Naglalakad sa may park si Zaver kasama ang aso niyang si Rascal. Ganito ang ginagawa niya kapag linggo o kaya kapag wala siyang pasok sa opisina. Matagal na nilang aso si Rascal. Minsan nga ay nagseselos na siya sa aso dahil pakiramdam niya ay mas mahal ito ng ina niya kaysa sa kanya.
“Rascal, behave,” sabi niya sa aso nang magsimula na naman itong maging makulit. “I won’t buy you your favorite food if you don’t behave,” pagbabanta niya dito habang seryoso itong tinitingnan.
Bigla naman itong naupo at naging maamo ang mukha. Iyon palagi ang sinasabi niya kapag nagiging makulit ito. Mabuti na lang at palagi ‘yong effective.
Naagaw ang atensyon niya sa mga batang pulubi na nagkukumpulan sa hindi malayo sa kinaroroonan niya. Dahil sa na-curious siya, kung anong meron doon dahil nagkakagulo ang mga ito ay lumapit na siya. Hindi pa man siya tuluyang nakakalapit ay nakita niya si Sky na kausap ang mga bata habang may ngiti sa labi.
“Sige lang, kumain lang kayo. Walang mag-aagawan ng pagkain dahil marami pa dito. Kapag nakukulangan pa kayo ay huwag kayong mahihiyang humingi ulit.” Binigyan niya ang mga batang kadadating lang ng isang styrofoam na may lamang pagkain at saka juice.
“Salamat, Ate Ganda. Ang bait niyo naman po.”
Hinaplos ng dalaga ang magulo nitong buhok. “Walang anuman. Sige, magpakabusog lang kayo.”
Mukhang hindi siya napansin ni Sky dahil busy’ng-busy ito sa mga bata. Hindi niya namalayan na nakatulala na pala siyang nakatingin sa mala-anghel nitong ngiti.
“Nasaan nga pala ang mga magulang niyo?” tanong ng dalaga sa mga ito.
Biglang bumakas sa mga mukha nito ang lungkot. “Hindi po naman alam. Bigla na lang po kasi silang umalis at hindi na bumalik. Baka nga po iniwan na nila kami dahil hindi na nila kami kayang buhayin o kaya naman ay dahil hindi na nila kami mahal.”
Bigla siyang nakaramdam ng awa para sa mga bata dahil sa narinig. Ngayon niya masasabi na maswerte siya sa mga magulang niya dahil ginawa nito ang lahat para sa kanya. Hindi siya nito pinabayaan at minahal ng lubos kahit pa minsan ay pasaway na siya.
“Gusto niyo bang tumira sa bahay ko?” nakangiting tanong ni Sky sa mga bata. Kagaya ng mga ito ay nagulat din siya.
“Po?” gulat na tanong ng isang batang babae.
“Gusto niyo bang tumira sa bahay ko?” pag-uulit nito sa sinabi kanina. “May mga bata din doon na mga kagaya niyo, wala ng magulang at nasa lansangan na din nakatira. At least doon ay maaalagaan kayo ng mabuti, makakain kayo, hindi na kayo magugutom at lalong-lalo na ay makakapag-aral na kayo.”
Hinaplos niya ang maruming mukha ng bata. Wala siyang nakikitang pandidiri o arte sa mukha ng dalaga habang hinahaplos ang madumi nitong mukha. Madumi ang mga bata dahil sa lansangan ito nakatira, pero hindi naging maarte ang dalaga at tumabi pa ito nang upo sa mga ito.
Kung ang iba pangmayayaman na tao ay baka nandiri na sa mga ito dahil sa madumi at mabaho ito, pero si Sky? Hindi lang mukha ang maganda sa dalaga, kung hindi pati ang puso nito. May puso ito para sa mga mahihirap lalo na sa mga batang ulila na.
“Talaga po, Ate Ganda?” sabay-sabay na tanong ng mga bata.
“Oo naman.”
“Hindi po kayo nagbibiro?”
Natawa naman ang dalaga. “Hindi ako nagbibiro. Kaya sino ang gusto sa inyo na sumama?”
