PAG-ALAALA SA NAKALIPAS

1949 Words
Paalala: Bago basahin ang kwentong ito, pakatandaan, ang lahat ng mga pangalan ng mga tauhan, lugar, pangyayari, insidente at mga relihiyong nabanggit ay pawang kathang isip lamang. No one or nothing was disrespected upon making this story. Lakad-takbo niyang binabaybay ang madilim at masukal na kakahuyan na halos ilang milya lamang ang layo mula sa kanilang mansion. Nakarating siya dito sa kagustuhang makatakas mula sa mga tauhan ng ama na kanina pa tumutugis sa kanya. Suot lamang ang ternong damit na pangtulog at malambot na tsinelas na pangbahay ay dali-dali niyang iniwan ang mga magulang at mga kapatid na naghihintay sa kanya noong gabing iyon sa loob ng kanilang malaking sala. Kakausapin sana siya ng mga ito tungkol sa binabalak niyang pag-alis, ngunit hindi na siya dumiretso doon. Pagkagaling sa kwarto ay agad niya nang tinungo ang likurang pintuan ng kanilang bahay at nagdirediretso nang lumabas sa kanilang malawak na bakuran. Maputik ang kanyang dinaraanan dahil sa walang tigil na pag-ulan. Ang totoo, magpahanggang ngayon ay ramdam niya pa rin ang pag-ambon na pumapatak sa kanyang bunbunan sa kabila nang nasa lilim na siya ng mga puno. Abot-abot ang kanyang paghinga sa ginagawang pagtakbo. Gustuhin man niyang huminto ay hindi pupwede. Alam niyang malayo na ang distansya niya mula sa mga humahabol sa kanya ngunit hindi siya pwedeng magpaka-kampante. Nasa loob pa rin siya ng vicinity ng malaking lupain ng ama at kabisado ng mga tauhan nito ang pasikot-sikot sa lugar na iyon. Bagamat may kalamigan ang panahon ay tagaktak na rin ang kanyang pawis sa noo. Halos lumabas na rin ang kanyang puso mula sa dibdib sa bilis ng kabog nito. Hindi niya gustong tumakas ngunit wala siyang choice kung hindi ang gawin iyon. “Ama! Akala ko ho ba ay napagkasunduan na natin ang tungkol sa bagay na iyan?” “Hija, iyon ang nasa batas ng ating angkan. At tsaka hindi lang naman ikaw ang pagdaraanan iyan. Nasaksihan mo naman ang pag-iisang dibdib ng mga kapatid mo dati.” "Ngunit ama, alam ninyo ang totoong katayuan ko sa pamilyang ito!” “Hindi naman namin iyon nakakalimutan, anak. Gayunpaman, ang pamilya lang natin ang nakakaalam ng tungkol doon. And let’s just keep it that way. Tinanggap mo ang pagiging isang Prinsesa ng tribo, kaya kailangan mo ring gawin ang nararapat.” Tinikom niya ang bibig at mabigat ang dibdib na tinalikuran ito. Sa pagbabalik-tanaw sa naging pagtatalo nila ng ama noong nakaraang araw ay iisa lamang ang naging hatid nito para sakanya. Na kahit ano pa man ang katayuan niya sa pamilyang iyon ay buo na ang desisyon nitong ipagkasundo siya upang maikasal sa isang lalaking napupusuan nito para sa kanya. Nagpatuloy siya sa pagtakbo. Hindi na niya alintana ang mga nadaraanang matatalas na mga dahon ng mga halaman na tila maliliit na kutsilyong tumatagos sa kanyang damnit at humihiwa sa kanyang mga binti. Kailangan niyang tiisin ang lahat dahil kapag nahuli siya ng mga tauhan ng kanyang ama ay ikukulong siya nito sa kanyang kuwarto at pagbabawalan nang gawin ang maraming bagay. Mga bagay na nakasanayan na niyang gawin dati. Siya si Amira Faizan, ang ikaisa-isang anak na babae ng isang Datu. Bukod dito ay bunso rin siya sa kanilang apat na magkakapatid, at dahil doon ay tinagurian siyang Prinsesa ng tribo nilang Maguindanaoan, isang malaking tribo na matatagpuan sa isla ng Mindanao. Sa pagiging isang prinsesa ng kanilang tribo ay nagagawa niyang makisalamuha sa maraming tao. Nakakagamit siya ng social media, bagamat tago ang kanyang personalidad. Nakakapunta rin siya sa iba’t ibang lugar kahit na walang kasama. Hindi rin siya napipilit ng mga magulang na magsuot ng abaya at hijab sa lahat ng oras. She knows their rules and she respects them. Yet, sa modernong panahon ngayon, para sa kanyang paniniwala hindi porke’t hindi siya nagsusuot ng mga ganoong pananamit ay hindi na siya sumusunod sa kanilang