Pinagmasdan ko ang lalaking nakatalikod sa akin. May mga kausap siyang tao at nagbibigay siya ng instruction marahil sa gagawin ng mga ito. Mataman na nakikinig ang mga tauhan niya sa kaniya pero habang papalapit ako sa kanila ay isa-isang lumipat sa akin ang tingin ng mga ito. Alam kong napansin nila ang pag-iyak ko at bahagya akong napahiya. Marahil napansin ni Theo ang tinitingnan ng mga tauhan niya kaya lumingon din siya sa gawi ko. Nagtama ang aming mga mata at pinigil ko ang sarili na kumaripas ng takbo palapit sa kaniya at umiyak.
“Sige na! Bumalik na kayo sa assignment niyo. Babalikan ko kayo mamaya ha!” narinig kong sinabi niya sa mga tauhan bago lumapit sa akin.
“Paano mo nalaman na nandito ako?” tanong niya pagkakita sa akin.
“Galing ako doon sa dalawa mo pang project. Wala ka doon…at ito na ‘yong last na malapit,” sagot ko habang sumisinghot.
“What?! Bakit hindi ka nalang tumawag? Ang labo mo talaga!” sagot niya. Sinipat niya ang mukha ko at medyo nailang ako. “Oh, bakit parang nakagat ng bubuyog ‘yang mata mo?” tanong niya. Magkasalubong ang kilay niya habang nakamasid sa akin.
Hindi ko napigilang matawa sa sinabi niya kahit naiiyak ako. Pinagmasdan ko siya at pagkakita ko sa nag-aalala niyang mukha ay hindi ko na napigilang maiyak.
“Wait! Wait! Huwag ka dito umiyak. Pag-iisipan na naman ako ng mga tauhan ko ng kung ano eh!”
“Ha? Bakit naman?” wala sa loob na tanong ko.
“Basta! Halika nga!” aya niya sa akin. Dinala niya ako sa sasakyan at binuhay ang makina at aircon. Doon ako tahimik na umiyak habang nakamasid lang siya sa akin.
“What happened?” maya-maya ay tanong niya.
“Kasi…kasi…nakita ko si Anne sa bar,” paliwanag ko. Hindi ko maituloy-tuloy ang pagsasalita dahil sa pag-iyak.
“Oh? Anong nakakaiyak don?” tanong niya.
“Teka nga hindi pa tapos,” putol-putol na sagot ko. Tahimik na inintay ni Theo ang susunod kong sasabihin.
“Sinubukan ko siyang lapitan…pero nakita ko siyang sumama sa isang lalaki.”
Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni Theo sa tabi ko. Nilingon ko siya at nakita kong napailing-iling siya at napahilot sa sintido sa sinabi ko.
“Nasabi ko kay Jace ‘yon. Alam kong mali ako at hindi dapat ako nakikialam, pero hindi ko mapigilang sabihin kay Jace ang nakita ko. Ma…maniwala ka, w-wala naman akong masamang intensyon eh.”
“Eh anong sabi ni Jace?” tanong niya.
“He didn't believe me. I know he's mad at me. B-Baka iniisip niyang sinisiraan ko si Anne,” malungkot na sagot ko.
“Huwag mo nalang isipin ‘yon Trish. Kung ayaw niya maniwala sa’yo eh wala ka namang magagawa. Hindi natin siya pwedeng pilitin na paniwalaan ka.”
“Theo, sa tingin mo, mali ba ako?” tanong ko parin.
Naihilamos ni Theo ang palad sa mukha saka nagsalita.
“Sa tingin ko, dapat hayaan mo nalang silang dalawa.” Direkta ang sagot sa akin ni Theo at nauunawaan ko naman siya. Dapat noon pa pala ay hindi na ako nakialam kina Jace at Anne. Lubos akong nagsisisi ngayon dahil sa pakikialam ko.
“I…I know. Simula ngayon, hahayaan ko nalang si Jace. Hindi na ako makikialam. I’m sorry, Theo. Pati ikaw ay binubulabog ko sa project mo. At isa pa, pinsan mo si Anne.”
“Okay lang, Trish. Pauwi narin naman sana ako. Regarding Anne, hindi ko din alam kung anong dapat kong isagot sayo.”
Pinagmasdan ko si Theo. Napakabait niya dahil palagi siyang handang makinig sa akin. “G-Gusto mo bang mamasyal muna?” bigla ay tanong ko sa kaniya. Nagtatakang napatingin siya sa akin.
“Saan naman tayo pupunta?”
Nagkibit-balikat ako. “Kahit saan.”
“Ikaw yata ang may gustong mamasyal eh! Kunwari ka pang ako ang inaaya mo.” Nakangising biro niya sa akin at napangiti ako.
Napadpad kami ni Theo sa isang cafe. Tahimik ang ambiance at sa tingin ko ay pulos magkasintahan ang naroroon.
Hmn. Hindi na ako lugi kung mapagkakamalan man siyang boyfriend ko! Bulong ko sa sarili habang pinagmamasdan si Theo na mag-order. Sa tingin ko ay hindi ang isang tulad ko ang magugustuhan ni Theo. Masyado siyang gwapo, idagdad pa na successful narin ang business niya. Malamang hindi din basta-basta ang magugustuhan niyang babae. Ang swerte na sana ni Jen sa kaniya.
“Oh, bakit ganiyan ka makatingin?” sita sa akin ni Theo at naupo sa katapat ko.
“Bakit wala ka pang girlfriend, Theo?” tanong ko.
“What?! Bakit biglang napunta sa akin ang usapan?” nakakunot ang noo na tanong niya.
“Siguro hindi ka pa move-on kay Jen.”
Tumawa si Theo pero halata ko ang pagka-asiwa niya sa usapan.
“Nakamove-on na ako kay Jen. Magkaibigan nalang kami. Naka-focus ako ngayon sa mga projects ko. Alam mo na, may mga workers at staff ako na umaasa sa akin. Kailangan masigurado ko na may projects kami para diretso ang sweldo nila.”
Napatitig ako sa kaniya habang nagsasalita siya. Damang-dama ko ang kagustuhan niyang umangat ang business niya, pati narin ang malasakit niya sa mga tauhan niya. Napakaswerte nga naman ng babaeng makakabihag sayo, Theo.
“Ano ‘yon?” tanong niya sa akin.
Natutop ko ang bibig ko sa pagkabigla. Hindi ko akalain na nasambit ko pala ang tinatakbo ng isip ko. Napansin ko ang paglawak ng pagkakangiti niya sa akin. At habang nakatingin ako sa kaniya ay parang may kung ano ang biglang nagpatibok ng puso ko ng mabilis. Para bang pumitik iyon at naging lalong kay gwapo niya sa aking paningin. Pilit kong iwinaksi iyon sa aking isipan. Hindi pwede! Magkaibigan kami at siguradong double kill ako kapag nagustuhan ko siya!
“Oo naman, swerte ang babae na makakabihag sa akin!” tumatawang ulit ni Theo sa sinabi ko.
“Pero ‘yong totoo, paano kung bumalik si Jen?”
“Ehdi bumalik siya. Welcome to the Philippines!” tumatawang sambit niya.
Natawa ako. “Alam mo, Theo, sign ‘yan na hindi ka pa nakakamove-on!”
“Hmm talaga ba? Bakit ba ipinipilit mong mahal ko pa si Jen? Sabi ko naman sa’yo na hindi na eh!” sagot niya. Mataman ko siyang pinagmasdan ngunit kahit anong pilit ko ay hindi ko mabasa kung ano ang iniisip niya. Hindi ko mawari kung itinatago lang ba niya ang lungkot. Lumipas ang mga oras at madami pa kaming napag-usapan ni Theo hanggang sa nauwi iyon sa mga plano namin sa career namin. Ang dami niyang kwento at parang maging ako ay nai-inspire na pagbutihin ang trabaho ko. Masyadong nakakadala ang positibo niyang pananaw sa buhay. Isa siya sa piling tao na nakakayanan kong makakwentuhan ng matagal. Iyong tipo na hindi nakakainip. Hindi ko alam kung ano ang dahilan pero umuwi ako noon na inspired dahil sa naging pag-uusap namin. Nawaglit na sa isip ko ang naging pag-uusap namin ni Jace.
Pagdating ko sa condo ko ay naupo ako sa sofa. Hawak ko ang cellphone at pinag-iisipan ko kung itutuloy ba ang matagal ko ng gustong gawin. Sa huli ay nanaig ang curiosity ko at hinanap ko ang pangalan ni Jen sa social media. Tumambad sa akin ang larawan ng dalaga. Iyon lang ang tanging makikita sa profile nito. She looks so sophisticated in her formal dress. Ito nga ang mga tipo ng babae na babagay kay Theo. Mukhang matalino at palaban. Parang gusto kong magsisi na hinanap ko pa siya sa social media.
Bakit naman napaka-unfair ng mundo? Una si Anne, tapos itong si Jen? Kaya naman lalong nagmumukhang pangit ang tingin ko sa sarili ko eh!