“Ako po!” Sabay-sabay na itinaas ng mga bata ang mga kamay dito habang may malaking ngiti sa labi. Nakikita niyang masaya ang mga ito dahil sa alok ng dalaga.
Nagtago siya sa isang malaking puno nang magsitayuan na ang mga ito. Nilinis muna nila ang mga kalat nila bago umalis ang mga ito. Si Sky na mismo ang nagkarga sa isang sanggon na hawak kanina ng isang bata na sa tingin niya ay nasa walong taong gulang ito at kapatid ng sanggol.
Nakikita niya sa mga mata ng dalaga na mahilig ito sa mga bata kaya bigla niyang nasabi sa isip na magiging isang mabuting ina ang dalaga balang-araw. Dahil sa pagiging curious na naman niya ay sinundan niya ang mga ito.
Bigla siyang napatingin kay Rascal nang tumahol ito. “Tumahimik ka, Rascal, at baka marinig niya tayo.” Tumitig sa kanya ang aso. “Susundan lang natin sila para malaman natin kung saan niya dadalhin ang mga bata. Baka mamaya ay sindikato pala ang babaeng ‘yon.”
Sumakay ang mga ito sa isang van. Nagmamadali naman siyang sumakay sa kotse niya at sinundan ang van. Napatingin siya sa isang malawak at mataas na pader. Sunod naman na dumako ang tingin niya ay sa malaking gate kung saan pumasok ang sinasakyan na van ng mga ito.
Tiningnan niya si Rascal na nakatingin sa kanya habang nakalabas ang dila.
“Stay here, Rascal. Babalik din agad ako.” Tumahol ito kaya naman hinaplos niya ang ulo nito. “Mamaya, ibibili kita ng food pagbalik ko, basta behave, okay?” Muli itong tumahol na tila sinasabi nitong okay. “Good.”
Lumabas na siya ng kotse saka lumapit sa malaking gate. Napapaisip siya kung ano ang meron sa loob. Hindi niya kasi makita ang sa loob mula sa labas dahil sa mataas na pader.
Lumapit siya sa guard house. “Sino po ang hinahanap nila?”
“Si Sky po? Nandiyan ba siya? Wala kasi siya sa bahay nila kaya nagbabakasakali akong nandiyan siya,” tanong niya kahit alam niyang nasa loob talaga ang dalaga. Kailangan niyang magmukhang close sila ng dalaga para papasukin siya nito.
“Nasa loob po si Miss Sky. Kakadatin niya lang din. Pasok po kayo.” Binuksan nito ang maliit na pintuan ng gate.
“Samalat po,” sabi niya saka pumasok na sa loob.
Bigla siyang natigilan sa nakita. Hindi siya makapaniwala sa paligid. Para siyang nasa isang paradise dahil sa halos puno at bermuda grass ang nasa paligid habang may malaking bahay naman sa gitna. Sa laki ng bahay ay alam niyang marami ang kwarto no’n sa loob.
Marami siyang nakikitang mga bata na naglalaro sa paligid, at sa playground habang may mga iilang babae naman na naka-uniform ang umaalalay sa mga ito. Parang isang bahay ampunan ang napuntahan niya pero mas maganda dito dahil nakakagaan sa pakiramdam ang paligid.
“Excuse me, miss,” tawag niya sa isang babae na dumaan sa harap niya. “Alam mo ba kung nasaan si Sky?”
“Si Miss Sky?” Tumango naman siya. “Nasa loob po siya ng bahay.”
Nagpasalamat naman siya dito. Umalis na ito kaya naman naglakad na siya papalapit sa malaking bahay. Habang papalapit siya ay nabibilang niya kung ilang palapag ito at nasa mga sampong palapag ang malaking bahay.
Habang naglalakad ay napapatingin siya sa mga batang masayang naglalaro. Parang walang mga problema na iniisip. Pumasok na siya sa malaking pinto dahil nakabukas naman ito.Nakita niyang malinis na ang mga batang isinaman kanina ni Sky mula sa lansangan.
Inilibot niya ang paningin sa paligid para hanapin ang dalaga at nakita niya itong nakaupo sa sofa. Karga nito ang sanggol habang pinapainom ito ng gatas. Malinis na din ang sanggol.
“Sino po kayo?” Naagaw ang atensyon ng dalaga dahil sa malakas na tanong ng isang babae.
“Zaver?” Nagulat ito nang makita siya. He smile awkwardly while waving his hands. Tumayo ito saka ibinigay sa isang babae ang sanggol a lumapit sa kanya. “What are you doing here and how did you know this place?”
NASa garden sina Zaver at Sky ngayon. Inilagay ng isang babae ang meryenda nila sa mesa. Bahagya itong yumuko saka tuluyang umalis.
“Paano mo nalaman ang lugar na ‘to?”
Napakamot siya sa ulo. “Nakita kasi kita kanina sa park habang naglalakad-lakad ako kasama ‘yong aso ko.”
“Tapos sinundan mo ako?” Tumawa na lang siya habang tumatango. Napailing naman ito. “Hindi ba sinabi ko sa ‘yo na huwag kang masyadong madikit sa akin dahil baka ka—”
Ngumisi siya dito. “Wala akong balak na mahulog sa ‘yo, no. Pinangako ko na sa sarili ko na kahit kailan ay hindi na ako magtitiwala pa sa mga babae. Baka nga hindi na ako mag-asawa. Ang gusto ko lang ngayon ay i-enjoy ang buhay ko bilang binata.”
“Hanep! Iba talaga ang nagagawa ng sakit.” Napapailing ito. “Anyway, mabuti nang nagkakaunawaan tayo.”
Kinuha niya ang baso na may lamang juice saka ininom ito. Napapatingin siya sa mga batang masayang naglalaro. May mga babae naman na may hawak na sanggol habang nagkukwentohan.
“Lahat ba sila ay nahanap mo sa lansangan?”
Tumango naman si Sky. “Yeah. Iyong iba naman ay iniwan lang sa harap ng gate namin.”
“Sa ‘yo ba ang malaking bahay na ‘to?” tanong niya habang nakatingin sa malaking bahay. Nakakalulang tingnan dahil sa taas nito at laki.
“Nope. Sa lola ko itong bahay, pati na ang lugar na ‘to. Actually, siya ang namamahala sa bahay ampunan na ‘to noong buhay pa siya pero nang mamatay na siya ay ako na ang namahala. Ayoko kasing masayang ang nasimulan na ng lola ko lalo na’t nakakatulong ako sa mga bata na wala ng mga magulang at bahay.” Nakangiti ito nagsasalita habang nakatingin sa mga bata.
“Nagmana ka pala sa lola mo kung gano’n.” Napatingin ito sa kanya. “May mabuting kalooban para sa mga bata.” Tanging ngiti lang ang sinagot nito sa kanya. “Marami bang nagdo-donate dito?”
“Marami din naman. Iyong may mabuti ding kalooban.”
“Pwede ba akong mag-donate dito?” Nagulat ito at hindi makapaniwalang napatingin sa kanya. Biglang sumama ang tingin niya dito. Akala siguro ng dalaga ay nagbibiro lang siya. Napailing na lang siya. “Seryoso nga ako, Sky.” Muli siyang napatingin sa mga bata. “Gusto ko lang din i-share kung anong meron ako. At least magawa man lang din ako ng kabutihan.”
Napatango-tango naman ang dalaga. “Mabuti ‘yan. Ipagpatuloy mo lang ‘yan at balang araw ay babait ka din.” Tumawa ito dahilan para mapanguso siya.
“Mabait naman ako, ah.”
“Sa mga babae.” Napailing ito. Hindi na siya tumutol pa sa sinabi nito dahil may kaunti namang totoo. Kaunti lang naman.
BUONG araw ay nakipaglaro sila sa mga bata. Ang mga nilalaro nila ay ang mga nilalaro nito sa lansangan gaya na lang ng pantentiro, chinese garter, at iba pa. Ngayon lang siya nakaramdam ng ganitong saya sa buong buhay niya.
Kapag napapatingin siya kay Sky na nakikipaglaro sa mga bata ay hindi niya namamalayan na napapangiti na din pala siya. Minsan ay hindi niya maiwasan na mapatulala dito kasabay ng pagbilis nang pagtibok ng puso niya. Napahawak siya sa may dibdib niya.
Am I in trouble again?