NOONG una ay si Samuel lang ang humihila sa lubid. Pero nang mabigatan na ito ay nagpatulong na ito kay Rocco. Sina Candice ay nakamasid lang sa dalawang lalaki. Inihanda na ni Candice ang sarili sa makikita niya oras na makuha na nina Samuel ang nasa dulo ng lubid na iyon. Inisip na niya ang pinaka kalunos-lunos na bagay na makikita niya para hindi na siya masyadong mabigla.
“f**k!” Mura ni Rocco. Nabitawan nito ang lubid at akmang susuka. Sa hula niya ay naiahon na ng mga ito sa tubig ang katawan ni Nikki.
Mabuti na lang ay naging maagap si Samuel at hinigpitan nito lalo ang pagkakahawak sa lubid. Kung hindi ay baka nabitawan nito iyon dahil sa biglang pagbitaw ni Rocco.
“Babe, why?” Mabilis na lumapit si Destiny sa nobyo. Hinamas-himas nito ang likod ng lalaki.
Itinuro lang ni Rocco ang balon at sumilip doon si Destiny. Umasim ang mukha nito at lumayo sa balon. Napaluhod ito sa lupa at sumuka nang sumuka. Lalapit sana siya sa balon para makita ang naroon pero sinenyasan siya ni Samuel na huwag.
Kahit mag-isa na lang at nahihirapan ay hinila pa rin ni Samuel ang lubid. At makalipas ang mahabang sandali ay matagumpay nitong nahila ang bangkay ni Nikki. Bumaligtad ang sikmura niya at napasuka na rin siya. Napasigaw naman si Jillian at muling napaiyak.
Pikit-matang hinawakan ni Samuel ang katawan ni Nikki at tuluyan iyong inialis sa balon. Inihiga nito iyon sa lupa. Kahit ito ay nasusuka na rin. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit ganoon ang naging reaksiyon nina Destiny at Rocco. Gaya ng nasa video ay lagpasan ang butas sa bunganga nito hanggang sa likuran ng ulo. Doon inilusot ang lubid at itinali. Namumutla na ang balat ni Nikki at nakatirik ang mata. Bakas sa mukha nito ang sakit at hirap na naranasan bago ito binawian ng buhay.
“Sino ang may kagagawan niyan kay Nikki?!” tanong ni Destiny.
Walang nakasagot sa kanila dahil walang may alam. Wala siyang maisip na pwedeng gumawa niyon sa kanilang kasama.
Maya maya ay pumagitna si Jillian. Hindi na ito umiiyak bagaman namumugto pa rin ang mga mata. “H-hindi kaya buhay si Aliyah at nasundan niya tayo dito? B-baka iisa-isahin niya tayo! Papatayin niya tayo isa-isa! Ayoko na dito! Aalis na ako!” Naghihisterikal sumigaw.
Akmang tatakbo pero nahawakan niya ito sa braso. “Walang aalis hangga’t hindi natin nasisiguro na nasa balon pa rin na iyan si Aliyah. Nagkakaintindihan ba tayo, Jillian?” Nanlalaki ang mata ni Candice habang titig na titig sa mukha nito.
Nanginginig ang baba ni Jillian sa takot. “P-pero—”
“Nagkakaintindihan ba tayo?” Mariin niyang ulit.
Walang nagawa si Jillian kundi ang tumango. Saka lang niya ito binitiwan at kinausap ang ibang kasama. “Ako na ang bababa sa balon para makuha ang mga buto ni Aliyah. Kung wala akong makukuhang buto, isa lang ang ibig sabihin niyon. Buhay si Aliyah!” Pilit niyang tinatapangan ang sarili.
Natatakot din siyang bumaba sa balon pero dahil alam niya sa sarili na siya ang pinag-ugatan ng lahat ay dapat siya ang bumaba para tingnan kung naroon ba ang mga buto ni Aliyah.
“Mabuti naman at ikaw na ang nag-prisinta na gagawa. Ikaw naman talaga at wala nang iba!” Pagtataray ni Destiny na hindi na lang niya binigyan ng pansin.
Nilapitan siya ni Samuel. “Sigurado ka ba kaya mo, hon?” tanong nito
Tumango siya. “Walang ibang dapat gumawa nito kundi ako lang.”
“Pwede naman na ako. Baka kung ano ang mangyari sa iyo.”
“Pakihanda na lang ang gamit para matapos na.”
Tinitigan siya ng kaniyang nobyo. “Mag-iingat ka. Huwag kang mag-alala, ako ang mag-aalalay sa iyo dito sa itaas kapag nasa ibaba ka na.” Niyakap siya nito saglit at kinuha nito kay Jillian ang bag kung saan nakalagay ang mga gagamitin niya para makababa sa balon.
“ALEXANDER, nakita mo ba `yong—”
Mabilis na umalis si Alexander sa ibabaw ng babae na nakahiga sa kama. Magkahalikan sila at kapwa wala nang saplot nang dumating ang kaniyang asawa. Kulang na lang ay mapatalon siya sa kama sa bigla nitong pagdating. Ang akala niya kasi ay umalis na ito para magpunta sa bayan. Schedule kasi ng check up nito. Hindi niya ito sinamahan dahil ang katwiran niya ay masama ang kaniyang pakiramdam. Ngunit hindi iyon totoo. Nais lang niyang masolo ang kaniyang babae.
Natigalgal ang asawa ni Alexander habang nakatayo sa may pinto ng kwarto. Mabilis na naglaglagan ang mga luha nito.
“A-ano ito? Alexander? Magpaliwanag ka…” Mapait na sabi pa nito.
Kinuha ng babae niya ang kumot at ibinalot ang sariling kahubdan gamit iyon. Siya naman ay nagsuot ng short at nilapitan ang asawa.
Hinawakan niya ito sa kamay. “M-matagal ko na itong gustong sabihin sa iyo. Natatakot lang ako—”
“S-sabihin ang ano?”
“May iba na akong mahal. Hindi na ikaw ang mahal ko.”
“Ano bang sinasabi mo, Alexander?! Magkakaroon na tayo ng anak at magpapakasal na tayo!”
“Ayokong magpakasal sa iyo. Hindi na ikaw ang gusto kong makasama sa bahay na ito. Huwag kang mag-alala dahil hindi ko kakalimutan ang responsibilidad ko sa magiging anak natin.
Tinabig nito ang kamay niya. “Hayop ka! Minahal kita, Alexander! Pumayag akong makisama sa iyo kahit hindi pa tayo kasal. Tapos ngayon ka pa magloloko kung kailan magkakaroon na tayo ng anak!” bulyaw nito sa kaniya habang lumuluha.
“Mas mabuting tapusin na natin ito… Lumayas ka na.”
“Narrinig mo ba ang sinasabi mo? Pinapalayas mo ako dahil lang sa babaeng mo?!”
“Hindi ko siya babae! Mahal ko siya!”
Natigilan ang kaniyang asawa. Maya maya ay bigla itong lumuhod sa harapan niya at niyakap siya sa isa niyang binti. “Nagmamakaawa ako sa iyo, Alexander! Huwag mo akong palayasin. W-wala na akong pupuntahan! Nakikiusap ako sa iyo. Kahit hindi na lang para sa akin. Kahit para na lang sa magiging anak natin—”
“Lumayas ka na sabi!” Nagdilim ang paningin ni Alexander at iwinasiwas niya ang binting yakap nito. Nang makabitaw doon ang babae ay bigla niya itong nasipa sa bandang tiyan.
Sa lakas ng pagkakasipa niya ay tumalsik ang babae ay napahiga sa sahig. Nanlaki ang mata niya nang may makitang dugo na umaagos sa binti nito. Nanginginig na tumayo ang babae habang nakatingin sa dugong umaagos sa binti.
Nanlilisik ang mga mata na tumingin ito sa kaniya. “Wala kang kasing sama, Alexander! Isa kang demonyo! Kapag may nangyaring masama sa anak ko, hindi kita mapapatawad!” Umaapoy sa labis na poot ang mga mata nito. Nakakatakot!
“Ang kulit mo kasi! Hindi ka pa umalis dito!”
