Stay
Tinitigan ko lang ang pagkain pinahanda nya para sa akin. Hindi ako makakain dahil naaalala ko ang nangyari kanina lalo na at titig na titig sya sa akin. Hanggang ngayon ay nararamdaman ko pa rin ang mga labi nya sa mga labi ko.
Napatingin ako sa kanya at napahinga nang malalim. Seryoso rin syang nakatingin sa akin habang nakahalukipkip.
"Ang sabi mo ay nobya ka. Eh, bakit mo ako hinalikan?" tanong ko sa kanya.
Ngumisi lang sya at sumubo ng cake na nasa harapan nya.
"Hindi naman nya malalaman kung hindi ko sasabihin o hindi mo sasabihin," sabi nya.
Kakaiba talaga ang isang ito!
"Loko-loko ka!" sigaw ko sa kanya.
"'Wag ka na ngang nagrereklamo dyan. Na-enjoy mo naman ang halik kaya humiling ka pa ng pangalawa." sabi nya at mas lalong lumaki ang ngisi.
Yan pa ang pinagsisihan ko! Bakit kasi naisipan ko pang humiling ng pangalawang halik?!
"Ang yabang mo! Sana mamaga yang nguso mo at hindi na makahalik ng babae kahit kailan," sabi ko at inirapan sya.
"Kung magkakatotoo yang sinabi mo ay ang malas mo naman. Hindi mo na matitikman ang halik na nagpahinto sa buong mundo mo," sabi nya at lumapit sa akin.
"Lumayo ka nga!" sigaw ko at tinulak sya palayo.
Naiilang ako, ngayon pang alam na nya na gusto ko sya. Mas lalo nya akong iinisin.
"Parang ayaw mo namang malapit ako sa iyo. Ano nga ulit iyong sinabi mo bago tayo maghalikan?" sabi nya at mas lalo pang inilapit ang katawan sa akin.
Kainis, ito na po sya! Bakit kasi ako umamin?!
"Joke lang iyon! Wag kang maniwala!" sabi ko at ako na lang ang lumayo.
"Sus! Wala ng bawian, nasabi mo na, eh! Gusto mo na ako! Ano na naman ang nagustuhan mo sa akin? Akala ko ba hindi ka magkakagusto sa akin dahil masama ang ugali ko?"
Hinila nya ako papalapit sa kanya. Wala na akong lakas dahil masakit pa ang katawan ko dahil sa ginawa sa akin ni Ambrina.
Ano nga ba ang nagustuhan ko sa kanya?
"Wala akong nagustuhan sa iyo. Pangit ka, pangit pa ugali mo! Uuwi na ako," sabi ko at tumayo na pero mabilis nyang hinila ang kamay kaya napaupo ako sa kanyang hita.
"Hindi ako papayag na uuwi ka roon na wala pa ang papa mo. Sa nakita ko kanina ay ayoko na ngang pabalikin ka roon," sabi nya at akmang hahalikan ako pero mahina kong sinampal ang kanyang pisngi.
"Ikaw, ha! Hindi naman pwedeng hindi ako uuwi. Kapag hindi ako umuwi at nagsumbong ang madrasta ko kay papa ay hindi na ako makakabalik rito," sabi ko.
Eh, ano naman ang problema kung hindi na ako makabalik?! Yun nga ang gusto, hindi ba?!
Tsaka bakit ko kinukumbinsi ang sarili ko na yun ang gusto ko?!
Ang gulo ko!
"Itatanan kita," bulong nya sa tenga ko.
Nanlaki ang mga mata ko at napatayo sa sinabi nya. Baliw ba sya?!
"Manong, ipapaalala ko lang sa iyo na may girlfriend ka at hindi ako pwedeng makipagtanan sa iyo. Uuwi na talaga ako," sabi ko pero hindi naman ako makaalis dahil sa mukha nyang malungkot.
"Bago ka man lang sana umalis ay kainin mo ang pagkaing pinahanda ko. Ihahatid kita pagkatapos, pangako," sabi nya.
Bumuntong-hininga ako at pinagbigyan na sya. Hindi rin naman sya titigil hangga't hindi napagbibigyan.
Mabilis kong inubos ang pagkain para makauwi na ako. Malalaking subo sana ang gagawin ko kung hindi lang nakakatitig sa akin si Reynard habang malaki ang ngiti.
"Tapos na ako, tayo na," sabi ko at tumayo na.
