"NA-KISS mo si Sir Eduardo?"
Hindi lang mata, pati butas ng ilong ni Ellah, nanlalaki rin pagkatapos niyang ikuwento rito ang nangyari two nights ago. Lumipat si Lenlen sa kabilang unit. Nag-half day kasi si Sir JC. Nasa unit ito ngayon kasama ang tulog na si baby JD sa kuwarto nito. Nagpaalam siyang lalabas ng mga isang oras. Pinayagan siya nito kaya libreng chika na naman sila ni Ellah. Sa rooftop, sa biyahe papuntang simbahan, sa fast food outlet kung saan nila naisip mag-dinner o sa kabilang unit—sa mga lugar na iyon lang sila nagkukuwentuhan tungkol kay Sir JC. Kapag si Ellah ang lumipat sa unit, hindi sila nagbabanggit pareho ng tungkol kay 'Sir Eduardo'. Nag-iingat lang. Nasa unit din kasi si Ate Shaleng. Mahirap nang madulas sila pareho at isumbong siya ng cook. Kaya ang rule: Kapag nasa unit, wala silang kilalang 'Sir Eduardo o Sir Crush.'
Wala rin sa kabilang unit ang model- actor na amo ni Ellah kaya malaya silang magkuwentuhan.
"Hindi ko sinadya, Ate Ellah!" nagba-blush ata siya. Nag-iinit kasi ang mukha ni Lenlen. "No'ng tapos na, saka ko na-realize ang ginawa ko. May mga ganoong moment naman talaga tayo minsan, 'di ba? 'Yong parang na-lost ka bigla?"
"Ikaw lang!" balik ni Ellah at tinawanan siya. "Ikaw na, babae! Ikaw na ang nakatsansing kay Sir Eduardo!" Tawa pa nito. Pagkatapos tumawa ay umangat baba ang mga kilay. Inilapit ang mukha sa kanya. "Kumusta naman? Ano'ng reaksiyon?"
"Ano pa, 'di nagulat din," at napailing si Lenlen. Nakakatawa na nakakakilig ang 'lost' moment niyang iyon. "Naunahan ko lang ng tawa kaya natawa na rin lang."
"Tumawa?" ulit ni Ellah. "Hindi nga? Ni hindi ngumingiti 'yang boss mo, 'di ba? Tumawa talaga?"
"Oo nga! Sino ba namang hindi matatawa sa kagagahan ko, 'te Ellah? At 'yong hitsura ko siguro, parang lost nang ilang seconds talaga—windang na kaluluwa gano'n. Eh, 'di ba, parang ang mahal mahal kahit ang ngiti no'n? 'Ayun, natawa! Pero ang mas okay, hindi nagalit. Walang violent reaction. Um-exit na ako agad. Tapos 'yon, parang walang nangyari kinabukasan. Tuloy ang buhay. Limot na agad niya ang 'ganap'. Ako naman, hindi nakatulog sa kilig. Unfair 'di ba? Wala lang sa kanya pero ako, ang taas ng feels! Pero wala, gano'n, eh. Masaklap talaga ang love 'pag ikaw lang ang nagmamahal!"
"Agree ako diyan, Len," si Ellah at parang biglang nawalan ng energy na tumawa. Parang may something dito na tinamaan ng mga sinabi niya. Hindi lang sigurado ni Lenlen kung alin sa mga sinabi niya ang 'tumama' sa kaibigan at parang nasapol yata.
