“AYOKO! Lumayo ka sa akin!” Malakas na sigaw ni Aliyah.
May yumugyog sa katawan niya at saka siya nagising. Nahihintakutan siyang luminga sa paligid upang masiguro na panaginip lang ang lahat. Nasa bus pa rin siya at katabi pa rin niya si Rocco. Nakahawak ito sa braso niya at may pagtataka sa mukha.
“Ano’ng nangyari sa iyo? Bigla ka na lang sumigaw,” ani Rocco.
Naisapo niya ang dalawang kamay sa ulo. Isinuklay niya ang mga daliri sa kaniyang buhok. “W-wala. May napanaginipan lang ako,” sagot niya at isinandal niya ang likod sa upuan.
Ang totoo ay pangalawang beses na niyang napanaginipan iyong babaeng nakasuot ng kulay pulang damit. Hinahabol pa rin siya nito at itinutulak sa malalim na balon. Nakakatakot dahil parang totoo ang panaginip niyang iyon. Hanggang ngayon nga ay nanginginig pa rin nang bahagya ang katawan niya sa takot. Hindi naman niya masagot kung sino ang naturang babae dahil madilim ang mukha nito.
“Ang ingay naman! Walang konsiderasyon sa mga natutulog.” Nag-init ang ulo ni Aliyah sa pagpaparinig na iyon ni Candice.
“Shut up, b***h!”
“Aliyah! Hindi kayo allowed na gumamit ng ganiyang mga salita!” saway sa kaniya ni Teacher Annie na kahit nasa unahan ay narinig ang sinabi niya. Napalakas kasi ang pagsasalita niya dahil sa inis.
“`Ayan… Nalalaman na nila ang tunay mong kulay, Aliyah. Ang ahas kasi kahit magbalatkayo lalabas pa rin ang pagiging ahas.”
“Tumigil ka nga diyan. Bitter b***h!” Hinanaan na lang niya ang pagsagot kay Candice at baka mapagalitan na naman siya ng kanilang guro.
Isang mahinang tawa na lang ang pinakawalan ni Candice. Hindi na ito umimik. Siya naman ay isinandal na lang ang ulo sa balikat ni Rocco. Maliwanag na sa labas pero inaantok pa siya. Ang aga niya kasing nagising. Hinayaan na lang niya ang sarili na mapaidlip dahil paniguradong mamaya ay hindi na niya iyon magagawa dahil sa mga activities na gagawin nila.
HUMINTO ang bus na kinasasakyan nina Aliyah sa isang eatery. Inabot na kasi sila ng alas diyes ng umaga pero bumabyahe pa rin sila. Marami ang umungot na gutom na kaya nagdesisyon si Teacher Annie na sandali silang kumain sa isang kainan.
Akala mo ay mga baboy na pinakawalan sa kulungan na bumaba ang mga kaklase ni Aliyah. Hindi na sila nakisabay sa mga ito. Saka lang sila bumaba nang kakaunti na lang ang bumababa. Habang pababa ng bus ay napalingon siya sa likuran at nakita niya na kasunod lang pala niya si Candice.
Agad siyang nakaisip ng paraan para inisin ang kaaway.
Tumigil si Aliyah nang nasa pintuan na siya ng bus. Nasa unahan niya sina Rocco, Nikki, Destiny at Jillian na nakababa na.
“Rocco… baby…” Maarteng tawag niya sa nobyo.
Lumingo ito sa kaniya. “Bakit?”
“Kargahin mo naman ako pagbaba. Ang taas kasi ng steps, e…”
Dinig na dinig niya ang pagbuntunghininga ni Candice. “Ang arte!” bulong pa nito.
Siyempre, natuwa naman siya dahil doon pa lang ay nagtagumpay na siya sa balak na inisin si Candice. Pero kulang pa iyon. Ang nais niya ay `yong uusok ang ilong nito sa sobrang inis!
“Kaya mo naman iyan, e. Nakaakyat ka nga kanina diyan tapos ngayon hindi ka na—”
“E, basta! Gusto ko kargahin mo ako!” giit niya. “Magagalit ako sa iyo niyan, baby.” Mas lalo pa niyang inartehan ang pagsasalita.