"Okay, sabi mo yan ha?" sabi nya at ngumisi sa akin.
Kumunot ang noo ko at tinaasan sya ng kilay nang pumayag sya pero hindi naman gumagalaw sa kinauupuan nya. Napasinghap ako nang maintindihan na mali ang pagkakaintindi nya sa sinabi ko.
"Hindi yun ang ibig kong sabihin! Ang sabi ko tara na at uuwi na ako," sabi ko at hinila sya patayo.
Tumayo naman sya pero hindi ko naman pahila para lumakad. Ako pa ang hinila nya at ninakawan ng halik sa labi.
"Hindi pa pwede, Manang ko. Nagpapahinga pa si Lani. Manuod muna tayo ng T.V. loob," sabi nya at bago pa ako makapagprotesta ay hinila na nya ako papasok ng kanyang bahay.
Isang malaking telebisyon ang nasa living room nya. Umupo kami sa may malambot na sofa. Nasa may dulo ako habang sya ay nasa gitnang parte. Tumango sya at in-on na ang telebisyon. Pagbukas ay naghahalikan na babae at lalake ang bumungad sa amin.
"Ayos ang palabas, ah!" sabi nya at ngumisi.
Inirapan ko na lang sya at iniwas ang tingin sa telebisyon hanggang hindi natatapos ang naghahalikan na iyon.
Nasa kalagitnaan kami ng panunood nang bigla syang humiga sa hita ko. Nakapikit sya na akala mo ay natutulog pero malaki naman ang ngiti.
"Reynard! Ano bang ginagawa mo?!" tanong ko at inangat ang ulo nya.
"Five minutes lang, inaantok lang talaga ako," sabi nya at yumakap sa bewang ko.
"Reynard," tawag ko pero hindi na nya ako pinansin.
Wala pang dalawang minuto ay mabigat na ang paghinga nya. Hinayaan ko na lang sya, five minutes lang naman eh.
Lumipas ang limang minuto ay hindi pa rin sya nagigising. Naghihilik pa nga sya, eh. Ano ba ang ginawa nito at parang puyat na puyat?
"Sa wakas ay nakatulog na si manong Reynard. Dalawang araw na rin yang hindi nakakatulog dahil sa may insomnia sya. Ikaw lang pala ang kailangan nya," sabi ni Selena habang naglalapag ng juice sa center table.
"May insomnia sya?" tanong ko sa matandang babae at tumingin kay Reynard.
"Oo at kahit anong gawin nya ay hindi sya makatulog. Mabuti nga ngayon ay ang sarap-sarap ng tulog nya," sagot nya at umalis na.
Hinaplos ko ng marahan ang kanyang buhok at pinagmasdan syang matulog. Mahina lang ang hilik nya at bahagyang nakanganga ang kanyang masasarap na labi.
Wait, anong sabi ko?!
Tinapos ko ang palabas at tulog pa rin itong si Manong. Inaantok din tuloy ako, tumingin ako sa orasan at nakitang may oras pa ako para makatulog. Iidlip lang ako, promise...
Naalimpungatan ako ng may naramdamang humahaplos sa labi ko. Akala ko ay ginagapangan na ako ng ipis pero pagdilat ko ay bumungad sa akin ang nakangiting si Reynard.
Parehas na kaming nakahiga ngayon sa sofa at nakakulong ako sa kanyang bisig.
"Magandang hapon, Manang," sabi nya at mabilis na hinalikan ang labi ko.
Napabangon ako ng makitang mababa na ang araw. Tumingin ako sa orasan, mag-aalas diez na ng hapon! Kailangan ko nang umuwi!
"Reynard, uuwi na ako! Kailangan ko na talagang umuwi!" sabi ko at tumayo.
Lumabas ako at naramdaman ko na nakasunod sya. Pumunta sya kung saan naroon ang kanyang puting kabayo.
Sana lang ay hindi pa nakauwi sa papa at baka mapagalitan nya ako. Hindi pa naman nya alam na aalis ako.
Tinulungan nya akong sumampa sa kabayo at mabilis nya iyong pinatakbo. Hindi katulad ng dati ay sa malayo lang nya ako ibababa, ngayon ay sa mismong likod na ng bahay namin nya ako hinatid.
"Salamat," sabi ko at tinalikuran na sya tapos ay nagsimula ng maglakad palayo.
