KABANATA 17-ANG MULING PAGLALAPIT
Yria's POV
Mabilis na naman lumipas ang mga araw. Walang nagbago sa pakikitungo sa akin ni Hermes.
Simula ng gabing kinompronta niya ako ay hindi ko na siya napansing lumalapit sa akin kapag nasa malapit ako. Ni hindi ko na marinig mula sa bibig niya ang pangalan ko. Hindi na kami tulad ng dati bago siya mawalan ng alaala.
Paano nga naman kami babalik sa dati kung wala naman itong maalala?
Palagi din mainit ang ulo nito. Hindi na ito makausap. Si Gaston ay hindi na din nito kinakausap. Palagi itong nakasigaw lalo na kapag may kausap ito sa telepono. Hindi ko alam kung epekto iyon na wala itong matandaan na kasama ako.
Ayon kay Manang Nora ay nagkaroon ng problema ang kompanya nito. Marahil isa din iyon sa dahilan kung bakit mainit palagi ang ulo nito.
Palagi na din akong umiiwas sa kan'ya sa tuwing malapit siya. Baka bigla na naman niya akong tanungin.
Pero napag-isip-isip ko na hindi palaging iiwas ako sa kan'ya. Hindi ako matatapos sa aking misyon kung palagi akong umiiwas.
Ngunit kahit gaano ko man lakasan ang aking loob ay ito ako at puno ng kaba ang aking dibdib. Hindi ako natatakot sa kan'ya kun'di ay natatakot ako na baka bumigay ako.
Nakakailang buntong hininga na nga yata ako ngunit hindi ko pa magawang kumatok sa pinto ng kwarto niya.
"Kaya mo 'to, Yria. Isa kang fairy. H'wag kang kabahan." Pagpapalakas loob ko sa aking sarili.
Muli akong humugot ng malalim na paghinga. Kakatok na sana ako ng bumukas naman iyon. Tumambad sa aking harapan ang madilim na mukha ni Hermes.
Sana kaya ko ulit siyang patawanin. Ngunit imposible na yata mangyari iyon ngayon. Madami siyang iniisip at para sa kan'ya ay isa lang akong tagasilbi sa bahay niya. Iyon lamang iyon.
"What are you still doing there? Ako pa ba ang lalapit sa'yo?" Malamig nitong wika.
Napangiti ako dahil kahit paano ay hindi nawala sa kan'ya na malaman agad ang presensya ko.
"Pinatawag n'yo daw po ako?" anas ko.
Nagsalubong ang kilay nito.
Kapag ginagawa nito iyon ay minsan gusto ko gamitin ang kakayahan ko at basahin ang iniisip nito.
"Yes, get inside," utos nito sa akin at nilakihan ang awang ng pinto para makapasok ako.
Inikot ko ang aking paningin sa loob ng kwarto nito. Ngayon na lang ulit ako nakapasok dito. Ngunit napalis ang ngiti ko ng dumako ang tingin ko sa bedside table nito.
May kung anong tumusok sa aking puso ng makita kong hindi na nakataob ang litrato na nakalagay doon. Nakaayos na iyon.
Nakagat ko ang aking ibabang labi kasabay ng paghawak ko sa aking dibdib. Nasasaktan ako. Palagi ko ba itong mararanasan?
"Kunin mo ang sahod mo sa lamesita. Mahigit isang buwan ka na pala dito wala ka pang natatanggap. Hindi ka man lang nagrereklamo, kung hindi pa sinabi ni Manang Nora." Sabi nito habang abala sa ginagawang paglagay ng kung ano sa leeg nito.
Pinatawag niya ako dahil sa sahod. Kung tutuusin hindi ko kailangan ng sahod. Hindi ko naman madadala sa Wings Fairy iyon.
"Salamat po," saad ko.
Lumapit ako sa lamesita at kinuha ang puting sobre doon.
"Maaari mong bilangin kung tama ba pasahod sa'yo. Sinobrahan ko na 'yan dahil dapat nung katapusan ka pa sumahod. Baka ireklamo mo na ako sa DOLE niyan." Sabi pa nito.
Hindi ko na pinagkaabalahang tingnan pa ang laman niyon dahil hindi ako interesado. Siguro ay ibibigay ko na lamang ito kay Trudis.
