Sa tulong ng kapatid na si Gold ay agad na naisugod sa ospital si Silver habang sa pangunguna naman ni Copper kasama ang ibang mga tauhan ng kapatid ay hinabol ng mga ito si Rodolfo. Kabisado ng lalaki ang bandang iyon ng hacienda kaya agad itong nakapagkubli. Nahirapan man sila na hanapin ito, kalaunan dahil sa hindi sila tumigil sa paghahagilap sa lalaki lalo na ang nanggagalaiti na kapatid na si Copper ay nahuli rin ito. Subalit bago pa ito tuluyang dinala sa presinto ay ipinabugbog muna ito ni Copper sa mga kasamang tauhan ng kapatid. Nang sa tingin nito'y pantay na ang mga pasang tinamo nito sa tinamo ni Silver ay tsaka rin nito sinugatan sa dibdib ang lalaki. Maswerte si Rodolfo at iyon lamang ang inabot nito sa bunsong Salazar. Huli na kasi nito nalaman na ito pa pala ang mismong nanunog ng bahay at ang taong nanglason sa mga namatay na alagang hayop ng kapatid. Lahat ng ebidensya ay nakuha sa bahay nito na pader na lamang ang natira pagkatapos ng ilang oras pagtupok ng apoy.
Samantala, hindi man kalakihan ang natamong sugat ni Silver sa dibdib ay may kalaliman rin naman iyon. Kahit mabilis itong naisugod sa ospital ay marami ring dugong nawala sa lalaki. Dahil doon ay kinailangan itong salinan ng dugo at bigyan agad ng tetanus shots dahil may kapurulan na ang itak na ginamit sa binata. At dahil kailangan pang obserbahan ang lalaki sa natamong sugat at pasa sa iba't ibang parte ng katawan ay pinili ng mga kapatid na manatili muna ito kahit ilang araw lang sa ospital upang kahit papaano ay maasikaso ito ng mga nurse ng maayos.
"Any news about Darling?" tanong agad ni Silver pagkamulat ng mga mata. Nabungaran niya ang mga kapatid sa nakatayo sa tabi ng hinihigaang hospital bed. Naghihintay lang ang mga itong magising siya mga mag-aalas dyes na rin ng gabi.
"Nothing yet," ang nakatatandang kapatid ang sumagot. "How are you feeling?" tanong pa nito habang nakapamulsa ang mga kamay sa suot na kupasing pantalon.
Huhugot sana siya ng buntong hininga ngunit agad niyang pinigilan ang sarili dahil sa kirot na naramdaman sa natamong sugat na nasa dibdib.
"I'm okay," saad niya lang kahit pa nagkakandangiwi na ang mukha sa nararamdamang sakit sa mga braso at pang-itaas na parte ng katawan. Ang mga iyon kasi ang pinuntirya ni Rodolfo na pagsusuntukin kanina maliban sa kanyang mukha. Sa kasalukuyan ay may ilang stitches rin siya sa kilay, habang ang pisngi ay may bandaid at ang kaliwang mata ay napapalibutan ng kulay ube na pasa.
"Kuya, do you want me to call the Doctor?" tanong ng nag-aalalang bunsong kapatid.
"It's okay, Copper. I can manage," sagot niya pa na bahagyang bumangon at pilit inaayos ang pagkakaupo.
Sumaklolo ang dalawa at inalalayan siya.
"Huwag kang mag-alala kuya, naiganti na kita sa gumawa nito sa iyo. I'm sure makukulong na ang lalaking iyon sa patong-patong na kasong isinampa natin sa kanya, maliban pa sa mga kasong naka-file na sa kanya dati pa," salaysay ni Copper habang inaayos ang kumot ng kapatid.
Medyo gumaan ang pakiramdam niya nang malaman na nahuli pala ng mga ito si Rodolfo. Akala niya kasi kanina ay katapusan na ng buhay niya at hindi na siya magkakaroon pa ng pagkakataon na panagutin ito sa mga kasalanang ginawa lalo na sa ginawa nito sa kasintahan.
