Epilogue

4307 Words
-L Chase Mendoza. For me, our friendship is something... special. Well, all friendships are special but he gave a different feel to it. Minsan ka lang makakakita ng lalakeng katulad niya. He's that one of a kind type of guy na hindi na dapat pinapakawalan kapag nakuha. He's worth fighting for. He's worth dying for. Pinaraanan ko ng mga daliri ko ang pangalan na nakaengrave sa bato at kasunod nuon ay ang hampas ng hangin sa buong katawan ko. "Chase, nandito ka ba?" Gamit iyong likod ng kamay ko, pinunasan ko ang magkabilang pisngi ko na basang-basa na ng mga luha. Bakit kasi nakalimutan ko magdala ng panyo? Iyong araw-araw na magkasama kami, for me, it seems so magical. It's like nasa isang fairy tale book kami but with a catch. And the catch was, it has a pinch of reality. Every day seems so magical, perfect, yet we feel the pain that reality give us. "Alam mo ba, mahal na mahal kita." Natawa naman ako ng bahagya dahil sa sinabi ko. "Oo na. Paulit-ulit na ako. Siguro nga kung nandito ka, ilang beses mo na ako nabatukan dahil paulit-ulit ko iyon sinasabi." I remembered when I first talked to him, pati iyong unang kita ko sa kaniya, I labeled him as the weird and creepy new guy. Lagi kasi siyang mag-isa. Binabakuran niya pa iyong sarili niya para mapalayo sa amin. And I was even amazed dahil nang kausapin ko siya, nakita ko iyong mga mata niya ng malapitan. He has gray-colored eyes and I find it cool. Hindi ko naman alam na kaya pala niya inilalayo ang sarili niya sa amin ay dahil may mabigat siyang dahilan. Sa sobrang bigat, pati sarili niya, pinagkaitan niya ng happiness na sobrang deserve niya. Ayaw niyang manakit ng tao. Sobrang caring niya. Sobrang loving niya. Who wouldn't fall for a guy like that? Napagpasyahan kong umalis na at umuwi para makapagpahinga. Masyado na rin akong maraming naikwento kay Chase. It's only been two weeks since he left us pero araw-araw, kada umuuwi ako from school, pumupunta ako sa sementeryo para bisitahin siya, para makipagkwentuhan kahit alam ko na hindi siya kailan man sasagot. Naupo ako sa waiting shed para maghintay ng masasakyan pauwi. Inilabas ko iyong cell phone ko para itext si Leigh dahil may project kaming kailangang tapusin. Deadline na kasi sa makalawa kaya kailangan na namin iyon tapusin. Matapos kong itext si Leigh, itatago ko na dapat iyong cell phone ko pero biglang may tumawag. Si Tito? Sinagot ko naman iyon at kinamusta siya. Tinanong ko na rin kung bakit siya napatawag. Ang sinabi niya lang ay pumunta raw ako sa kanila dahil may ibibigay siya sa akin. Pumunta kaagad ako dahil baka importante. Siya ang sumalubong sa akin pati na ang ilang maid, na hanggang ngayon ay nagsstay pa rin sa kanila. "Po?" Paninigurado ko dahil baka mali lang ako ng narinig. "Tara sa taas." pag-uulit niya. Kahit nagtataka, sinundan ko pa rin siya paakyat sa second floor ng bahay nila hanggang sa makarating kami sa harap ng kwarto ng namayapa niyang anak. Nang makita ko iyong kwarto ni Chase matapos buksan ni Tito ang pintuan, iyong memories namin ni Chase sa loob ng kwarto niya, biglang nagsisulputan sa utak ko. Lahat ng kulitan, lokohan, asaran, kalokohan-- lahat ng masasaya at nakakatakot na bagay na nangyari sa kwartong ito, nagflashback sa isip ko. Pumasok si Tito tapos hinintay niya akong makapasok. Hindi na niya isinara iyong pinto tapos pumasok siya sa isang pinto sa kwarto. Iyon iyong damitan ni Chase. Habang hinihintay ko si Tito lumabas, inilibot ko ang paningin ko. I missed this place. Sa bawat sulok ng kwarto, nakikita ko iyong mukha