CHAPTER 4: The New Girl Next Door.
Written by: CDLiNKPh
ONE WEEK LATER...
"Dino, pare, punta naman tayong bar, oh! Tigang na tigang na ako, p're! Hanap tayo ng chicks!" Muntik nang mailuwa ni Dino ang kinakain niyang chicharon sa tindahan nina Aling Gloria nang marinig ang ungas niyang kaibigan na si Bruno na niyayaya na naman siya sa kung saan-saan.
"Ayoko! Baka mamaya niyan e, magkaroon pa tayo ng aids do'n!" pagtanggi niya.
"Woshooo! Kunwari ka pa, Dino! Ikaw pa talaga ang tumatanggi, a? Ikaw pa ba ang choosy e, puro basted ka na nga sa mga babaeng nililigawan mo? Hindi ka mahiya na daig ka pa ng kaibigan mong si Harmony!" pang-aasar ni Bruno. Kilala nito si Harmony dahil bukod sa classmate nila ang babae ay kapitbahay pa nila.
Nakakaangat sa buhay ang mga Millano na kinabibilangan ni Harmony. Isang doktor ang daddy nito na si Greg at may-ari ng Phoenix Hospital. Dati namang sikat na singer ang mommy nitong si Vanessa. Matagal na sa lugar na iyon ang pamilya ng mga Millano kaya naman kahit yumaman na ay hindi na umalis pa roon. Nasa subdivision naman sila kaya naman kahit silang mga kapitbahay ng mga ito ay hindi rin naman maituturing na mahirap. Nasa middle class sila pero sa lugar na iyon, ang angkan nina Harmony ang kinikilalang pinakamayaman. Halos mansyon na kasi ang bahay ng mga ito. Masyadong malaki kung ikukumpara sa ordinaryong bahay lang.
Pero kahit ganoon, hindi pa rin siya naiilang na makipag-asaran kay Harmony. Naniniwala siya na hindi ang antas nila sa pamumuhay ang dapat na maging hadlang para ituring niya itong karibal. Kahit pa na hindi na kasing ganda ng buhay niya noon ang buhay niya ngayon. Bumagsak nga siguro ang negosyo ng mga magulang niya pero kahit papaano naman ay hindi pa naman sila naghihikahos sa buhay.
"Tumahimik ka! Hindi ko kaibigan iyong mangkukulam na 'yun, ano!"
"E, 'di WOW! Siya e, babae rin pero nakakapagpasagot ng mga chikababes samantalang ikaw, lalaki nga pero nga-nga! Ha-ha-ha!" pang-aasar nito na talagang nakapagpapanting ng tenga niya. Sawang-sawa na siya sa mga taong nagkukumpara sa kanya kay Harmony!
"Matatalo ko rin ang Harmony na iyon! Ipapakita ko sa kanya na kaya akong piliin ng babaeng magugustuhan ko kumpara sa kanya!"
"'Yan ang problema mo. Kalalaki mong tao e, pumapatol ka sa babae! Baka mamaya niyan e, sa bandang huli ay kayo rin pala ang magkatuluyan ni Harmony!"
"Mamamatay na lang ako na matandang binata kaysa naman sa kanya ako mapunta Bruno!"
"Iyon naman pala, e! E, 'di tara na sa bar! O baka naman kaya ka ganyan kasi simula nang break-in ka ni Maxine ay naging woman hater ka na? Baka lalaki na ang type mo, p're! Ha-ha-ha!" Hindi na siya nakatiis at hinigit na niya ang kuwelyo ng damit ni Bruno at napatayo pa siya. "Hey, bro! Chill ka lang! Ikaw naman e, hindi ka na mabiro! Nagtataka lang naman ako kasi ayaw mong sumama sa bar, hindi ka ba nabuburyong na walang babae sa buhay mo?"
