“Hyaahh!” isang malakas na pagtapik ng paa ang ginawa ni Silver sa tagiliran ng sinasakyang kabayo nang hindi niya natagpuan ang kasintahan sa direksyon na itinuro ng isang babae kanina. Hinila niya ang taling nakakabit sa ulo nito at ipinihit upang papuntahin sa ibang direksyon, nagbabakasakaling imbes na sa kabila ay doon dumaan ang lalaking kumuha sa dalaga. Ngunit halos nalibot na niya ang kabuuan ng lugar na iyon ay wala pa rin siyang makitang bakas ng kasintahan.
“Sir, may nakakita raw ho na isinakay si Darling sa isang sasakyan,” humahangos ang tauhan habang sinasabi kay Silver ang nakalap na impormasyon galing sa isang concern citizen.
“Natandaan niya ba ang plate number ng sasakyan?” agad niyang tanong dito.
“Hindi ho, eh. Basta ang natatandaan lang ng bata ay itim ang kulay ng sasakyan kung saan ipinasok si Darling," sagot nito.
Nagngitngit ang kanyang bagang sa nalaman. Gusto niyang magmura at sumigaw ng malakas sa nararamdaman galit sa dibdib. Abot langit ang pag-aalalang nagpalingalinga siya sa paligid. Baka naman hindi pa nakakaalis ang pinagsakyan sa babae? Baka sa dami ng tao ay hindi pa nakakalayo ang mga kumuha sa kanya? Ngunit wala siyang nakita ni isang itim na sasakyan sa lugar na iyon. Dahil doon ay mahigpit niyang naihawak ang mga kamay sa lubid. Sa buong buhay niya, ngayon lang siya natuliro sa isang problemang kinakaharap. Pakiramdam niya ay napaka-iresponsable niyang tao na walang maisip kung anong pwedeng gawing solusyon. Biglang rumihistro sa balintataw niya ang mga ngiti ng kasintahan kanina. It's killing him to think na baka minomolestya na ito ni Rodolfo. Ilang beses siyang umiling-iling. Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag may mangyaring masama sa babaeng pinakamamahal.
Kinuha niya ang telepono at sinimulang i-dial ang numero ng mga pulis, noong marinig niya ang pagtunog ng telepono sa kabilang linya ay tsaka niya lang naalala na nagkalat pala ang mga alagad ng batas sa lugar na iyon kaya agad nang ibinaba iyon at as soon as may nakitang nakauniporme at armadong pulis ay agad niyang ipinaalam ang nangyari sa babae.
"Ano ho bang pangalan ng nawawalang babae sir?" tanong ng isa habang kinakapanayam si Silver. May hawak itong ballpen at papel kung saan isusulat ang mga malalamang impormasyon tungkol sa nawawalang dalaga.
"Darling…" sagot niya na agad ding binawi nang maalala na hindi pala iyon ang totoong pangalan ng babae. "Amira Faizan, ho."
Napakunot ang noo ng isang pulis na kasalukuyan lang nakikinig noong mga oras na iyon.
"Pamilyar ang pangalan na iyan, ah" sabat nito na sandaling nag-isip "Hindi ba iyan ang babaeng pinaghahanap namin sa inyo noong nakaraan, sir?"
Napabuntong hininga siya kasabay ng madiin na pagpikit ng mga mata sa prustrasyong nararamdaman. Kailangan pa ba niyang ipaliwanag sa mga ito ang tungkol doon? "It's a long story, ho," banas na niyang saad sa mga kaharap. "Just please, help me find her!" dugtong niya pa na sa kabila ng pakikiusap ay may gigil rin sa tono ng kanyang boses.
"Naiintindihan ho namin ang nararamdaman ninyo, sir. Pero kailangan ninyong kumalma. Kailangan lang ho kasi namin kumalap muna ng ilang impormasyon tungkol sa kanya,” saad ulit ng isang pulis na siyang naglilista.
"Ano pa bang impormasyon ang gusto ninyong malaman?” medyo naitaas na niya ang boses sa pagtatanong na iyon. “Hindi ba dapat kumikilos na kayo ngayon? Hindi natin alam baka ginagawan na siya ng masama ng mga taong dumukot sa kanya!” galit na niyang saad sa mga ito.