Hindi ko na din siya pinagkaabalahang sulyapan. Naglakad na ako patungo sa pintuan.
Kailangan ko din alamin kung ano ang DOLE na sinasabi nito. Bawat salita na hindi ko maintindihan ay inaalam ko dahil hindi pa ako sigurado kung hanggang kailan ako dito sa lupa.
"f**k! The hell! Bakit pa nauso ang necktie?!" Bulalas nito na ikinalingon ko.
Nakita ko ang hawak nito kanina na nasa higaan na nito. Marahil sa inis ay hinagis nito iyon doon.
Kapagkuway lumapit ako sa higaan niya at dinampot ko ang hinagis nito. Nilapag ko muna ang hawak ko at tumingin ako sa kan'ya.
"Tulungan na kita," presinta ko ngunit natigilan naman ako. Hindi ko din alam kung paano ito ilalagay.
"Okay, please faster dahil hindi ako pwede ma-late sa meeting."
Oo nga pala, may meeting ito ngayon. Nais nitong makausap ang mga board members at investors ng kompanya nito.
Pumikit ako sandali. Mabuti na lamang at nakatulong ang panonood ko ng mga pinapanuod ni Trudis. Pumasok sa isip ko kung paano ito gawin.
Lumapit ako sa kan'ya. Tumingkayad ako dahil matangkad ito. Bawat kilos ko ay makapigil hininga. Ang lapit ko sa kan'ya. Ngayon ko na lang ulit siya nalapitan.
Pinulupot ko ang hawak kong necktie sa kan'yang leeg ngunit nawala naman ako ng balanse. Napatili ako at nasubsob ako sa dibdib niya. Napahawak din ang dalawang kamay ko sa dibdib niya.
Napapikit ako dahil sa init ng ulo nito ay maaari niya akong masigawan dahil sa nagawa ko.
Nalanghap ko ang mabango nitong amoy.
"P-pasensya na po. Ang tangkad n'yo kasi. Kailangan ko pa tumingkayad para maabot kayo. Hindi ko sinasadya." Sabi ko.
Pinigilan ko ang matawa dahil ako pa ang nagreklamo sa katangkaran nito.
Pagkasabi ko niyon ay mabilis kong inalis ang pagkakadantay ng aking ulo sa dibdib niya kahit pa gusto ko manatili doon. Ngunit hindi ko inasahan ang ginawa niya.
Muli niyang idinantay ang aking ulo sa dibdib niya gamit ang isang kamay. Hindi ako nakagalaw. Dinig ko ang malakas na t***k ng puso nito.
"Ang tagpong ito ang rumihistro sa utak ko. Bakit kapag malapit ka, pakiramdam ko ang dami kong alaala kasama ka?"
Hindi ako nakasagot sa tinuran nito. Wala akong dapat isagot sa kan'ya.
"Hindi kita maintindihan," tanging nasambit ko.
"Hindi ko din maintindihan ang nararamdaman ko sa'yo, Yria. Tell me, who are you in my life? Bakit ganito ang nararamdaman ko para sa'yo?" Humigpit ang pagkakayakap niya sa akin.
Napapikit ako. Gusto ko iyong lasapin. Gusto kong tumugon sa yakap nito ngunit natatakot ako.
"Tagasilbi n'yo lang po ako dito Sir Hermes. Iyon lamang po." Pagkasabi ko niyon ay mabilis akong kumawala sa pagkakayakap niya.
Bahagya akong lumayo. Tinapat ko ang aking hintuturo sa necktie na nasa leeg nito at kusa ko na iyon pinagalaw ng hindi nito namamalayan. Wala na akong panahon na ayusin iyon. Hanggat maaari ay ayoko muna lumapit sa kan'ya.
"Maayos na po ang necktie n'yo sir," saad ko.
Hindi nakaligtas sa mata ko ang pagsalubong ng kilay nito. Kinapa nito ang necktie at nabanaag ko sa mukha nito ang pagtataka.
Kinuha ko ang sobre sa kama at mabilis akong lumabas ng kwarto nito dahil alam ko magtatanong ito.
