NAPATINGIN si Lenlen nang bumukas ang pinto sa kuwarto niya. Late night na, gising pa si JD at ilang minuto nang umiiyak. Ayaw magpalapag sa kama at aligaga. Hindi naman kailangang palitan ang diaper, hindi rin gutom dahil katatapos lang dumede. Wala namang sinat.
Isa iyon sa mga pagkakataong pinakamahirap para kay Lenlen. Kapag iyak nang iyak si baby JD at hindi niya alam kung may masakit dito o kung ano ang gusto. May sinat, may kabag at may may pilay—iyon ang natatandaan ni Lenlen na dahilan ng ganoong 'sumpong' ni JD dati.
Nang sandaling iyon, hinuhulaan na naman niya ang dahilan ng pag-iyak ni JD. Hindi naman kasi ito iyakin talaga. Masayahing baby si JD. Hindi nagta-tantrums pagkagising kung tuyo naman ang diaper at hindi gutom. Nakangiti agad at gustong gustong nilalaro. Umiiyak lang kapag gutom na o kaya ay hindi na komportable sa basang diaper.
"Sir JC..." nasabi ni Lenlen nang makitang pumasok ang matangkad na bulto nito. Narinig yata ang hindi tumitigil na pag-iyak ang anak. "Hindi naman basa ang diaper niya, Sir. Wala namang sinat..."
Lumapit si Sir JC at kinuha mula sa kanya ang anak. "Hindi rin gutom?"
"Katatapos lang dumede, Sir..." Napansin ni Lenlen na pinawisan siya kahit presko naman sa loob ng kuwarto. Malakas ang umiikot na electric fan. Nai-stress talaga siya kapag umiiyak si JD at hindi niya mapatigil.
Inutusan siya ni Sir JC na kumuha ng pamalit na damit. Naramdaman niyang pinawisan na nga sa kakaiyak si JD. Sumunod kaagad siya sa utos. Lalo nang umiyak si JD nang ilapag sa kama. Si Sir JC na ang nagbihis sa anak. Kinarga rin nito kaagad si JD pagkatapos palitan ng damit. Ilang beses na nagbago ito ng posisyon ng pagkarga pero ayaw pa rin tumigil sa pag-iyak si JD.
"Shhhh...Daddy's here, baby. What is it? May masakit ba? Ano'ng gusto ng baby ko?" pinadapa na nito sa dibdib si JD at hinagod hagod ang likod.
Si Lenlen ay hindi na rin mapakali sa kinatatayuan. Pinagkikiskis na lang ang mga palad, inaabangan ang paghina o paghinto ng iyak ni JD.
"Ano'ng solid food ang kinain niya?"
"'Yong dinner lang natin, Sir."
Pinanood na lang ni Lenlen na inihele nito si JD. Gusto niya ang mga ganoong scene. Na ang matangkad, malaki ang katawan at astig looking man na gaya nito, naghe-hele ng baby. Ang sweet lang.
Nakasandal na lang si Lenlen sa dingding nang sa wakas ay humina na ang iyak ni JD. Ilang segundo pa, tumahimik na ang kanyang alaga. Nakaharap sa kanya ang mukha ni JD kaya nakita ni Lenlen na inaantok ito. Nakahinga na siya nang maluwag. Na-miss lang yata ang yakap ng ama.
Humarap sa puwesto niya si Sir JC. "Ako na'ng bahala, Len." Sabi nito sa kanya. "Ihatid mo na lang sa room ang mga kailangan ni JD. Matulog ka na pagkatapos."
"Opo, Sir."
KATATAPOS lang mag-toothbrush ni Lenlen nang magkasabay sila ni Sir JC ng labas sa pinto—siya, galing sa banyo at ito naman ay sa kuwarto. Karga nito si JD na buhay na buhay ang dugo; naglilikot sa hawak nito. Gusto na namang maglaro. Nagigising talaga ng ganoong oras si JD kaya nga ganoon na rin kaaga ang gising niya kahit walang alarm—pasado alas singko pa lang.
Pinigil ni Lenlen ang obvious na pagngiti. Sa hitsura ni Sir JD, mukhang antok na antok pa. Halatang halata na galing sa kama—magulo at nakatayo pa ang buhok, inaantok pa ang mga mata at walang sigla ang kilos pero ang guwapo pa rin!
May mga lalaki talaga yatang pinagpala. Lalaking parang kahit saang anggulo ay guwapo. At kahit damitan pa ng sako o tapunan ng putik, hindi pa rin mawawala ang malakas na appeal. Isa sa mga sample ng lalaking pinagpala si Sir JC—guwapong guwapo pa rin sa bagong gising look.
"Naglilikot na si JD, Sir?"
"Ang agang naghahanap ng kalaro," sabay lang silang lumapit sa isa't isa. Kinuha niya mula rito si JD. Kung ano ano na naman ang itinuturo ng baby at nagsasalita ng mga hindi buong words.
"Ganitong oras na talaga ang gising ni JD, Sir," sabi niya at matunog na hinalikan si JD. "Good morning, baby! Naglilikot ka na naman, ah? Ano'ng gusto mong laro?" dumiretso na sila ni JD sa sala. Si Sir JC ay bumalik sa kuwarto nito.
Inilapag niya sa kuna si JD at ibinigay ang mga laruan nito. Tumuloy siya sa kitchen at naghanda ng kape at sandwich. Walang tigil sa kalilikot si JD sa loob ng kuna habang si Lenlen ay nag-aalmusal.
Pagsapit ng five thirty, dumating na si Ate Shaleng. Binati sila ni JD at dumiretso na sa kitchen area para maghanda ng almusal. Maraming dalang saging saba ang cook. May kamag-anak daw na dumalaw galing probinsiya. Bukod sa saging saba, may dala rin na bagong katay na native chicken. Lulutuin daw nito sa dinner. Native chicken tinola daw ang isa sa mga ulam na gusto ni Sir JC.
Eksakto six thirty, narinig na ni Lenlen ang malakas na rock song galing sa kuwarto ni Sir JC. Pagdating ng seven AM, lalabas si Sir JC ng kuwarto na pawis na pawis. Iinom lang ng tubig at babalik uli sa kuwarto. Paglabas nito uli ay diretso na sa banyo para maligo. Parang ten minutes lang sa banyo, ten minutes din lang magbihis. Ten minutes din pati mag-breakfast. Seven thirty, paalis ito ng condo—ganoon ang routine nito na sa umaga na memorize na ni Lenlen.
Seven PM naman ang pinakamaaga nitong uwi sa gabi at twelve thirty AM ang naman ang pinaka-late. Isa o dalawang beses sa isang linggo pumapasok ng half day lang at pagdating ng weekend, nasa condo lang o kaya ay umuuwi sa parents nito kapag tinawagan, kasama si JD. Kasama siya kung Saturday, kung Sunday naman, ang mag-ama lang. Day off niya ang Sunday.
Noong wala pa si Ellah sa kabilang unit, nasa condo lang si Lenlen buong araw. Lalabas lang siya para magsimba ng six PM. Magkukulong na siya sa kuwarto nila ni JD pagkauwi. Nang dumating si Ellah, may ka-chika na siya tuwing day off. Kung minsan sa text, mas madalas, one on one. Kung hindi siya ang lilipat sa kabila, si Ellah naman ang lilipat sa unit nila. Endless chika at kain ng 'tira-tira' ang gagawin nila. Kung bagong sweldo naman, pizza or ice cream ang pinapapak nilang dalawa.
"Dadaan akong Supermarket, Shaleng," sabi ni Sir JC sa cook nila. "May kulang ba sa groceries natin? Nasa'n ang list?"
"'Sakto pa hanggang linggo, Ser," sabi ni Ate Shaleng na abala sa lababo.
"Len," baling nito sa kanya, nasa mesa na ito at nagbe-breakfast. "Diaper ni JD? Milk? Vitamins? Foods? Wipes?"
"Okay pa hanggang buong one week, Sir JC. Favorite saging ni JD lang ang naubos na."
"Puwede akong magpabili ng tsaa, Ser?" singit ni Ate Shaleng. "'Yong pampapayat ba."
"Slimming tea?" ulit ni Sir JC. "Nagpapayat ka, Shaleng?" inabot nito ang baso ng tubig at uminom.
"Kumakapal na raw kasi ang bilbil ko sabi ng swithart ko, Ser."
Naubo si Sir JC. Napigilan naman ni Lenlen ang malakas na pagtawa. Inabot niya ang mug ng lumamig nang kape at humigop.
"'Yong ligtas, Ser, ha? 'Wag 'yong grabe maka-LBM, baka matuluyan naman ako no'n."
"Mas ligtas kung 'wag ka na lang iinom, Shaleng."
"Oo nga, Ate Shaleng," singit naman ni Lenlen, hindi nakatiis. "Bakit? Kailan pa naging sagabal sa pag-ibig ang bilbil? Mahal niya dapat ang buong ikaw, 'di ba? Hindi 'yong walang bilbil na ikaw lang."
"Seksi ka kasi kaya 'di mo naiintindihan, Lenlen," sabi naman ni Ate Shaleng. "Matangkad ka pa at maganda. Ang mga gaya mo na pang Bb. Pilipinas ang dating, hindi talaga magka-kaproblema sa boypren," ang tono nito ay parang hindi nagustuhan ang pag-comment niya. "'Wag mong husgahan ang mga may bilbil na gaya ko kasi hindi mo naman nararamdaman ang nararamdaman ko."
"Ay grabe, Ate Shaleng! 'Di naman ako nanghuhusga. Nagco-comment lang. Maka-Bb. Pilipinas ka naman, wagas! Mas bongga ka kaya sa akin. Ikaw may sweetheart, ako, hashtag alone. Sino'ng mahaba ang hair sa ating dalawa niyan?"
"Mapili ka lang kasi," sagot naman ni Ate Shaleng. "Baka naghahanap ka ng perpek. Walang gano'n! Meron pala—si Ser lang!"
Kamuntik nang maubo si Lenlen. Sa lahat naman ng puwedeng sabihin nito, si Sir JC pa talaga? Perfect nga rin ito sa paningin niya pero sana si Piolo Pascual na lang ang binanggit ni Ate Shaleng, o kaya si Ian Veneracion. Bakit si Sir JC talaga?
Hindi niya napigilang lumingon kay Sir JC. Naka-freeze sa ere ang mug ng kape. Nagtama ang mga mata nila. Kumabog na naman ang puso ni Lenlen. Hindi niya alam kung ngingiti o magpapatay malisya.
Pinili ni Lenlen na ngumiti. Nag-hands up. "Si Ate Shaleng ang may sala, Sir," sabi niya sa magaang tono. "Idinamay ka sa bilbil chronicles niya."
"Bumili ka ng slimming tea mo, Shaleng," sabi nito, itinuloy ang paghigop ng kape. "'Nagbago na'ng isip ko. 'Wag mo akong idamay sa plano mong pagpapakamatay para sa pag-ibig."
Umalog alog ang balikat ni Lenlen sa pagtawa nang walang tunog.
Umiyak sa kuna si JD. Nagsawa na yatang maglaro. Agad kumilos si Lenlen. Kinuha sa kuna ang bata at kinarga. Ang lapad na ng tawa niya nang sing-haba na ng nobela ang sinasabi ni Ate Shaleng tungkol sa koneksiyon ng bilbil sa pagmamahal. Kung ano ano na lang ang nira-rant nito. Mula sa mabilis makadagdag timbang na rice hanggang sa kung gaano daw ka-unfair ang mundo sa mga matataba.
Nakinig na lang si Lenlen. Ang lapad ng ngiti na sumunod kay Sir JC nang tumayo na ito, kinuha sa sofa ang mga gamit at tumuloy na sa pinto para umalis. "Ba-bye na kay Daddy, baby," sabi niya kay JD na agad namang iginalaw ang kanang kamay .
"Bye. Be good, sweet boy," ibinaba ni Sir JC ang mukha at hinalikan sa ibabaw ng ulo si JD. Niyakap siya ng bango nito. Hindi napigilan ni Lenlen ang paglunok. Araw araw na niyang kalbaryo ang ganoong eksena. Parang torture. Sweet torture pala. Sobrang lapit na nito pero hindi niya puwedeng abutin. Hanggang singhot na lang talaga siya. Kung paano niyang nasu-survive ang bawat araw, hindi na alam ni Lenlen. Ayaw na rin niyang balikan kung saan nagsimula ang parang naging intense niyang attraction kay Sir JC. Love at first sight nga yata ang naramdaman niya. Una pa lang kasing pagtatama ng mga mata nila noong dumating siya sa condo, iba na agad ang pintig ng puso niya. Pilit lang niyang isiniksik sa pinakamalalim na parte ng isip at puso niya ang ideya.
Pero hindi pala talaga puwedeng pigilan ang ganoong feelings. Sa bawat paglipas ng araw, nagiging aware siya sa lahat ng tungkol kay Sir JC. Puro mga positive traits ang nakikita niya. At sa bawat pagkakataong nagkakalapit sila, parang lagi siyang nama-magnet. Salamat na lang talaga, napapangibabaw niya lagi ang isip. Alam ni Lenlen na hindi niya basta maitataboy ang nararamdaman kaya tinanggap na lang niya. Hinayaan niya ang sariling ma-feel lahat—mula sa maliit hanggang sa intense na reaction ng puso niya, mula sa simpleng kilig hanggang sa kilig na gusto na niyang magpagulong-gulong sa saya, tinanggap niya lahat. Wala namang masama sa nararamdaman niya. Ang masama, kapag ginapang niya na si Sir JC sa kuwarto nito at pinilit na ibigay ang katugon ng feelings niya.
Wala rin siyang intensiyon na magpapansin o mag-flirt. Hindi niya gawain iyon at hindi rin niya sisimulang gawin ngayon. Kay JD na lang siya magfo-focus. Sa tingin naman ni Lenlen, hindi man niya kayang diktahan ang damdamin, kaya naman niyang kontrolin ang reaksiyon sa emosyong nararamdaman.
Kaya rin niyang piliing gawin ang tama—at naging okay naman siya. Walang napansin si Sir JC. At nasasanay na rin si Lenlen sa pakiramdam.
"Ihatid natin si Daddy sa labas, baby," sabi niya kay JD nang binuksan na ni Sir JC ang pinto. Si Ate Shaleng ay tuloy pa rin sa pagra-rant habang naghuhugas ng plato. "Ba-bye na, o! Pabili tayong ice cream kay Daddy, baby. Ba-bye, Daddy, ingat po!" hinawakan niya ang maliit na braso ni JD pagkalabas nila ng pinto. Nagba-bye nga si JD sa ama na dalawang hakbang pa lang ang layo sa kanila.
Bumalik si Sir JC sa tabi nila. "Bye, baby." Ibinaba nito ang sarili para i-kiss uli si JD sa ibabaw ng ulo. Akala ni Lenlen, tapos na ang paalaman, hindi pa pala. Naramdaman niya ang pagkabig ni Sir JC sa baywang niya kasabay ng halik nito sa pisngi ng anak. Sanay na si Lenlen sa walang malisya at hindi sinasadyang pagdidikit nila ng lalaki pero unang beses iyon na naramdaman niya ang hawak nito. Unang beses iyon na sinadya siyang hawakan ni Sir JC.
Napalunok si Lenlen—at literal na huminto yata ng sabay ang paghinga niya at pintig ng puso nang mag-angat ng tingin si Sir JD na nakalapat pa ang labi sa pisngi ni JD.
Gustong manghina ng tuhod niya. Sobrang lapit nila. Sentimetro lang talaga ang distansiya ng mukha nila!
"I-Ingat, Sir JC. Ice cream daw..." wala sa loob na nasabi niya. Parang gusto niyang mag-collapse sa tension. Ano'ng naisip nito at ginawa iyon? Lagi namang kini-kiss nito ang anak pero hindi niya naramdaman na kinabig siya palapit, hindi rin nagtatagal ang kiss kay JD at lalong hindi pa nangyaring tinitigan siya nang malapit na malapit ang mga mukha nila!
"Flavor?" titig na titig pa rin sa kanya na tanong ni Sir JC. Parang siya ang ibibili ng ice cream at hindi si JD.
"'Yong ah...masarap..." ayaw na gumana ng utak ni Lenlen. Nakakatuliro pala talaga ang titig ni Sir JC. Ang hirap mag-isip nang matino.
Naglilikot uli si JD. Kaswal na tumuwid ng tayo si Sir JC at naglakad na patungo sa elevator. Nawalan na siya ng lakas na utusang mag-wave uli ng ba-bye si JC. Ang lakas pa rin ng heartbeat niya!
Lalo nang natuliro ang lito nang puso ni Lenlen nang pag-uwi ni Sir JC ay may bitbit nga na ice cream—rocky road.