"Bakit ho, sir? May idea ho ba kayo kung sino ang may kagagawan nito sa kanya?” pag-uusisa naman ng isa.
Napaisip siya sa katanungang iyon ng isa pang pulis. Dalawa ang pinaghihinalaan niyang maaaring dumukot kay Darling, si Rodolfo, at ang pinsan nitong si Ibrahim. Pero ang problema ay hindi niya alam ang buong pangalan ng mga ito. Dahil doon ay banas niyang naisuklay ang kanang kamay sa kanyang buhok. Sa laki ba naman ng Pilipinas, at sa dami ng mga lalaking may kaparehas na pangalan gaya ng mga iyon ay malabo talagang ma-trace kung saan ang kasalukuyang kinaroroonan ng babae. Iyon ay kung sila nga talaga ang dumukot kay Darling.
Sa mga nakalipas pang mga minuto ay kung ano-ano pa ang ipinagtatanong ng mga ito sa binata. Gusto niya nang mag-walk out sa mga oras na iyon at simulan ang paghahanap sa kasintahan ngunit alam niyang hindi niya iyon kayang gawin mag-isa. Kaya wala siyang choice kung hindi gawin na lamang ang sinabi ng mga ito, ang maghintay kung may tatawag ba sa kanyang tao na may koneksyon sa pagdukot sa babae na alam niyang imposibleng mangyari dahil hindi naman ransom ang gusto ng mga ito sa ginawang pagkuha kay Darling.
*
*
Samantala…
Pagkalipas ng ilang oras, sa loob ng prestihiyosong hotel..
“Hi Darling!”
Isang boses ang naulinigan ng dalaga nang buksan ang mga mata. Inilibot niya ang kanyang paningin sa hindi pamilyar na kuwartong kinapapalooban at hinanap ang may-ari ng boses na iyon, nang mula sa gilid ng kaliwang mata ay makita ang katabing lalaki sa higaan.
“Ibrahim!” agad siyang napabangon at dumistansya sa lalaki. Mabilis niya ring pinasadahan ng tingin ang sarili. Although hindi naman nagbago ang kanyang damit ay nakababa naman na ang ang mga manggas nito. “Anong ginawa mo sa akin?” may galit ang pagtatanong niyang iyon.
“Don’t worry, Darling, wala akong ginawa sa iyo. Wala pa,” may panlilibak na tawag nito sa kanyang gamit na pangalan. Hindi pa ito nakuntento sa panunuya sa babae at nagpakawala pa ng nakakalokong pagtawa. Bumangon ito upang kunin ang telepono. Doon ay may di-ni-al na numero. “Gising na siya,” saad pa nito sa taong sumagot sa kabilang linya. Pagkatapos sabihin ang mensaheng iyon ay agad rin namang pinindot ang end button.
Wala siyang idea kung sino ang tinawagan nito pero takot agad ang kanyang naramdaman kaya pagkatayo niya ay kumaripas agad ng takbo papunta sa pintuan ng kuwarto. Pagdating doon ay agad niyang ipinihit ang door knob. Nang mabuksan ay sinubukan niyang tumakas ngunit mabilis na humarang doon ang dalawang lalaki na bahagya pa siyang itinulak papasok ulit sa kuwarto. Napaatras siya pabalik. Hindi pa nagtatagal ay biglang sumulpot sa pagitan ng mga bantay na iyon ang isa pang lalaki. Isang matandang lalaki na nakasuot ng pangmuslim na damit.
“Ama?” iyon lang ang nag-iisang salitang lumabas sa bibig niya nang makilala ang taong kasalukuyan nang kaharap ngayon.
Mahahalata naman ang galit sa mukha ng kararating pa lamang na lalaki.
“Iwan ninyo kami,” utos nito kay Ibrahim pati na sa dalawang bantay na nasa likuran nito. Agad namang kumilos at lumabas ng kuwarto ang mga sinabihan. Si Ibrahim na rin ang nagsarado ng pintuan.
Magsisimula na sana siyang magsalita nang isang malakas na sampal agad ang ipinadapo nito sa kanyang mukha.