“Teka naman, o. May dadaan. Pwede bang mamaya na kayo maglandian?” inis na sabi ni Candice.
“Baby, sige na. Kargahin mo na ako. Please…” Kunwari ay hindi niya narinig ang pagsasalita ni Candice sa kaniyang likuran.
“Pakaarte!” pakli pa nito.
Naiiling na lumapit si Rocco sa kaniya. Halata sa mukha nito na napipilitan lang ito. Itinaas nito ang dalawang kamay para kargahin siya. “Halika ka na at may mga bababa pa.”
“Hayaan mo nga sila. Maghintay sila!” irap ni Aliyah. “Baby, ayoko ng ganiyan na karga…”
“Pakibilis naman. Kakain pa kami!” reklamo ni Candice.
“Kakain? E, wala ka namang pera. Maghintay ka diyan!” asik ni Aliyah. Muli niyang pinagtuunan ng pansin si Rocco. “Ayoko ng karga na ganiyan, baby.”
“Paano ba?” kakamot-kamot ito sa likod ng ulo.
“Gusto ko iyong katulad sa mga pelikula. Iyong… sasampa ako sa likod mo tapos—Ayyy!!!” Hindi na nagawa pang tapusin ni Aliyah ang sasabihin dahil bigla siyang itinulak ni Candice.
Sa lakas ng pagkakatulak nito ay tumilapon siya. Ang akala niya ay sasaluhin siya ni Rocco pero umiwas ito. Natakot yata na mabagsakan niya. Kaya imbes na maging ligtas siya ay sumubsob siya sa lupa. Unang tumama ang nguso niya at kumuskos pa iyon sa bato. Sinapo niya ang nguso at pagtingin niya sa kamay ay may bahid iyon ng dugo.
Nanlalaki ang mata na tumayo siya at hinarap si Candice. Nilampasan lang siya nito na parang wala itong ginawa.
“Hoy!” Malakas na sigaw ni Aliyah.
Huminto si Candice sabay lingon. “Ako ba ang tinatawag mo?”
“Tarantada ka! Bakit mo ako tinulak?! Tingnan mo ang ginawa mo sa akin!”
“Gaga ka pala, e! Gutom na gutom na ako ayaw mo pang umalis sa daraanan ko. Dapat lang sa iyon `yan. Ang arte-arte mo!”
“b***h!!!” gigil niyang sigaw. “Hawakan niyo ang babaeng iyan!” utos niya kina Destiny.
Tila nag-alinlangan pa ang tatlo na sundin siya pero tumalima din naman agad ang mga ito. Hinawakan nina Destiny at Nikki ang magkabilang kamay ni Candice. Gaganti siya! Hindi pwedeng hindi. Dumugo ang nguso niya dahil sa pagtulak nito at hindi niya iyon papalampasin.
Bago siya lumapit dito ay tiningnan niya nang masama si Rocco. Masama ang loob niya sa kaniyang nobyo dahil hindi siya nito sinalo. Pakiramdam nga niya ay hinayaan talaga siya nitong masubsob sa lupa, e.
Marahan siyang naglakad palapit kay Candice. Nagpupumiglas pa ito pero hindi nito magawang makawala dahil sa higpit ng pagkakahawak nina Destiny at Nikki. Si Jillian ay nasa likod lang ni Candice. Tama iyon dahil baka makawala ito at makatakbo. Mabuting nakaharang doon si Jillian.
“Alam mo, ikaw, dapat hindi ka na sumama dito, e!” ani Aliyah habang nakatayo sa harapan ni Candice. Matalim ang mata nito sa kaniya pero hindi siya nagpapasindak doon. Humalukipkip siya. “Masyado mo lang akong iniinis! Tingnan mo itong nguso ko! b***h ka talaga!”
“Dapat lang sa iyo `yan—”
Isang malakas na sampal ang nagpatigil sa pagsasalita ni Candice. Maarte niyang iwinagayway ang palad na pinangsampal dito. “Ouch… Sa tigas ng mukha mo, pati ako nasaktan nang sampalin ka!” pangungutya niya. Naningkit ang mata ni Aliyah. “Alam mo, amoy na amoy ko ang kapaitan sa iyo, candice. Pero sabagay, naiintindihan naman kita. Ikaw ba naman na iniwan ng friends at boyfriend mo para sa akin, e, magiging bitter ka talaga. Tapos tinalo pa kita sa Miss RNHS. `Di ba? Kaya imbes na mainis ako sa iyo siguro dapat ay maawa na lang ako sa iyo. I pity you!”
Pagkatapos niyang magsalita ay biglang nawala ang pagkakahawak nina Destiny at Nikki sa mga kamay ni Candice. Hindi siya naging handa sa sampal nito sa kaniyang kanang pisngi. Pakiramdam niya ay humiwalay ang ulo niya sa kaniyang leeg sa sampal na iyon.
Hindi pa man siya nakaka-recover sa sampal ay isa na namang sampal ang pinakawalan ni Candice. Sa kaliwang pisngi naman niya.
“Dalawang sampal! Para magising ka sa katotohanan, Aliyah! Lahat ng sinasabi mong napunta sa iyo ay panandalian lamang! Tandaan mo iyan!” galit na sigaw ni Candice sa kaniya.
Nang maglakad ito papunta sa kainan ay hinayaan na lang niya ito.
Nahilo siya sa sampal ni Candice. Tigalgal pa rin siya at hindi makagalaw.
Nag-aalalang nilapitan siya ng tatlong kaibigan na babae.
“Are you okay, Aliyah?” tanong pa ni Destiny.
“Okay?! Pagsasampalin ko kaya kayo ng tig-dadalawa tapos tatanungin ko kayo ung okay lang kayo?! At bakit ninyo pinakawalan si Candice?! Sinadya niyo ba iyon?!”
Umiling si Nikki. “Of course not. Masyado lang talagang malakas si Candice. Gusto mo bang isumbong natin siya kay Teacher Annie?”
“Hindi na. Ako na ang bahala sa babaeng iyon. Kung inaakala niyang tapos na ako sa kaniya ay nagkakamali siya!”
“Here…” Inabutan siya ni Rocco ng puting panyo. “Punasan mo `yang dugo mo sa bibig. Magtataka si Teacher Annie kapag nakitang may dugo ka. Ayaw mo naman magsmbong sa kaniya, e.”
Masama pa rin ang loob na kinuha niya ang panyo at pinunasan ang bibig na may dugo. Matapos iyon ay pumasok na silang lima sa kainan. Medyo nagugutom na rin kasi siya. Sa tingin niya kasi ay ilang oras pa silang babyahe kaya kailangan na mayroong laman ang tiyan niya.
ISANG takal ng kanin, isang order ng adobong baboy, libreng sabaw at isang softdrinks para panulak—iyan lang ang inorder ni Candice sa eatery para makatipid siya. May sapat naman siyang pera pero iniisip pa rin niya na magtipid. Para kung sakaling may matira sa pocket money niya ay maiipon niya ang pera.
Nakalagay lahat sa isang tray na bakal ang binili niya. Umalis na siya sa counter dala ang tray matapos magbayad. Huminto siya saglit para maghanap ng pwede niyang pwestuhan. Nakakita naman agad siya ng isang lamesa na isang tao lang ang nakaupo. Isang lalaki. Hindi nga lang niya makita kung sino dahil nakatalikod ito sa gawi niya. Doon na lang niya naisip na umupo dahil mag-isa lang naman ito. Isa pa, papayag naman ito at kaklase niya iyon.
Marahan na naglakad si Candice. Alalay lang ang bawat hakbang niya at maingat ang pagkakahawak niya sa tray dahil baka matisod siya. Halos dikit-dikit kasi ang mga lamesa at makipot ang kaniyang dinaraanan.
Ilang hakbang na lang at malapit na siya sa lamesang nakita niya. Paghakbang niya ay bigla na lang may humaran na paa sa daraanan niya. Dahil inakala niya na walang paa na haharang ay huli na para maiwasan niya iyon. Natisod siya sa paa at nawalan siya ng balanse. Padapa siyang natumba at tumilapon sa sahig ang pagkain na nasa tray niya!
Kumalat ang kanin at ulam niya. Ang sabaw ay tumapon katabi ng softdrinks niya na nasa bote. Mabuti na lang at walang nabasag sa dala niya kung hindi baka magbabayad pa siya.
“Ang pagkain ko!” bulalas niya.
Naramdaman ni Candice ang maraming mata na nakatingin sa kaniya. Paglinga niya ay nakita niya ang mga kaklase niya na sabay-sabay na inilayo ang tingin.
“Ay, tatanga-tanga kasi…” boses iyon ni Aliyah. Hindi siya maaaring magkamali. Ito ang nagharang ng paa para madapa siya.
Tiningnan niya ito nang masama habang mataray itong nakangiti.
“Kawawa ka naman. Wala ka nang food…” palatak nito sabay ilong. “Okay lang iyan. Sanay ka naman na magtiis ng gutom, `di ba?”
“`Tang ina ka!” malutong niyang mura kay Aliyah na tinawanan lang nito.
Hindi na siya nag-abalang sagutin si Aliyah dahil wala pa siya sa mood na makipag-away dito nang matindi. Hahayaan niya muna na maging masaya ito sa pagpapahirap sa kaniya dahil mamaya lang ay matatapos na ang kasiyahan nito!
Kinuha ni Candice ang mga kalat at inilagay iyon sa tray. Wala na siyang pagpipilian kundi ang bumili ulit ng bagong pagkain. Habang ginagawa niya iyon ay naririnig niya ang tawanan nina Aliyah at ng mga kaibigan niya. Sa loob niya ay tinatawanan niya si Aliyah. Paniwalang-paniwala ito sa pagpapanggap nina Destiny, Jillian at Nikki. Kung alam lang nito na pina-plastik lang siya ng tatlo para maisagawa niya ang kaniyang plano.
Matapos mailigpit ang kalat ay ibinalik na niya iyon sa may counter. Bumili ulit siya ng pagkain. Mabuti na lang ay mabait ang may-ari at hindi na siya pinaglinis. May inutusan itong babae para gawin iyon.
Umiwas siya sa table nina Aliyah. Umikot na lang siya at pinuntahan na ang table na may isang lalaking kumakain.
Pagkalapag niya ng tray niya ay napasimangot siya nang makita kung sino ang lalaking naroon. “Trevor…” Nakangiwi niyang bulalas.
“Uy, Candice! Upo ka na,” anito Trevor sabay linga. “Wala ka nang pwesto. Dito ka na lang sa table ko. Tutal, parehas naman tayong bully at mahirap.” Tatawa-tawa pa nitong sabi.
“Pwede ba? Magkaiba tayo! Huwag mo akong itulad sa iyo!”
Tuluyan na siyang umupo. Ayaw man niyang makasabay sa pagkain si Trevor ay wala naman siyang pagpipilian. Wala nang ibang bakanteng pwesto kundi sa table nito.
“Ito naman. Ang sungit! Crush pa naman kita!”
Napahinto si Candice sa akmang pagsubo sa sinabi ng kaharap. “Nakakawala ng ganang kumain, Trevor. Pwede bang tumahimik ka na lang diyan? Kumakain ako, e!” irap niya.
“Pwede na naman kitang ligawan. Break na naman kayo ni Rocco,” pangungulit ni Trevor. “Tingnan mo nga sila ni Aliyah, o. Ang sweet nilang dalawa. Feeling ko silang dalawa na forever.”
Hindi napigilan ni Candice na hindi sulyapan ang table nina Aliyah. Sinusubuan ni Rocco si Aliyah at halatang kilig na kilig ito. Kulang na lang ay tumirik ang mata sa kilig.
“See? Ang sweet nilang dalawa!”
“Hindi pa kami break ni Rocco. Okay?” Mataray niyang pahayag.