MULI na namang namula ang mukha ni Katrina nang makita ang kanyang mga damit na maayos na nakasampay sa loob ng banyo. Nilabhan ng binata ang mga damit niya?
Binata? Paano ka nakakasiguro na binata nga siya, Katrina? tanong ng isip niya. Ewan din niya pero pakiramdam niya ay binata pa naman ito. At may munting saya na sumisibol sa kanyang dibdib dahil doon. And at the same time, hindi niya alam kung bakit nakakadama siya ng hiya rito.
Nagbihis na siya nang makaramdam ng gutom. Inayos na rin niya ang buhok bago marahang lumabas ng cabin. Agad niyang nakita si Cedrick na abala sa kung anong iniluluto nito. Hindi niya napigilan ang sarili, muling pinasadahan ng tingin ang likod nito. Broad shoulders and broad back. Ang mga binti nito na bagaman nasusuotan ng pajama ay tila napakatatag sa pagkakatayo. And dearest, hindi siya particular sa behind ng isang lalaki dahil akala niya ay sa mga babae lang babagay ang mabibilog na pang-upo. Pero ngayon ay nagbago na ang isip niya. Cedrick Valencia had a very nice butt. And he oozed s*x appeal because of that. Hindi na tuloy siya makapaghintay na makita itong nakasuot ng maong dahil alam niyang pakakainin nito ng alikabok ang mga jeans model, lalo pa at nakita na niya ang upper body nito.
Ipinilig-pilig ni Katrina ang kanyang ulo. There you go again, Katrina! Tumikhim siya. “May maitutulong ba ako?”
Lumingon naman sa kanya ang binata. “Yes, please. Pakikuha na lang ang mga plato sa cupboard. Fried rice lang ito. May natira pa akong ulam kagabi. I think kakasya pa naman iyon para sa atin. Is that okay with you?” Itinuro ng binata ang microwave na umaandar na, marahil ay iniinit na nito ang ulam na sinasabi.
“Walang problema.” In fact, kahit ano ay kakainin niya dahil sa nararamdamang gutom. Lalo pa at napakabango ng isinasangag ni Cedrick.
Madali naman niyang natukoy ang cupboard. She set the table. “C-coffee?” alok niya nang mapansin ang thermos at mga lagayan ng kape.
“Sure, thanks.”
Nagtimpla si Katrina ng kape. Kahit sinasabi nila na nasa kanya na ang lahat ay marunong naman siyang gumalaw at hindi siya nasanay na lahat ay iniuutos.
Ilang saglit lamang at magkaharap na sila ng binata sa hapag-kainan. Magana siyang kumain. Kung gutom siya o dahil masarap lang talaga ang kinakain ay hindi alam ni Katrina. “Who made this?” Itinuro niya ang ulam. Ginataang dalag iyon. “Masarap!”
Tumaas ang isang kilay nito. “Masarap? Baka naman binobola mo lang ako, ha?”
“I-ikaw ang nagluto?” nanlalaki ang mga matang tanong niya.
Kumunot ang noo ni Cedrick. “Hindi ko alam kung maiinsulto ako o hindi sa reaksiyon mo. I mean, ano’ng masama kung ako nga? Krimen ba?”
Umiling si Katrina. “Hindi naman sa ganoon. Well, hindi ko lang inaasahan.”
“You should meet my cousin, Charlie. He’s a chef. Siya ang magaling talagang mag…” Nahinto si Cedrick sa pagsasalita at titig na titig sa kanya. “M-magluto.” Natilihan na lang si Katrina nang bahagyang dumukwang si Cedrick. And before she knew it, nasa sulok na ng mga labi niya ang hinlalaki nito. He was wiping something from the corner of her lips. Habang ginagawa iyon ay nakatingin ito sa kanyang mga mata. Unknowingly, bahagyang bumuka ang mga labi niya. Bumaba naman ang tingin ni Cedrick doon. At mula sa gilid ng mga labi niya ay marahang naglandas ang daliri nito sa kabuuan ng kanyang mga labi. Hindi siya nakaramdam ng pagpoprotesta, sa halip ay tila gusto niyang ipikit ang mga mata at namnamin ang munting kilabot na dulot ng ginagawa nito. But she opted to keep her eyes open. Gusto niyang tingnan ang mukha ng binata, gusto niyang pagmasdan ang kaguwapuhan nito.
Cedrick swallowed hard. Tila nagising ito mula sa ginagawa. Bumalik ang binata sa kinauupuan. Nag-iwas siya ng paningin. Something odd happened a while ago. Tila pareho silang nahulog ni Cedrick sa isang balon ng mahika.
Cedrick heaved a sigh. “Should I say, ‘sorry’?”
Kinalma ni Katrina ang sarili. “Nagso-sorry ka dahil pinunasan mo ang dumi sa gilid ng mga labi ko?” aniya bagaman alam niyang hindi iyon ang inihihingi nito ng pasensiya.
“You know what I mea—”
“Saang lugar na ba ito?” putol ni Katrina. Ayaw niyang pag-usapan ang nangyari.