Agad nagtagis ang kanyang bagang sa naalalang sinabi nito bago pa siya nito ambahan ng itak kanina. Totoo kaya na tuluyan na nitong nagalaw si Darling? At saan nito ibinigay ang babae? Sa mga magulang ba nito? O kay Ibrahim?
"I need to see Rodolfo. Dalhin n'yo ako sa kanya," kapagkuwan ay saad niya. Gusto niyang maliwanagan mula sa mga nabanggit ng lalaki kanina.
"Ano ka ba, paano ka makakapunta sa presinto kung ang paghinga nga lang ng malalim ay hirap ka pa? Magpagaling ka muna tsaka mo balikan ang lalaking iyon," tila kinagalitan ito ni Gold.
"But I feel like I don't have enough time, kuya. I need to know kung saan niya talaga dinala si Darling," mariin niyang protesta. Kung totoo man ang hinala niya sa sinabi nito na ibinalik na nito si Darling sa sariling pamilya ng babae ay hindi pa rin ito safe doon. Iyon nga ang dahilan kung bakit tumakas ito noon.
"As of now you can't do anything on your own. And kahit pa komprontahin mo siya, nakakasigurado ka ba na totoo ang sasabihin ng gagong iyon?"
Hindi siya nakaimik. May point ang kuya niyang si Gold. Baka nga nagsisinungaling lang ito na nagalaw na nito ang dalaga. Baka sinabi lang nito iyon dahil gusto lang talaga siya nitong galitin. Medyo nabunutan siya ng tinik sa dibdib sa isiping iyon. Pero ano’t ano pa man, saang lupalop man naroroon ang babae ngayon, sigurado siyang nasa panganib pa rin ito.
“Kuya, don’t forget that we are always here to help. Kailangan mo lang magpalakas muna. Kapag sa tingin mo ay kaya mo na, then pagplanuhan natin ang pagbawi sa girlfriend mo.”
Napatango si Silver sa sinabi ng kapatid. Pero ang totoo ay gusto na niyang tumayo mula sa kinahihigaan at puntahan ang kasintahan. Hindi matatahimik ang kalooban niya hangga’t hindi nalalaman na nasa maayos itong kalagayan.
Naipikit niya ang mga mata at naisandal ang ulunan sa malambot na unan na nasa likuran. Sinubukan niyang i-relax sandali ang sarili. Sana lang ay matauhan na ang mga magulang ng dalaga na hindi talaga makabubuti dito ang sapilitang maikasal sa taong hindi naman talaga nito mahal, dahil kapag mabalitaan niya ang tungkol doon, kahit hindi pa siya talaga lubusang magaling ay susugod siya at walang pag-aalinlangan na bawiin ang babae. Kahit pa sa pangalawang pagkakataon ay malagay ulit sa kapahamakan ang kanyang buhay.
*
*
Samantala...
A few hours ago.
Sa residente ng mga Faizan.
Habang nasa ilalim ng maliliwanag na ilaw sa loob ng kulob na kuwarto, tahimik lang na pinagmamasdan ni Darling ang bangkay ng ina. Nakahiga ito sa isang malinis na banig sa konkretong sahig, habang pormal siyang nakaupo sa gilid katabi ang dalawa pang babae na malapit nilang kamag-anak. Sila lamang ang nasa loob ng kuwartong iyon at wala nang iba. Sa pamumuno niya, sila ang naatasan na linisin ang katawan ng ina ayon na rin sa tradisyon ng kanilang relihiyon.
Napag-alaman niya na buhay pa pala ito kaninang umaga nang i-request nito na sapilitan na siyang pauwiin. Siguro ay nakaramdam na ang ina na nasa huling sandali na ito ng buhay nito kaya nagpalabas na ito ng kautusan na ibalik siya sa kanilang pamamahay. Ang kanyang ama ang mismong tumugon sa kautusang iyon. Sa kasamaang palad, bago siya makuha ni Rodolfo ay nalagutan na ito ng hininga kung kaya wala nang nagawa ang ama kung hindi hintayin na lamang ang kanyang paggising upang doon ay kastiguhin sa mga nabalitaan nitong pinaggagawa niya.
Maga ang kanyang mga mata sa matagal na pag-iyak. Pagkarating nila mismo sa kanilang bahay kanina ay agad siyang dumiretso dito upang humingi ng tawad sa mga desisyon niya sa buhay na noon pa man ay salungat na rin ito. Alam niyang hindi siya naging perpektong anak, pero alam niya rin sa sarili na ginawa niya ang lahat para maging isang karapat dapat na anak para sa mga ito na itinuturing na pinakamataas na tao sa kanilang tribo.
Puti ang kanyang kasuotan, maging ang suot ng dalawang nakakatandang kasama sa loob ng kuwartong iyon. Pagkatapos niyang suotin ang protecting gloves sa kamay, na sinundan din ng dalawa ay kumilos na sila upang hubarin ang suot na damit ng ina. Pagkatanggal nila ng saplot nito ay kumuha siya ng maliit na tela upang itabon sa pribadong parte ng katawan nito upang hindi iyon expose habang ginagawa nila ang proseso. Kapagkuwan ay maingat na nila itong sinabon, simula sa mukha, pababa hanggang sa kasingitsingitang parte ng katawan. Ilang beses nilang sinabon iyon at binanlawan upang masigurado na malinis ang buong katawan nito. Pagkatapos ay siya na ang nag-asikaso sa buhok nito na pagkatapos banlawan rin ng ilang beses ay isinunod niya na ang paglilinis sa ngipin nito. Nang sa tingin nila ay malinis na ang bangkay ng ina ay maingat rin nilang pinatuyo ang katawan nito sa pamamagitan ng pagdampi-dampi ng malambot na puting tuwalya. Pagkatuyo ay agad rin nilang ibinalot ito sa dalawang puting tela. Hindi rin nila nalimutan na lagyan ito ng tali sa magkabilaang dulo ng tela, sa ibabaw ng ulo nito at dulo ng paa. Sa huli ay tinalian rin nila ang bandang gitna ng katawan nito.
Ilang sandali pa ay pumasok na ang mga kapatid kabilang na ang ama at ilang mga kamag-anak na lalaki upang buhatid ito papunta sa loob ng kanilang banal na sambahan. Doon ay naghihintay na ang iba pang miyembro ng kaanak, kaibigan at maging ang buong tribo upang mag-alay ng panalangin sa namatay. Bukas, sa parehas na oras ng pagkamatay nito ay siyang oras rin ng libing nito, ayon sa nakagisnang panuntunan ng relihiyong muslim.
*
*
Ilang araw ang lumipas…
“Bumangon ka. Ilang araw ka nang nagkukulong sa kuwarto mo,” saad ng Datu pagkapasok nito sa kanyang kuwarto. Dala nito sa dalawang kamay ang mga pagkain na ipinaluto nito para lamang sa kanya.
“Bukas na bukas, pagkatapos ng araw ng ating pagluluksa, may pupunta dito upang magsukat ng iyong damit at mag-asikaso ng iba pang bagay na gagamitin mo sa araw ng iyong pag-iisang dibdib. Ayusin mo ang iyong sarili. Sa Huwebes na ang simula ng isang linggong pagdiriwang ng inyong kasal ni Ibrahim.”
Namilog ang kanyang mga mata na napatingin sa kanyang ama sa narinig. Namangha siya sa tinuran nito. Pagkatapos pa rin pala ng mga nalaman nito tungkol sa mga pinagagawa niya ay willing pa rin itong ituloy ang pagpapakasal niya sa kanyang pinsan?
Sa buong gabing iyon ay wala siyang ginawa kung hindi bumuo ulit ng plano upang sa pangalawamg pagkakataon ay makatakas mula sa mga ito.