4

2224 Words
"JD? Hmn...bakit baby?" Nakapikit pang sabi ni Lenlen. Kinapa agad ang diaper ni JD—na naramdaman niyang kailangan nang palitan. Hindi na siya nag-abalang alamin ang oras. Pinilit ang sariling bumangon kahit gustong-gusto pa niyang matulog. Mula nang maging yaya siya ni JD, ramdam na ramdam ni Lenlen ang sakripisyo ng mga ina. Kaya pala sinasabi ng lahat na walang makakatapat sa sakripisyo ng isang ina. Sakripisyo nga talaga. At ang pinakamahirap para kay Lenlen, ang puyatan. Kulang siya lagi sa tulog. Parang laging lutang ang utak sa puyat. Makakapag-nap lang siya kapag nakatulog si JD, na laging maikling oras lang. Hindi biro ang paggising sa alanganing oras ng gabi para magpalit ng diaper o kaya ay magtimpla ng gatas. Naisip nga ni Lenlen, wala pa man siyang boyfriend ay handa na siyang maging ina sariling anak. Ang training niya kay JD pa lang, sobra na. Hindi na siya mahihirapan sa magiging baby niya. At ang sinasabing mga sakripisyo, balewala na lang sa kanya. Si JD ang perfect baby para sa practice niya ng mga sacrifices ng isang ina para sa anak. Pagkabangon ay napanganga si Lenlen nang mapansin ang ibang interiors ng kuwarto. Napahagod siya sa batok. Nakatulog pala siya... Nanlaki mayamaya ang mga mata ni Lenlen, umawang din ang mga labi nang makitang hindi lang sila ni JD ang magkasama. Katabi rin ng cute na cute niyang alaga si Sir JC na hindi man lang nagising sa iyak ng anak. Si Sir JC na...na... Topless! Napalunok si Lenlen. Kahit kagigising pa lang, nabuhay na naman agad ang puso niya sa pagtitig lang sa isang lalaking tulog! Bakit ba kasi ganoon na lang ang effect sa kanya ni Sir JC? Sure si Lenlen na kahit hindi ito topless, pareho pa rin ang lakas ng heartbeat niya! Malala ka na talaga, Len! Mas lumakas ang iyak ni JD. "Shhh. Shhh, baby. Magigising si Daddy, o. Malalagot si ate Len. Ssshh na, ha? Do'n na tayo sa labas..." at natatarantang kinarga niya si JD. Para siyang litong zombie na nag-tiptoe palabas ng kuwarto. Bakit hindi siya ginising ni Sir JC? Dati naman ay ginigising siya para lumipat ng kuwarto. Agad huminto ang paghakbang ni Lenlen pagkalabas ng pinto. Napalingon siya sa nakasara nang pinto at napabungisngis. Natulog talaga sila ni Sir JC sa isang kama? Pigil na pigil niyang tumili sa kilig. Sana man lang may picture! Hayun at naging active na ang pilyang utak ni Lenlen. May naisip siyang masayang gawin. Papalitan muna niya ng diaper at damit si JD, ihahanda ang gatas nito at saka niya ibabalik sa kuwarto ni Sir JC. Gagawin na rin niya ang 'maitim na plano.' "'ETO na baby, o. Shhhh...'eto na, ready na po ang milk. Sorry na... 'Eto na po...shhh na. Shhh..." napangiti si Lenlen sa mabilis na paghawak ni JD sa baby bottle. Ang laki agad ng pagkakanganga nito. Ang dami rin na sinasabi na putol-putol. Parang nagagalit na tagal niyang magbigay ng gatas. "Aw...nagutom ang baby ko. Sorry na..." Binuhat na niya si JD mula sa kuna at kinarga. Dalawang ulit na maingat niyang hinalikan sa noo. Ang cute cute talaga nito. Kung hindi lang siya malalagot na minu-minuto niyang panggigilan ay baka laging lamog sa kanya si JD. Kiss lang talaga ang puwede niyang gawin kahit gustong-gusto niyang gawing cuddly bear si