Binitawan na niya ang tropa niya. Umupo siya ulit sa pahabang silya na naroon saka bumuntong-hininga. "Sa totoo lang kasi e, mayroon na akong babaeng minamahal ulit ngayon, e. Simula no'ng makita ko siya noon sa simbahan ay hindi ko na siya nakalimutan ulit. Love at first sight, p're!" Saka niya kinuwento rito iyong misteryosong babae sa simbahan na nakita niya one week ago. Pakiramdam niya ay iyon na rin ang babaeng gusto niyang dalhin sa harap ng altar. "Ni hindi ko man lang nakuha ang pangalan niya, bro. Paulit-ulit akong bumabalik sa simbahan pero hindi ko na siya nakita ulit." Tumingin siya mula sa malayo.
"Ikaw naman kasi, e. Napakahina mo. E, ano naman kung magma-madre na siya? Sinukuan mo naman agad. Ang babae, kapag niligawan ng lalaki ay bumibigay din ang mga iyan kahit ano pang paninindigan ang mayroon sila sa buhay nila. Sana kasi ay hindi mo tinatantanan. Tingnan mo 'yang si Harmony, kahit na babae rin siya ay huling-huli niya ang kiliti ng mga katulad din niyang babae. 'Yan ngayon, may kasama na namang chicks!" Bigla silang napatingin sa kanan nila at nakita nila si Harmony na tila papalabas na sa mamahaling kotse nito.
Tanaw nila mula sa salamin ng kotse nito na parang may kasama ito. Hindi nga lang nila makita ng maayos ang kasama nito dahil nasa kanang upuan sa unahan ng sasakyan ang babae, si Harmony lang ang nakikita nila pero kahit ito ay nakaside view din. Napansin nila na may kasunod pang malaking track si Harmony na parang may laman na mga gamit.
"Umalis na ba sina Manong Domeng do'n sa katabing bahay nina Harmony?" nagtatakang tanong niya kay Bruno.
"Hindi ka lang pala mabagal sa babae. Pati sa balita ay nahuhuli ka rin! Matagal nang umalis iyon diyan dahil nakapangasawa na ng amerikana ang anak niya! Alam mo naman na sina Harmony din ang may-ari no'ng katabing bahay nila, e. Pinapaupahan lang nila. Baka tinutulungan lang niyang maglipat iyang katapat na bahay ninyo," walang ganang sabi nito na nakikain pa sa piatos na kinakain niya kanina.
Hindi niya alam kung bakit pero parang kinabahan siyang bigla. Para bang may something sa magiging bago nilang kapitbahay. To think na sinamahan pa ito ni Harmony na maglipat ng bahay? Sa tingin niya ay type nito, kung sino man ang babaeng nasa loob ng sasakyan nito.
"Dina, babes, tara na sa labas! Ipakikita ko na sa 'yo ang bahay na uupahan ninyo sa amin. Nakita na ito ng papa mo pero mas pinaganda ko pa ito para sa 'yo!" Narinig nila ang boses ni Harmony nang nasa labas na ito ng sasakyan. Pinagbuksan pa nito ng pinto ang kung sinumang nasa loob niyon.
"Thanks sa pagsama sa akin, Harmony, ah? Maaasahan ka talaga." Boses naman ng babaeng kasama nito ang narinig nila at nanlaki ang mga mata niya nang masilayan niya kung sino ang lumabas mula sa kotse!
Iyong babaeng nakabangga niya sa simbahan na-love-at-first-sight siya!
Hindi na siya nakapagpigil at tumayo siya sa kinauupuan niya at lumapit siya kina Harmony. Medyo nagulat pa ang mg ito nang bigla na lang siyang lumapi pero kinapalan na lang niya ang mukha.
"Hi, natatandaan mo pa ba ako?" nakatulala habang pacute na ngumiti siya sa babae.
Para namang nag-isip saglit ang babae pero napangiti rin ng maalala kung sino siya.
"Ikaw?" nakangiting sabi naman nito.
Sa inis ni Harmony na mukhang gulong-g**o na sa mga nangyayari ay pumagitna ito sa kanilang dalawa. Iniharang pa ang dalawang kamay na para bang kikidnapin niya ang kasama nito.