relihiyon. Hindi naman siya nagsusuot ng mga damit na ikababastos niya kaya walang dapat ipag-alala. Sabi nga ng iba, isa siyang spoiled Princess. Kung ang ibang Prinsesa ng ibang tribo ay pinaghihigpitan, siya ay naiiba sa mga ito. Nasusunod niya ang layaw. Ngunit takot man siyang mawala ang kalayaan, above all, she was concerned about her future. Sa edad na labingpito ay masyado pa siyang bata para mag-asawa, at hindi ganito ang set-up na gusto niya para mahanap ang makakabiyak. Ang buong akala niya ay exempted na siya sa alintuntunin na iyon ng kanilang angkan dahil magmula ng pagkabata ay sinikap niya nang maging isang mabuting anak. Nag-aral siyang mabuti dahilan ng maagang pagtuntong sa kolehiyo. At fifteen ay lumayo siya sa pamilya at namuhay ng mag-isa sa kagustuhang bata pa lamang ay matuto nang maging isang independent. Nag-aral siya sa pribadong paaralan para sa kababaihan sa Maynila para sundin ang kagustuhan nitong kunin niya ang kursong Business Administration. Para raw maipagpatuloy niya ang ilang negosyo ng pamilya kapag bibitawan na iyon ng mga kapatid. Sa kabila ng malayo sa mga magulang noon ay hindi niya nakakalimutan na sundin ang mga ipinagbibilin nito para sa kanyang kaligtasan. Although may mga patago siyang kapilyahang ginagawa na sigurado siyang ikagagalit ng mga ito kapag nalaman, gaya ng pagsubok uminom, at makipag-party kasama ang mga barkada ay hindi niya pa rin pinapabayaan na mapariwara ang sarili. Alam niya ang tama at mali. At ang mga bagay na iyon ay napagnilaynilayan niya na ayon sa kanilang relihiyon. Nagsimula na siyang makaramdam ng pamamanhid ng kanyang mga binti. Ngayon niya na naramdaman ang matinding pagkapagod sa tantya niya ay halos isang oras na niyang walang tigil na pagtakbo. Maya-maya pa ay agad siyang napahinto, paano’y may narinig siyang tila lawiswis ng tubig kung saan. Sa pagkakatanda niya ay may ilog sa lugar na iyon na kung babaybayin niya at susundan ay ihahatid siya nito sa mismong highway sa kanilang lugar. Doon ay baka may makita siyang sasakyan para makatulong sa kanya sa pagtakas. Sa narinig na ingay ng tubig na iyon ay nakaramdam siya ng malaking pag-asa na tuluyang makakalayo roon. Ilang sandali pa ay napatingin siya sa kanyang likuran. Tila may maliliit siyang liwanag na naaninag mula roon. Nang mapagtanto niya kung saan galing ang mumunting liwanag na iyon na gamit ng mga tauhan ng ama sa paghahanap sa kanya ay dagli ulit siyang pumihit para patuloy na tumakbo papalayo. Samantalang narinig ng ilang tauhan ang tunog na likha ng kanyang paghakbang. “Doon!” Naulinigan niyang saad ng isa na tila inalerto ang ilan pang kasamahan. “Amira!” tawag ng isang lalaki sa kanya. “Amira! Bumalik ka na sa mansion! Delikado ang mag-isa dito sa kakahuyan!” Sandali siyang natigilan nang marinig ang boses ng nakakatandang kapatid. Sumama pala ito sa pagtugis sa kanya. Ito ang unang nakaalam ng kanyang nakatakdang pagtakas nang makita nito ang kanyang pag-iimpake ng mga damit nang pumasok ito sa kanyang kuwarto kinagabihan nang magkasagutan sila ng ama. Hindi naman talaga ngayon ang itinakda niyang pag-alis ngunit dahil sa nabuking iyon ay napilitan siyang agad nang lisanin ang kanilang tahanan. Ipinagpatuloy niya ang pagtakbo ng mabilis. Walang lingon-lingon. “Amira, kung gusto mo ay pag-usapan muna natin ito. Baka mapaano si ina sa pag-aalala sa iyo!” Sa narinig ay muli siyang natigilan. Naipihit niya ulit ang katawan paharap sa taong naulinigan. Oo nga pala, si Ina. Si Ina na sa kabila ng pag-aalaga niya dito sa madalas na pagkakasakit ay buo pa rin ang loob na sumang-ayon sa ama. Ang buong akala niya pa naman ay kampi ito sa kanya, ngunit hindi. Madiin niyang naipikit ang mga mata kasabay ang pagtatagis ng bagang. Muli ay pumihit siya at nagpatuloy sa pagtakbo. Basa na ang kanyang suot na damit, maging ang slippers na pangbahay na suot sa paa ay mabigat na rin dahil sa pagkakababad sa