Sandaling tiningnan siya ng binata bago ito sumagot. “Actually, naka-anchor na itong yate sa likod ng isang isla. We’re still in Palawan. Mukhang sa bandang Kanluran ka nagmula dahil pa-Silangan ang agos ng tubig kagabi na siyang tumangay sa rubber raft mo. By the way, bakit nga ba palutang-lutang ka sa dagat? Nasira ba ng masamang panahon ang bangka mo o yate?”
“N-no. Walang bangka na nasira o ano. Ahm, kasi…ano… dahil sa katangahan ko…” nakangiwi niyang sagot.
Gumuhit ang amusement sa mga mata ni Cedrick. Napansin lang niya na kapag ngumingiti ang binata ay umaabot sa mga mata nito ang kasiyahan. At nawala rin ang aroganteng aura nito na siyang inaasahan niya.
“Katangahan mo? How so?”
Napalunok si Katrina. “Sasabihin ko kung bakit pero ipangako mo muna na hindi mo ako tatawanan.”
“Paano kung hindi ko mapigilan ang tawa ko?” naghahamong tanong nito na bahagya pang nakataas ang isang kilay.
Pumadyak siya. “Basta pigilan mo!” Bahagya siyang napaisip sa ikinikilos. Estranghero sa kanya si Cedrick pero bakit tila magaan ang loob niya ngayon sa binata? At bakit tila biglang naglaho ang pagkaasar na naramdaman niya dahil sa inasal nito sa kanya noon sa grocery? Of course, may mga munting pagkailang lalo na kapag naiisip niya na magkatabi sila nitong natulog, but as for the rest, she felt so comfortable with him.
Umakto si Cedrick na tila isini-zipper ang mga labi nito.
“You won’t laugh at me?” paniniguro ni Katrina.
Umiling ito.
Tumikhim siya. “Well, nagsu-swimming kasi ako. I had this big rubber raft with me. `Tapos…” `Tapos bigla kitang nakita sa tubig! Napangiwi siya. Hindi niya sasabihin ang bagay na iyon. Nakakahiya! “`Tapos nakatulog ako. Paggising ko, boom! Wala na akong makita kundi puro kadiliman. Malakas na ang hangin, malalaki na ang alon, at umuulan na rin. I panicked! D-dahil siguro sa sobrang takot kaya nahimatay na ako.” Kinagat niya ang lower lip niya dahil sa pagkapahiya. “Imagine, mamamatay ako dahil lang sa nakatulog ako sa ibabaw ng rubber raft!”
Sa gulat ni Katrina ay bigla na lang isinubsob ni Cedrick ang mukha nito sa mga palad. Pagkatapos ay bahagyang yumugyog ang mga balikat nito.
“Hoy, Cedrick, pinagtatawanan mo ba ako? You promised me you won’t laugh!” nakatikwas ang mga labi na sita niya. Cedrick… She pondered the name. Tila kay sarap bigkasin ng pangalan nito.
Cedrick sat up straight. Tikom pa rin ang mga labi nito pero obvious na ang pagpipigil ng tawa. He was tearing up.
“Cedrick!” kunwa ay nanlalaki ang mga matang sita niya pero sa kaloob-looban ay naku-cute-an siya sa pagpipigil nito ng tawa.
Tumikhim ang binata. Pagkatapos ay ilang beses na huminga nang malalim. “I’m not laughing at you. See?” Itinuro nito ang sariling mukha.
Pinaningkitan niya ng mga mata ang binata. “Nakatulog ako sa rubber raft kaya ako napadpad dito.” She provoked him. Pagkatapos kunwari ay umakto pa siyang nadidiyahe. Tingnan lang niya kung hindi kakawala ang pinipigilan nitong tawa. Kapag tumawa talaga ito ay parurusahan niya ang binata. “Ang tanga ko…”
“I’m not laughing…” sagot naman ni Cedrick bago nagtaas pa ng noo. Pero kinagat na nito ang ibabang labi. At hindi niya napigilan na palihim na sulyapan ang mga labi nito. Bakit ba napaka-charming nito? Bakit lahat ng nakikita niya ngayon ay kapuri-puri?
“Nai-imagine mo ba `yong hitsura ko habang tulog ako sa ibabaw ng rubber raft? Para akong idinuduyan… then I was dreaming—” Napasinghap si Katrina. Dreaming! Yes, she was dreaming! Bumalik sa isip ni Katrina ang kanyang panaginip kung saan kasalo niya sa isang mainit na halik ang isang lalaki. Nanlaki ang mga mata niya, sabay tutop sa kanyang bibig. Pinagpantasyahan niya si Cedrick Valencia!
“What?” ani Cedrick. Nawala na ang pagpipigil nito ng ngiti at tila interesado na sa ano mang sasabihin niya.
Umiling siya.
“Sabi mo you were dreaming? Ano ang napanaginipan mo?”
Ikaw! Tayo! We were kissing passionately! Panay ang iling niya. Sana lang ay hindi mind reader ang binata. At sana ay hindi namumula ang kanyang mukha. “N-na kinakagat na ako ng mga pating. K-kaya rin siguro ako nawalan ng malay, d-dahil sa takot na baka kainin nga ako ng mga pating.” Halos magkandautal na siya sa pagpapaliwanag dito.
Cedrick smiled. That reassuring smile. “You’re safe now.”
Ibinalik ni Katrina ang ngiti ni Cedrick kahit pakiramdam niya ay hindi kayang salubungin ang mga mata nito. “Salamat sa `yo. You were in the right place, at the right time.”
“You’re welcome. Siyanga pala, alam ko na naging rude ako noong una tayong magkita. Ipagpaumanhin mo sana. I had a very bad day that time. Actually, babalik sana ako noon sa supermarket para humingi ng pasensiya kaya lang nakatanggap ako ng emergency call.”
May balak itong balikan siya para humingi ng pasensiya? Nalaglag yata ang puso niya dahil doon. “Hmm, nainis talaga ako sa `yo noon. `Akala ko ay nakilala ko na ang pinakaaroganteng lalaki sa buong mundo. Anyway, sobra-sobra na ang pagliligtas mo sa akin para patawarin kita. You are forgiven. Mas malaki pa nga ang utang-na-loob ko sa `yo ngayon.”
“Thank you. The second time we met, hindi na rin ako nakahanap ng pagkakataon para humingi ng pasensiya. Natulala na lang ako sa `yo. Ang galing mong…sumayaw.”
Nakaramdam ng hiya si Katrina sa papuri ng binata. “A-ako ang talagang nasorpresa sa galing mong sumayaw. Wala naman kasi sa aura mo. Napahiya tuloy ako. Anyway, kalimutan na nga lang natin ang bagay na iyon.”
Ngumiti lang si Cedrick pero tila may kakaibang kislap ang mga mata nito.
PAGKATAPOS kumain nina Katrina at Cedrick ay niyaya siya ng binata na lumabas ng yate. And while she was there, hindi makapaniwala si Katrina na ilang metro mula sa yate ay isla na ang nakikita niya. Itinuro din sa kanya ng binata kung saan siya nakita.
“Wait here, kung narito lang ang isla at doon mo ako nakita…” Itinuro niya ang sinabi nito kung saan siya natagpuan. “Bakit hindi ko nakita iyang isla?” Hindi ganoon kalayo ang isla at sa tingin niya ay magagawa niyang languyin iyon, lalo na kung alam na agad niya na may isla roon, hindi na siya mapapadpad pa ng mas malayo dahil tutumbukin na ng paglangoy niya ang isla.
“Hindi mo talaga mapapansin itong isla dahil sa masama ang panahon at madilim.”
“Ah. Teka, k-kailan ka pa dito sa Pilipinas? I mean, five days ago nang huli tayong magkita sa bar.” Bigla na lang niyang naisipang itanong iyon.
“Umuwi ako sa Pilipinas kinaumagahan niyon.”
Napamulagat si Katrina.
“Hey, ano’ng ibig mong sabihin sa expression mo na `yan?”
Bahagya siyang natawa nang mapagtantong nanlalaki pa ang kanyang mga mata at bahagya pang nakabuka ang kanyang bibig. “Believe it or not pero kinaumagahan din niyon ang flight ko pauwi rito.”
“Whoa!” Cedrick whistled. Si Katrina man ay bahagyang naiiling habang nakangiti. “Kahapon lang ako rito sa Palawan. Actually, dapat ay kasama ko si Roel—my cousin—sa pag-a-island-hopping. Kaya lang ay nagka-emergency siya, so, naiwan ako. Kahapon, nang unti-unti nang sumama ang panahon ay itinago ko na itong yate sa pinakamalapit na islang nakita ko para maprotektahan laban sa malakas na hangin.” Cedrick pouted. “Hmm, pero kung may malay ka pa, pagkalampas mo sa isla, tiyak na mapapansin mo na ang yate dahil may mga ilaw ito,” paliwanag ng binata. And it made sense.
Coincidence or not? Bakit dalawang beses nagsalubong ang mga landas nila sa California? At sa ikatlong pagkakataon ay sa Pilipinas na at nataon pa na pareho silang nasa Palawan at ito pa ang sasagip sa kanya sa panahong kailangang-kailangan niya ng tulong? Bakit ito gumigitaw sa balintataw niya, maging sa kanyang panaginip? Bakit tila pilit pinagtatagpo ng tadhana ang kanilang mga landas?
She can not explain it. May mga tanong na tanging tadhana lamang ang nakakaalam ng sagot. Isa lang ang sigurado niya, palagay na ang loob niya sa binata.
“Katrin…?”
“Huh?”
“I was asking you kung saan kita ihahatid. Baka `kako nag-aalala na sa `yo ang mga kasama mo. Kung hindi mo tanda, gamitin natin itong yate, then, puntahan natin ang malalapit na isla. Baka isa sa mga iyon ang tinutuluyan mo.”
“O-okay. Ganoon na nga lang. Okay lang bang maabala ka?” tanong niya bagaman hindi maipaliwanag ang lungkot na tila lumukob sa kanyang dibdib dahil ihahatid na siya ng binata. Maghihiwalay na sila.
“Hindi mo ako naaabala. It’s my pleasure to be of help.”