"Ano bang problema mo, ha, Dino? Nandito ka na naman ba para manggulo? Ang epal mo talaga kahit na kailan, 'no?" Naiinis na akusa nito.
"A-Ah, Harmony, hindi siya nanggugulo. Magkakilala kami," biglang pagsingit ng babae.
Napangiti siya dahil pinagtanggol siya ng prinsesa niya sa mangkukulam na nasa gitna nila.
"Talaga ba?" Bumakas ang disappointment sa mukha ni Harmony nang marinig ang sinabi ng babae. Mas lalo siyang napangiti dahil pakiramdam niya ay nalamangan niya si Harmony. Pinagtanggol kasi siya ng babae sa harapan nito.
"Oo, nagkabanggaan kami sa simbahan," nakangiting sabi nito.
"Iyon lang?" Parang girlfriend na nagseselos si Harmony.
Napailing siya. Mukhang nakakaamoy na naman siya ng rivalry sa pagitan nila ni Harmony.
"Oo. Nakakahiya nga e, kasi sinalo niya ako noon sa simbahan noong muntik na akong matumba pero ni hindi ko man lang naitanong ang pangalan niya."
Bumaling na sa kanya ang babae at nilapitan siya. Saka nito inabot ang kamay nito sa kanya habang si Harmony naman ay tila napanganga nang makitang ngumiti pa sa kanya ang babae! "Ako nga pala si Dina. Ikaw? Ano'ng pangalan mo?"
"A-ah, D-Dino. Dino ang pangalan ko," pakilala niya na medyo nabubulol pa dahil sa sobrang kagandahan ng babaeng nasa harapan niya ngayon. Inabot niya ang kamay nito na nakalahad sa kanya at napatitig pa siya roon dahil napakalambot niyon. Para bang hindi nakaranas ng paglalaba.
"Dino? Ikaw pala iyong sinasabi ni Harmony na halos kaparehas ng pangalan ko. Pero mukhang hindi ka naman masamang tao, e. Ooopppsss— sorry!" Biglang napahawak sa labi nito si Dina dahil mukhang may sasabihin pa sana pero pinigilan na nito ang sarili.
Awtomatikong napatingin siya kay Harmony at nginusuan niya ito na ang ibig sabihin ay naiinis siya rito. Obvious naman na mukhang kahit sa mga taong hindi niya kilala ay sinisiraan pala siya nito. Napaka talaga!
"Bago lang ako rito, Dino. Sana ay maging magkaibigan tayo," muling sabi ni Dina.
"Oo naman. Gusto mo, higit pa sa kaibigan, e," pasimpleng pahaging niya rito.
Ngumiti lang ito at nagkatitigan sila ng mata sa mata. Para bang sa isang iglap ay sila na lang ang natirang tao sa mundo. Para bang nagdilim ang lahat sa paligid nila at sila lang ang may spotlight ni Dina.
"Ahheeemmm!" Biglang sumingit sa gitna nila si Harmony. Itinulak pa siya nito na kulang na lang ay magpangudngod sa kanya sa lupa.
"Dino, mauna na kami ni Dina, ha? Kung mapapansin mo kasi ay ngayon lang sila maglilipat kaya andami-dami naming aayusin! Nakakahiya naman sa 'yo na kumakain ng oras namin, 'di ba?" sarcastic na sabi nito na nangungusap ang mga mata na halata namang sinasabing lumayas na siya. Kapit na kapit pa ito sa siko ni Dina na para bang pagmamay-ari na nito ang babae.
Nginisian niya ito. Siniraan na agad siya ng babaeng ito sa love of his life niya kaya bu-bwisitin din niya ito.
"Pasensiya na, Harmony, ah? Nakakaabala pala ako kaya bilang ganti ay tutulong na lang ako," nakangising sabi niya saka bumaling kay Dina. "Dina, ayos lang ba sa 'yo?" mabait na tanong niya sa babae.
"Ikaw ang bahala, Dino," nakangiting sagot naman nito.
Iyon lamang at pumunta na agad siya sa likod ng truck kung nasaan ang gamit ng mga ito. Agad namang sumunod sa kanya si Dina at humiwalay na sa pagkakakapit ni Harmony. Nang mapansin na hindi na nakatingin si Dina ay tiningnan niya ang reaksyon ng mukhang nagngingitngit na si Harmony at binelatan niya ito.
Halata namang asar na asar sa kanya ang babae dahil nagmake face pa ito na tinawanan lang niya. Sa wakas ay nalamangan din niya si Harmony!
GIGIL NA GIGIL si Harmony sa biglang pag-entra sa eksena ni Dino. Mukhang tuwang-tuwa kasi si Dina rito. Parang bigla ay wala na siya roon. Habang nagbubuhat ng mga gamit si Dino papasok sa loob ay nakikipagtawanan pa ito kay Dina. Malakas pa naman ang sense of humor ni Dino kaya hindi malabong magustuhan din ito ni Dina.
Nasa likod siya ng dalawa at nakikita niya na mukhang bagay nga ang dalawa. Hindi nalalayo ng tangkad ang dalawa. Parehas matangkad kaya nagmumukha siyang bansot. Mukhang may chemistry ang dalawa! Bakit ba parang nagseselos siya? Nagkukutkot ang dibdib niya!
Napatingin siya kay Dino. Ang sabi ng mga magulang niya ay kababata raw niya ito pero sa totoo lang ay wala na siyang natatandaan tungkol doon. Isa pa, hindi niya ito kasundo, hindi naman dahil sa masama ang ugali nito kundi dahil pakiramdam niya ay para bang palagi na lang siya nitong kinukumpetensya. Para kasing lahat na lang ng nagiging girlfriends o nagugustuhan nito ay sa kanya nagkakagusto.
Pero sa totoo lang, kapag tinitingnan niya si Dino ay mukhang okay naman ito. Matalino naman ito, mabait at responsible. Gwapo rin naman. Iyon nga lang, mukha itong lampa at duwag dahil may pagkamalamya ito. Iyon siguro ang dahilan kung bakit sa kabila ng mga katangian nito ay iniiwan din ito ng mga babae.
Teka nga, bakit ko ba iniisip ang tukmol na Dino na iyon? Mukhang tuwang-tuwa siyang kasama si Dina, ah? Ahhh!!! Hindi pwede! Hindi pwedeng maging sina Dino at Dina! Hindi ako papayag! Akin lang si Dina! Iyon ang isinisigaw ng isip niya.
"Guys, thanks sa inyo, ah? Siguro, hindi ko matatapos lahat ng ito kung wala kayong dalawa. Mamaya pa kasi darating sina Mommy at Daddy kaya kung hihintayin ko pa sila ay baka abutin na ako sa paglubog ng araw. Mabuti na lang at nandiyan kayo para tulungan ako," sabi ni Dina nang matapos na silang magligpit at nakarating na sa sala.
"Ayos lang iyon! Basta para sa 'yo, Dina!" Nagkasabay pa silang magsalita ni Dino.
Napasimangot na nagkatinginan pa silang dalawa. Naglalaban ang mga tinginan nila.
Nang magbalik ang tingin nila kay Dina ay napansin nila na uupo ito kaya naman nag-unahan pa sila ni Dino sa pagtabi rito. Ang nangyari tuloy ay nasa gitna nila ang babae. Mukhang nakaamoy yata ng kompetisyon si Dinna kaya bigla itong tumayo mula sa pagkakaupo.
"Mabuti pa siguro ay ipagtimpla ko muna kayo ng juice. Sandali lang, ah?" nakangiting sabi ni Dina saka na umalis.
Nagkatinginan sila ni Dino.
"Hoy, ngayon pa lang ay binabalaan na kita. Layuan mo si Dina, ah! Akin siya!" sigang sabi niya.
Tinawanan lang siya ni Dino. "E, 'di WOW! Sa tingin mo ba ay natatakot ako sa 'yo, ha, Harmony? Bakit? Girlfriend mo na ba siya?" mayabang na tanong nito.
"Hindi pa ba obvious? Kaya nga ako ang kasama niyang maghatid dito, 'di ba? Kaya rito siya lumipat kasi gusto niya na magkasama na kami," pagsisinungaling niya.
Mas malakas na tawa ang ipinarinig sa kanya ni Dino. "Huwag mo nga akong lokohin, Harmony. Sinungaling ka talaga e, 'no? Saglit lang kaming nagkasama ni Dina pero alam ko na gusto niyang magmadre kaya malabo ang sinasabi mo na girlfriend mo siya."
"Gusto niyang magmadre?" nagulat na tanong niya.
"See? Ni hindi mo nga alam ang bagay na 'yan, tapos sasabihin mo na girlfriend mo siya? Wait, does she even know that you're a lesbian? Mukha ngang kapatid pa ang turing niya sa 'yo, e! Ha-ha-ha!" pang-aasar pa nitong lalo.
"Kung may plano siyang magmadre ay siguradong hindi na matutuloy iyon ngayon dahil nandito na ako. I will make her fall in love with me and you're going to lose just like what you always do, Dino. Palagi kitang matatalo. Sa kahit saan pang bagay," pang-uuyam niya rito.
"Hinding-hindi papatol sa tibo si Dina. Ako ang pipiliin niya dahil lalaki ako. Gusto niyang maging madre kaya siguradong puro kabutihan ang pipiliin no'n. Hindi katulad mo na punong-puno ng kasamaan mula ulo hanggang paa! Saka alam mo ba kung ano ang ginagawa sa mga taong sinungaling? Pinuputulan ng dila! Gusto mo putulan ko 'yang dila mo?" Saka akmang ibubuka ni Dino ang bibig niya.
Sa pagpupumiglas niya rito ay bigla silang napahiga sa sofa at napadagan pa ito sa kanya. Itutulak na sana niya ito pero bigla siyang natigilan nang mapansin na malapit na malapit na pala ang mukha nila sa isa't-isa. Bakas sa mga mata ni Dino na kahit ito ay parang nagulat din, pero sa kabila niyon, para bang natulala lang sila sa pagtitig sa isa't-isa.
Sa pagkakataong iyon, mayroong isang hindi pamilyar na pakiramdam ang biglang tumatakbo sa puso niya. Pakiramdam niya ay para bang may nagrarambulang mga daga sa dibdib niya. Malakas ang t***k ng kanyang puso at wala siyang ibang magawa kundi ang mapatitig na lamang sa mga nangungusap na mga mata ni Dino na para bang hinihigop ang buong kaluluwa niya. Hanggang sa namalayan na lang niya na palapit na nang palapit ang mga labi nito...
"H-Harmony, D-Dino?" Iyon na ang nasaksihan ni Dina na para bang nakahuli ito ng dalawang taong gumagawa ng milagro!
Nang marinig ang tinig ni Dina ay para silang binuhusan ng malamig na tubig ni Dino. Diring-diri na tinulak niya ito palayo sa kanya.
Napatayo rin naman si Dino. "Dina, nagkakamali ka ng iniisip." Muli ay sabay na naman silang nagsalita ni Dino.
Napailing na lang si Dina. Para bang hindi naniniwala na walang nangyayaring masama.
"SIGURADO KA BANG hindi talaga kayo ni Dino?"
Iyon ang naging tanong ni Dina kay Harmony nang makaalis na si Dino sa bahay ng mga ito.
Napailing na lang siya dahil sa naisip ni Dina tungkol sa kanila ni Dino. Malabo pa yata kaysa sa pagputi ng uwak na maging sila ni Dino. Pero sabagay, sa pwesto nila kanina ay hindi naman talaga niya masisisi na mag-isip ito ng ganoon. Dahil napakasagwa naman talaga ng posisyon nila kanina. Nakaibabaw sa kanya si Dino at malapit na malapit ang mukha nito sa kanya na para bang maghahalikan na sila.
Pero bakit nga ba humantong sila sa ganoong kaawkward na sitwasyon kanina? Kanina ay ni hindi man lang niya ito itinulak kaagad. Para siyang sinapian ng demonyo at tila hahayaan pa niya ang lalaki na talagang mahalikan siya! Bakit ba gano'n ang tumakbo sa isipan niya? Hindi kaya... Imposible!