tubig. Hawak ang telepono sa kaliwang kamay na siyang tanging nabitbit sa biglaang pagtakas ay panay ang pag-ilaw noon sa paulit ulit na pagtawag ng kanyang ama na si Datu Abdar. Sa panglimang pagkakataon ay pinatay niya na iyon. Wala na siyang balak na kausapin ito. Pagod na siya sa mga pakiusap nito at mga pangaral. Noong napagdesisyunan ng ama na ipagkasundo siya sa isang lalaki, sa kalagitnaan ng pangalawang semester ay tinawagan siya nito upang pauwiin. Ilang linggo na lamang ay kaarawan na niya at ang balak ng mga ito ay itaon ang kanyang napipintong pag-iisang dibdib sa petsang iyon na lalong hindi niya matanggap. Bata pa lamang ay tinuruan na siya nitong manindigan sa kung anong palagay niyang tama. Kung kaya ay ginamit niya iyon para ipaglaban ang sariling kagustuhan. Ayaw naman talaga niyang lisanin ang pamilya, pero kung wala namang pagkakasundo sa pagitan nila ay mabuti pang maghiwa-hiwalay na lamang sila. Sa puntong iyon ay narinig niya ang tila mabilis na paghakbang ng mga tao palapit sa kanyang kinaroroonan. Humugot siya ng malalim na buntong hininga at nagpasyang ipagpatuloy ulit ang pagtakbo. Nang pagpihit niya at paghakbang patalikod ay hindi niya namalayan na isang bangin na pala ang nasa tabi ng kanyang kinalalagyan. Walang ano-ano ay nahulog siya doon at mabilis na nagpagulong gulong paibaba . Ramdam niya ang mga tangkay ng mga halamang tila tinik na tumutusok sa kanyang mga braso, binti, hita, at maging sa kanyang katawan. Napapikit ang kanyang mga mata at sinapo ng mga palad ang mukha para itakip doon upang hindi iyon masugatan at hindi matusok ang kanyang mga mata. Dahil doon ay nabitawan niya ang hawak na telepono. Ilang minuto rin siyang nagpagulong-gulong pababa sa bangin na iyon nang biglang naramdaman niya ang paghampas ng kanyang katawan sa tubig na matatagpuan sa pinaka-sahig ng bangin. Kasunod noon ang pag-untog ng kanyang ulo sa isang malaking bato. Doon ay nawalan na siya ng malay. Samantala... Napakislot siya nang maramdaman ang paghawak ng isang kamay sa kanyang braso. Natigil ang kanyang pag-alaala sa nakaraang nangyari sa kanya may dalawang taon na rin ang nakakalipas. Nilingon niya ang may-ari ng kamay na iyon at nakita ang may katangkaran at may kalakihan din na katawan ng isang lalaki. Iyon ang nagpabalik sa kanyang isipan kung nasaan na siya ngayong kasalukuyan. “Hindi pa ba tapos iyan? Nagugutom na si Utoy,” saad ng lalaki na pumuwesto na sa upuan na nasa tapat ng lamesa na nasa kanyang likuran. “Malapit na,” tugon niya na ipinagpatuloy ang paghalo ng pancit sa hindi kalakihang kawali. Nakabenta ng isang sakong kamote ang asawang si Rodolfo mula sa mga tanim nito sa likod bahay kung kaya nakabili ito ng sahog sa pancit na matagal na ring nakatengga sa kanilang maliit na estante sa kusina. At dahil ika-dalawampung taong kaarawan naman na niya bukas ay niluto niya na lang iyon para na rin sa anak na si Utoy na matagal na iyong inire-request. Payak na pamumuhay ang pinili niya sa kasalukuyan. Ibang-iba sa buhay na tinamasa niya noon, pero wala siyang ni katiting na pagsisisi. Sa buhay niya ngayon ay walang nagbabawal sa kanya kahit na limitado ang kanilang pagkilos sa lupaing tinitirikan ng kanilang tagpi-tagping bahay. “Nay, ang sarap n’yo talagang magluto,” malaki ang pagkakangiti sa mga labi ng bata habang nguyanguya ang pancit na kahit mainit pa ay isinubo na sa bibig. “Talaga ba, anak?” nangingiti niya ring turan. “Walang katulad,” ang lalaki na nasa kanyang kaliwa ang sumagot sa kanyang katanungan. “Binibiro mo na naman ako Rodolfo,” ini-roll niya ang mga mata sa pagsasabing iyon. “Kelan ba ako nagbiro tungkol sa mga luto mo?” anito na patuloy rin sa pagkain. Napatingin siya sa lalaki na lampas tenga na ang buhok. Pati na ang balbas at bigote nito ay visible na rin sa mukha nito. Sa pagtitig dito ay naglakbay ulit ang kanyang alaala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD