ANG malakas na tunog ng alarm clock ang gumising kay Candice. Bahagya lang na bumukas ang mata niya para tingnan kung anong oras na ba. Alas kwatro pa lang ng umaga. Bakit ba tumutunog ng ganitong oras ang kaniyang orasan? Sabado ngayon. Walang pasok.
Sabado? Sabado… paulit-ulit na umaalingawngaw sa utak niya.
“s**t!” mura ni Candice sabay balikwas ng bangon. Naalala na niya na ngayon nga pala ang school trip nila. Kaya siya nag-alarm ng ganitong oras ay dahil doon.
Hindi siya pwedeng hindi makasama sa school trip dahil sa event na iyon niya isasagawa ang kaniyang binabalak kay Aliyah. Mabuti na lang at naalala niya. Nagmamadali siyang bumangon at nag-ayos ng gamit.
Inilihim nila kay Aliyah na sasama siya para makampante ito. Baka kasi isipin nito na may binabalak siya kapag alam nitong kasama siya sa school trip. Aatake siya nang hindi ito handa para mas masaktan niya ito. Aatake siya sa oras na hindi nito inaasahan.
“Sinu-sino sa inyo ang nakabayad na para sa school trip?” tanong ni Teacher Annie kahapon bago matapos ang kanilang klase.
Lahat ng kaklase ni Candice ay nagtaas ng kamay maliban lang sa kaniya.
Agad naman siyang napansin ni Teacher Annie. “Candice, hindi ka makakasama? Sayang naman. May dagdag grades pa naman sa lahat ng subject ang sasama,” paalala ng guro.
Umiling si Candice. “Hindi ko na kailangan ng dagdag na grades. Kaya kong mag-aral at maging first honor this year nang hindi sumasama sa school trip.” Umugong ang bulungan ng mga kaklase niya.
Pauwi na si Candice nang harangin siya nina Aliyah at ng tatlo niyang kaibigan.
“Gusto mo bang ako na ang magbayad ng contribution mo sa school trip, Candice? Alam ko naman na wala kang pambayad kasi mahirap ka pa sa daga! Kawawa ka naman kasi, e!” Kunwari’y mabait na tanong ni Aliyah sa kaniya. Malungkot ang mukha nito pero sa mata nito ay nababanaag niya ang panlalait at pagtawa.
Nag-uuyam siyang ngumiti. “Huwag na. Kung makapagsabi ka ng ikaw na magbabayad ay parang ang yaman-yaman mo naman. Itabi mo na lang ang perang iyon. Thank you na lang!” pabalang niyang sabi at naglakad na siya. Binangga pa niya ang balikat ni Aliyah pagdaan niya sa gilid nito.
“Sige, huwag ka na lang palang sumama! Para naman walang istorbo sa amin ni Rocco! For sure, mamamatay ka lang sa inggit kapag nakita mo ang ka-sweet-an namin!” pahabol na sigaw pa ni Aliyah.
Hindi na lang siya sumagot at nagpatuloy lang siya sa paglalakad. Itinaas na lang niya ang isang kamay at nag-dirty finger dito.
Totoo naman ang sinabi ni Aliyah. Wala naman talaga siyang pambayad para sa school trip. Pero ang hindi nito alam ay nag-ambagan na kahapon sina Nikki, Destiny at Jillian bago mag-uwian. Ang tatlo ang nagbayad para lamang makasama siya. Binigyan din siya ng mga ito ng pera na pam-pocket money. Ganoon ka-loyal ang tatlo sa kaniya.
Hindi na siya makapaghintay na makita ang magiging reaksiyon ni Aliyah kapag nalaman nitong kasama pala siya sa school trip. Lalo na kapag isiniwalat na nila dito na nagpapanggap lang sina Jillian, Destiny at Nikki na kakampi nito! Guguho talaga ang mundo nito mamaya!