ni Chase na nakangiti. Nang mapatingin naman ako sa kama niya, nakita ko siyang nakaratay duon habang katabi ako na natutulog sa isang upuan, binabantayan siya. Bago pa man ako makita ni Tito na umiiyak, pinunasan ko na kaagad iyong paunang luha na pumatak mula sa mga mata ko. Two weeks na pero hindi pa rin ako makamove on. Imposible naman kasing mawala si Chase sa isip ko. Mahirap. At hindi ko siya gustong kalimutan. I know my thoughts about not wanting to forget him is crazy pero mas gugustuhin ko pa na magkaamnesia at si Chase lang ang naaalala ko kaysa kalimutan siya nang tuluyan. No, I don't want to forget Chase. He's the one I treasure most kaya hindi ko siya kakalimutan. "L," Napatingin ako kay Tito nang lumabas siya mula ruon sa damitan. May hawak siyang notebook. Sinenyasan niya akong lumapit kaya lumapit ako. Naupo kami sa kama tapos inilahad niya iyong notebook. "Heto," Kinuha ko ito tapos bumuntong hininga siya. "Dati... bago mahospital si Chase, alam niyang hindi na siya magtatagal. Kaya isang araw bago siya namaalam, nakiusap siya na ibigay ko sa iyo iyan." Ngumiti siya ng bahagya saka tumayo. "Hintayin mo ako. Huwag mo munang buksan iyan hangga't hindi pa ako nakakabalik, okay?" Tumango ako tapos nahiga sa kama. Niyakap ko iyong unang ni Chase, na lagi niya ring niyayakap. At least, kahit papaano, naaamoy ko pa rin siya. Pakiramdam ko tuloy, yakap-yakap ko siya. Minsan, naiisip ko na siguro nagsisisi ako at some point dahil hindi ako umamin kaagad, na ang tanga-tanga ko kasi hindi ako umamin habang buhay pa siya. Hindi ko tuloy nalaman kung ano ang outcome ng pag-amin ko. But I always tell myself that I'm wrong. I should never regret anything. Kahit iyong hindi ko pag-amin, hindi ko dapat pinagsisisihan. Dapat kong tanggapin na hindi ako umamin. Kung umamin ako, parang mas lalala lang ang kondisyon niya. Iyon ang naiisip ko. Baka nga rin hindi matahimik iyong kaluluwa niya kung umamin ako noong last minute na magkasama kami. "Hija," Napamulat ako nang dumating na si Tito. Umupo ako tapos tinignan siya. May hawak siyang paso na maliit na may pulang rosas na tanim. Inilahad niya ito sa akin kaya kinuha ko. Hindi ko maiwasan na tignan siya na may pagtataka. Seriously, para saan ito? "It's from Chase." From... from Chase? "Tito--" "Itinanim at inalagaan niya iyan noong nabubuhay pa siya. Para sa iyo raw kasi. Pasasalamat yata. Sige na, iwanan na muna kita riyan, ha? Kakausapin ko lang Tita mo. Basahin mo na rin iyong notebook. Don't worry, si Chase pa lang ang nakakabasa at nakakakita ng laman niyan." Tumango na lang ako kaya lumabas na siya. Kinakabahan ako kung ano iyong makikita kong laman nitong notebook. Hinawakan ko ang singsing na nakasabit sa kwintas ko, iyong sising na ibinigay ni Chase. Nang buksan ko ito, nabitawan ko ang pagkakahawak ko sa singsing at napatakip ng bibig. May ilang blood stains iyong notebook. Parang nabasa rin iyon ng patak ng tubig. Mga luha ba ito? May picture rin namin ni Chase sa unang page. Tapos iyong pinagdikit-dikit na santan to form a crown ay nakapabilog sa picture namin na nakaclose up. Natutulog ako rito. Malapit iyong mukha niya sa akin habang nakangiting nakatingin sa akin. Sa ibaba ng picture namin, nakalagay ruon Me and L Binuklat ko ulit iyong isang page tapos sinimulang basahin ang mga nakasulat rito. - I decided to make my own diary pero gagawing kong panglalakeng version. Para maangas, siyempre. Pangbabae man ang paggawa ng diary o hindi, wala na akong pakielam. Ang mahalaga, may mapaglabasan lang ako ng saloobin ko. Hindi ko