JD na panggigigilan niya. Takot din siyang baka magkapilay ito. Baka mabugbog din siya ni Madam Cerena. Si Sir JC kasi, wala sa personalidad ang mananakit ng maid. Ito rin ang tipo ng lalaking amo na malabong mangmo-molestiya ng maid. Kahit hindi ngumingiti, ramdam niyang matino at mabuting tao. Sa tagal niya sa condo, maraming beses na silang nagkakalapit at nagkakadikit, wala siyang maramdamang discomfort. Kapag kinukuha ni Sir JC si JD galing sa kanya o kaya ay ililipat nito sa mga braso niya kapag pupunta nang office, wala siyang maramdamang iba sa mga 'physical contact' nila. May nararamdaman nga pala siya—spark at kilig! Wala nga lang kamalay-malay si Sir JC. At forever secret na niya ang feelings na iyon. Laging binabati ni Lenlen ang sarili na ang galing niyang magpanggap na comfortable sa harap o sa tabi ni Sir JC. Pero ang totoo, hindi na matahimik ang heartbeat niya. Ang maganda lang talaga, nakakasanayan na ni Lenlen. Tanggap rin naman kasi niya sa umpisa lang na hanggang tagapag-alaga lang ni JD ang role niya sa buhay ng dalawa. Puwede niyang mahalin ang mag-ama pero hindi siya puwedeng umasa na posibleng mag-stay siya sa buhay ng mga ito hanggang sa huli. Malabo iyon. "Kaya mamahalin na lang kita, JD," sabi niya at matagal na tinitigan ang cute na mukha ng baby. Ang ilong at mata nito, kuhang kuha kay sir JC. Lips lang ang hindi. Manipis ang lips ni JD. Si Sir JC ay manipis ang upper lip at mas fuller ang lower lip. Parang good kisser. Natawa siya sa naisip. Hinalikan na lang si JD sa noo para ibaling ang kilig. Feeling ni Lenlen, magco-collapse siya kapag kiniss siya ni Sir JC. "Sa panaginip ko lang posible 'yon, baby, 'di ba?" pagkausap niya kay JD. Tumingin naman ito sa kanya sa pagitan ng pagsipsip ng gatas. Mayamaya ay ngumiti na parang naintindihan siya. "Aww!" nag-init ang dibdib ni Lenlen. Isa iyon sa maraming moments na gustong-gusto niya ang trabaho. Priceless ang ngiti ni JD. Tuwang tuwa rin siya sa yakap nito, sa kiss at sa paghawak sa mukha niya kapag naglalaro. Feeling nga ni Lenlen, baby na rin niya si JD kahit hindi galing sa dugo niya. Nagagawang buhayin nito ang walang paliwanag na emosyon sa kanyang dibdib niya. Lalo na kapag karga ito ni Sir JC at humabol para magpakarga sa kanya kapag dumaan siya sa tabi ng dalawa. Kapag hindi niya pinansin, iiyak si JD at magpipilit umalpas sa hawak ng ama. Hinalikan na naman ni Lenlen si JD. "Love you, JD. Tandaan mo, ah?" Wala na siyang pamilyang puwedeng paglaanan ng pagmamahal kaya si JD na lang. Kinakantahan na niya ito ng paboritong pampatulog. Ilang minuto rin bago inantok uli si JD. Tulog na ito nang dalhin niya sa kuwarto ni Sir JC. Maingat na maingat ang kilos ni Lenlen. Walang tunog ang pagtulak niya sa pinto, pati ang mga hakbang. Sa kama agad tumutok ang tingin niya. Pagod yata si Sir JC, hindi man lang tuminag kahit nagalaw niya sa paglipat kay JD sa kama. Inayos muna ni Lenlen ang mga unan sa tabi ng baby bago niya sabay na kinumutan ang mag-ama. Hindi niya unang beses na nakita pero nakaka-distract pa rin ang topless na upper body ni Sir JC. Hanggang dibdib lang kasi nito ang kumot. Maingat niyang inilabas ang cell phone. Isa sa mga luho na hindi niya naman