"Ang dami kong sinabi, 'te Ellah. Saan ka agree?" tanong niya para makatiyak. Bumuntong hininga si Ellah, mas sumandal sa backrest ng sofa. Si Lenlen naman ay nakaupo sa sahig at nakasandal sa gilid ng sofa, nasa kabilang dulo ng three seater sofa sa unit ni MD Greech. Parang lazy afternoon sa day off ang peg nilang dalawa. Ilang araw na raw na hindi umuuwi si MD Greech sabi ni Ellah. Busy sa work—kung shooting ng commercial, movie or photoshoot, hindi daw nito alam. Wala raw itong pakialam sa buhay ng model-actor sa labas ng condo. Medyo nagtaka pa si Lenlen kung bakit para nawawala ang glow sa mga mata ng kaibigan kapag napag-usapan ang amo nito. Hindi rin niya maintindihan kung bakit three months lang ito bilang 'slave' ni MD Greech. Slave talaga ang sinabi nito at hindi PA o maid. Nag-joke pa nga siya ng: "Naka-contract ka, 'te?"
Na sinagot ni Ellah ng: "Masalimuot at magulong contract, Len."
Magtatanong pa sana si Lenlen pero mukhang wala sa mood mag-share ng kung anumang problema nito si Ellah. Napansin din niyang mas madalas sa mga 'chika moment' nila, siya ang mas nagkukuwento. Pakiramdam tuloy ni Lenlen, may pinagdadaanan talaga ang kaibigan na gusto nitong sarilinin na lang.
"Sa masaklap ang love 'pag ikaw lang ang nagmamahal," ang sinabi ni Ellah sa tonong parang naka-relate talaga.
"Based from experience ba 'yan, Ate Ellah?"
Umawang ang mga labi nito para sumagot pero nang magtama ang mga mata nila ay parang natauhan. Ngumisi bigla at wala na agad ang parang ulap na nagpapa-dim sa glow ng mga mata nito. Balik na naman ito sa usual 'happy and kuwela self'.
"Hindi," sabi ni Ellah. "Wala akong mahal, hindi ako nagmahal at hindi ako magmamahal—"
"Ngayon lang?" nakangisi rin na agaw niya. May naalala na naman siyang movie. Hindi pareho ang linya pero parang ganoon ang tono ng pagkakasabi ng artista. Kasalanan ng Tito Nello niya iyon. Marami laging pirated CDs at DVDs na inuuwi noon kapag day off nito. Napanood niya ang maraming Tagalog movies.
Ilang segundong sinalubong lang ni Ellah ang tingin niya. Mayamaya ay: "Ngayon lang."
Malakas na tawanan na ang kasunod.
"Sabi na, eh!" bulalas niya. "May pinagdadaanan ka rin, 'te Ellah!"
Hindi ito nag-react, tawa lang nang tawa. Pero nang pareho na silang napagod tumawa, sinabunutan na nito ang sarili.
"Bakit kaya may mga taong sobrang nakakaasar pero sa kung ano'ng nakaka-lecheng dahilan, nagugustuhan mo pa rin?"
Dumaan ang medyo mahabang katahimikan. Nakatingin lang sila sa isa't isa. Si Lenlen ang unang nagbawi ng tingin. Mas sumandal sa gilid ng sofa, tumingala sa kisame at nag-exhale.
"'Yang mga ganyang feelings yata ang patungo sa love, Ate Ellah," sabi niya. "'Pag hindi mo naiintindihan kung paano at bakit nangyari. 'Tapos 'di mo rin ma-explain kahit i-Google mo pa." Bumaling uli siya rito at ang lapad pa rin ng ngiti. "Pero parang alam ko kung paano nangyayari ang ganyan, 'te Ellah. Ganito," itinuro niya ang kisame. "'Andiyan," sumunod naman ang mga mata nito sa kisame. "Nakabitin si Cupid. Perfect ang angle nang pinakawalan ang pana. 'Yon—tsug!" at idinikit niya sa tapat ng puso ang kuyom na palad. "Sapul 'te. Sapul!"
Ang lakas ng tawa niya nang malutong na nagmura si Ellah.
"Para sa akin, okay lang ang masapol ni Cupid," sabi niya pagkatapos tumawa. Seryoso na siya uli. "Masaya naman ang magmahal, eh. Pero dapat walang expectations. 'Wag ka na rin umasa kung alam mo namang imposible. 'Pag may expectations na kasi, o kung binibigyan mo na ng pag-asa ang sarili mo kahit alam mo namang hindi puwede, 'yon na ang masakit."
