Halos takasan na ako ng kaluluwa, dahil sa pagsulpot ng isang puting kotse na pa-balagbag na pumarada sa aking harapan. Natigil ang mga paa ko sa paghakbang at napaatras itong bigla ng lumabas ang tatlong lalaki na pawang may mga baril na nakasuksôk sa kanilang mga baywang.
“S-Sino kayo?” Nahintakutan kong tanong, ngunit, imbes na sagutin ng mga ito ang tanong ko ay mabilis silang lumapit sa akin. Tinangka kong tumakbo, ngunit napakabilis ng mga pangyayari dahil hawak na nila ako sa magkabilang braso at pwersahan na hinatak.
“Bitawan niyo ako!” Naiiyak kong sigaw habang pilit na nagpupumiglas mula sa mahigpit na pagkakahawak nila sa aking mga braso. Nagsimula na akong mag hysterical ng kaladkarin ako ng mga ito papasok sa loob ng sasakyan.
“Tulong! Parang awa nyo na! Tulungan ninyo ako!” Halos mabasag na ang boses ko at kulang na lang ay mapatid ang mga litid ko dahil sa labis na pagsigaw. Ngunit ni isang tao sa paligid ko ay wala man lang nagmalasakit sa tulungan ako. Bagkus ay nagmamadali pa ang mga ito na makahanap ng kanilang mapagta-taguan. Walang hirap na naisakay ako ng mga armadong lalaki sa loob ng kanilang sasakyan.
Nang mga oras na ito ay halos tawagin ko na ang lahat ng mga santo habang magkasalikop ang nanginginig kong mga kamay. Nanatili akong tahimik na umiiyak sa isang tabi habang ang mga seryosong lalaki ay tuwid na nakaupo at ang kanilang mga atensyon ay nasa unahan ng sasakyan.
Hindi ko na alam kung gaano kahaba ang oras na naubos sa tagal ng ibinyahe namin. Nakatulog na ako’t lahat ay patuloy pa rin sa mabilis na pag-andar ang sasakyan. Nangahas akong sumilip sa labas ng bintana upang alamin kung nasaan na kami. Ngunit, tanging ang malawak na lupain ang natatanaw ng aking mga mata mula sa labas ng bintana.
Nalipat ang tingin ko sa unahan ng kotse at sa di kalayuan ay natatanaw ko ang isang malaking bahay na nakatayo sa gitna ng malawak na bakuran. Ito na yata ang tinatawag na hacienda. Napakapayapa ng buong paligid at kung wala lang ako sa ganitong sitwasyon ay mas gugustuhin ko pang dito na lang manirahan.
Kumabôg ang dibdib ko ng pumasok sa malahiganteng gate na bakal ang sinasakyan namin. Binalot ng matinding takot ang puso ko ng makita ko sa paligid ang nagkalat na mga lalaki, pawang may hawak na baril ang mga ito.
Nagsimula na namang tumaas ang tensyon sa katawan ko at halos hindi ko na makontrol ang panginginig ng aking katawan. Pumarada ang kotse sa mismong tapat ng bahay na may ilang dipâ ang layo.
Naunang bumaba ang mga lalaki, “babâ!” Matigas na utos sa akin ng isa sa kanila. Nanginginig sa takot na kumilos ako at kaagad na sumunod dito.
Nagsimula na naman akong magpanik ng hawakan nila ako sa magkabilang braso saka hinatak papasok sa loob ng bahay.
“Pakiusap, pakawalan n’yo na ako. Ano ba ang kailangan ninyo sa akin?” Umiiyak kong tanong habang nagpapatianod sa kung ano ang gagawin nila sa akin.
Marahas na binitiwan ng mga ito ang aking braso at kamuntikan pa akong mapasubsob sa sahig. Mabuti na lang ay mabilis kong naitukod ang aking mga kamay sa lapag. Ngunit, sa pag-angat ng aking mukha ay sumalubong sa aking paningin ang isang babae na nababalot ng mamahaling damit. Agaw atensyon ang mga kumikinang nitong alahas sa katawan habang ang kanyang buhok ay nakapusod sa pinakamataas na bahagi ng kanyang ulo.
Nahigit ko ang aking hininga ng pumihit paharap sa akin ang babae. Sa tingin ko ay naglalaro ito sa edad fifty five pataas. Ang awra nito ay maihahalintulad mo sa isang terror teacher na labis na kinatatakutan ng mga estudyante.
Halos pigil ko na ang aking hininga. Ngunit, ang labis na ikinagimbal ko ay ang isang malakas na sampal mula sa kanya. Sa lakas nito ay bumagsak ako sa sahig. Natulig na yata ang utak ko at nayanig ang buong pagkatao ko. Parang sa sampal na yata nito i-binuhos ang lahat ng kan’yang pwersa.
Nahintakutan na nag-angat ako ng mukha at tumitig sa mga mata nitong nanlilisik dahil sa matinding galit.
“Sa wakas, nagkita rin tayo babae. Akala mo siguro ay habang buhay mo ng matatakasan ang kasalanan mo sa pamilya ko? Huh? Kung nalusutan mo man ang batas ay sisiguraduhin ko sayo na hindi mo ako matatakasan. Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa aking anak.” Matigas ang paraan ng pananalita nito halatang nanggagalaiti ito na para bang gusto na niya akong patayin.
“N-Nagkakamali po kayo ng akala, wala akong kasalanan! Si D-Denice at ang boyfriend niya! Sila ang dapat na tumanggap ng parusa at hindi ako. Inosente ako sa lahat ng mga nangyari- Ah!” Hindi ko na natapos ang sanay sasabihin ko, nang isa na namang sampal ang pinadapo nito sa kanang pisngi ko. Pakiramdam ko ay nag-iinit at nangangapal na ang buong mukha ko.
Hindi pa ako maka recover mula sa sampal na natanggap ko ay sunod niyang hinaklit ang mahaba kong buhok. Napasigaw ako ng hatakin niya ito, mabilis akong napatayo mula sa aking kinauupuan ng sapilitan niya akong hatakin sa buhok.
“Pakiusap tama na po! Maniwala kayo sa akin hindi ako ang may kasalanan ng lahat, hindi dapat ako ang pinaparusahan n’yo ng ganito!”
“Manahimik ka!” Bulyaw niya sa gilid ng mukha ko habang patuloy na kinakaladkad ako patungo sa direksyon ng naka saradong pintuan.
Nilamon ng mga pagmamakaawa at iyak ko ang buong kabahayan ngunit ang Ginang na ito ay matigas ang kalooban, dahil sa labis na pagkamuhi nito sa akin. Binuksan ng tauhan nito ang nakasaradong pinto kaya diretso kaming pumasok sa loob ng silid ng hindi nito binibitiwan ang buhok ko. Ilang sandali pa ay natigilan ako ng tumambad sa aking harapan ang isang lalaki na walang malay na nakahiga sa kama. At tanging swero at fingertip pulse device lang ang nakakabit sa katawan nito.
Pagmasdan mo ang taong tinakasan mo! Pagmasdan mo kung paanong naghihirap ang anak ko ngayon dahil sa kagagawan mo! Habang ikaw ay malayang namumuhay sa labas ng silid na ito, ang anak ko naman ay nakaratay sa kamang ‘yan at walang kasiguraduhan kung magigising pa! Hindi maibabalik ng mga pagmamakaawa mo ang lahat! Kaya bakit ako maaawa sayo!? Naawa ka ba sa anak ko ng takasan mo ang responsibilidad mo sa kanya!?” Nanggigigil nitong pahayag habang mahigpit na sabunot pa rin nito ang aking mahabang buhok.
Wala akong magawa kundi ang umiyak habang nakaluhod sa harap ng nakaratay na lalaki.
Ako na rin ang napagod sa pagmamakaawa ko, kaya mas pinili ko ang manahimik na lang habang humihikbi dahil sa labis na pag-iyak.
“Bilang kabayaran sa kasalanan mo ay pagsisilbihan mo ang anak ko, mananatili ka sa loob ng silid na ito. Huwag mong subukang gumawa ng hindi maganda sa anak ko dahil hindi ako magdadalawang isip na patayin ang mga magulang mo!” Pagkatapos nitong magsalita ay saka niya marahas na binitawan ang buhok ko. Kaagad na tinungo nito ang pintuan at tuluyan ng lumabas ng silid. Sinubukan ko pa itong habulin ngunit ang dahon ng pinto ang sumalubong sa mukha ko.
Pinilit kong buksan ang pinto subalit hindi ako nagtagumpay dahil nakalock na ang doorknob nito. Nanghihina na pumihit ako paharap sa lalaking nakaratay sa kama at dahan-dahan na humakbang ang mga paa ko palapit dito. Pagdating sa gilid ng kama ay maingat na inabot ko ang kamay ng lalaki.
“P-patawarin mo ako, kung alam ko lang na hahantong ang lahat sa ganito ay hindi ko na dapat inako ang lahat. Di sin sanay nakakulong na ngayon ang hayop na Rhed na ‘yun.” Umiiyak kong wika bago dinala ang kamay nito sa pisngi ko na basâ na ng luha.
“Pakiusap, gumising ka na.” Nagsusumamo kong bulong habang pinagmamasdan ang nakapikit nitong mga mata na wari mo ay naghihintay kung kailan ito mumulat.”