hiningi pero ibinigay ni Tito Nello—ang medyo mahal na cell phone na may magandang camera. Ini-off niya ang flash. Nag-selfie muna sa tabi JD bago ang shot na kunwari si JD ang star pero si Sir JC talaga ang kinukuhanan niya. Pigil na pigil ni Lenlen ang mapabungisngis. Mabuti na lang talaga at mahimbing ang tulog ng guwapo niyang prince! Tatlong stolen shots lang naman. Okay lang din kahit medyo madilim. Lampshade lang kasi ang liwanag sa kuwarto. Suwerte lang talaga na inaabot ng liwanag ang mukha ng mag-ama. Parang mas naging guwapo pa nga si Sir JC, effect ng tama ang malamlam na liwanag. Success! Ngingiti ngiti si Lenlen pagkatapos ng dalawang shots. Nabura nga lang ang ngiti niya at agad naibaba ang gadget—sabay higa bigla sa tabi ni JD nang sa ikatlong shot ay kumilos si Sir JC. Nakasubsob na siya sa unan sa tabi ni JD nang marinig niya ang mahinang tanong nito. "Ano'ng ginagawa mo, Len?" medyo paos pa ang boses. Nakikita niya sa isip na nakapikit pa ito nang itanong iyon. Para kasing inaantok pa ang boses. Napangiwi si Lenlen pero walang balak magsinungaling. "Kinunan ko lang ng picture si JD, Sir," hindi nga lang niya aaminin na hindi lang si JD ang kinunan niya ng picture. "Maingay ang phone cam," dagdag nito. "Sorry, Sir..." at dahan-dahan siyang bumangon, iniisip na tama siya—na nakapikit pa rin ito habang nagtatanong. Mali nga lang ang isip ni Lenlen. Eksakto maayos na ang upo niya sa kama, nagtama ang mga mata nila ni Sir JC. Dilat na dilat pala ito at hindi nakapikit! Kumusta naman ang reaksiyon ng heartbeat niya sa titig nito? Hindi lang puso niya ang nag-skip ng beat, tumigil rin saglit ang paghinga niya! "Cute ba si JD?" si Sir JC at inilahad ang kamay. "Patingin ng photos." Napalunok si Lenlen. Gustong hilingin sa kama na lamunin siya agad agad. Ngayon na nga lang siya nagkalakas loob magnakaw ng picture, mabubuking pa! Kung hindi niya ibibigay ang cell phone makakahalata si Sir JC. Hindi iyon ang unang beses na hinawakan nito ang gadget. Ang pictures at videos ni JD noong unang dapa, unang tayo mag-isa, unang subok na humakbang, unang may distansiyang lakad, unang 'Dada', unang 'Mumma', unang halakhak—lahat nai-saved niya at sa cell phone niya mismo tinitingnan ni Sir JC bago siya uutusang i-bluetooth sa cell phone nito. Kaya naman, hindi na bago sa kanila pareho ang ganoong eksena na nag-che-check ito ng pictures sa kanyang cell phone. Parang robot na inabot ni Lenlen rito ang cell phone bago sumubsob uli sa unan sa tabi ni JD. "Password?" Napatili sa isip si Lenlen nang ma-realize na binago niya nga pala ang dating password. Madali siyang malito kaya dapat hindi complicated at madaling maalala. At ang pinakasimpleng password na hindi niya makakalimutan? "Ilovebaby...JD," pag-angat ni Lenlen ng mukha, nakita niyang iniaabot pala ni Sir JC sa kanya ang cell phone para siya ang mag-key in ng password. Gusto niyang batukan ang sarili. Oo nga naman, bakit nito gugustuhing malaman ang password niya? Si Sir JC na nga ang nag-key in ng password. "Wrong password," sabi nito mayamaya. Wrong talaga dahil nakakahiya ang totoong password niya! "Ako...ako na lang ang magke-key in, Sir," sabi ni Lenlen. Ilovebabyjc kasi ang totoong password