"Imposible 'yang iniiisip mo, Dina, dahil simula't sapul ay mortal na kaming magka-away no'n. Magkakilala lang kami dahil magkapit-bahay kami pero ni hindi ko nga siya kaibigan, e. Lampa-lampa kaya no'n. Loser saka mahina ang loob! Kaya bakit ko naman siya magugustuhan?" panlalait niya kay Dino pero ang hindi lang niya maintindihan ay kung bakit pakiramdam niya ay nagmumukha siyang defensive dahil sa lahat ng sinasabi niya.
"Mukha namang hindi gano'n si Dino. Mukha nga siyang mabait at sincere, e," pagtatanggol ni Dina. Mabait talaga ito. Hindi naniniwala kahit sinisiraan na niya si Dino.
"Bakit ba natin pinag-uusapan 'yung ungas na iyon? Tayong dalawa na lang ang pag-usapan natin, Dina. May aaminin ako sa 'yo. Ang totoo kasi niyan e, talagang malabo akong magkaroon ng boyfriend dahil 'girlfriend' ang gusto ko. Ikaw ang gusto ko, Dina. Kaya ayos lang ba kung manligaw ako sa 'yo?" Saka niya hinawakan ang kamay nito.
Ikinulong nito ng dalawang kamay nito ang kamay niya. Saka siya tinitigan ng malalim. Medyo napangiti siya dahil sa gesture na iyon. Mukhang sasagutin na agad siya ni Dina, a?
"Sorry, Harmony. Hindi naman kita hinuhusgahan kahit ano'ng klase ng pagkatao mayroon ka pero sa ngayon kasi ay sa tingin ko, hindi pa ako handa na makipagrelasyon ulit. Mabuti kang tao kaya sana ay maging magkaibigan pa rin tayo," nakangiting sabi nito na nakapagpawala ng ngiti niya.
In short, basted siya!
"Naiintindihan ko naman pero sana bigyan mo ako ng chance na ligawan ka, Dina. Ano'ng malay mo, magkagusto ka rin sa akin. Saka ang reason mo lang naman kaya ayaw mo nang mag-boyfriend ulit ay dahil niloko ka ng boyfriend mo noon, hindi ba? Parehas lang tayong niloko at sinaktan ng mga lalaki, Dina. Kaya tayo na lang ang magsama!" sabi niya na positibo pa ring mag-isip. Naikwento na sa kanya noon ni Dina na broken hearted ito nang dahil sa isang lalaki.
"Pero—"
"Basta nakapag-desisyon na ako! Hindi mo ako maitataboy, Dina! Desidido akong ligawan ka!" Ngumiti siya ulit. Itinaas pa ang kamay nila na magkahawak.
Wala nang nagawa si Dina kundi ang mapangiti na lang. Iniisip siguro nito na malakas ang fighting spirit niya.
Well, totoo naman iyon. Ipinanganak siyang fighter kaya naman hindi niya ito isusuko. Alam naman niya na kapag ginawa niya iyon ay bigla lang ding sisingit sa eksena si Dino kaya hindi niya ito bibigyan ng pagkakataon. Hinding-hindi siya magpapatalo kay Dino!
"Siya nga pala, Dina, may sinabi si Dino kanina, e. Totoo ba na magmamadre ka?" tanong niya ulit sa babae.
Umiling ito. "I lied. Sa totoo lang, kaya nga pinayagan ko si Dino na tumulong kanina ay dahil nakukunsensya ako. Nagsinungaling kasi ako sa kanya," nakayukong sabi ni Dina na tila sa kanya pa nahihiya dahil sa pagsisinungaling nito.
Kahit papaano ay nakahinga siya ng maluwag. Wala naman palang plano na magmadre si Dina, e. Mabuti nang hindi malaman ni Dino ang tungkol doon para mag-alangan ito kahit na kaunti na pormahan si Dina.