“Yaaasss!” aniko habang ininat ang mga kamay.
Sa wakas ay isa na namang plano ang natapos kong gawin para sa kliyente ko. Unti-unti ay dumadami na ang clients ko at alam kong dahil din iyon sa tulong ni Theo. Sa tagal ko na sa industriyang ito, ngayon lang ako nakakaramdam ng kasiyahan. I feel satisfied. Kaya naman ganado akong magtrabaho. Alam ko ang mga pangarap para sa amin ni Theo at syempre tutulongan ko siya para matupad namin ‘yon. Mabilis akong nagtipa ng message sa isa ko pang client. Magkikita kami mamaya para malaman ko kung approve na ba itong design ko. Nag-send din ako ng message kay Theo para ipaalam sa kaniya ang lakad ko.
Pagdating ng tanghali ay bihis na ako. Sinulyapan ko ang cellphone at bahagyang napakunot nang wala man lang siyang reply.
Baka naman busy lang.
Nagkibit-balikat na lang ako at nagtuloy na sa lakad. Pupuntahan ko na lang siguro siya mamaya sa opisina kung sakaling naroon siya.
“Wow! I like your design architect! Brillian ideas! Sigurado ka bang ayaw mong magtrabaho abroad? I’m sure lalo kang gagaling,” bulalas ng client na katagpo ko.
Napaisip ako sa sinabi niya. Kailanman ay hindi sumagi sa isip ko ang mangibang-bansa. Kuntento na ako dito. Lalo na ngayon. Hindi ko yata kakayanin na malayo kay Theo. Sapat naman ang kinikita ko ngayon.
“Naku, hindi ko po inisip ‘yan. Okay na po ako dito,” nahihiyang sagot ko.
“You are limiting yourself, hija,” sagot niya. “Pwede ka din ngang mag-apply ng scholarship abroad. Kapag natapos mo ‘yon, pihado akong ikaw ang pipilahan ng mga clients mo. Mga naglalakihang kompanya ang mag-aagawan sayo.”
“Salamat po, pero hindi po ako sigurado kung..matatanggap ako sa ganoon.”
“Ano ka ba? Huwag mo masyadong i-down ang sarili mo. Ang sa akin naman ay payo lang. Sa ganitong industry, mahigpit ang kumpetensya.”
“Thank you po sir.”
Natapos ang usapan namin at nagustuhan niya ang gawa ko. Agad kong kinuha ang cellphone at tinawagan si Theo pero nag-ring lang iyon at hindi niya nasagot.
Ano kayang ginagawa ng lalaking ‘yon? Kumain na kaya siya?
Dahil doon ay nagdesisyon akong puntahan siya sa opisina. Dumaan muna ako sa isang fastfood chain para bumili ng merienda namin. Ngiting ngiti ako habang naglalakad sa opisina. Agad naman akong binati ng mga empleyado niya.
“Andiyan si Theo?” tanong ko sa sekretarya niya.
“Opo maam, nasa opisina po niya. Kaso maam—"
Hindi ko na hinintay ang sasabihin niya. Nasa opisina lang pala ang Theo na ‘yon, bakit kaya hindi sinasagot ang tawag ko?
Itinulak ko ang pinto papasok. Nadatnan ko siya na may kasamang ilang mga empleyado at busy na nag-uusap. Nakapwesto sila sa isang mesa na naroon at bawat isa ay may dalang laptop. Meeting pa yata iyon. Lahat sila ay napatingin sa pagdating ko. Ang higit na nakatawag sa akin ng pansin ay isa sa kanila.
Si Jen na nakaupo sa tabi ni Theo.
Bigla akong nakaramdam ng hiya sa biglaan kong pagdating. Naka-istorbo pa yata ako.
“S-Sorry, h-hindi ko alam—”
“It’s okay,” maagap na salo ni Theo. “Guys, let’s take a break muna. Baka nagugutom na kayo.”
“Theo! Sayang ang time. Matatapos na rin naman ito. Konting details na lang ‘to. Ang sabi mo ay naghahabol ka ng time?” maagap na tutol ni Jen. “Okay pa ba kayo na ituloy natin ito?” baling din niya sa mga kasamang engineer din siguro.
“Pwede pa naman po. Hindi pa naman kami masyadong gutom,” sagot ng isa.
Bigla akong nahiya dahil may mga dala pa naman akong pagkain. Apologetic na binalingan ako ni Theo.
“O-Okay lang Theo. B-Babalik na lang ako mamaya,” sagot ko.
Naramdaman kong sinulyapan ako ni Jen pero hindi siya nagsalita. Muli na niyang itinuon ang mga mata sa laptop at nakikita kong gumagawa siya ng plano. “Are you in favor if the design will have plenty of white space? What do you think?” tanong niya sa mga kasama.
Naiilang na tumalikod ako at humakbang na palabas. Parang hindi kasi tama na manatili lang ako doon sa loob kahit nakikita kong busy sila sa trabaho. Iyon ba ang sinasabi ni Theo na project?
Gusto kong malungkot na kinonsulta niya si Jen pero ako ay hindi. Kungsabagay, ano nga ba naman ang laban ko sa kaniya? Maging si Theo nga ay hanga sa kaniya at pinag-aagawan siya ng maraming kompanya. Naalala ko tuloy ang sinabi ng kliyente ko kanina.
Papayag nga ba ako na magkasya na lang ako sa ganitong sitwasyon? Ipinilig ko ang ulo. Hindi. Baka nadadala lang ako ng presensya ni Jen. Kailangang huwag akong magpadala sa emosyon ko.
Umuwi na lang ako sa condo. Wala sa loob na naghanap ako ng mga job vacancy at scholarsip abroad. Pero hindi ko naman magawang buksan ang link at mga website na lumabas. Napapagod na humilata ako sa kama.
Ano bang nangyayari sa akin? Nangako ako kay Theo na hindi magpapa-apekto kay Jen. Nagpaalam naman siyang kokonsultahin si Jen. Hindi dapat ako nagkakaganito.
Natigil ang pag-iisip ko nang tumunog ang aking cellphone. It was Theo. Pinilit kong pasiglahin ang boses.
“Hello?”
“Hey? Kumusta ang lakad mo kanina? Pasensya ka na, hindi ngayon ko lang nabasa ang mga messages mo,” bungad agad niya.
“Okay lang. Busy ka pala kanina. Ako nga ang nahihiya eh!”
“Yeah. Iyon ‘yong project na sinasabi ko sayo.”
“Oo nga. S-Si Jen, part na ba siya ng team mo?” hindi ko napigilang itanong.
“Tinutulongan niya ako sa design, Trish. Ayaw kong sayangin ang chance na ito.”
“N-Naiintindihan ko naman.”
“Weeks from now, ipapasa na namin ito kaya minamadali na namin. Kaya ganoon siya kanina. She’s serious about helping me. Sinasamantala ko lang ang pagkakataon.”
Hindi ako nakaimik. Kung sana ay magaling na lang din ako at madaming experience. Baka sakaling matulongan ko siya. Pero sa ngayon, ang tangi ko na lang magagawa ay intindihin siya.
“Sorry Theo, w-wala akong magawa para tulongan ka,” hindi ko naitago ang lungkot.
“Trish! Hindi ‘yan ang ibig kong sabihin.”
“Alam ko naman pero nahihiya pa rina ko—”
“Ikaw ang reason kaya ko gusting gawin ito. Ikaw lang ang iniisip ko. Gusto kong maging successful para sayo. Para hindi mo kailangang mahirapan kapag nagpakasal tayo.”
Hindi naman ako nakasagot sa sinabi niya. “K-Kasal agad?”
Mahina siyang tumawa. “Hindi ba at doon din naman ang punta natin?”
Hindi na ako makasagot. Ano nga ba ang sinasabi ko kanina? Parang nablanko na yata ang utak ko.
“Seryoso ako, Trish. Ang kailangan ko lang ngayon ay suporta mo.”
“Sinusuportahan naman kita ah!” maagap na sagot ko.
“Yeah, I know. Thank you,” sagot niya.
Lihim na pinagalitan ko ang sarili. Tama si Theo. Kailangan ko siyang suportahan. Siguro naman kapag natapos na ang design at nakapagpasa na siya ng proposal at quotation niya ay magiging okay na ako. Mas tamang gawin nga ang suportahan ko siya ngayon.