niya. Lusaw siya sa kahihiyan kung isasaboses niya iyon. Kulang na lang ay magbuga ng hangin sa ere si Lenlen nang ibalik nito sa kanya ang cell phone. Mabilis siyang nag-key in. Hinanap sa files ang pictures at inabot kay Sir JC ang cell phone. Nasa screen na mismo ang picture na gusto nitong makita. Segundo lang naman nitong tiningnan iyon at ibinalik na sa kanya ang gadget. Wala naman kahit katiting na reaksiyon ang lalaki kahit nakitang nakuhanan din ng pictures. Totoo naman kasing si baby JD ang nasa picture. Magkatabi lang ang mga ito kaya nakuhanan din niya ng half body. Iniisip siguro ni Sir JC na hindi niya sinadya. Nakalusot ang 'maitim na plano' ni Lenlen. Nagpigil siyang ngumiti nang malapad. Kumilos si Sir JC, hahalikan yata si JD—napigilan na niya ang balikat nito bago pa naibaba ang mukha sa anak. Napatingin sa kanya ang lalaki, medyo nakaawang ang bibig. Si Lenlen naman ay na-realize na hindi niya dapat ginawa iyon. Nauna lang talaga ang reaksiyon ng katawan niya kaysa sa isip. Baka kasi magising na naman si JD, hanggang umaga na siyang hindi makakatulog. Bigla niyang binawi ang kamay na nasa balikat nito. "Maingat lang ang kiss, Sir, please. Baka magising na naman." Alanganin ang ngiti ni Lenlen. Baka ma-sermon siya. Ano nga naman ang karapatan niyang pangunahan ang ama sa gusto nitong gawin sa anak? Binabayaran siya para mag-alaga. At kasama sa binabayaran sa kanya ay ang magpuyat. "Maingat lang," ulit ni Sir JC, nakatingin sa mga mata niya. In-assume agad niyang humihingi ito ng description kung paano ang kiss na maingat lang. "'Yong kiss na 'di siya magigising. Maingat, parang ganito—" si Sir JC naman ang pumigil sa balikat niya nang iki-kiss niya si JD. Labi naman ni Lenlen ang umawang. "Magigising si JD," seryosong sabi nito. "Maingat lang—" "Maingat nga, Sir, ganito lang, o..." at sa noo ni Sir JC lumapat ang maingat niyang kiss—at biglang na-freeze si Lenlen sa harap ng lalaki pagkatapos ng kiss. Ano'ng ginawa ko? Sigurado si Lenlen na obvious ang pagnganga niya at pagkurap sabay ng pagtatama ng mga mata nila ng lalaki. Sa tingin sa kanya ni Sir JC, halatang nagtaka sa ginawa niya pero hindi naman mukhang galit. Walang ibang naisip si Lenlen kundi tawanan ang kagagahan. "Ay," kasunod ang pagkamot sa sentido. "Mali, Sir. Sorry..." Sabay tutop sa bibig para pigilan ang tunog ng pagtawa. "Ano, ahm, lalabas na talaga ako." Nagmamadali siyang umalis sa kama. Nahuli pa ng mga mata niya na natawa rin si Sir JC. "Len." Na-freeze uli si Lenlen dalawang hakbang mula sa pintuan. "Sir?" "Close the door when you leave." Gustong saktan ni Lenlen ang sarili. Natawa na naman kasi siya. Movie kasi ang naisip niya sa eksena. Sarah G. ang peg niya sa scene. Kamuntik na niyang tanungin si Sir JC ng: 'Ikaw ba 'yan, John Lloyd?' Tumango na lang siya at lumabas na agad. Kinabig nga niya at inilapat ang pinto—saka siya sumandal sa dingding at mas tumawa pa. Sinabunutan din niya ang sarili—parusa sa kagagahan. Nakakahiya kay Sir JC! Hayun, hindi siya nakatulog sa kilig. Na-kiss ba naman niya nang hindi sinasadya ang kanyang prince charming! The perks of being a gaga sometimes, Leanelle!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD