Ilang sunod-sunod na pagpatak ng tubig ulan sa kanyang mukha ang nagpagising sa kanya kinaumagahan. Nanggagaling ang mga iyon sa mga dahon ng isang puno na sa sobrang baba ng mga tangkay ay halos halikan na ang kanyang pisngi. Pinahiran niya iyon ng palad nang buksan ang mga mata. Inilibot niya ang paningin sa paligid. Sa puntong iyon ay napag-alaman niya na nasa tabi siya ng ilog na may hindi kalakasang pag-agos ng may kababawang tubig. Napabalikwas siya ng bangon nang maalala na may mga tao palang humahabol sa kanya, ngunit nasapo rin ang bandang likuran ng ulo ng maramdaman ang kaonting pananakit doon.
Ilang sandali pa ay napabalikwas siya ng pagtayo nang may marinig na ingay na nagmumula sa kabilang ibayo ng ilog. Naghanap siya ng makukublihan. Sa kalapit na malaking bato na nasa kanyang bandang likuran ay doon siya nagtago. Hindi pa nagtatagal ay nakita niya na ang isang lalaking nagmamadaling binabaybay ang lampas sa sakong lang na taas ng tubig sa gilid ng ilog. May karga-karga itong isang batang lalaki na ang dalawang kamay ay mahigpit na nakakapit sa leeg nito.
Dumaan ito sa kanyang harapan. Sa sandaling iyon ay natitigan niya ang mukha ng lalaki, at nanlaki ang kanyang mga mata ng mamukhaan iyon. Hindi siya maaaring magkamali, ito ang lalaking laman ng mga balita nitong mga nakaraang linggo.
“Bilis! Nandito lang ang lalaking iyon! Hindi pa iyon nakakalayo!” naulinigan niya ang sigaw ng isang taong batid niya ay humahabol dito.
Nakita niya ang pagbilis pa ng paglalakad ng lalaking iyon at paglampas sa kanyang harapan. Ngunit hindi niya akalain na lumiko ito at nagkubli sa parehas na lugar na kanyang pinagtataguan.
Natigilan silang dalawa nang makaharap ang isa’t isa.
Walang ano-ano ay umiyak ang batang karga ng lalaki. Hindi niya malaman kung bakit, basta ay itinaas ng bata ang mga kamay na tila ba gusto nitong sumama sa kanya.
Pilit na pinatahan ng lalaki ang batang karga-karga. Ngunit hindi nito mapatigil mula sa pag-iyak ang bata kung kaya kinuha na niya ito mula sa braso ng lalaki sa pag-aalala na baka pati siya ay matunton rin ng mga taong humahabol dito.
Huminto sa pag-iyak ang batang lalaki nang makarga niya ito sa kanyang mga bisig. Humilig ito sa kanyang dibdib na tila ba nakahanap ng motherly figure sa katauhan niya. Sa pangalawang pagkakataon ay nagkatinginan ulit silang dalawa ng lalaki.
“Baybayin n’yo ang ilog. Bilisan n’yo at baka malapit na iyon sa kalsada. Baka tuluyan iyong makatakas at makaalis dito. Mas mahihirapan tayong hanapin ang lalaking iyon!”
Rinig ulit nila na dahilan kung kaya kapwa sumiksik pa sila sa gilid ng bato. Nagdikiit ang kanilang katawan. Nakaramdam man siya ng pagkailang ngunit wala rin siyang nagawa. Kailangan nilang makapagkubli para hindi makita.
Sa mga sumunod na sandali ay sabay nilang pinakinggan ang ingay na nililikha ng mga paa ng tatlong kalalakihan habang binabagtas ang kahabaan ng ilog na iyon.
“Prinsesa Amira?” saad ng lalaki nang masigurado nitong malayo na sa kanila ang mga lalaking humahabol.
Hindi siya nakaimik. Nakilala rin pala siya nito.
Itinuon niya ang pansin sa bata na hindi niya namalayan na nakatulog na pala habang nakahilig sa kanyang balikat. Dahan-dahang ibinalik niya ito sa kaharap.
“Kung ako sa iyo, sumuko ka na. Ibalik mo na ang bata. Maawa ka, hinanahap na niya ang nanay niya.”
Nagpakawala ng sarkastikong pagtawa ang lalaki. “At galing pa talaga sa iyo ang mga salitang iyan, ha?” anito. “Eh, kung ikaw kaya ang sumuko dyan?” turan nito sa dalaga na pagkatapos ay nagsimulang maglakad papalabas sa pinagtataguang likuran ng malaking bato.
Natahimik siya. Nabalitaan na rin pala nito na tinakasan niya ang kanyang pamilya. Napatikhim lang siya na umalis din sa pagkakakubli mula roon.
“Huwag na huwag mo akong susundan,” saad nito sa dalaga na iniharang pa ang palad sa harapan nito.
“Sasabay lang ako sa iyo, pero pagdating sa highway ay maghihiwalay na tayo,” aniya na nagpatuloy sa paglalakad.
“Kahit na. Kapag nakita nila tayong magkasama mas madadagdagan pa ang kaso ko. Baka ipapatay pa ako ng Datu,” anito na nagsimula na ring lumakad patungo sa direksyon na tinahak ng mga kalalakihan kanina. “Bakit kasi tumakas-takas ka pa, eh, ang ganda-ganda na ng buhay mo!”
Nailingon niya ang mukha dito at naitaas ang isang kilay. In the first place ay wala itong alam sa buhay niya kaya wala itong karapatan na kwestyunin siya kung bakit niya tinakasan ang sariling pamilya. Inihalukipkip niya ang mga braso sa dibdib at hindi umimik.
Sa inakto niyang iyon ay lumayo sa paglalakad ang lalaki. Ang siste ay sa magkabilaang side ng ilog sila pumwesto habang tinatahak ang daan papunta sa highway.
Halos kalahating oras din nilang binagtas iyon nang matanaw ang simentadong kalsada na nagdudugtong patungo sa iba't ibang karatig na bayan. Kanya-kanya silang takbo nang may makita silang isang truck na tila may kargang mga gulay sa likuran. Unang pinara iyon ng lalaki na pinanlakihan siya ng mga mata nang makitang nakipara din siya.
“Pwede ho ba kaming makiangkas ng anak ko?” saad nito sa driver nang huminto ang truck sa kanilang harapan.
“Saan ho ba ang punta ninyo?” tanong ng driver dito.
“Saan ho ba kayo patungo?”
“Mag-aangkat lang ako ng mga gulay sa kabilang bayan.”
“Sige ho. Doon n’yo na lang ho kami ibaba.”
“Tatlo kayo?” tanong nito na napalingon din sa babae na nasa bandang likuran ng lalaki.
“Oho," mabilis niyang sagot na patuloy pa rin ang pagkukubli ng mukha at kalahati ng katawan sa bandang likuran ng lalaki. Iniiwasan niya na makilala rin ng driver ng truck na iyon. “Mag-asawa ho kami,” agad niyang sinundan ang sinabi.
Napalingon ang lalaki sa kanya kasabay ng pagsasalubong ng mga kilay nito na tila ba kinukundena ang kanyang sinabi.
“Naku, puno na ho ang truck ko. Hindi ko alam kung magkakasya kayong tatlo sa likuran,”
“Kasya ho yan. Hindi naman ho kami kalakihan. Hindi ba Darling?” sambit niya pa.
Lalong sumama ang pagkakatingin sa kanya ng lalaki.
“Bahala kayo. Basta huwag n’yo lang uupuan ang mga paninda ko.”
Agad na pumunta sila sa likuran ng truck at doon ay mabilis na sumampa. Nang maiayos na ang pagkakaupo doon ay tsaka pinalo ng lalaki ang gilid ng truck upang bigyan ng signal ang driver na pwede na silang umalis.
"Kapag ako madamay-damay sa ginagawa mo--," tila may pagbabanta ang pagsasabing iyon ng lalaki habang nakatingin lang ito diretso sa lugar na kanilang pinanggalingan.
"Excuse me!” itinaas niya ulit ang isang kilay sa pagsasabing iyon. “Takas ka. Kahit hindi ka madamay sa akin, sa kulungan pa rin ang punta mo!" mataray niyang sambit.
Ang lalaki naman ang hindi nakaimik.
"If I were you, sakyan mo na lang ang kagustuhan ko. Ngayon lang naman, hanggang sa makalayo tayo,"
“Saan ba ang punta mo?” pormal na tanong ng lalaki.
“Hindi ko alam, basta gusto kong makalayo dito,” seryoso niyang tugon.
“So anong itatawag ko sa iyo? Darling? Kagaya ng itinawag mo sa akin kanina?” may pagkasarkastiko ang pagkakasabing iyon ng lalaki ngunit siniryeso niya.
Isinang-ayunan niya agad ito upang wala nang mahaba pang pag-uusap na mangyari sa pagitan nilang dalawa. Ganoon ang naging set-up nila hanggang sa makalayo sa lugar na iyon at tuluyang makapuslit at makarating sa Maynila. Pagdating sa Maynila ay sinubukan nilang maghiwalay ng landas ngunit napagtanto nila na mas maitatago nila ang totoong pagkatao ng isa’t isa kung paninindigan na lamang ang kasalukuyang sitwasyon. Hanggang sa makarating sila sa siyudad ng Baguio. Sa liblib na lugar doon ay nagsimula sila ng bagong buhay na magkasama sa iisang bahay kalakip ang napakaraming restriksyon.
“Darling, lalabas lang ako. Kukuha ng mga panggatong. Sa tingin ko ay uulan ng malakas. Baka mabasa lang ang mga binilad kong mga kahoy at hindi natin mapakanibangan,” ani Rodolfo pagkatapos nilang kumain ng tanghalian.
Naipilig niya ang ulo mula sa muling pag-alala sa mga nangyari sa kaniya noong nakaraan. Tiningnan niya ang asawa na noon ay nasa b****a na ng pintuan ng kanilang bahay. “Sige, at tawagin mo lang ako kung kakailanganin mo ng tulong,” pahabol na saad niya dito na noo’y mabilis nang gumayak papunta sa kakahuyan na may kalayuan rin mula sa kanilang bahay.
Lumipas ang ilang oras at hindi pa nakakabalik ang asawa. Nagsimula na rin bumagsak ang malakas na ulan na sinamahan pa ng kulog at kidlat. May tila pag-aalala siyang naramdaman dito kung kaya labag man sa kalooban na iwan ang bata sandali ay sinundan na rin ang lalaki. Tutal ay kasalukuyang nagsi-syesta na si Utoy noong oras na iyon.
Baha na ang ilang bahagi ng maliit na lupain na sinasakahan nila. Tanaw niya rin ang mga pirapirasong kahoy na panggatong na tinutukoy ng asawa kanina. Nagtaka pa siya na tila hindi man lang nagalaw iyon. Nakita niya ang pagragasa ng tubig mula sa kung saan. Marahil ay inuna ng asawa na agapan ang mga tanim na mani para hindi bahain ang mga ito. Gumawa muna siguro ito ng kanal para doon dumaloy ang tubig.
Gamit ang payong para hindi mabasa ng ulan ay pumihit siya upang makabalik na sa bahay. Nang ilang sandali pa ay biglang humangin ng malakas. Nabitawan niya ang hawak-hawak na payong. Sinubukan niya itong habulin at hindi niya sinasadyang mapukulan ng pansin ang isang malaking hayop na hindi kalayuan sa kanyang kinalalagyan. Isang itim na kabayo na nakasilong sa isang puno. Lalapitan niya sana ito ng bigla itong tumakbo papalayo nang makarinig ng malakas na pagkulog. Susundan na sana niya ito nang may makita na isang lalaki na kasa-kasama pala ng kabayong iyon na nakakubli rin sa ilalim ng puno.
Gulat ang naging reaksyon nila ng makita ang isa’t isa. Siya na pagkatapos ng mahabang panahon ay ngayon na lang ulit nakakita ng ibang tao, at ang lalaki na napatitig sa kanyang mukha na ilang sandali pa ay ibinaba ang tingin nito sa kanyang katawan na noon ay mahahalata na ang kanyang suot na pangloob mula sa basang-basang puting bistida.
Sa pagkailang ay natakpan niya ng mga braso at palad ang harapan. Kasabay ng pagkunot ng noo dahil pansin niya kung paano siya tingnan ng lalaki ay ang pagtalikod dito at pagtakbo pabalik sa bahay.