"Mahirap 'yon, Len."
Tumango siya. "Kasi masarap umasa, eh. Masaya rin magpantasya na baka pagdating ng panahon, puwede pala kayo. Para sa akin pa rin, may choice naman tayo lagi kaya kung ano ang tingin mo na magpapasaya sa 'yo—gawin mo. Kung kaya mo namang i-risk ang puso mo, go!"
"At saka mo na lang pulutin kapag nawasak na?"
"Kaya nga kailangan ng tapang, 'te Ellah. Kung takot ka sa sakit na alam mo namang parating talaga kapag ni-risk mo ang puso mo, 'wag ka nang sumugal. Stay ka na lang sa comfort zone—friends lang, secret admirer lang, fan lang o...maid lang niya." kasunod ang paghinga ng malalim. Sa isip ay nakita ni Lenlen ang kanyang perfect hero, nakatayo sa malayo at siya ay lihim na nakatanaw lang. Sa pantasya lang talaga niya maaabot si Sir JC.
"Bakit ang dami mong alam sa love, babae ka? Sampung taon ang tanda ko sa 'yo! Ako dapat ang mas maraming alam diyan!"
Tumawa si Lenlen. "Hugot lang 'yan galing sa books at movies. Hindi lang isang box ang pirated CDs at DVDs ko sa bahay namin sa Angeles, 'te!"
"Pakiramdam ko, mas mature ka pagdating sa emosyon kaysa sa kin," sabi pa ni Ellah. "Magulo ako, Len. Hindi ko maintindihan ang sarili ko ngayon. Ayoko namang mag-analyze nang mag-analyze. Baka kasi ang sagot na makuha ko, 'yong eksaktong kinatatakutan ko."
"'Di ba mas okay kung sure ka sa feelings mo, Ate Ellah? Kasi kung sure ka, kung alam mo talaga kung ano ang nafi-feel mo, alam mo rin kung ano ang dapat gawin. Kung sugod ba o atras na?"
Napatitig sa kanya ang kaibigan. Mayamaya ay tumango ito. "Tama ka..." tumayo ito at lumapit sa refrigerator. "Kumain na lang tayo, Len. Mas masarap kumain kaysa magmahal. Maraming tira-tira rito, banatan natin lahat!"
Natawa na naman si Lenlen. "Game ako diyan!" sabi niya. "Kumain na lang kaysa magmahal!"
Tumawa na rin si Ellah.
Busog si Lenlen nang lumipat sa kabilang unit. Naabutan niyang nasa sala si Sir JC karga karga si JD. Hawak ni baby JD ang string ng blue balloon na nasa ere. Sinusundan ng mga mata nito ang balloon.
"JD?" tawag niya pagdaan sa tabi ng dalawa. Iinom muna dapat siya ng tubig pero pagkarinig ni JD sa boses niya, hinanap agad siya ng mga mata. Paglahad niya ng mga braso sa anyong kakargahin ito, naglilikot na si JD. Gusto nang umalpas sa hawak ng ama. Ipinaubaya na sa kanya ni Sir JC si JD. "Miss mo ako, baby?" sila na ni JD ang naglaro sa balloon.
Si Sir JC ay tahimik na tumayo, dumiretso sa kitchen at nagsuot ng apron. Magluluto ito ng dinner nila. Labada day kasi ni Ate Shaleng nang nagdaang araw. Day off nito kinabukasan kaya si Sir JC ang nagluluto sa gabi. Siya naman ay de lata ang savior or tira-tirang pagkain na iniinit na lang para sa breakfast at lunch. Sa gabi lang ang matinong pagkain niya—kung hindi take out foods na dala ni Sir JC, luto nito mismo kapag nag-half day sa opisina or mas maagang nakauwi.
Mawawala ba naman ang mga lihim niyang sulyap sa guwapong nagluluto?