo para makapagpahinga ka na din. " Hinila ko siya papasok sa kusina kahit pa tamad pa itong maglakad.
Pagdating sa kusina ay pinaupo ko na ito at nagsimula ko ng paghandaan ng pagkain nito. Gayon din ako dahil sabay kaming kakain.
Nagsalubong ang aking kilay dahil nangingiti ito habang ginagawa ko iyon.
"Bakit ka nakangiti?" Tanong ko.
"You're acting like a wife. Anyway, magiging asawa na din pala kita. Kapag natapos na ang problema ko sa kompanya ay kahit saang simbahan mo gusto magpakasal, pakakasalan kita." Nakangiti nitong turan.
Pinilit kong ngumiti para ikubli ang lungkot na bumalot sa aking puso. Si Hermes na umaasa na magiging masaya kami hanggang sa huli.
Hindi ko muna siguro iisipin iyon. Hahayaan ko siyang isipin na may lugar ako sa mundo niya.
Masaya namin pinagsaluhan ang pagkain sa hapag at pagkatapos ay niligpit ko na iyon.
Habang naghuhugas ng pinggan ay hindi ko maiwasan ang mapangiti dahil sa tuwang nararanasan ko. Sana hindi na ito matapos.
Hindi ako nakagalaw ng maramdaman ko ang pagpulupot ng kamay nito sa aking bewang. Niyakap niya ako mula sa likod. Pinatong nito ang baba sa aking balikat. Pakiramdam ko ay kinapos ako ng paghinga dahil sa magkadikit na ang aming mga mukha.
"Sa kwarto ka na lang matulog," saad nito na ikinabilis ng t***k ng puso ko. "Don't worry, behave ako." Dagdag pa nito.
"May kwarto naman ako, Hermes." Dinig ko ang buntong hininga nito.
Tinanggal nito ang nakapulupot na kamay sa aking bewang. Kinuha nito ang hawak kong sponge at pinggan at binaba iyon.
Pinaharap niya ako. Hinawakan nito ang dalawang kamay ko at nakikiusap siyang tumingin sa akin.
"I promise my self na gagalangin kita. Pero isa lang ang pakiusap ko, Yria." Seryoso nitong wika.
Binitawan niya ang kamay ko. Humawak ang isang kamay nito sa aking bewang at ang isa ay sa aking baba. Lumapit pa siya sa akin. Dahil nasa lababo ako ay hindi ko na magawa pang umatras.
"H-Hermes," tanging nasambit ko. Lalo pa yatang lumakas ang t***k ng puso ko ng unti-unti niyang nilapit ang mukha sa akin.
Sa pagkakataong iyon ay tumingin ako sa labi niyang mapupula. Sana ay hindi nito ituloy ang gusto nitong gawin.
"Let me kiss you, Yria. Please, kahit halik lang." Nakikiusap nitong wika.
Hahayaan ko ba siyang gawin iyon? Kapag ginawa nito iyon ay mawawala na naman alaala nito at hindi ko hahayaan iyon. Kaya naman kahit labag sa aking kalooban ay mabilis ko siyang itinulak na ikinagulat naman nito.
Nagtatanong ang mga matang tiningnan niya ako. Umiwas ako ng tingin sa kan'ya. Hindi ko kayang salubungin ang mata nitong puno ng katanungan.
Tumalikod na ako sa kan'ya at tinuloy ko ang aking ginagawa. Dinig ko ang mabigat nitong buntong hininga at ang yabag na papalayo.
Tumigil ako sa ginagawa. Hindi ko napigilan ang paglandas ng aking luha. Hanggang kailan ako iiwas sa halik niya? Maging ako ay gusto ko siyang halikan ngunit kung mawawalang muli ang kan'yang alaala ay h'wag na lang.
Kinabukasan ay maaga akong gumising. Nagpresinta na din akong magluto ng almusal. Gusto ko bumawi kay Hermes kaya dadalhan ko na lamang ito ng almusal sa kwarto nito.
"Manang, dadalhin ko na lang po ng pagkain si Hermes sa kwarto niya." Nakangiti kong turan kay manang na abala naman sa pag-titimpla ng kape.
Sinulyapan nito ang tray na nakapatong sa lamesa. Nakangiti itong bumaling sa akin.
"Ang swerte naman ng mapapangasawa ni Sir Hermes." Nakangiti nitong turan at saka tumango.
Kinuha ko na ang tray at pumanhik na ako sa taas. Pagdating ko sa tapat ng kwarto nito ay kumatok ako.
"Pasok," sabi nito.
Pinihit ko ang seradora at nilakihan ko ang awang ng pinto. Nakangiting pumasok ako ng kwarto nito. Nakita ko itong nakaupo sa kama nito.
Nilagay ko sa lamesita ang hawak kong tray.
"Hindi ako mag-aalmusal." Malamig nitong wika na ikinatigil ko.
Nakagat ko ang aking ibabang labi. Galit ba siya sa ginawa ko ng nagdaang gabi?
"S-sige," malungkot kong wika.
Muli kong binalik sa tray ang pagkain na nilapag ko sa lamesita. Paalis na ako ng kinuha nito ang tray mula sa akin at muling nilapag iyon sa lamesita.
Niyakap niya ako. Sinubsob ko ang aking mukha sa dibdib nito at umiyak. Hinawakan ko ang magkabilang gilid ng damit nito. Wala na akong pakialam kahit magusot iyon at mabasa ang damit nito dahil sa pag-iyak ko.
"Don't cry, please." Pakiusap nito at hinagod ang aking likod.
"Galit ka kasi sa akin,"
" Of course not," tanggi nito.
"Bakit ayaw mo mag-almusal? Ako pa naman ang nagluto ng pagkain mo, tapos… tapos..."
"Mag-aalmusal na ako, h'wag ka ng umiyak, please." Pakiusap nitong muli.
Iginiya na ako nito sa sofa.
"How about you?" Tanong nito sa akin ng mapansin nitong para sa isang tao lamang ang aking hinanda.
"Sasabay na lang ako kina manang at Trudis." Sabi ko.
Pinagmasdan ko ito sa ginagawa nito. Habang tumatagal ay lalo ko itong minamahal. Mas mahirap para sa akin ang iwan ito.
"I'm sorry," sabi nito at pinunasan ang namamasa kong pisngi. "Ayaw kong umalis na may tampuhan tayong dalawa."
Hinalikan nito ako sa noo at nakangiti akong tinitigan. Sinulyapan ko ang damit nito na nabasa ng luha ko.
"Nabasa ko ang damit mo," saad ko.
"It's okay, magpapalit na lang ako."
"Baka ma-late ka sa trabaho." Nag-aalala kong wika. Ayaw kong ako ang maging dahilan ng pagka-late nito sa trabaho.
Hinaplos nito ang aking pisngi.
"Kung ikaw ang magiging dahilan ay ayos lang, ang mahalaga ay kasama kita." Seryoso nitong wika.
Pumasok na si Hermes sa trabaho nito. Humingi itong muli ng pasensya sa inasal nito at sa ginawa nito ng nagdaang gabi.
Ginalang na din nito ang gusto ko. Hihintayin na lamang daw nito kung kailan ako magiging handa.
Dumiretso na ako ng kusina para makapag-almusal na din ako. Nakita ko doon si Trudis na tahimik at tulala. Si Manang Nora naman ay nagtitimpla na naman ng kape. Marahil ay para kay Trudis iyon.
Umupo ako sa bakanteng upuan. Nagsimula na akong magsandok ng pagkain. Pasimple kong sinulyapan si Trudis na tulala pa din. Nagtatanong ang matang sinulyapan ko si Manang Nora na kibit balikat lamang ang naging sagot.
"Trudis," tawag ko dito. Tila naman bumalik ito sa reyalidad sa ginawa ko. "Ayos ka lang?" Nag-aalala kong tanong.
"Ha? O-oo naman," sabi nito. Nagsandok na din ito ng pagkain nito.
"Tawagin ko lang si Gaston," sabi ni manang. Hindi pa nga pala alam ng mga ito na umalis si Gaston.
"Umalis po si Gaston, manang."
"Ha? Alam ba ni Sir Hermes?" Tanong nito. Tumango ako bilang tugon.
"Sino si Gaston?" Sa sinabing iyon ni Trudis ay natigilan ako.
Binaba ko ang kutsara na may lamang pagkain. Pinakatitigan ko si Trudis na sa tingin ko ay hindi nagbibiro.
Tumawa si Manang Nora. Marahil iniisip nito na nagbibiro nga lang si Trudis.
"Ikaw talagang bata ka, nasobrahan ka yata sa tulog. Ang galing mo magbiro ha, napatawa mo ako." Tapos na ito magtimpla ng kape.
Binigay na nito kay Trudis ang kape.
Nagpaalam muna itong kukunin ang cellphone.
Naiwan kami ni Trudis. Naglakas loob akong tanungin ito. Gusto ko makasiguro na hindi nga nito naaalala si Gaston.
"Trudis, hindi ka ba nagbibiro? Hindi mo ba kilala si Gaston?" Tanong ko.
Ang simpleng pag-iling nito ay nakuha ko ang sagot sa tanong ko. Kaya pala kakaiba ang mga sinasabi ni Gaston.
Natuwa ako ng malaman ko ang totoo. Hindi ako nag-iisa sa mundong ito.
Ngunit binalot ako ng lungkot para sa kapwa ko. Masakit isiping hindi lang ako ang nasasaktan. Maging si Gaston ay umalis na may lungkot. Nahulog din ito sa ginagabayan nito. At iyon ay si Trudis.