Makalipas ang isang taon. Maaga pa nang umuwi na si Silver galing ng rancho. Agad nitong nakita ang isang maleta na nakalapag sa harapan ng pintuan ng sariling bahay. Nagtaka pa ito kung sinong may-ari noon dahil wala naman itong inaasahang bisitang darating noong araw na iyon. Ilang beses itong nagpalingo-lingo sa paligid. Nang wala namang makitang tao ay nagpasya nang umikot sa likurang bahay para ipasok sa kuwadra ang kabayong si Thor. Papalapit pa lamang siya sa kuwadra nang may maulinigang nag-uusap. Walang ano-ano ay bumulaga sa kanyang harapan ang may malaking pagkakangiti na si Stanley kasama ang abala sa pagwawalis sa paligid na si Mang Kanor. "Tito!" tawag nito na nagtatakbo pa palapit sa lalaking matagal rin nitong hindi nakita. Mabilis niyang pinahinto ang kabayo.