“Hindi mo ba alam na higit na ipinagbabawal sa batas ng mga muslim ang pakikiapid sa isang lalaking hindi mo naman asawa?” sa kabila ng pagiging matanda na ng lalaki ay matayog ang pagkakatayo nitong hinarap ang dalaga. Taas ang noo nito at mababanaag sa boses ang otoridad.
Napahagulgol agad siya sa pag-iyak habang sapo ang natamaang pisngi. “Patawad ama, nagawa ko lang naman iyon dahil siya na ang pinipili ng puso ko na makasama habang buhay. Mahal ko ho siya. Nagmamahalan ho kami ni Silver,” saad niya na kahit pa may nararamdamang takot sa dibdib ay naninindigan pa rin.
Nagtagis ang bagang ng kaharap at nagsalubong ang mga kilay.
“Kelan ka pa nagsimulang makiapid sa lalaking iyon?” pasigaw na tanong nito.
Sa boses ng ama na dumagundong sa buong kuwarto ay tila hindi siya nakaimik. Hindi niya rin kasi maipaliwanag na sa mahabang panahon ay tumira rin siya sa iisang bubong kasama ng ibang lalaki.
“Ang ibig sabihin ba niyan ay naibigay mo na sa kanya ang iyong dangal?” tanong ulit nito nang hindi siya nakapagsalita.
Dahil doon ay tuluyan na siyang napipi at mga pag-iyak na lamang ang isinagot sa ama.
Muli ay itinaas nito ang kanang kamay at sa mukha niya ulit iyon dumapo.
“Hangal!” nanggigigil na nitong singhal kay Darling. “Noon pa man ay sarili mo lang ang iyong iniisip! Hindi mo ba alam na magmula nang umalis ka, naging malubha na ang sakit ng iyong ina?” dugtong pa nito.
Lalo siyang napahagulhol sa nalaman.
“Uuwi ka sa Mindanao at ipagpapatuloy mo ang naiwan mong tungkulin sa ating tribo,” mariing utos nito sa dalaga.
Umiling-iling siya habang dahan-dahang lumalapit sa matanda. “No! Hindi ako uuwi, ama. Please, ayokong bumalik doon!” tutol niya pa na tila nagmamakaawa dito.
“Sabihin mo ‘yan sa bangkay ng iyong ina!”
Natigilan siya at napatulala sa narinig. Alam niyang tutol rin ang ina sa mga nagawa niya pero hindi niya akalain na hindi na pala ito makikita kailanman. Napaupo na lamang siya sa paanan ng higaang naroon at patuloy na umiyak. Hindi naman siguro niya kasalanan ang pagkamatay nito. Noon pa man ay alam na ng mga ito na napipilitan lang siyang tanggapin ang pagiging isang prinsesa ng kanilang tribo.
Tumalikod ang Datu at lumabas ng kuwarto. Sinundan naman iyon ng pagpasok ng dalawang bantay na naghihintay lang sa labas ng pintuan. Binitbit siya ng mga ito papalabas ng kuwarto hanggang makalabas sila ng hotel na iyon. Isinakay siya sa isang sasakyan papunta sa pinakamalapit na airport at doon ay sabay-sabay silang inilulan ng isang private plane pabalik sa Mindanao.
Sa Hacienda Salazar…
Ilang oras na ang nakakalipas simula nang mawala ang kasintahan ngunit dumating na lang ang gabi ay wala pa rin siyang balita rito. Maging ang mga pulis na siyang inatangan niya ng paghahanap sa dalaga ay wala pa ring idea kung saan ang kinaroroonan ng babae.
Sa mga oras na iyon ay katatapos niya lang ibaba ang telepono. Tinawagan niya ang mga kapatid upang damayan siya sa kinakaharap na problema. Para na kasi siyang mababaliw sa pag-aalala. Alam niyang wala ring magagawa ang mga ito pero maramdaman niya lang ang prisensya nina Gold at Copper sa panahong iyon ay malaking tulong na sa para kanya.