alam kung paano magsisimula, kung anong mga isusulat ko rito. Wala akong ideya. Pero isa lang naman ang dahilan kung bakit ako gumawa ng diary. Si L. Sinimulan kong magsulat sa diary na ito nang makilala ko si L. Ang sarap niyang saksakin twenty four seven noon. Ang naririnig ko kasing tawag niya sa akin Weird Guy. Sino ang hindi maaasar duon? Pero naiintindihan ko naman kung bakit niya ako tinawag na ganuon. Nagpakaweirdo kasi talaga ako para layuan ako ng lahat ng tao. Ayokong may makakalapit sa akin. Ayokong may mapapalapit sa akin. Ayoko ng kaibigan. Ayokong magpapasok ng tao sa buhay ko. Ayaw ko kasing makasakit ng tao. Ayokong may makaalam ng sakit ko. Ayokong kaawaan nila ako. Ayoko nuon. Ayokong tumatak sa isip nila na isa akong mahinang lalake. - - Nagdebate kahapon. Nasasaktan ako sa mga ibinabato nilang salita. Alam kong wala naman ako sa malalang kalagayan, to the point na makina na lang ang bumubuhay sa akin pero masakit pa rin iyong ibang sinasabi nila kasi tinatamaan ako. Nag-PE rin kami ngayon. Actually, sila pala. Hindi kasi ako kasali. Hindi ako puwede mapagod kasi baka bigla akong himatayin. Ang epal lang nitong sakit ko, pinahihirapan pa ako; tinatanggalan ako ng karapatan na makisalamuha sa iba; tinatanggalan ako ng karapatan makipagsaya sa mga kaklase ko. Habang nag-aactivity sila, hindi ko maiwasang hindi malungkot, mainggit, at maasar sa sarili ko kasi ang hina-hina ko. Parang isinasampal ng activity na iyon ang katotohanang wala akong karapatan na magsaya, na wala akong karapatan na makisali sa kanila. Mahina ka kasi, Chase. Bawal ka sa mga ganiyang bagay. Ang bigat lang sa pakiramdam. Hindi ko alam kung may hidden agenda ba iyong babaeng iyon kasi nilapitan ako. Ang bait niya kasi. Pero kailangan ko siyang bakuran kaya sinungitan ko siya. Sorry. Hindi ko naman gusto na itulak iyong mga nalapit sa akin. I have no choice. Ayoko lang maattach sila sa akin. Ayoko silang masaktan. Knowing na mamamatay rin ako? Masakit. Hindi bale na ako na lang ang masaktan, huwag na lang akong mang damay. Mas okay pa talaga minsan na mag-isa ka lang. In that way kasi, hindi ka makakasakit. Hindi ka rin masasaktan kapag nasaktan mo sila. - - Iniligtas ko si L ngayong araw. Yeah, I found out what her name was. Just a letter l. Weird name. Parang iyong sa Death Note. Anyway, buti na lang talaga at nagpahangin ako noon kung hindi baka kung ano nang nangyari sa kaniya. Nakita ko kasi siyang pinagsasamantalahan nuong basketball player sa school. Kaya lang... ang weird nya, parang pangalan niya. Hindi siya iyong weird na nakakainis. Nakakatuwa iyong weirdness niya. Muntik na siyang mapagsamantalahan, namilit pa siyang makipagkaibigan. Hindi niya rin alintana na lalake ako. Hindi ba siya natatakot na baka katulad ako nuong lalakeng bumabastos sa kaniya? Gustong-gusto ko siyang kaibiganin. Ayoko nang bakuran iyong sarili ko. Ayoko na silang palayuin sa akin. Gusto ko namang sumaya. Nakakapagod na kasi na lagi akong mag-isa. Gusto kita maging kaibigan, L. Sana... puwede tayo maging magkaibigan. - - Dahil gustong gusto ko umakyat ng puno, umakyat ako sa puno sa field. Wala kasi akong maaakyatang puno sa bahay. Kung mayroon man, mapapagalitan pa ako kung umakyat ako. At hindi ko naman alam na ang pag-akyat kong iyon, may masasaksihan ako. Naghiwalay si L pati iyong boyfriend niya. Mahal nila ang isa't-isa pero bakit naghiwalay sila? Nakakaloko lang. Kaya iniiwasan ko talaga ang mga babae. Ayoko kasing ma-in love. Nakakatanga iyon. Sa totoo lang, awang-awa talaga ako kay L noong mga oras na iyon. At