Tumiim ang bagang ng babae. “Aalis ako pero isinusumpa ko, babalik ako! At sa pagbabalik ko na iyon, hihilahin kita sa impyerno at ihaharap kita sa mga demonyong katulad mo! Isinusumpa ko!!!” Malakas nitong sigaw.
IPINILIG ni Alexander nang bahagya ang ulo para alisin sa ulo niya ang bahaging iyon ng kaniyang nakaraan. Nasa bungad siya ng pinto ng kwarto ng dati niyang asawa doon. Tila hanggang ngayon ay naririnig pa rin niya ang huling sinabi ng asawa niya noong umalis ito sa kaniyang bahay. Babalik daw ito. Ilang taon na ang lumipas pero hindi nito ginawa ang bagay na iyon. Hindi na ito bumalik pa kailanman.
Hindi niya tuloy maiwasan na isipin kung ano na ang nangyari dito at sa anak nila. Nabuhay ba ang bata? Hindi man siya sigurado na buhay ang anak nila ay iniisip na lang niya na buhay. Nang sa gayon ay hindi siya binabagabag ng kaniyang konsensiya…
KINABITAN na si Candice ni Samuel ng harness sa beywang. Nilagyan na rin iyon ng lubid na siyang hahawakan ni Samuel para maibaba siya ng ligtas sa balon. Nagpalit na rin siya ng damit. Isang fitted na short at lumang t-shirt na medyo fit din sa kaniya upang makakilos siya ng maayos. Masikip kasi ang balon at isang tao lang ang kasya. Dapat ay kumportable ang kaniyang kasuotan.
Umupo na siya sa gilid ng balon at naghanda na sa pagbaba.
“Basta, mag-iingat ka, hon. Ako na bahala sa pag-alalay. Dahan-dahan lang. Okay?” Paalala ni Samuel sa kaniya.
“Salamat, hon. Sige na, bababa na ako,” aniya.
Maingat siyang bumaba habang nakaalalay si Samuel sa lubid na nakakabit sa kaniya. Unti-unti nito iyong ibinababa para marahan siyang makababa. Habang pababa na siya ay palakas na rin nang palakas ang kaba na nararamdaman niya. Kung sakali ay ito ang kauna-unahang pagkakataon na makakahawak siya ng buto ng isang tao. Merong nakataling bag sa kaniyang beywang. Doon niya ilalagay ang mga buto kung meron siyang makukuha.
Gumapang ang labis na lamig sa buong katawan ni Candice nang dumaiti na ang paa niya sa tubig ng balon. Hindi niya maiwasang kilabutan dahil naroon kanina ang katawan ni Nikki. Halos kulay berde na ang tubig dahil sa lumot. Hindi rin maganda ang amoy. Parang nabubulok na daga na hindi niya mawarian. Pinilit na lang niyang huwag masuka.
Hinila niya ng dalawa ang lubid. Senyales iyon na nasa tubig na siya. Nagulat siya nang mabilis siyang lumubog sa tubig. Ngayon ay hanggang dibdib na niya ang tubig pero hindi pa rin niya nararamdaman sa paa niya ang pinaka ilalim ng balon. Ibig sabihin ay lampas sa ulo niya ang lalim ng tubig?
“Ibababa pa ba kita?” tanong ni Samuel.
Nakadungaw sa kaniya ang lahat at pinapanood siya.
“Malalim ang tubig. Ibaba mo pa ng kaunti ang lubid.” Umaalingawngaw sa loob ng balon ang boses niya.
Ibinaba pa ni Samuel ang lubid. Ngayon ay hanggang leeg na niya ang tubig.
“Okay na?”
Pilit niyang kinapa ang pinaka ilalim pero wala pa rin siyang nakakapa. “Kulang pa!”
“Pero kakaunti na lang ang lubid na natitira.”
“Dugtungan ninyo! Pakibilisan lang, please!” Hindi niya alam pero natatakot na siya. Nahihirapan na rin siyang huminga dahil sobrang sikip ng balon. Dagdag pa ang lamig ng tubig.
Medyo naghintay muna siya ng ilang segundo bago tuluyang nadagdagan ang haba ng lubid. Tuluyan na siyang lumubog sa tubig pero mabilis din siyang umahon at nagpalutang-lutang. Mabuti na lang at marunong siyang lumangoy.
“Ayos ka lang ba, hon?” May pag-aalalang tanong ni Samuel. “Kung hindi mo na kaya ay ako na ang bababa diyan.”
“Hindi na. Bigyan mo pa ako ng malaking allowance ng lubid para makasisid ako sa ilalim!”
“Sige. Okay na!”
Huminga nang malalim si Candice. Hindi niya alam kung gaano pa kalalim ang tubig sa balon kaya kailangan niya ng maraming hangin. Inihanda niya ang sarili sa pagsisid. At nang naramdaman niyang handa na siya ay inilubog na niya ang sarili sa tubig. Sumisid siya nang sumisid.
Pumailalim siya hanggang sa natapakan na niya ang pinaka ilalim ng balon. Gamit ang dalawang kamay ay kinapa niya kung ano ang meron doon. Sobrang labo kasi ng tubig kaya hindi niya makita. Hanggang sa may mahawakan siyang tila bungo ng tao! Inalis niya agad ang kamay dahil sa sobrang kilabot. Pero hindi siya dapat matakot ngayon. Dapat niya iyong paglabanan.
Kaya kahit nandidiri at natatakot at kinuha niya ang bungo na nahawakan at isinilid iyon sa bag na nakakabit sa kaniya. Nangapa pa siya at lahat ng bagay na kaniyang nahahawakan ay inilalagay niya sa bag. Kahit kapos na siya sa hangin at parang sasabog na ang dibdib ay ayaw talaga niyang umahon. Ayaw na kasi niyang lumubog ulit doon kaya tinitiis na lang niya. Silid lang siya nang silid sa bag ng kaniyang nakakapa at nahahawakan.
Nang sa tingin niya ay wala na siyang nakakapa ay saka lang siya lumangoy paibabaw. Agad siyang sumagap ng hangin ang marating na niya ang ibabaw. Pagtingin niya sa itaas ay nagtaka siya dahil wala na doon sina Samuel.
Nasaan na ang mga kasama niya?
“Samuel?! Hilahin niyo na ako! Nakuha ko na ang mga buto!” Malakas niyang sigaw pero walang sumagot sa kaniya. Doon na siya medyo kinabahan.
Inulit niya ang pagtawag sa mga kasama pero wala talagang sumasagot. Hanggang sa makita niyang itinapon ang lubid sa balon. Sino ang gumawa niyon? Paano pa siya makakaalis sa balon kung itinapon sa loob ang lubid na nakakabit sa kaniya?
“Hindi na kayo nakakatuwa! Ano ba?! Gusto ko nang umalis dito!” Pilit niyang nilalabanan ang takot na nakalukob sa kaniya.
At ganoon na lang ang takot niya nang may isang babaeng dumungaw sa kaniya sa balon. Walang iba kundi si Aliyah! Ang mas nakakatakot pa ay naaagnas na ang buong mukha nito. May maliliit na kulay puting uod na nagpipiyesta doon. Nahulog pa sa mukha niya ang ilan nang dumungaw si Aliyah. Nandidiring inalis niya ang mga uod na nalaglag sa kaniyang mukha.
Malaki ang ngiti ni Aliyah pero kilabot ang hatid ng mga ngiting iyon sa kaniya. Sumampa ito sa gilid ng balon at akala mo ay isang gagamba na bumaba. Hindi niya alam kung paano nito iyon nagagawa pero ang tanging nasa isip niya ay ang makaalis sa loob ng balon!
“Saklolo! Tulungan ninyo ako!” takot na takot na sigaw niya. Ganoon na lang ang pagtaas ng balahibo niya dahil sa hitsura ni Aliyah at sa paraan nito ng pagbaba sa balon. Papalapit na ito sa kaniya at hindi niya alam ang gagawin. Paano ba naman kasi siya makakatakas dito kung wala na siyang iba pang mapupuntahan?
At isang malakas na sigaw ang pinakawalan niya nang biglang tumalon si Aliyah sa tubig!