CHAPTER 1
"ANG SAKIT EH!!!", palahaw na iyak ni Kitty sabay singa ng malakas sa hawak niyang tuwalya.
Nandito siya ngayon sa kanyang kuwarto, nagmumukmok at bumubunghalit ng iyak dahil sa kabiguan sa pag-ibig. Sa tabi naman niya ay ang bestfriend niyang si Zeny na panay haplos sa kanyang likod habang siya'y inaalo.
"Yan kasi! Di ba sinabi ko na sayo na wala akong tiwala sa tabas ng facelak ng lalaking 'yon!", sermon sa kanya ng kaibigan. Ito lagi ang nasa tabi niya kapag ganitong broken hearted siya. Malamang isang araw, magsawa na rin ito sa mga hinagpis niya tungkol sa pag-ibig at iuntog na lang siya sa pader upang magising siya sa sarili niyang katangahan.
"Eh, hindi ko naman alam na uutangan niya ako ng bente mil tapos bigla na lang siyang magdi-disappear", patuloy pa niya. Lalong lumakas ang iyak niya nang maalala ang perang kanyang pinaghirapan. Malay ba niyang isang kawatan ang nasungkit niyang nobyo. Modus operandi pala nito ang magpa-ibig ng babae, uutangan kesyo may sakit daw ang nanay nito, tapos lalayasan. Porke guwapo ang walanghiya, sinamantala naman ang kabaitan niya.
"Sinabi ko na sayo noon, di ba?! Pero hindi ka nakikinig sa akin. Kaya iyan ang napala mo.", sisi pa sa kanya ng kaibigan. Kulang na lang talaga sabunutan siya nito dahil sa inis.
"Eh mahal ko eh", katuwiran naman niya sabay singhot dahil nagbabadya na naman ang pagtulo ng sipon niya. Ang iyak niya ay naging hikbi na lang.
"Tama na nga! Ayoko na siyang pag-usapan dahil tumataas talaga ang temperatura ng dugo ko marinig ko lang ang pangalan niya. Ano nga bang pangalan niya?" sabay tanong nito.
"Manny", sagot naman niya. Bahagya pa siyang natawa ng marealize na tunog mukhang-pera talaga ang pangalan ng ex-boyfriend niya.
Humalakhak naman si Zeny. "Bagay nga sa kanya ang pangalan niya. Pero huwag kang mag-alala, darating ang panahon MANNYnigas din siya sa ginawa niya sayo", anito habang natatawa.
"Ipakulam ko kaya siya?" sabi niya sa kaibigan.
"Kanino mo naman ipapakulam?"
"May alam ka bang mangkukulam sa lugar niyo?"
"Wala ah! Hoy! Mababait ang mga tao sa lugar namin. Mga mala-anghel ang pag-uugali", depensa naman nito.
"Eh anong gagawin natin?" Tanong niya dito. Pabagsak siyang humiga sa kama. Tumabi naman ito sa kanya.
"Bayaan mo na iyon ok? Move on ka na. Si God na ang bahala sa kanya", payo naman nito.
"Matatagalan siguro bago ulit ako makalimot", aniya.
"Tse! Matatagalan ka diyan. Baka bukas eh may bagong bf ka na naman."
"Ang sakit sa puso eh. Parang di ako makahinga", pag-iinarte niya sa harap nito.
Totoo naman. Lagi na lang siyang iniiwan ng mga lalaki. Mabait naman siyang girlfriend. Hindi naman siya selosa. Hindi rin siya clingy. Siya pa nga ang tagabigay ng load kapag walang pantext o pang-internet ang boyfriend niya. Pero lagi siyang iniiwan sa huli. Buti nga may isang kayamanan na ni sa hinagap hindi niya ibibigay hanggang hindi nagpapakasal sa kanya ang lalaki. Iyon ay ang puri niya. Proud siya na hanggang ngayon umabot siya ng edad bente nuwebe na birhen pa. At iaalay niya lang iyon sa lalaking pakakasalan siya.
"Masikip lang ang bra mo kaya hindi ka makahinga", natatawang sagot naman nito. Pilit siyang pinapasaya sa kabila ng kanyang tinamo sa kamay ng lalaking miyembro ng sindikato.
"Gusto kong magbakasyon upang makalimot ako ng tuluyan. Masakit talaga eh. Minahal ko rin ang hayop na 'yon. Tamaan sana siya ng kidlat", maktol niya dito.
Natawa ito sa mga narinig mula sa kanya. "Gusto mong sumama sa lugar namin?" anyaya nito.
"Uuwi ka? Bakit hindi mo nasabi sa akin?" pagtatampo niya dito. Wala silang sekreto sa isa'-isa. Iyan ang unang rules nila bilang matalik na magkaibigan. Walang lihiman.
"Ngayon ko lang naisip eh. Magli-leave muna ako sa trabaho. Miss ko na sila inay."
Pareho silang nagtatrabaho sa isang sikat na cake shop. Manager ito samantalang siya ay isang pastry chef. Mula ng matutunan niyang magbake, naging adik na siya sa paggawa ng iba't-ibang klase ng cake. Nag-aral din siya ng culinary arts for two years.
"Sige. Bakasyon muna tayo sa inyo", payag niya. "Pero sino magmamanage sa puwesto?" tanong niya dito.
"Eh may assistant naman eh. Ilang taon na ba tayo doon? Mahigit limang taon na tayong nagsusunog ng kilay sa shop na iyon kaya we deserve a break naman", mahabang wika nito.
"Paano kung di pumayag si Mr. Lee?"
"Papayag 'yon. Akong bahala", paniniguro naman nito.
"Bahala ka", naisagot na lang niya.
Bigla itong bumangon mula sa kama. "Oh siya, uwi na ako total ok ka na. Gusto ko na ring magpahinga. Pagod ako", anito.
"Dito ka na lang matulog. Malulungkot na naman ako. Maaalala ko na naman ang hayop na iyon", hiling niya dito. Total nakikain na ito sa kanila at isa pa wala din naman itong kasama sa dorm na tinutuluyan nito.
"Ayoko nga. Ang likot mo matulog. Yapos ka ng yapos. Kulang na lang daganan mo ako", reklamo nito. Napasimangot siya.
"Bahala ka na nga", sumuko na rin siya sa pangkukumbinsi dito.
KINABUKASAN ay nagising si Kitty na masakit ang kanyang ulo. Medyo maga din ang mga mata niya dahil na rin siguro sa kaiiyak niya kagabi.
Maya-maya pa ay may kumatok sa kanyang kuwarto. "Kitty?" boses ni Zeny ang nasa labas ng pinto.
Pinilit niyang bumangon sa kabila ng sakit na kanyang nararamdaman.
"Sandali", aniya sa magaspang na boses. Nagtungo sa pintuan upang buksan iyon.
"Hindi ka pa nakabihis?!" gulat na tanong nito nang makitang nakapantulog pa siya at magulo ang buhok. Ni hindi pa nga siya naghilamos at nagsepilyo.
Bumalik siya ulit sa kama upang mamaluktot. "Ang sakit ng ulo ko eh", ungol niyang sagot.
"So hind ka papasok? Inisip mo na naman ba magdamag ang hayop na iyon?" tanong nito sa yamot na boses.
"Hindi ako papasok? Pakisabi na lang kay Mr. Lee."
"Hindi puwedeng hindi Cristina!" anito sabay hila sa kanya mula sa kama.
"Ayoko nga eh", parang batang maktol naman niya.
"Tse! Ngayon tayo hihingi ng vacation leave so dapat andun ka.
Bahagya siya nitong itinulak papasok sa banyo. "Sige na, maligo ka na. Hihintayin kita sa kusina. Makikikain muna ako", anito sabay hagikgik.
"Hoy! Lagi ka na lang nakikiain dito ha! Palibhasa kuripot ka", buska niya rito habang nasa loob ng banyo at naghuhubad.
"Tse! Magtigil ka! Bayad na mga 'yon sa bawat libre ko sayo sa canteen!" sagot naman nito bago niya narinig ang hakbang nito palabas ng kuwarto.
Ayaw man niyang pumasok pero wala na siyang magagawa. Kapag si Zeny na kasi ang nagsalita, hindi siya titigilan hanggang sa pumayag siya. Maski abutin ito ng maghapon sa kakatalak sa kanya.
Nakaramdam siya ng ginhawa ng maramdam ang lamig ng tubig sa kanyang katawan.
Muli ay naalala na naman niya ang hayop niyang ex-boyfriend na mandurugas. Sayang ang bente mil niya. Pangmatrikula na rin iyon ng pamangkin niya. Hindi naman kasi siya mahirap pakiusapan lalo na pagdating sa mga mahal niya sa buhay. Kung si Zeny ay sobra ang pagkakuripot na kahit siguro nag-uumapaw na ang alkansiya nito ay hindi pa rin nito babawasan, siya naman sobrang galante at waldas. Ang dami nga niyang pautang. Ang mga umutang naman na makakapal ang mukha, hindi na marunong magbayad kapag hindi niya sisingilin. Sila pa ang galit kapag sinisingil. Marami ding nagsasabi na engot daw siya pagdating sa pag-ibig. Ilang beses na kasi siyang ginawang palabigasan ng mga dati niyang nobyo na mapagsamantala. Hindi naman niya masasabing katangahan iyon. Siya lang kasi ang klase ng taong basta meron siya magbibigay siya. Kaya siya ang paboritong utangan ng mga ibang tao sa lugar nila.
Pagkatapos maligo at magbihis ay tumuloy na siya sa kusina. Nadatnan niya si Zeny na nasa hapag na at panay ang lantak sa mga pagkain sa mesa. Nagkakamay pa.
Taga Ilocos si Zeny. Kaya siguro kuripot. May naririnig kasi siyang kasabihan na 'basta Ilocano daw kuripot.' They've been sisters ever since they've met two years ago sa isang seminar. Taliwas man sila sa ugali kung minsan, totoo ito sa kanya.
Nagtapos siya sa kursong BSIT. Pero hindi rin naman niya nagamit iyon. Instead nag-aral ulit siya ng culinary arts dahil pangarap niya one day magtayo ng sarili niyang restaurant speacially cake shop. Pero ilang taon na mula ng siya'y makapagtapos at makahanap ng trabaho, hindi pa rin siya nakakaipon. May pinag-aaral kasi siyang dalawang pamangkin. Mga anak ng ate niya. Unfortunately, pumanaw ang ate niya dahil sa panganganak sa bunso nitong si Jimboy, then years after, sumundo ang asawa nito, ang bayaw niya, namatay dahil sa car accident. Mula noon ay sa kanila na naiwan ang responsibilidad na alagaan ang mga bata. Dadalawa lang silang magkapatid. Ate ang tawag sa kanya ng mga pamangkin niya at mama at papa naman sa mga magulang niya so parang kapatid na niya mga ito at hindi pamangkin. Naawa din siya sa mga 'to dahil maagang naulila sa magulang. Si Lizle na panganay ay kinse anyos at si Jimboy naman ay siyam. Mahal na mahal niya ang mga ito. Sa katunayan sa kanila halos napupunta ang pera niya.
Sinasabihan na nga siya ng kanyang nanay at tatay na mag-asawa na dahil isang ihipan na lang ng kandila, libo trenta na siya. Gusto na rin naman niyang mag asawa, kaso lagi siyang bigo. Ewan ba niya, malas yata talaga siya pagdating sa pag-ibig or mapagsamantala lang talaga ang mga lalaki ngayon? Pero ang goal niya ngayong taon na 'to, mahanap na niya si Mr. Right. Bago siya magtrenta kailangan mahanap na niya ang kanyang true love. Gusto niyang magkaanak. Ayaw niyang maging matandang dalaga forever. Hindi puwede 'yon. Gusto niya ring makatikim ng luto ng Dios. Gusto niyang magkaroon ng isang masayang pamilya. Ayaw niyang mamatay ng nag-iisa. So sana, sa pagbabakasyon niya kina Zeny ay mahanap na niya ang lalaking sagot sa lahat ng pangarap niya sa pag-ibig. Dapat guwapo. Importante kasi iyon kasi maganda siya. Hindi sa pagiging mayabang, nagpapakatotoo lang. Tsaka gusto niya, mga guwapo at magagandan ang magiging anak niya.