ang tanga nuong lalake dahil pinakawalan niya si L. - - Nakita ko ngayon si L. As usual, lugmok pa rin siya dahil sa hiwalayan nila ng boyfriend niya. Nakita ko siya sa library, kunwaring nagbabasa pero naiyak naman. Pagkatingin ko sa sinusulyapan niya, nakita ko iyong ex boyfriend niya na may kasamang iba at nakikipagtawan pa iyong ex niya ruon sa babae. Ang gago lang nuong lalakeng iyon, sa totoo lang. Nakuha niya pa makipagharutan samantalang may sinaktan siyang babae. Pinahiram ko siya ng panyo. Ayoko kasi ng may naiyak. Masyadong mahalaga iyong luha ng isang babae. Ang mga babae, hindi pinapaiyak, pinatatawa dapat; iyan ang turo sa akin ng papa ko. Iyong weird side niya, umatake. Nangulit siya sa akin. Sa totoo lang, hindi ko napigilan iyong pagngiti ngiti ko. Ang cute niya kasi. Pero kapag nahuhuli niya ako, binubura ko iyong ngiti sa labi ko. Ito iyong araw na sinabi niyang gusto niya ako maging kaibigan. She keeps on insisting na maging magkaibigan kami. Tama na. Sawang-sawa na ako. Kahit ngayon lang, magpapakaselfish ako. Kahit isang tao lang. Kahit si L lang. Alam ko kasi, mapapasaya niya ako. I'm sorry pero ikaw ang napili ko, L. - - Nag-away sila nuong kaibigan niya. Nag-away sila dahil sa lalake. Clearly, hindi niya gusto iyong lalake. Akala lang nuong kaibigan niya, inaagaw niya iyong lalake sa kaniya. Binabantayan ko siya. Lagi akong nakamasid sa kaniya. Kaya nang lapitan niya iyong kaibigan niya, medyo lumapit na ako ng puwesto kasi alam kong mag-aaway sila. Paiyak na siya nang matapos sila mag-usap kaya I offered myself para maging panyo niya pero ang gusto niya ay mapag-isa at hindi ako. Then again, kahit hinihingal na ako dahil inaatake ako ng sakit ko, sinundan ko pa rin siya. Pumunta siya sa field kaya nagtago ako sa hindi kalayuan. Nakita kong nilapitan siya nuong lalake, iyong nagtangka sa kaniya. May sinabi iyong lalake sa kaniya pero hindi ko narinig. Bigla na lang siyang humagulgol tapos sinampal iyong lalake at tumakbo. Sinundan ko na naman siya. Nakita pa nga akong lumabas sa pinagtataguan ko nuong lalake. Alam ko rin na napansin nito na hingal na hingal ako. Naglabas siya ng hinanakit niya sa akin. Kada sabi niya ng ang sakit-sakit na, na ang tanga-tanga niya, hindi ko maiwasang mainis sa sarili ko. Gusto ko siyang protektahan dahil kaibigan niya ako. Para saan pa at pinapasok ko siya sa buhay ko kung hindi ko siya mapoprotektahan habang buhay pa ako? Gusto ko siyang protektahan dahil alam ko na balang araw, masasaktan ko siya ng todo. - - Bumisita si L sa bahay ngayon. Magrereview kasi kami for the exam. Si Mama naman, kung makapagprepare ng pagkain, akala mo may fiesta. Sabi niya kasi, sa wakas raw, nagdala na ako ng babae sa bahay. Salamat raw sa Diyos at hindi ako bakla. Ang sarap ngang kotongan ni Mama. Hindi naman kasi talaga ako bakla. Sinabi ko nga, si Danelle naman dinadala ko ruon, bakit hindi naghahanda ng ganuon karami. Ang sagot niya lang, alam niya kasi na kaibigan ko lang raw si Danelle. Buhay nga naman. Si Papa naman, nakisama pa sa pang-aasar. Ginagawa kaming item ni L. Anong tingin nila? Gusto ko si L? Hindi, ano. Medyo kinabahan lang ako kasi biglang nawala si L. Natatakot lang naman ako kasi baka kung ano ipakita sa kaniya ni Mama. Masyado pa man rin magfeeling close iyon si Mama kaya pati iyong mga bagay na hindi na dapat malaman ng iba, nalalaman tuloy. - - Araw-araw rin kami kung magreview. Sobrang nakakapagod mentally and physically pero okay lang. Masaya naman kasama si L kaya medyo napapawi iyong pagod ko. May idea na rin yata siya sa sakit ko. Nakita niya na kasi iyong naglalabasang patches sa balat ko. Kaya nga ako nagjajacket para maitago iyong mga iyon pero siya, dahil sa kakulitan niya, nakita niya. Sa totoo lang, habang pinupunasan niya ako ng panyo sa likod, halatang sobrang uneasy nya. Parang may naaalala na kung anong bagay. More like tao iyong naaalala niya pero I didn't fish out some answers dahil baka masyado nang private. Not all secrets are bound to be known, kahit pa kaibigan mo iyong may gusto makaalam ng sikreto mo. - - Nanlumo ako ngayong araw. Hindi ko rin alam kung bakit pero nagsimula ito nang makita ko iyong isinulat sa whiteboard nuong ex ni L. Mahal ko si L Punzalan. Iyan iyong nakasulat. Ang cheesy naman masyado nuon. Nakakasuka. Pero iyong panlulumo ko, napalitan ng kakaibang fuzzy feeling nang burahin iyon ni L tapos isinulat na Ex boyfriend, hindi boyfriend. Ewan ko pero pakiramdam ko, para sa akin iyong message kasi tinignan niya ako pagkatapos niya burahin iyong nakasulat. I mean, sinasabi niya na wala na sila nuong boyfriend niya. Ewan. May nang-away rin sa kaniya ngayon. Hindi ko alam kung bakit siya inaway pero sinasabi ng isip ko na wala siyang kasalanan at biktima lang siya. Siyempre, dahil kaibigan niya ako, pinrotektahan ko siya. Pero iyong sitwasyon, bumaliktad. Nang itulak kasi ako ng babae, bigla na lang siyang parang naging super saiyan tapos binugbog niya iyong babae. Na-OSA sila pero may mga nagwitness naman kaya naayos naman kaagad iyong gulo. May idea rin daw siya kung sino iyong nagpasimula at naging dahilan ng gulo at iyon raw iyong kaibigan niya kaya nakipagkita siya rito. Well... I just hope na maging okay lang siya. Hindi sana siya saktan ng kaibigan niya. I decided na bumalik na lang sa school at magpunta sa field para magpahinga. Kaya lang, iyong pagpunta ko ruon, nakasama pa. Iyong iniinda ko kasing hilo at sakit ng ulo, mas lumala. Wala na akong naalala noon kung ano iyong nangyari kasi bigla na lang akong nahimatay. Basta ang huli ko na lang nakita ay iyong basketball player na humalik-halik kay L noon. - - Heto ako ngayon, nakaratay sa hospital bed, sinusulatan ka na namang notebook ka. Nakakabagot naman rito. Dumating sina Mama at Papa na sobrang nag-aalala. Binantayan rin nila ako at inalagaan. Sobrang thankful ako dahil nariyan sila kapag kailangan ko. Sige na, wala na akong maisulat ngayon araw dahil wala namang magandang nangyari. Nakahiga lang ako tapos nakikipagtitigan sa kisame. Iyon lang. Mukhang ilang araw na naman akong mararatay dito, ha? - - Alam na ni L iyong condition ko. Hindi ko alam kung paano, kailan at kanino niya nalaman pero alam niya na. Iyak siya nang iyak. Heto na nga iyong sinasabi ko. Nakapagpaiyak ako. Kaya ayoko na may nakakalapit sa akin, kaya ayokong magpapasok sa buhay ko dahil ganito ang mangyayari. I'm sorry, L. Hindi ko naman ginusto na paiyakin ka. Mali ba? Mali ba na tinanggal ko iyong bakod na ginawa ko para walang makalapit sa akin tapos pinapasok siya? Mali ba? Gusto ko tuloy pagsisihan dahil pinapasok ko siya sa buhay ko pero mas malaki ang parte na nagpapasalamat ako dahil naging kaibigan ko siya. Pero kasalanan ko ito. Kung hindi dahil sa akin, hindi siya iiyak. Ayoko siyang umiyak, lalo pa at dahil sa akin. - - Dumating na iyong kababata ko. Si Danelle. Bukod kasi kay L, may isa pa akong kaibigan at iyon si Danelle. Pero hindi iyan ang ikukwento ko. L and I had a friendly date. Halatang naiilang siya pero napagtripan pa rin namin na ituloy na lang. Pero nabuksan namin iyong sensitive na topic: ang sakit ko. Alam ko na iyong pagpapaalam niya na magccr lang siya ay para makaiyak siya. Ang tanga-tanga mo kasi, Chase. Mali kasi iyong isinagot mo. Kinagabihan, inatake ako ng sakit ko. Hindi ko naman ginusto na istorbohin siya. Si Mama kasi, tinawag pa. Pero thankful ako dahil siya ang nag-alaga sa akin. - - Birthday ni Papa ngayon. Maraming bisita ang dumating. Kinukulit ako ni L pero hindi ko siya pinapansin dahil gusto ko siyang mainis. Tuwang-tuwa kasi ako kapag pumupula iyong pisngi niya dahil sa inis sa akin. Sinakyan ko rin iyong mga trip niya. Akala niya siguro hindi ko siya aasarin. Asar talo naman lagi sa akin ang babaeng iyon. Hindi ko rin alam kung bakit sabi ni Danelle, nagseselos raw si L. Bakit siya magseselos? Don't tell me she likes me not only as a best friend but more than that? No. Ayokong mag-isip ng mga ganiyang bagay. Sana hindi totoo. Sana hindi siya nagseselos kay Danelle. Hindi ko na alam gagawin ko kapag nagkagusto siya sa akin. Pero bakit ako nakangiti habang nagsusulat? - - Today's my birthday. As usual, we celebrated it at the hospital. Akala ko nga magiging boring na naman ang birthday ko. I really didn't really expect that L would surprise me like that. Hindi man ganuon kasarap iyong cake na iniregalo niya, sobrang thankful pa rin ako dahil nag-effort siya sa paggawa nuon. Hindi ko nga rin binigyan sina Papa kasi gusto ko, ako lang ang kakain ng cake na ibinigay niya. Her second gift was the one I loved the most. Grabe iyong babaeng iyon. Kayang-kaya niya ako pasayahin sa mga simpleng bagay na ginigawa at ibinibigay niya. Thank you, L. You gave me the most memorable birthday I've ever had. - - Heto na naman ako, nakaratay sa hospital bed. Inatake na naman kasi ako. Napag-alala ko na naman si L. Siya pa nagdala sa akin sa clinic. Pati pala iyong lalakeng bumastos sa kaniya. Nang dadalahin na ako sa hospital, she keeps on insisting na sumama pero pinigilan ko siya kahit na hirap na hirap na ako. She doesn't have to skip school just because of me, just because of this stupid condition of mine. Napanghihinaan na ako ng loob. Parang gusto ko na sumuko at manahimik na lang. Habang tumatagal kasi, mas lalo ko lang silang nasasaktan; sina Mama, Papa, Danelle pati na siya. Ewan ko ba. May hint ako na may feelings siya para sa akin pero itinatatak ko talaga sa isip ko na... hindi. Wala siyang gusto sa akin. Iyong mga gestures niya? Friendly lang iyon. Babae kasi kaya masyado talagang sweet. Kumanta kami. Kasama kang tumanda iyong kinanta niya. Favorite ko pa. Sinabayan ko siya. Gusto ko rin kasing maipaalam sa kaniya na gusto ko siya makasama sa pagtanda. Sana... hanggang sa pagtanda, magkaibigan pa rin kami. Kaso sino bang niloloko ko? Iyong katawan ko na mismo ang nagsasabi na gusto na nitong bumigay, na gusto na magpahinga. Pero, ano? Linalabanan ko. Dahil gusto ko pa sila makasama. Gusto ko pang madagdagan iyong saya na nararamdaman ko. Pangbawi man lang sa pagdadamot nito sa sarili ko. - - Ayoko na. Pagod na pagod na ako. Ang sakit-sakit na ng katawan ko. Kung ano-ano nang mga gamot ang ipinapainom at itinuturok nila sa akin. Gusto ko na talagang bumigay. Gusto ko na magpahinga. Gusto ko nang manahimik. Kaso kada maiisip ko naman na sumuko na, kapag pumipikit ako, mga mukha ng mga taong sobrang mahalaga sa akin ang nakikita ko. Sign ba ito na hindi pa ako dapat sumuko? Na... habang humihinga pa ako, may chance pa ako na gumaling? I hope so. Kada iiyak sila nang dahil sa akin, mas malala iyong sakit ng puso ko kaysa sa mga sakit na nararamdaman ko sa katawan. Sobrang bigat sa dibdib. Walang-wala iyong mga sakit ng katawan ko sa sakit na nararamdaman ko kapag nakikita ko na umiiyak sila nang dahil sa akin. Ang sakit-sakit sa isip... lalo na sa puso. God... kuhanin Niyo na lang po ako kapag ready na sila. - - Nakakahiya itong araw na ito. Si L pa iyong nagpunas ng katawan ko. Siya iyong naglinis sa akin. Idagdag mo pa iyong fact na nakita niya iyong boxer ko dahil boxer lang ang suot ko habang nililinisan niya ako. Ang buong akala ko talaga, pagtatawanan niya ako kasi nga hindi naman ganuon kalaki ang katawan ko tapos iyong boxer short ko ay si Patrick Star pa. Dati ko pa talaga balak na magpalaki ng katawan. Simula noong araw na pinapasok ko siya sa buhay ko, nagbalak na talaga ako. Naisip ko kasi noon na baka ikumpara niya ako sa mga lalakeng nakakasama niya. Puro mga maipagmamalaki iyong katawan. Kaya nga noong nag-e-exercise na ako, pinagbuti ko talaga kaso pinatigil naman ako dahil mas madalas akong atakihin ng sakit noong panahon na iyon. Kaya, ayun, itinigil ko na lang kaysa naman mas mapaaga ang buhay ko. Pero, mali ako. Hindi niya ako pinagtawanan dahil sa katawan o kahit na sa boxer ko. Parang... wala lang. Parang... Anong pakielam ko kung ganiyan iyong katawan mo? Anong pakielam ko kung nakaboxer ka na si Patrick Star pa iyong print? Wala sa akin iyan. Magkaibigan tayo. Parang ganiyan kasi iyong ikinikilos at niisip niya. At... thank You, God. Thank You kasi hindi siya katulad ng iniisip ko. - - Bukas raw, magbabike kami ni L. Sobrang saya ko dahil sa wakas, pinayagan na nila ako. Pero pinasimangot naman ako ni Papa. Don't expect na pasasakayin niya raw ako sa bike na ako iyong nagmamaneho, si L raw kasi iyon at iaangkas lang ako. It's a secret raw kaya itinikom ko ang bibig ko at nagkunwaring wala akong kaalam-alam sa plano ni L. Ramdam ko na. Sobrang hina ko na ngayong gabi. Kaya naman... alam kong bukas... wala na. Hindi na ako hihinga. Humiling ako kay God nang makatulog na sila. Heto, isinulat ko muna bago ako hiniling. God, thank You sa lahat ng blessings na ibinigay Niyo. Iyong labingwalong taon na ipinahiram Mo sa akin para mamuhay, para maramdaman ko kung paano mabuhay, para makita ko iyong mga dapat kong makita. Kung plano Mo ibigay talaga sa akin itong sakit na ito, okay lang. Tanggap ko naman. Dati pa, actually. Gusto ko lang na Ikaw na po muna bahala sa mga mahal ko sa buhay, sa pamilya ko, lalo na kay L. Mahina pa man rin iyon. Maraming-maraming salamat po kasi ipinadala Niyo siya para maging kaibigan ko. Kung hindi dahil sa kaniya, siguro mas napabilis iyong oras ko. Kung hindi dahil sa kaniya, siguro hindi ko maaappreciate iyong mga simpleng bagay. Kung hindi dahil sa kaniya, hindi ako magiging masaya. Kung hindi dahil kay sa kaniya, hindi ko mararanasan iyong isang bagay na buong akala ko ay hindi ko mararanasan. Kung hindi dahil sa kaniya, hindi ko mararamdaman ulit kung paano magkaroon ng buhay. Sorry kung hindi ko nasabi iyong mga dapat kong sabihin sa kanila. Wala kasi akong lakas ng loob. Pero sana, gamit itong notebook na ito, malaman nila lahat ng gusto kong sabihin. Lahat ng itinatago ko. Lahat ng dapat nilang malaman sa nararamdaman ko. Mahal ko po iyong pamilya ko. At, L, sorry kung hindi ko sinabi sa iyo ito kaagad, ha? Unang kita ko pa lang kasi sa iyo, nagkahinala na ako kung ano iyong naramdaman ko noong araw na iyon. Recently ko lang naamin sa sarili ko kung bakit ako nakakaramdaman ng kung ano-ano pagdating sa iyo. Tinamaan ako sa iyo. Mahal na mahal kita. Sobra. -Chase Mendoza
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD