“Sky.” Napalingon si Sky sa tumawag sa kanya at saka nakita si Fin na papalapit sa kanya.
Nakaupo siya sa isang rocking chair habang nakahawak sa malaki na niyang tiyan. Kabuwanan na niya at ilang oras o araw na lang ay manganganak na siya at makikita na niya ang mga anak niya.
Kambal ang kanyang anak at hindi niya ‘yon inaasahan. Natatawa na lang siya kapag naiisip na isa lang naman ang hiningi niya kay Zaver pero dalawa ang binigay nito sa kanya.
Nang maalala niya ang binata ay napapatanong siya sa isip kung kumusta na kaya ito ngayon? Napailing na lang siya. Kailangan pa ba ‘yong itanong? Syempre, maayos lang ang lalaking ‘yon at ginagawa nito ang gawain nito noon.
“Here’s your milk.” Kinuha niya ang inilahad nitong isang baso ng gatas.
“Thank you.” Ininom naman niya ito.
Kasama niya si Fin na umalis ng bansa. Ayaw man niya dahil may sarili itong buhay ay wala siyang nagawa dahil nagpumilit ito. Ayaw siya nitong iwan lalo na’t buntis siya ngayon. Mag-aalala lang ito sa kanya habang nasa Pilipinas.
Umupo si Fin sa tabi ng inuupuan niya. “Anong plano mo kapag nanganak ka na? Are you going back to the Philippines?”
Inubos muna niya ang gatas bago sumagot. Matagal na niyang plinano na hindi umuwi sa Pilipinas at dito na lang palakihin ang mga bata. Ayaw niyang magkita pa sila ng binata dahil baka magulo ang tahimik nitong buhay.
“I’ll stay here.”
“Bakit? Bakit pakiramdam ko pinagtataguan mo ang ama ng mga anak mo? May kasalanan ka ba sa kanya o baka naman may ginawa siya sa ‘yong hindi maganda?”
“Wala.” Ngumiti siya sa kaibigan. “Mabait ang ama ng mga anak ko.” Well, except him for being a womanizer.
“Ayaw mo ba na makilala ng mga bata ang ama nila?”
“I wanted too, pero baka hindi na. Sa tagal na din nang panahon na hindi kami nagkikita, hindi natin alam baka may nakilala na siyang ibang babae. Baka mamaya ay may pamilya na din siya. At saka sinabi na niya sa akin na wala siyang plano na panagutan ako.”
“Gago pala siya, eh!” Naging malakas ang boses ng binata. “Binuntis ka niya, pero ayaw ka naman pala niyang panagutan.”
“Yeah, he’s a jerk,” sang-ayon niya dito dahil totoo naman. “Pero kahit naman na panagutan niya ako ay hindi naman ako papayag. I only wanted a child, but not a man to be with.”
Napailing na lang ang kaibigan niya. “Ikaw na talaga ang pinaka-weird na tao na nakilala ko sa buong mundo.” Napangiti na lang siya sa naging komento nito sa kanya.
Ang ngiti niya ay unti-unting nawala nang makaramdam siya ng pagsakit sa tiyan niya. Napaaray siya nang humilab ang tiyan niya.
“Manganganak ka na ba, Sky?” natatarantang tanong nito nang makita ang sakit sa mukha niya.
Inalalayan siya nitong tumayo nang biglang pumutok ang panubigan niya. Nanlaki ang mga mata ni Fin sa nakita.
“f**k this! Anong gagawin ko?”
Kung hindi lang siya nakakaramdam ng sakit ngayon ay tatawanan niya ang reaksyon ng binata ngayon. Nalilito kasi ito kung ano ang unang gagawin.
ILANG oras din na nag-labor si Sky bago tuluyang lumabas sa mundo ang dalawa niyang anghel. Nagising na lang siya at napatingin sa kulay puting kisame ng hospital. Napatingin siya sa paligid at nakita si Fin na karga-karga ang isang sanggol.
Napatingin ito sa kanya. “Gising ka na pala, Dude. Kumusta ang pakiramdam mo?”
Maliit siyang ngumiti. “Medyo okay na.” Hindi niya inaasahan na gano’n pala kasakit ang manganak.
Lumapit sa kanya si Fin. “Look.” Inilahad nito sa kanya ang isang sanggol na lalaki.
Napakalaki nang ngiti niya nang makita ang sanggol na lalaki na kamukha ni Zaver.
“Hello there, Baby.” Hindi niya napigilan ang maiyak dahil sa sobrang saya na nararamdaman niya.
Hindi niya aakalain na pagkatapos ng sakit na dinanas niya kanina sa panganganak ay ganitong saya naman ang mararamdaman niya kapag nakita na niya ang anak niya.
Hinaplos niya ang pisngi nito. “You look like your dad,” hindi niya maiwasang komento dito.
Muling lumapit sa kanya si Fin habang karga naman ang isang sanggol na babae. Nakikita niyang kamukha niya ang batang babae. Natutuwa siya dahil meron siyang mini version niya at ni Zaver.
“Teka, parang kamukha niya ‘yong bartender sa club.” Hindi siya tumingin kay Fin. “Hindi ba siya din ‘yong nakausap mo sa hospital noon? Oh, s**t!” Nanlaki ang mga mata nito ng may mapagtanto.
“Fin!” saway niya dito nang magmura ito. “Mind your mouth, can you?”
“Oh, sorry,” paghingi nito ng paumanhin habang nakatakip pa sa bibig. “Pero seryoso, Sky, umamin ka nga sa akin.” Seryoso siya nitong tiningnan sa mga mata. “Siya ba ang ama ng mga batang ‘to?”
Napabuntong-hininga na lang siya. Mukhang hindi na niya maitatanggi pa na si Zaver nga ang ama ng mga anak niya dahil sa itsura pa lang ng anak niyang lalaki ay hindi na maipagkakaila na anak nga ito ng binata. Para talagang pinagbiyak sa bunga ang dalawa.
“Yeah,” pag-amin niya.
“Damn!” Sinamaan niya ito nang tingin dahilan para mag-peace sign ito sa kanya. “Hindi nga? Siya talaga?” Hindi pa din ito makapaniwala hanggang ngayon sa nalaman.
“Oo nga. Ang kulit mo na, Fin. Paulit-ulit ka.”
“Sorry naman.” Napailing-iling ito. “Pero bakit siya, Dude? Bakit hindi na lang ako?” Tumawa ito ng sinamaan niya ito nang tingin. Tss! Kung anu-ano kasing kalokohan ang pinagsasabi. “Pero seryoso, Dude. Bakit nga siya? Balita ko pa naman womanizer ‘yon? Kaya hindi ko maintindihan kung bakit siya? Bakit sa isang womanizer ka nagpabuntis? Madami namang matinong lalaki diyan, ah.”
Napailing na lang siya sa dami na nang mga pinagsasabi nito. “Wala na tayong magagawa pa, Fin, dahil nabuo na ito. Kahit ano pangsabihin mo diyan ay hindi mo na mababago ang katotohanan na siya ang ama ng mga anak ko. And besides, maniwala ka man o sa hindi, mabait si Zaver.”
Nagulat ito sa sinabi niya. “Damn! May gusto ka ba sa kanya, Dude?” Kinunutan niya ito ng noo. “Pinagtatanggol mo siya, eh. It’s not like you.”
Natawa siya ng mahina. “Bakit? Hindi ba kita pinagtatanggol noon?”
“Maiintindihan ko kung ako kasi kaibigan mo ako, best friend!” may pagdiin nitong sabi. “Pero sa Zaver na ‘yon?” Napailing-iling ito. “I’m sure kakikilala niyo lang, pero bakit pakiramdam ko na close na agad kayo?”
“Wala akong gusto sa kanya, okay? At saka hindi ko siya pinagtatanggol, sinasabi ko lang ang totoo. Mabait naman talaga si Zaver. Lahat pwede maging mabait kahit pa womanizer sila.” Napabuntong-hininga siya. “This should be the last time that we’ll talk about him at lalong-lalo na huwag mo itong sasabihin sa pamilya ko kung hindi malalagot ka sa akin, Douglas!”
Magsasalita pa sana ito pero pinanlakihan niya ito ng mga mata kaya naman tumahimik na lang ito.
FIVE YEARS LATER…
“Mom.” Napatingin si Sky sa anak niyang si Savrina na hinila ang laylayan ng damit niya.
Pumantay naman siya sa anak. “Yes, Baby?” Sinuklay niya ang mahaba nitong buhok gamit ang kamay niya.
“Who and where is our daddy?” Nagulat siya sa naging tanong nito.
Inosente itong nakatingin sa kanya. Hindi niya inaasahan na magtatanong ang anak niya tungkol sa ama nito sa ganitong kamurang edad.
Napatingin siya kay Fin na gumagawa ng meryenda nila. Tiningnan siya nito nang ‘I told you so.’ Inaasahan na niyang sasabihin ‘yon ng kaibigan niya. Napatingin siya kay Zack na kanina lang ay nagbabasa ng libro pero ngayon ay nakatingin na din sa kanya dahil sa naging tanong ng kapatid nito.
Hinaplos niya ang mukha nito. “Why, Baby? Is mommy not enough for you?”
“Mommy is enough, but—” bigla itong nalungkot. Parang nagdadalawang-isip kung sasabihin ba nito kung ano ang saloobin nito o hindi. Napabuntong-hininga ito. “Well, we see our classmates with their dad. I’m just curious about ours. Mom, why don’t we have one?”
“Well, you can always treat your Tito Fin as your father.” Umiling ito. “Why?”
“Because he is not our real dad.” Napatingin naman siya kay Zack na seryosong nakatingin ngayon sa kanya. Ang mga mata at titig nito na manang-mana kay Zaver.
Napabutong-hininga siya. Ito na ata ang araw na sinasabi ni Fin na magtatanong ang mga anak niya tungkol sa ama nito. Inaasahan naman niyang dadating ang araw na ‘yon, pero hindi pa ngayon. Ang tingin pa kasi niya sa mga ito ay mga bata na walang kamuwang-muwang sa mundo.
Pero mukhang masyadong binayayaan ng katalinuhan ang mga anak niya at nakakaisip na ng mga ganitong bagay.
“I’ll let you meet your dad.” Nanlaki ang mga mata nito, pati na din si Fin. Hindi nito inaasahan ang magiging sagot niya.
“Uuwi na tayo sa Pilipinas?” may himig ng excitement ang boses ni Fin.
“Yeah. Maybe it’s time na din na makilala nila ang ama nila.”
“Yes!” sabay sigaw ng tatlo dahilan para mapailing na lang siya.
Bigla tuloy siyang napaisip kung kumusta na si Zaver nitong nakaraang limang taon. Kung nakahanap na ba ito ng ibang babae, nagpakasal, o baka naman ay may sarili na itong pamilya.
Hindi niya maiwasan na mag-alala para sa mga anak niya. Paano na lang kung sa pagbabalik nila ay malaman niyang may sarili na pa lang pamilya ang binata? Sigurado siyang masasaktan ang mga ito at siya ang dapat sisihin.
Simula din kasi nang umalis siya ay wala na siyang naging balita dito. Walang nakakaalam ni isa na nasa bahay ampunan kung nasaan siya.
Hindi naman niya kasi inaasahan ang ganitong sitwasyon. Akala niya na kapag mayroon na siyang anak ay mapapasaya na niya ang pamilya niya. Iyon lang naman kasi ang iniisip niya noon. Hindi niya inaakala na ang mga anak niya pala ang masasaktan sa magiging desisyon niya.
HAPON na nang maka-landing ang eroplano na sakay nina Sky, Fin, at ang mga bata sa Pilipinas. Agad silang sinalubong ng mommy, daddy, at lolo niya sa airport.
“Ang mga apo ko,” sabi ng mommy niya saka niyakap ang dalawang bata.
“MABUTI naman at naisipan niyong umuwi dito,” komento ng mommy niya habang nagluluto ng hapunan nila.
“Kung kagustohan ko lang talaga, Mom, ay hindi ako uuwi.” Napabuntong-hininga siya. “But the kids are getting older. They wanted to meet their father.”
Napatingin naman ito sa kanya. “Sino ba kasi ang ama nila? Limang taon na ang nakakalipas, Sky, pero hanggang ngayon ay hindi mo pa din sinasabi sa amin kung sino talaga ang nakabuntis sa ‘yo. Pati sa amin ay ayaw mong sabihin.”
Nabuntong-hininga siya. “I told you, Mom, it doesn’t matter.”
“It matters to us, Sky. Kahit anong sabihin mo ay may karapatan pa din naman kami na malaman ang tungkol sa lalaking ‘yon. Malay mo, masama pala ang daddy nila. If that’s the case, I wouldn’t let them meet him.”
“Mabait ang ama nila, Mom, okay? Trust me. Hindi naman ako pipili na lang ng kung sino-sinong lalaki para lang mabuntis ako. At saka sa ikli ng panahon na nakasama ko ang ama nila ay nakilala ko siya bilang isang mabait na tao.”
Naalala na naman niya ang mga panahon na nakasama niya ang binata noon. Nang mga panahon na dumadalaw ito sa bahay ampunan para magbigay ng kasiyahan sa mga bata.
Ito naman ang napabuntong-hininga. “Malalaman din naman namin kung sino talaga ang ama nila. Kasi kapag nagkita na sila mag-aama, I’m sure pupunta ang lalaking ‘yan para dalawin ang mga anak niyo. At that time, wala ka nang takas sa amin.”
Napailing na lang siya. Wala din naman kasi siyang planong tumakas habang buhay lalo na’t gusto ng mga anak niya na makita ang ama nito.