Sa kasamaang palad, hindi dininig ang mga dasal kong sana ay hindi na namin makasalamuha si Jen ulit. Sa ngayon ay nandito kami ni Theo sa isang bar na ipinasara pa umano ng dalaga para lang sa party na ito. Mukhang mayaman na talaga itong si Jen. Ayaw ko na sanang sumama dito kung hindi lang makulit itong si Theo. At heto nga ako at na-a-out of place dahil puro hindi ko naman kakilala ang mga bisita. Isa pa ay nandito din iyong si Sam na may lihim yatang galit sa akin.
“Mukhang big time na talaga itong kaibigan natin! I-recommend mo naman ako sa company mo!” narinig kong bati ng isang kaibigan nila kay Jen.
“I’m sorry pero walang vacant position ngayon! Isa pa nakakahiya sa iyo, baka hindi namin kayanin ang professional fee mo,” tumatawang sagot ni Jen. Nakaupo siya sa tapat ko at hawak ang isang kopita ng alak. Ayaw ko man aminin, pero nanliliit na naman ako sa presensya niya.
“Ang galing mo talaga Jen, bilib na rin talaga ako sayo eh!” singit pa ng isa.
“Nagtaka pa kayo eh noon pa naman competitive ‘yan! Diba nga palagi ‘yang dean’s lister. Silang dalawa ni Theo. Siguro nagkokopyahan kayo noon kapag exam ‘no kaya pareho kayong c*m laude.”
“Oy hindi ah!” tanggi ni Jen. Sinulyapan niya si Theo na noon ay tumatawa lang din sa usapan.
“Iba din itong si Theo. Noong hindi matalo si Jen sa acads, niligawan na lang,” biro pa ulit ng lalaki. Bigla namang natahimik ang mga kasama namin sa table maging si Jen na napatingin sa akin.
“M-Matagal na ‘yon. Huwag na nating ungkatin,” naiilang na sagot niya.
“Tol respeto naman, nandito ‘yong girlfriend ni Theo eh! Binubuking mo naman itong kaibigan natin eh!” kantiyaw ng isa. Natawa ang ilan sa aming mga kasamahan habang ako naman ay hindi malaman kung ano ang magiging reaction.
“Well. Pwede pang magbago ang isip mo Theo! Andito lang si Jen, single na single!” sangat ni Sam. Napansin kong siniko siya ni Jen at pinandilatan ng mata. Kung ako ang masusunod ay aalis na lang ako. Pero ako pa talaga ang nahiyang mag-react. Naramdaman ko namang inakbayan ako ni Theo at nang sulyapan ko siya ay apologetic ang mga mata niyang nakatitig sa akin.
“Sabi nga ni Jen, matagal na ‘yon. Pareho na kaming naka-move on.” tipid na sagot ni Theo.
“Hmmn, hindi ka sure,” bwelta pa rin ni Sam. Sa sinabi niya ay lalong nagulo ang sistema ko. Ibig sabihin ba ay may nararamdaman pa si Jen kay Theo? Nang tingnan ko siya ay mabilis siyang nag-iwas ng tingin at binalingan si Sam.
“Ikaw babae ha! Itikom mo na yang bibig mong babae ka kung ayaw mong saktan kita. Kung ano-anong sinasabi mo diyan nakakahiya dito kay Trish!”
“Oo na! Eto na tatahimik na!” sagot ni Sam. Hindi nakatakas sa akin ang nakakaloko niyang ngiti.
Ilang oras pa silang nagkwentuhan. Maya maya ay inaya si Theo ng mga kaibigan sa pwesto ng mga ito. Naglalaro ang mga ito ng billiards. Dahil wala namang kumakausap sa akin ay nagkasya na lang ako sa pakikipag-chat kina Michelle at Ron. Sana talaga ay hindi na lang ako sumama dito. Pinagmasdan ko si Jen. Kung itatabi ako sa kaniya ay talong talo ako. Hindi kasi ako katulad niya mag-ayos. Napakaganda niya sa suot niya ngayong pulang dress. Simple lang iyon pero litaw na litaw ang hubog ng kaniyang katawan. Totoo kayang hindi man lang sumagi sa isip ni Theo ang makipagbalikan sa kaniya? Dahil talaga namang nakakatawag siya ng atensyon. Napansin kong sinulyapan niya si Theo na noon ay kasama ng mga kaibigan niyang lalaki at nakapwesto di kalayuan sa amin. Wala sa loob na pinagmasdan ko silang dalawa. Kita ko nang mapasulyap din si Theo sa kaniya. Tipid niyang nginitian ang babae. Kahit ayaw ko, may munting kirot akong nararamdaman. Isang simpleng ngiti lang iyon pero masakit na para sa akin. Napatungo ako para itago ang emosyon. Nagulat pa ako nang sa pagtunghay ko ay nakita ko si Theo na nakatitig sa akin. Bigla ay nilapitan niya ako.
“Bored ka na ba? Sorry kung pinilit pa kitang sumama. Gusto mo na bang umuwi?”
“H-Hindi ah! Okay lang. Okay lang ako dito,” tanggi ko. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala. Ayaw ko namang sirain ang gabi niya. Halata namang nag-e-enjoy pa siyang kasama ang mga kaibigan.
“I know you’re bored. Tara na?” aya na niya.
“Hindi nga! Ka-chat ko naman sina Ron--” Hindi ko na natapos ang sinasabi dahil hinila na niya ang kamay ko. Napipilitang tumayo ako. Napatingin naman sa amin ang mga kaibigan niya lalo na iyong mga kaumpok ko sa table.
“Oh Theo? Aalis na kayo agad?” tanong ni Jen.
“Ahm. Yes. Maaga pa kasi ako bukas. Malaking client kasi iyong imi-meet ko,” sagot niya.
“Ah ganoon ba? O-Okay, set na lang natin ‘yong meeting natin this week. Tatawagan na lang kita.”
“Okay. Sige mauna na kami,” paalam na ulit niya.
“Bye Trish!” paalam din sa akin ni Jen. Tipid na nginitian ko lang siya habang si Sam naman ay nakasimangot habang nakamasid sa akin.
Pagkalabas namin ng bar ay saka ako nagtanong. “Bakit tayo umalis agad? Nakakahiya kay Jen.”
“Mas nahihiya ako sa girlfriend ko,” seryosong sagot niya.
Kunway inirapan ko siya. “At bakit ka naman mahihiya sa akin?”
“Because I invited you to come with me to a lame party,” tumatawa nang sagot niya.
“Lame? Hindi ba at nag-e-enjoy ka naman doon?”
“Sa tingin mo mag-e-enjoy ako kung nakikita kitang tahimik sa isang sulok?”
“Sabi ko naman kasi sayo huwag mo na akong isama eh! Hindi ko naman kilala ang mga kaibigan mo, at mukha namang ayaw nila akong maging kaibigan. Lalo na ‘yong Sam.” Hindi ko na napigilan ang bibig.
“See? Kaya nga umalis na tayo. Kunwari ka pa kanina na ayaw umalis! Eh iyong mga mata mo nakikiusap na sakin kanina eh,” kantiyaw niya.
“Kung bakit kasi ganoon ‘yong si Sam,” bulong ko at humalukipkip.
“Hayaan mo na siya. Late talaga ‘yon maka-gets kahit sa klase namin noon. Baka nga nasa year 2010 pa lang sya ngayon sa sobrang loading niya eh!”
Natawa naman ako sa sinabi niya. “Grabe ka! Ang plastic mong kaibigan.”
Tumatawang inabot lang niya ang kamay ko. Magkahawak kamay kaming nagtungo sa sasakyan niya, pero bigla ay naging serysoo siya nang nasa loob na kami. “Trish, sumali ako sa bidding. Malaking project ‘yon. Kapag nakuha ko ‘yon, malaking tulong para sa company. At syempre para sa mga plano natin.”
Nag-init ang pisngi ko sa sinabi niya. “S-Sana ay makuha mo. S-Susuportahan kita Theo. Malaki ang tiwala ko sayo.”
Ngumiti lang siya at nagulat pa ako nang tawidin niya ang pagitan sa aming mga labi. As usual, bolta-boltaheng kuryente ang hatid ng halik niyang iyon. Kahit na hindi ako uminom ng alak ay para akong nalalasing. Napapitlag pa ako nang biglang may kumatok sa bintana ng sasakyan niya. Namataan ko iyong kaibigan niyang lalaki na malakas mang-asar kanina. Yamot na ibinaba ni Theo ang bintana ng sasakyan pagkakita sa kaniya.
“Loko ka ha! Kaya pala nag-aaya ka ng umuwi. Sabik na sabik?” salubong agad nito kay Theo.
“Shut up! Ano bang kailangan mo?”
“Sorry na kung nakaabala ako. Heto ang cellphone mo at naiwan mo. Magpasalamat ka naman sa akin!” kantiyaw nito. “O lalo kang nainis dahil na-istorbo ko—”
“Thank you! Now get out!” taboy ni Theo sa kaniya matapos hablutin ang cellphone.
Lalo namang napahalakhak ang lalaki. Sinulyapan niya ako at saka nagsalita. “Sorry kanina Trish ha? Baka sumama ang loob mo, alam ko namang nandoon ka. Inaasar ko lang talaga itong kaibigan ko. Ngayon lang ako nakahanap ng pang-asar dito eh. Lakas ng tama sayo—”
“Oo na! Alam na ni Trish ‘yon. Lumayas ka na,” putol ni Theo sa sinasabi nito.
“Hah! Sige brod! Ingat kayo. Bye Trish!” pahabol pa rin nito sa akin.
Natatawa na ako sa usapan nila. “Abala,” bulong ni Theo saka pinaharurot ang sasakyan.
Totoo kaya ang sinasabi ng lalaking ‘yon? Si Theo? Malakas daw ang tama sa akin? Napasulyap ako sa salamin ng sasakyan at napangiti. Ang ganda ko naman!
“Anong nginingiti mo diyan?” nakangising tanong ni Theo.
“Wala ah!” napahiyang sagot ko. Napansin pala niya ako.
“Kinikilig ka?”
“Huh? Bakit naman ako kikiligin?”
Tumawa lang siya ng mahina. “Oo na, malakas ang tama ko sayo. Kaya huwag ka nang magselos kay Jen. I just really need her help. Okay?”
“O-Oo naman,” sagot ko.
Pipilitin ko. Pipilitin kong alisin lahat ng pagseselos ko kay Jen. Mula ngayon, lubos na akong magtitiwala kay Theo. Sana lang ay mapanindigan ko ito.