Nagulat ako ng may humila sa akin pagkalabas ko ng pinto. Dinala ako nito sa sulok ng walang makakapansin.
"Anong ginagawa mo?" Bungad sa akin ni Gaston.
Naguluhan ako sa tanong ni Gaston. Ayaw ba nito na lumalapit ako kay Hermes?
"Hindi kita maintindihan, Gaston."
Tumalikod ito sa akin at nagpalinga-linga.
"Iwasan mo ang dapat iwasan, Yria. Hindi iyan makabubuti sa iyo." Nag-aalala nitong wika.
Naguluhan ako sa sinabi nito. Ang buong akala ko ay ayos lang sa kan'ya ang pagiging malapit ko kay Hermes. Pero bakit ganito siya sa akin?
Humarap siya sa akin. Kung tama ang nakikita ko ay natatakot ang mga tinging iyon. Pero bakit?
"Gusto mo bang iwasan ko si Hermes? Pero bakit?" Naguguluhan kong tanong.
Humugot ito ng malalim na buntong hininga.
"Makinig ka na lang sa akin, Yria. Para sa kaligtasan mo ang sinasabi ko." Pagkasabi nito niyon ay tumalikod na ito at iniwan na ako.
Hindi ko siya maintindihan. Ano ba ang ibig niyang sabihin?
Minabuti ko na lamang ang bumaba na at tulungan si Trudis sa kanyang ginagawa.
Pababa na ako ng mapakapit ako sa railings ng hagdan. Nakaramdam ako ng pagkahilo. Pakiramdam ko ay nanghina ako.
Umupo ako sa baitang ng hagdan at sinapo ko ang aking ulo.
Marahil senyales ito na nababawasan ang enerhiya ko sa katawan dahil sa ginamit ko ang aking kakayahan.
"Yria, okay ka lang?" Napa-angat ako ng mukha ng marinig ko si Trudis.
Ngumiti ako sa kan'ya at tumango. Ayokong may isipin pa ito.
"Oo naman," pinasigla ko ang aking boses para hindi na ito mag-alala pa.
Humawak ako sa railings at tumayo. Mabuti na lamang at hindi na ako nahilo.
Nakaalalay naman si Trudis sa akin habang pababa kami. Nakikita ko talaga sa kan'ya si Feya.
Pagdating sa baba ay nakita ko si Gaston na ganoon pa din ang ekspresyon ng mukha. Puno ito ng pag-aalala.
Siguro ay saka ko na lamang siya kakausapin kapag maayos na ang pakiramdam ko.
Tinungo ko muna ang aming kwarto at nahiga ako doon. Baka pagod lang siguro ako dahil madami din kaming ginawa.
Papikit na ako ng may kumatok sa pinto. Gustuhin ko mang tumayo para pagbuksan ang nasa labas ng pinto ay hindi ko magawa.
Nanatili lamang akong nakahiga at nakatitig sa nakasaradong pinto. Hinihintay ko kung sino ang papasok. Kung si Trudis iyon ay may ginagawa ito. Kung si Manang Nora ay hindi na iyon kakatok. Kung si Gaston naman ay…
Ngunit nasagot na ang aking katanungan ng kusa na iyong bumukas. Isang puno ng pag-aalala ang mukha ang sa akin ay bumungad.
Anong masamang hangin ang nagdala sa kan'ya dito sa kwarto?
"Trudis said you're not feeling well," tanong nito habang nasa bungad ng pinto.
"Okay lang ako Herm... S-Sir Hermes." Nakagat ko ang aking ibabang labi. Muntik ko na naman mabanggit ang pangalan niya.
Narinig ko ang buntong hininga nito.
"Gusto sana kita isama sa meeting, pero h'wag na-"
"Okay na po ako, Sir Hermes!" Putol ko sasabihin pa nito.
Bigla akong nabuhayan. Pakiramdam ko sumigla ako ng marinig ko mula sa kan'ya na gusto niya ako isama.
"A-are you sure?" Paninigurado nito.
"Oo naman. Kayo pa ba, malakas kayo sa'kin." Masigla kong turan.
Agad akong tumayo at naghanap ako ng maisusuot. Nang makahanap na ako ay akma akong maghuhubad ng mapagtanto kong nasa harap ko pa pala siya.