Nilingon ko sya nang maramdaman kong hindi pa rin sya umaalis. Humarap ulit ako sa kanya at dahan-dahang lumapit nang may maisip akong gawin.
Huminto ako sa harap nya at ngumiti. Ngumiti rin sya at hinapit ako sa bewang.
"Bakit ka bumalik?" tanong nya at mas lalo pa akong inilapit sa kanya.
"Salamat, manong ko," sabi ko at pinagdikit ang labi namin.
Tumingkayad pa ako para maabot ang labi nya. Ang lakas ng t***k ng puso ko, ang lakas ng loob kong mag-initiate ng halik eh, hindi naman ako marunong humalik.
"Antoinette!"
Kaagad akong lumayo kay Reynard nang marinig ang galit na boses ng aking papa! Huli ako!
"Papa!" kinakabahang sabi ko.
Galit na galit ang itsura ng aking ama habang nakatingin kay Reynard. Mabilis syang lumapit sa amin at biglang natigilan ng makita ng maayos si Reynard.
Nakita kong umiling si Reynard at tumango naman si papa. Anong meron?
"Ah, papa. Sya pala yung sinasabi kong kaibigan. Yung nakita nyo, wala lang po iyon, hehehe!" sabi ko.
Tumingin sa akin si papa na hindi ko maintindihan ang mukha. Mukha syang galit, na nalilito, na nagulat.
"Anak, iwan mo muna kami ng kaibigan mo," seryosong sabi nya at tumingin ulit kay Reynard.
"Sige po," sabi ko at tumingin kay Reynard.
Tumango sya at ngumiti. Ganoon din ang ginawa ko at umalis na. Ano kaya ang gagawin nila? Ano kayang sasabihin ni papa kay Reynard? Kinakabahan tuloy ako.
Nasa malayo ako pero tanaw ko pa rin sila. Hindi ko marinig ang pinag-uusapan nila pero kapag may sinasabi si Reynard ay panay lang ang tango ni papa. Ngumiti si Reynard at sabay silang tumawa.
Sabay pa silang tumingin sa akin. Nagulat ako kaya nag-iwas ako ng tingin.
"Antoinette, halika na rito anak!" tawag sa akin ni papa kaya lumapit ako sa kanila.
Sa boses ng aking ama ay mukhang hindi naman ako mapapagalitan. Tipid ang ngiti ko at kinakabahan pa rin ako.
"Pinagpaalam ka sa akin nito si... uhm... Reynard. Sumama ka sa kanya at ihahatid ka nya bago maghating-gabi." sabi ni papa na ikinagulat ko.
Ha? Ano daw?
"Papa, ano po ulit iyon?" tanong ko at tumingin kay Reynard.
"Sasama ka sa akin. Magde-date tayo," sabi ni Reynard.
"Talaga?" tanong ko at tumingin kay papa.
Tumango ang aking ama at ngumiti.
"Ano pang hinihintay nyo? Umalis na kayo para maaga kang makauwi, Antoinette. Kahit na pumayag ako ay hindi naman ibig sabihin noon ay buo na ang tiwala ko," sabi ni papa at tumingin kay Reynard.
"Naiintindihan ko po, sir. Iingatan ko po ang anak nyo," sabi ni Reynard at inabot ang kamay sa akin.
Tinanggap ko iyon at tumingin kay papa. Tumango lang sya at tinapik ang balikat ko.
"Maiingat kayo, hanggang hating-gabi lang," sabi ni papa.
"Opo," sabay naming sagot ni Reynard.
Parehas kaming nakangiti habang tumatakbo ang kabayo pabalik ng kanyang bahay.
"Akala ko papagalitan tayo ni papa dahil nakita nya ang ginawa natin," sabi ko.
"Ikaw kasi, bakit ka nanghahalik?" sabi nya at humalakhak.
Pagkarating namin sa taas ng burol ay binaba nya ako at sumakay sya ulit sa kabayo.
"Saan ka pupunta?" tanong ko.
"Susunduin kita mamayang ala-sais. May aasikasuhin lang ako. Mag-ayos ka na," sabi nya at pinatakbo na ang kabayo.
"Antoinette, tutulungan kitang mag-ayos," sabi ni Selena at hinigit na ako sa kwarto ni Reynard kung saan nandoon pa ang mga pinamili namin.
Pinasuot sa akin ni Selena ang isang red na dress na nakahapit sa aking katawan. Tapos ay tinernuhan ng beige na sandal, inayos nya rin ang buhok ko.
Saktong pagkatapos kong mag-ayos ay ang pagdating ni Reynard na bihis na bihis rin. Ito na! Magde-date na talaga kami.
"Tara na, manang ko," sabi nya at inabot sa akin ang kanyang kamay.
Pansamantala kong isinantabi ang ang katotohanang may girlfriend sya. Basta ngayong gabi akin si manong, sya ang manong ko.
Pumunta kami sa kanyang sasakyan na naghihintay sa amin sa baba. Pinagbuksan nya ako ng pinto at pinaupo pagkatapos ay kinabitan pa ng seatbelt.
"Salamat," sabi ko.
Sumakay na rin sya at pinaandar na ang sasakyan. Kapwa malaki ang ngiti namin, hindi ko alam kung ano ang iniisip nya. Tumingin ako sa magkahawak naming kamay, basta ako excited ako. Saan kaya kami pupunta?
Medyo mahaba ang naging byahe namin. Umakyat pa ang kanyang sasakyan ng burol para makarating sa pupuntahan namin.
Pagbaba ko ng sasakyan ay hindi ko mapigilang mamangha sa ganda ng paglubog ng araw sa dito sa tuktok ng maliit na burol.
Hinila na ako ni Reynard papasok sa isang mamahaling restaurant doon. Puro mayayaman ang mga kumakain sa loob at mga mahal rin ang pagkain.
Ano kaya ang trabaho nitong si Reynard? Parang hindi nauubusan ng pera, eh!
"Wine ba ito?" tanong ko sa kanya ng mag-serve ang waiter ng isang bote.
"Oo, gusto mong tikman? First time mo ngayon, no?" sabi nya at ngumiti.
Tumango ako.
"Dahan-dahan lang, ah! Baka malasing ka, mapapagalitan ako ng papa mo," sabi nya pagkatapos kong maubos ang inilagay nya sa baso ko.
"Masarap pero tama na. Baka hindi na maulit ang date natin," sabi ko at tinikman na lang ang mga pagkain inorder namin.
Pagkatapos naming kumain ay inaya nya ako sa labas. Madilim na kaya wala na akong masyadong makita. Mahangin at malamig na dito kaya niyakap ko ang sarili ko, dapat pala ay nagdala ako ng jacket.
"Nilalamig ka?" tanong ni Reynard.
Tumango ako at tumingin sa malayo kung saan may nakikita akong maliwanag.
Nagulat ako ng may maramdaman akong mainit sa likuran ko. Inilagay pala nya ang kanyang coat sa aking balikat pagkatapos ay niyakap ako mula sa likuran.
"Salamat," sabi ko at hinaplos ang kanyang braso na nakapalupot sa akin.
"Antoinette, nakikit mo bang maliwanag na iyon? Yun ang sentro ng Cordancia. Doon kita dadalhin sa susunod nating date," sabi nya at hinalikan ang sentido ko.
"Hindi ko masyadong makita pero maliwanag nga. Halatang masaya roon." sabi ko at pilit na tinatanaw ang lugar na sinasabi nya.
Umalis sya sa likuran ko at pumunta sa aking harapan.
"May ibibigay ako sa iyo pero gusto ko ay pumikit ka muna," sabi nya na sinunod ko na lang.
"Hahalikan mo ako, no?" sabi ko at tumawa.
May naramdaman akong sinuot nya sa may bandang mata ko. Bigla akong na-curious kung ano iyon.
"Pwede na ba akong dumilat?" tanong ko.
"Sige," sabi nya kaya dumilat na ako.
Nagulat ako nang mag-iba ang paningin ko. Parang luminaw, hindi... Luminaw nga.
Tumingin ako kay Reynard at sa unang pagkakataon ay nakita ko ang gwapo nyang mukha. Hinawakan ko sya at sa sobrang tuwa ay tumulo ang luha ka.
"Masaya ka ba?" tanong nya.
Tumango ako. Pinunasan nya ang luha ko at pinakita ulit sa akin ng Cordancia.
"Ang ganda nga doon, Reynard. Salamat dito sa salamin. Nakikita na kita," sabi ko at niyakap sya.
"I will do anything to make you happy, Antoinette. Just stay with me," sabi nya at kinulong sa kanyang mga palad ang aking mukha.
"Will you stay?" tanong nya.
Tumango ako at inabot ang kanyang mga labi. I will stay no matter what.