“Walanghiya! Napaka-walanghiya ng Anne na iyon! Plastic!” sigaw ko sa kabila ng malakas na musika sa kinaroroonan ko. Kaharap ko sina Michelle at Ron dito sa paborito naming bar at naglalabas ako ng sama ng loob sa dalawa dahil sa mga nangyari.
“Oh, beshy, pagkatapos mong ilabas lahat ng sama ng loob mo ngayong gabi eh mag-move on ka na ha! Sabi ko naman sayo eh!” paalala sa akin ni Ron.
“Natural! I swear! Kakalimutan ko na si Jace! Wala na akong pakialam kung lokohin man siya ni Anne! Ako ang unang tatawa kapag naghiwalay sila!” mabilis na sagot ko.
“Sus! Siguraduhin mo lang! Linawin mo lang ng konti, baka naman ‘yang tawa na sinasabi mo eh dahil sa pagbubunyi? Deep inside naghihintay ka parin na maghiwalay ‘yong dalawa?” sagot ulit ni Ron.
“Of course not! Magmo-move on na ako!” naiinis na tanggi ko.
“Grabe naman pala ang nangyari sayo, beshy. Pero bakit naman hindi ka manlang pinagpaliwanag ni Jace? As in? Hindi ka na kinausap? So disappointing! Ang tagal niyo din na magkaibigan,” komento din ni Michelle.
“Sabi ko naman kasi sayo wag ka ng makialam eh. Itinikom mo nalang sana iyang bibig mo. Ehdi sana hindi ka nasabunutan at nasermonan ni tito!” sita parin sakin ni Ron.
Tiningnan ni Michelle ng masama si Ron. “Ano ka ba? Nakita mo nanga na nasasaktan itong beshy natin sinisisi mo pa.”
Sa isang banda ay alam kong may point naman si Ron. Hindi ko lang alam sa sarili ko kung bakit pagdating kay Jace, nawawala ako sa katinuan. Hindi ko na pinag-iisipan ang mga ginagawa ko. At dahil sa nangyari, I learned my lesson. Isa pa, mas namulat ako sa katotohanan na hindi ako pipiliin ni Jace. Mahal niya si Anne, at kahit na anong mangyari, si Anne parin ang kakampihan niya.
Lumalim na ang gabi at nagpatuloy kaming tatlo sa pag-inom. Madami kaming napagkwentuhan at pinilit kong magmukhang interesado sa mga kwento nina Michelle at Ron. Kahit pa ang totoo ay lumilipad ang isip ko kay Jace. Sinubukan ko nalang itago ang lungkot. Alam ko na nasabi ko na sa dalawang kaibigan ang pinagdaanan ko at ayaw ko naman paulit-ulit na pag-usapan pa si Jace.
“Hoy loka! Mukhang napapadami na yata ang inom mo?” sita sa akin ni Ron.
“Hindi ah! Sakto lang,” sagot ko kahit ang totoo ay tinatablan na ako ng alak.
“Sure ka ha? Kasi may natisod akong lalaki. Ang pogi-pogi!” tili nito. “Ayon siya oh! Ayon!” pasimple niyang itinuro ng mga mata ang kinaroroonan ng lalaki. Sinundan naman namin ni Michelle ng tingin ang itinuro ni Ron. Nakatingin nga ito kay Ron!
“Paanong natisod mo ‘yon eh hindi ka naman umaalis sa pwesto?”
“Shh! Ano ka ba! Alam ko sa mga tingin niya na gusto niya ako,” pagdidiin ni Ron at napailing nalang ako sa kaniya. Narinig ko din ang pagtawa ni Michelle sa tabi ko.
“Kanina pa niya ako tinitingnan. Lalapitan ko lang ha?” bulong ni Ron sabay lakad patungo sa kinaroroonan ng lalaki. Natawa nalang ako at napailing.
“Hay naku! Mukhang hindi na naman natin mahahagilap si beshy Ron mamaya. Sakin ka nalang sumabay pag-uwi. Okay ka pa ba?” tanong sa akin ni Michelle.
“Oo naman. Ako pa ba?” walang buhay na sagot ko.
Biglang lumapit sakin ng upo si Michelle at tinitigan ako. Bumuntong-hininga muna siya saka nagsalita. “Alam mo beshy, wag ka magagalit ha. Pero mag-move on ka na talaga,” seryosong sabi niya sa akin. Noon ko napansin na malungkot at seryoso din siyang nakatingin sa akin. “Sa totoo kaya ganoon sayo si Ron, kasi nakakasawa narin panuorin kang paulit-ulit na masaktan dahil diyan sa paghanga mo kay Jace, eh! Beshy, this time, tanggapin mo na. Please, palayain mo na ang sarili mo. Maganda ka naman, madami namang ibang lalaki diyan.”
“S-Sorry mga beshy. Hindi ko alam na naapektohan narin kayo.”
“Hindi mo kailangang mag-sorry. Ayaw lang naman namin na masaktan ka pa.”
Tinitigan ko si Michelle at bakas ang pag-aalala sa kaniyang mukha. “I understand. Promise talaga, kakalimutan ko na si Jace,” ngumiti ako kay Michelle at nagulat nalang ako ng bigla niya akong yakapin.
Ang swerte ko naman sa mga kaibigan ko, bulong ko sa isip.
“Cheer up na ha!” nakangiting sagot niya ng bumitiw sa akin at nakangiting tumango ako. “Oh! Hindi ba si papa Theo ‘yon?!” biglang bulalas niya. Nilingon ko ang direksyon na tinitingnan ni Michelle. Nakita ko ang pagpasok ni Theo at mga kasama nitong lalaki. Noon ko lang siya nakita na nakasuot ng ganoon--bomber jacket at napakagwapo niyang tingnan, ganoon din ang mga kasama nitong lalaki.
“Oww! Beshy hindi mo nakwento sakin na may mga mala-adonis pala siyang kaibigan,” halos nakatulala si Michelle sa mga lalaking dumating.
“Hindi ko din alam beshy, ngayon ko lang sila nakitang kasama ni Theo,” sagot ko na nakatulala din sa mga kalalakihang dumating. Para kaming na-star struck na pinagmamasdan ang grupo nila Theo.
“Lalapitan mo beshy?” tanong sa akin ni Michelle.
Ngumiti ako at tumayo na para magtungo sa pwesto ni Theo at batiin ang binata pero napansin kong nilapitan ang mga ito ng grupo ng kababaihan. Ang isa ay tumabi agad kay Theo at casual na nag-usap ang mga ito. Natigil ako sa akmang paglakad at tila nakaramdam ako ng hiya. Naupo ulit ako at napansin ko ang nagtatakang tingin sa akin ni Michelle.
“Wag ko nalang kaya siya lapitan beshy, masyado ko na siyang naabala. Alam mo kasi, pati personal na problema ko sinabi ko na sa kaniya samantalang client ko siya. Hayaan nalang natin siyang mag-enjoy.”
Nagkibit-balikat lang si Michelle. “Ikaw ang bahala. Pero ang gwapo pala niya beshy, ah! Hindi manlang ba sumagi sa isip mo na baka gusto ka niya?”
“Hah! Imposible! Sa tingin ko hindi pa siya nakakamove-on sa ex niya,” natatawang sagot ko. Sinulyapan ko si Theo na noon ay busy na sa babaeng kausap nito. Kung titingnang mabuti, parang imposible para sa tulad ko na naging malapit ako sa kaniya. Mukhang siya iyong tipo ng lalaki na mahirap abutin sa itsura niya at estado. Ilang sandali pa kaming nag-usap ni Michelle ng magdesisyon kaming umuwi na.
“Beshy, hindi na talaga natin hahanapin si Ron?” natatawang tanong ko.
“Paiinitin mo lang ang ulo ‘nun kapag pinuntahan mo. Isa pa, baka nakaalis na dito ang haliparot na ‘yon,” tumatawang sagot ni Michelle habang kinakapa sa dalang sling bag ang susi ng sasakyan. Pagkabukas niya ng sasakyan ay agad akong pumwesto sa unahan at siya naman sa driver’s seat.
“Kaya mo pa magdrive?” paninigurado ko.
“Wala kang choice! Sa ating dalawa ako ang mas konti ang nainom,” sagot niya. Pinihit na niya ang susi para paandarin ang sasakyan pero hindi nabuhay ang makina noon. Nagkatinginan kaming dalawa. Ilang beses pang sinubukan ni Michelle i-start ang sasakyan pero tulad ng nauna ay hindi iyon nabuhay.
“s**t naman! Bakit ngayon ka pa nasira!” inis na sigaw ni Michelle sabay hampas sa manibela.
“Beshy! Baka naman lalong masira ang sasakyan sa paghampas mo!”
Bumaba kaming dalawa ulit dahil medyo mainit na sa loob ng sasakyan. “Anong gagawin natin? Gabing gabi na,” wala sa sariling turan ko habang nakatingin sa kalsada. Pareho kaming babae at delikado kung magta-taxi kami ni Michelle lalo at pareho kaming nakakainom.
“Beshy…” biglang untag sakin ni Michelle at napalingon ako sa kaniya. “Baka naman pwede mong tanungin si papa Theo? Tutal andito din naman siya.”
Napabuntong-hininga ako. Sa totoo ay nahihiya ako kay Theo, lalo na sa mga kasama niya, pero kakapalan ko nalang ang mukha ko. Kinuha ko ang cellphone at tinawagan ang number ni Theo.
“Anong ginagawa mo?” tanong ni Michelle. “Andiyan lang ‘yong tao sa loob—”
“Shh! Nahihiya kasi ako pumunta doon sa pwesto niya!” saway ko kay Michelle habang iniintay na sumagot si Theo. Ilang beses na nag-ring ang cellphone ng binata pero hindi siya sumagot.
“Ano daw?” tanong ulit ni Michelle.
“Hindi sumasagot beshy, eh!”
“Baka hindi naririnig ang ring. Halika na kasi. Lapitan na natin. Inaantok na ako beshy. Or mag-taxi nalang tayo?”
Dahil ayaw ko na mag-taxi ay pumayag na akong puntahan nalang si Theo. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin. Ilang beses ko munang inayos ang buhok at damit ko habang naglalakad kami patungo sa pwesto nila. Kinakabahan ako sa hindi maipaliwanag na dahilan.
Naririnig ko ang halakhakan ng mga kalalakihan habang papalapit kami sa pwesto nila Theo. Tumigil kami ni Michelle sa tapat ng mga ito pero hindi manlang nila kami napansin. Ang isang babae na nakakalong sa kasama ni Theo ang napatingin sa akin at nagtatakang napataas ang kilay nito sa amin ni Michelle.
“T-Theo,” tawag ko kay Theo na noon ay hindi ako napapansin. Tumatawa ito habang kausap ang mga kasamahan. Halos lingkisin na ito ng babae na katabi. Talaga namang nakakailang ang sitwasyon namin ni Michelle.
“T-Theo!” tawag ko ulit sa binata ngunit kulang yata sa lakas ang boses ko dahil hindi parin niya ako narinig. Ang isa sa kasama niyang lalaki na malapit sa pwesto namin ni Michelle ang napatingin sa akin. Nagtaka man ay tumingin ito kay Theo at tinawag ang binata.
“Hey! Theo! May naghahanap sayong chix!” malakas na tawag nito at napatingin dito si Theo. Sabay lumipad ang mga mata niya at ng iba pa niyang kasamahan sa amin.
“Trish?” tanong niya at nagulat pa ako ng mabilis itong kumalas sa babaeng katabi. Napatayo siya at mabilis na lumapit sakin. Napansin ko naman ang biglang pagsimangot ng babae.
“Wew! Dude! Huli sa akto ba?” kantiyaw sa kaniya ng mga kasama. Akala marahil ng mga ito ay girlfriend ako ni Theo na sumunod sa bar na iyon.
“Lagot ka Theo!” kantiyaw din ng isa pa.
“Shut up!” saway ni Theo sa mga ito. “Why are you here?” tanong niya pagkalapit sa akin.
“Actually, kanina pa kita napansin. Sorry, ayaw sana kita abalahin kaso---”
“What? Bakit hindi ka lumapit agad?” tanong niya.
Sumulyap ako sa mga kasamahan niya. Ang ilan ay mga tsismosong nakatingin parin sa amin at ang ilan ay masaya na ulit na nagkukwentuhan.
“Nakakahiya kasi.” Kumunot ang noo ni Theo sa sagot pero hindi na nagsalita. “Anyway, pwede mo ba kaming tulongan?” tanong ko at tumingin kay Michelle.
“Why? What happened?” tanong niya na napatingin din kay Michelle.
“Ayaw kasi mabuhay ng sasakyan ko,” paliwanag ni Michelle sabay pakita ng car key niya.
“Let me check,” sagot ni Theo at aktong lalakad na ito palabas ng bigla itong tumigil. “Wait, may kasama nga pala akong expert sa sasakyan dito. Migs!” tawag nito sa isa sa mga kasama.
Lumingon sa amin ang isang lalaki. Pinagmasdan ko ito. Halatang suplado ito at hindi katulad ni Theo. Sa lahat ng mga kasama ni Theo ay ito ang pinaka-tahimik at mukhang seryoso. Wala itong katabing babae, marahil dahil sa nakakatakot niyang awra. Kahit ako man ay hindi pipiliin na tumabi sa kanya kahit gwapo pa siya.
“Hey! Miguel, could you help us fix her car?” tanong ni Theo sa lalaki at itinuro si Michelle.
Habang hawak sa mga kamay ang bote ng alak ay pinagmasdan ng lalaki si Michelle mula ulo hanggang paa. Animoy doon naka-depende ang magiging sagot niya kung tutulongan ba niya kami. Matapos ang ilang sandali ay sumagot ito.
“I’m sorry. No,” sabay iwas na ng tingin sa amin.
Nanlaki ang matang nagkatinginan kami ni Michelle. Ang sama ng ugali ng Miguel na ito, ah!