"Sir, magbibihis po ako. Baka gusto n'yo po muna lumabas?" Seryoso kong turan.
Tumigil yata ang mundo ko ng makita kong muli ang mga ngiti nito sa labi kahit pa pigil iyon.
"Sa sitwasyon kong 'to sa tingin mo may makikita ako?" anas nito.
Sumimangot ako.
"Anyway, kahit makakita pa ako ay hindi ko pagkakaabalahang silipan ka. You're not my type." Dagdag pa nito.
Lumabas na ito ng kwarto at sinara ang pinto. Lalo naman nagusot ang mukha ko sa sinabi nito.
"Kaya pala kung makayakap ka sa'kin parang ayaw mo na ako pakawalan." Napapalatak ako.
Pagkatapos ko magbihis ay nagpaalam muna ako kay Manang Nora pati kay Trudis. Hindi ko na din hinayaan na magsalita ang mga ito at tinungo ko na ang sasakyan ni Hermes.
Nakangiti na din si Gaston ng makita ko. Hindi tulad kanina lamang ay puno ng pag-aalala ang mukha nito.
Hindi ko na din hinintay na pagbuksan niya ako ng pinto at ako na ang kusang nagbukas niyon sa likod. Lalo naman akong natuwa dahil muli kong makakatabi si Hermes.
Habang lulan ng sasakyan ay hindi ko mapigilan ang aking ngiti. Sobra akong na-i-excite dahil sinama ako ni Hermes lalo pa at makakalabas na naman ako.
Hindi ko kasi mapagbigyan si Val sa nais niya na gusto akong ilabas. Sa sitwasyon ko ngayon ay kailangan ko muna gawin ang tungkulin ko. Kapag may pagbabago ay saka ko na lamang siya pagbibigyan.
Ngunit mabibingi na yata ako sa katahimikan sa loob ng sasakyan. Dahil sa katahimikang iyon ay may naisip ako.
"Gaston, pwede ba akong humiling?" nahihiya ko pang sabihin iyon kay Gaston.
"Sige, ano 'yon?"
"Pwede mo bang patugtugin ang awitin na gusto ko?" sabi ko ng nakangiti.
Tumawa si Gaston. Kapagkuwa'y nakita kong pinindot nito ang stereo ng sasakyan kung tawagin.
Lumawak ang pagkakangiti ko ng pumailanlang sa loob ng sasakyan ang unang tugtuging naging malapit sa aking puso. Bawat liriko ng kanta ay ninamnam ko.
Sumulyap ako sa aking katabi.
"Take my hand, take my whole life too. But I Can't help Falling in love with you…"
Sabay ko sa pagkanta habang nakatingin sa aking katabi na tahimik lamang na nakaupo.
Mabuti na nga sigurong hindi siya nakakakita. Malaya ko siyang napagmamasdan.
Tama din ang laman ng awitin. Hindi ko mapigilan ang mahulog sa kan'ya. Kahit pa paulit-ulit niya akong sigawan, sungitan at makalimutan.
Si Hermes John Alejandro ang unang lalaking nagparanas sa akin kung paano ang magmahal. Nakakalungkot lang at kung kailan nasa sitwasyon na ako na pareho kaming masaya ay iyon naman ang hudyat na makakalimot ito.
Nasa ganoon akong pag-iisip ay hindi ko napigilan ang pagpatak ng aking luha.
Mabilis kong binaling ang aking tingin sa labas. Pasimple akong suminghot. Sana hindi ako napansin ni Gaston.
"Yria," tawag sa akin ni Gaston.
Pasimple kong pinahid ang aking luha gamit ang aking palad. May inabot itong puti na parang papel.
Taka ko siyang tiningnan.
"Tissue ang tawag d'yan," gagad nito.
Sinulyapan ko siya sa rear-view mirror. May hawak din itong tissue at pinakita niya sa akin kung paano iyon gamitin.
Nangingiti ko siyang ginaya.
Hindi ko man maintindihan kung ano ang sinabi sa akin ni Gaston kanina ay sapat na sa akin na malamang isa din siya sa mga taga lupang nag-aalala sa kalagayan ko. Masaya ako at my nakilala akong katulad nila sa buhay ko.