Nasa loob siya ng kanyang opisina kaharap ang laptop, habang nakatingin sa monitor noon ay nagparoot parito siya sa paglalakad. Nakalagay sa kanyang monitor ang address ng bahay ni Darling sa Mindanao. Ilang oras niya ring hinanap iyon sa internet. At nang makita ay pinag-isipan niyang mabuti kung ididipende na lang ba ang paghahanap sa dalaga sa kamay ng mga pulis o didiretso na lang sa bahay ng babae para malaman niya kung nandoon nga ang kasintahan.
Ilang minuto pa ang lumipas nang may malakas na pagkatok na siyang narinig sa main door ng kanyang bahay. Ang buong pag-aakala niya ay dumating na ang isa sa mga kapatid ngunit hindi pala.
“Sir, nasusunog ho ngayon ang bahay na ipinigawa ninyo noon para kina Rudolfo!” wika iyon ng tauhan habang habol ang paghinga.
“Ano?” sambulat niya. “Paano nangyari iyon? Nakita n’yo ba kung sino ang may kagagawan noon?” sunod-sunod niyang tanong dito.
“Hindi ho sir. Ang ipinag-aalala ho namin, sa lakas ho ng hangin baka ho madamay ang kalapit na kakahuyan.”
Sa sinabi ng tauhan ay nagmamadali siyang pumasok ulit sa loob ng bahay para kunin ang susi ng sasakyan. Ilang sandali pa, sakay ng F350 na truck ay pinaharurot niya na ito papunta sa dating tinutuluyan ng kasintahan.
Malayo pa sa mismong bahay ay kita na niya ang makapal na usok na likha ng malaking apoy. Sigurado siyang wala na silang masasalba sa ipinagawang bahay na iyon pero hindi naman na importante iyon. Ang mahalaga ay hindi madamay sa sunog ang kalapit na kakahuyan dahil kung mangyari iyon ay magtutuloy tuloy ang apoy sa kabuuan ng pag-aari niyang lupain.
Gamit ang tubig na kinukuha pa sa isa pang bahay na ilang metro rin ang layo ay sama-ama nilang inapula ang apoy. Nag-focus siya sa likurang bahagi ng bahay upang wala nang iba pang madamay na puno. Habang ang iba ay abala sa pagbuhos ng tubig, gamit ang natagpuang itak sa gilid ay mano-mano niyang ipinagpuputol ang maliliit na puno upang bigyan ng malaking distansya ang iba pang tabi tabing malalaking punong kahoy. Ngunit ilang minuto pa ay hindi niya namalayan ang paglapit ng isang lalaki at pagtadyak nito sa kanyang tagiliran.
Sa gulat ay nabitawan niya ang hawak na itak at napatimbuwang sa lupa. Nilingon niya kung sino ang may kagagawan sa kanya noon nang makita si Rodolfo na pasugod ulit sa kanya.
Dahil sa bilis ng lalaki ay agad siya nitong natadyakan sa dibdib, dahilan upang mapahiga siya sa lupa. Doon ay wala siyang laban na kinumbabawan nito at pinagsusuntok sa iba’t ibang parte ng katawan.
"Sabi ko naman sa iyo, gaganti ako," saad pa nito habang pinapakawalan ang malalakas na suntok sa mukha ng binata. Nang tumigil ito ay kinuwelyuhan si Silver. "Gusto mo bang malaman kung nasaan ang pinakamamahal mong prinsesa? Ayun, nasa mabuting kamay na siya. Pero bago ko siya inihatid doon, siyempre, tinikman ko muna," sinundan nito iyon ng nakakalokong pagtawa.
Sa narinig ay napasigaw siya ng malakas. Abot langit ang galit na naramdaman niya kay Rodolfo kaya kahit bugbog sarado na ay nagawa pa rin niyang gumanti ng ilang suntok at kumawala rito. Narinig ang pagsigaw niyang iyon ng mga tauhan kaya agad ang mga itong sumaklolo.
Mabilis na kumilos si Rodolfo at dinampot ang itak na nasa lupa, at bago pa man nakaresponde ang mga tauhan ng binata ay ipinagwawasiwas na nito iyon kay Silver na noo'y hindi pa rin nakakabangon. Naiwasan ng binata ang ilang beses na pag-amba ng lalaki ngunit hindi ang huling pagtaga nito sa kanyang dibdib.
Walang malay at naliligo na ito sa sariling dugo ng datnan ng mga tauhan.