Matapos makapag-ayos ng sarili ay ang mga gamit na dadalhin naman ang inayos niya. May pera naman siya kaya hindi na niya kailangang magluto ng baon. Kasya naman iyon siguro para makakain siya sa mga restaurant o kung ano mang kainan na pwede sa pupuntahan nila. Kung magkulang man ang pera niya, sigurado naman na bibigyan siya ng mga kaibigan niya. Kahit kailan ay hindi naman siya pinabayaan ng mga ito.
Paglabas niya ng kwarto ay naabutan niyang nagkakape ang Tito Ruben niya.
“Gising ka na pala, tito,” aniya.
“Nagising ako sa alarm mo, e.”
“Pasensiya na po. Ngayon kasi ang school trip nain sa Quezon. Kailangan kong magising ng maaga at baka maiwanan ako ng bus.”
“Ayos lamang.” May hinugot ito sa bulsa. Pera. “O, limang daan. Para may baon ka.”
“Huwag na, tito. Meron na naman ako,” tanggi niya.
“Sige na. Tanggapin mo na.” Tumayo ito. Kinuha ang isa niyang kamay at isiniksik doon ang pera.
Napatulala si Candice. Isang senaryo sa kaniyang nakaraan ang biglang pumasok sa kaniyang utak. Isang lalaki ang nag-abot ng pera sa kaniya.
“Dahil hindi ka nagsusumbong, iyan ang pera…” sabi ng lalaki sabay siksik ng bente pesos sa nakasarado niyang kamay.
Kumurap-kurap siya upang alisin ang alaalang iyon.
“Mag-iingat ka doon, Candice. Bukas din naman ng umaga ang balik ninyo, `di ba?”
“O-opo, tito,” sagot niya. Halos hindi siya makatingin sa kausap.
ALA-SINGKO na ng umaga. Bahagya nang nakasilip ang araw para magbigay ng liwanag sa paligid. Nakaupo na si Aliyah sa upuan niya sa bus. Katabi niya si Rocco na natutulog. Nasa pandalawahan silang upuan. Sa katapat nila nakaupo sina Destiny, Jillian at Nikki. Eksaktong pantatluhan naman ang kinauupuan ng mga ito. Masaya siyang nakikipagwentuhan sa tatlo.
Maingay sa loob ng bus dahil lahat ay may kaniya-kaniyang kausap.
“Aba! Aba! Ang iingay ninyo! Para kayong hindi nagkita-kita ng isang taon, a!” bulyaw ni Teacher Annie na kakasampa pa lang sa bus.
Tumahimik naman silang lahat.
“Kumpleto na ba kayong lahat? Para makaalis na tayo. Mahaba-haba din ang oras ng biyahe natin papuntang Quezon Province.” Walang sumagot sa kanila. “Okay, mag-roll call na lang ako para sigurado.”
Isang papel ang kinuha ni Teacher Annie. Isa-isa na silang tinawag nito.
Labis ang kasiyahan ni Aliyah dahil hindi kasama si Candice sa school trip. Ito lang ang natatanging hindi makakasama sa section nila. Atleast, walang mangugulo sa kanila ni Rocco. Kahit na gusto niya itong pagselosin, mas gusto niya na wala ito sa paningin niya. Alam kasi niya na mahal pa rin ito ni Rocco. Ayaw niyang nakikita ito ng kaniyang boyfriend.
Patuloy lang sa pagtawag ng pangalan si Teacher Annie hanggang sa isang pangalan ang tinawag nito. “Candice Soriano?”
Napatayo si Aliyah sa gulat. “Teacher, mali yata iyang listahan ninyo ng mga kasama sa school trip. `Di ba, hindi naman nakabayad si Candice sa contribution? Kaya imposible na nandiyan siya sa listahan ng mga kasama,” apela niya.
“Present!” Lahat ay nagulat lalo na si Aliyah nang pumanhik sa bus si Candice.
“Candice?” Hindi makapaniwalang bulalas niya.
“Nakahabol ng bayad si Candice kahapon. Kaya nandito siya sa listahan,” paliwanag ni Teacher Annie sa kanilang lahat.
Taas-noo at proud na proud na naglakad si Candice sa gitna ng bus. Nang dumaan ito sa gilid niya ay mataray siya nitong tinapunan ng tingin habang siya ay hindi maalis ang pagkakanganga dahil sa pagkabigla. Paanong nakasama ang babaeng ito gayong sa pagkakaalam niya ay wala itong pera? Nakwento kasi sa kaniya ni Destiny na hindi nakakasama sa mga ganoong activities si Candice kung hindi pa pag-aambag-ambagan ng mga ito. E, hindi na naman kaibigan nina Destiny si Candice kaya wala nang nagbabayad para dito ngayon.
Napatayo si Aliyah at nakita niyang sa may likurang upuan niya ito umupo.
“Paano ka nakasama dito?” naniningkit ang matang tanong ni Aliyah.
“Nagbayad ako,” tinatamad nitong sagot.
“Nagbayad mo mukha mo! Alam kong wala kang pera. Saan ka kumuha ng pera? Nagpaka-p****k ka ba kaya ka nagkaroon ng pera?” sa inis niya ay hindi na niya napigilan ang pagtalak.
“Wow! Sa iyo pa talaga nanggaling ang salitang iyan. Really, Aliyah? Kung may p****k man sa ating dalawa, hindi ako `yon. Saka ipahinga mo nga ang sarili mo. Kesa iyang tinatalakan mo ako, matulog ka. Ang haggard mo, girl!” pang-aasar nito sa kaniya.
Umuusok ang ilong na bumalik si Aliyah sa pagkakaupo. Nakahalukipkip siya at matalim ang mata na nakatingin sa kawalan.
“Hayaan mo na nga si Candice. Ano naman kung nakasama siya sa school trip natin? Karapatan niya iyon bilang estudyante siya.” Hindi makapaniwalang napatingin si Aliyah sa katabing si Rocco. Gising na pala ito.
“Bakit parang masaya ka pa na nakasama siya? Sisirain lang niya ang moment nating dalawa!”
“Aliyah, hindi tayo sumama dito para maglandian o mag-date. School trip ito. Educational tour. Ipinapaalala ko lang sa iyo. Saka tama si Candice. Magpahinga ka at mapapagod ka mamaya sa akin.” Ngumisi ito sabay pikit ulit.
Kinakabahan na napalunok ng laway si Aliyah. Kung ganoon, seryoso pala talaga si Rocco na kukunin nito ang “premyo” nito na naipangako niya. At dito pa talaga sa school trip nila. Natatakot siya dahil hindi pa talaga siya handa. Hindi siya handa sa magiging bunga kung sakaling may mangyari nga sa kanilang dalawa. Paano kung mabuntis siya? Paniguradong mahihinto siya sa pag-aaral kapag nagkataon. Paano na ang pangarap niyang maging nurse?
Iyon talaga ang gusto niyang maging trabaho balang araw. Nais niya na mag-alaga ng may mga sakit. Isa pa, may mga nagsasabi din na malaki daw ang kinikita ng isang nurse lalo na kung sa ibang bansa magtatrabaho. Mag-iipon siya ng maraming pera para magkaroon siya ng sariling bahay at lupa. Kotse na rin ang negosyo para hindi naman habangbuhay siyang magtatrabaho.
Bago umandar ang bus ay nagdasal muna silang lahat sa pangunguna ni Teacher Annie. Para daw sa kaligtasan nila iyon.
“Class, umayos na kayo ng upo at huwag na kayong masyadong malikot dahil aalis na tayo. Kung gusto ninyong matulog ay wala namang problema. Ang sabi ng driver natin ay tatlong oras ang tagal ng biyahe natin,” ani Teacher Annie.
Pagkaupo nito sa upuan nito ay binuhay na ng driver ang makina ng bus at saka iyon pinaandar. Isinandal ni Aliyah ang likod at pumikit. Mabuti pa ngang itulog na lang niya ang inis na nararamdaman.
HINIHINGAL na si Aliyah sa pagtakbo pero wala sa isipan niya ang paghinto. May humahabol sa kaniya. Isang babae na nakasuot ng kulay pulang bestida. Hindi niya alam pero natagpuan na lang niya ang kaniyang sarili na hinahabol ng naturang babae. Nasa isang gubat siya. Madilim ang kaniyang dinaraanan. Nagpapasalamat na lang siya sa bilog na buwan. Kahit papaano ay may naaaninag siya.
“Papatayin kita! Papatayin kita!” sigaw ng babae gamit ang boses nitong matinis.
Puro matataas na puno ang paligid. May damuhan at mayayabong na halaman. Tila walang katapusan ang lugar na iyon. Kahit yata tumakbo siya hanggang sumikat ang araw ay hindi pa rin siya makakalabas ng gubat.
Nakakatakot ang hitsura ng babae. Mapupula ang mata at malalaki ang kamay na may kulay itim at matutulis na kuko. Magulo at mahaba ang kulay itim nitong buhok. Payat pero matangkad. Nakita niya sandali ang anyo ng babae nang magtago siya kanina sa isang puno. Sumilip siya at nakita niya ito nang maigi.
Sino ba ang babaeng iyon? Ano ang naging kasalanan niya at gusto siya nitong patayin? Hindi naman niya ito kilala.
Isang nakausling ugat ng puno ang naapakan ni Aliyah. Bumakilo ang paa niya at napasubsob siya sa lupa. Malakas siyang sumigaw nang tumama ang tuhod niya sa nakausling bato. Agad siyang umupo at tiningnan ang nasaktan na sugat. Hindi man niya iyon nakikita nang maayos ay alam niyang malalim ang sugat niya. Dahil iyon sa dami ng dugong umaagos sa sugat niya sa tuhod.
Umiiyak na lumingon siya sa likod. Papalapit na ang babae!
Kahit masakit ang tuhod ay tumayo pa rin siya at pinilit na tumakbo. Ang tanging nasa isipan niya ng sandaling iyon ay makahanap ng mapagtataguan kung hindi man niya magawang makalabas ng gubat na ito.
Takbo lang nang takbo si Aliyah. Bigla siyang napahinto nang tumambad sa kaniyang harapan ang isang balon. Ang harang nito sa paligid ay hanggang binti lamang niya. Kung hindi niya agad iyon nakita ay baka nahulog na siya doon.
“Hindi ka na makakatakas sa akin!”
Gumapang ang kilabot sa buong katawan ni Aliyah nang maramdaman niya ang malamig na hininga ng babae sa kaniyang batok. Ibig sabihin ay nasa likuran na lang niya ito. Kailangan na niyang tumakbo ulit!
Ngunit hindi pa man niya naigagalaw ang mga paa ay sinipa na siya ng babae sa kaniyang likuran. Malakas! Nawalan siya ng balanse at nanlaki ang mga mata niya nang makita niyang mahuhulog na siya sa balon. Isa pang malakas na sipa sa likod ang ibinigay ng babae…
NAGISING si Aliyah mula sa panaginip na iyon dahil may sumisipa sa likuran ng kaniyang upuan sa bus. Gising na siya pero ramdam pa rin niya ang takot. Pinagpapawisan ang kaniyang mukha kahit may aircon naman sa bus na iyon. May sumipa ulit. Ang takot ay napalitan ng inis. Tumayo siya at paglingon niya sa likuran ay nahuli niya si Candice na akmang sisipain ulit ang likuran ng kaniyang upuan.
“Oops… Sorry…” Nag-peace sign pa ito sa kaniya. “Ang sikip kasi. Inuunat ko lang ang paa ko. Nakakangalay kasi, e.”
“E, kung putulin ko kaya `yang paa mong babae ka! Nananadya ka na, e! Akala mo ba ay hindi ko alam?! Ano bang problema mo?!” galit niyang sigaw.
“Wala akong problema. Baka ikaw, meron…” kalmado lang si Candice. Muli nitong sinipa ang likuran ng upuan niya kahit nakatingin siya. “Sorry ulit,” at mahina itong tumawa.