By Michael Juha
----------------------
Ngunit hindi niya sinuklian ang halik ko. Hindi siya umimik, hindi kumibo, walang emosyon sa kanyang mukha. Napako lang siya sa pagkakaupo habang tinitigan ang mukha ko. Nagtitigan kami. Maya-maya lang ay nakita ko ang pagdaloy ng mga malalaking butil ng luha sa kanyang pisngi…
“Bakit ganito ang ginawa mo sa akin, ‘tol? Ano ba ang nagawa kong kasalanan sa iyo? Wala naman, di ba…?” ang panunumbat ni Lito.
Ramdam ko ang bigat ng kanyang hinanakit. Patuloy na dumaloy ang mga luha mula sa kanyang pisngi at hinayaan lang niyang bumagsak ang mga ito.
Ramdam kong gumapang sa katauhan ko ang panlulumo sa narinig na tanong niyang iyon. Alam kong ang tanong niyang iyon ay ang sukdulan ng aking pagtitiis sa pinakaiingatan kong lihim. Bagamat hindi ko alam kung paano harapin ito, alam kong alam na niya na magkasintahan nga kami ni Sarah.
Hindi kaagad ako nakasagot sa kanyang tanong. Tila may bumara sa aking lalamunan, hindi malaman kung ano ang sasabihin at paano sisimulan ito. “A… ‘tol… pwede bang hayaan mo akong magpaliwanag?” ang nasambit ko na lang.
“Napakanda ng ating pagsasama ‘tol. Sa simula pa lang, sinabi ko na sa iyo na ayaw kong ipilit ang sarili mo sa akin; na ayaw kong ang makikipagrelasyon ka sa akin kung ito ay labag sa iyon kalooban. At nangako ka pa sa akin sa aplaya, na wala tayong ililihim sa isa’t-isa. Bakit? Bakiiiittttt?!!!“ at tuluyan ng kumawala ang matinding hinanakit niyang kinimkim. Napahagulgol siya na parang bata sabay tayo at sinusuntok nang sinuntok ang sementong dingding ng kwarto niya hanggang sa nakita kong nabalot na ng dugo ang kanyang mga kamao.
Dali-dali ko siyang niyakap upang ilayo sa dingding. “tigilan mo nga iyan! Sinasaktan mo ang sarili mo!” ang sigaw ko.
“Mas nanaisin ko pang saktan ang sarili kaysa sasaksakin na lang ako ng ibang tao habang nakatalikod!” sigaw din niya habang puwersahan ko siyang pinaupo sa kama.
Noong makaupo na, hinahaplos-haplos ko ang likod niya at ang balikat. “’Tol… I’m sorry. Ayaw ko lang naman sanang saktan ka eh, kaya ko inilihim ang lahat.” ang paliwanag ko.
“At bakit?!!! Hindi ba ako nasasaktan ngayon? Ha?!!! Mas matindi pa tol! Mas matindi pa ang sakit na naramdaman ko. All those times, iniisip ko na tapat ka sa relasyon natin, na maluwag sa kalooban mo ang pagpasok mo sa relasyon natin. Ni ikaw pa nga ang nagmungkahi na papasok tayo sa relasyon na ito! Tapos, iyon pala…” hindi na niya naipagpatuloy pa ang sasabihin.
“Nanghingi ako ng tawad sa iyo, ‘tol… patawarin mo ako, pleaseeee. Nagkamali ako.” ang pagmamakaawa ko.
Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin, “Niloko mo ako! Niloko mo akooooo! Tanginaaaaa!” habang tinumbok ang gilid ng kuwarto, naupo sa sahig, ang likod ay isinandal sa dingding, itinakip ang dalawang duguang kamay sa kanyang mukha. “Sinaktan mo ang damdamin, ko, ‘tol… sobrang sakit ang naramdaman ko, alam mo ba?!!” dugtong niya habang patuloy pa rin sa paghagulgol.
Umupo ako sa harap niya, hinawi ko ang dalawa ninyang kamay na itinakip sa mukha at pagkatapos, hinawakan ng dalawa kong kamay ang mukha niya. Tinitigan ko siya “Nagkasala ako ‘tol… at buong-puso akong hihingi ng tawad sa iyo. Nasa akin ang lahat ng pagkakamali. Sabihin mo lang kung ano ang maaari kong gawin upang mapatawad mo ako.”
Hindi siya kumibo. Yumuko siya, patuloy pa rin ang pag-iyak.
Tumayo ako, kinuha ang isang maliit na towel at binasa iyon, ipinunas ko sa kamay niyang patuloy pa ring dumudugo. “’Tol… pangako ko sa iyo. Kahit ganito ang nangyari, hinding-hindi kita pababayaan. Nandito lang ako para sa iyo.” ang sabi ko.
Hindi pa rin siya kumibo. Hinayaan lang niya ang mga kamay niya na pupunasan ko at linisin ang dugo na patuloy pa ring umaagos mula rito. Tumayo uli ako at kumuha ng bendahe at tinapalan ang mga kamay niya.
“S-sana, ‘tol… maintindihan mo ako. Lalaki ako, ‘tol e. Alam mo kung gaano katindi ang pagsupil ko sa sarili na huwag matukso sa mga babae. Nakita mo naman; hindi ako nagpi-flirt, wala akong niligawan, at kahit may mga nagparamdam, hindi ko sila pinatulan. Alam mo iyan dahil sinasabi ko ang lahat sa iyo. Tapat ako sa iyo, ‘tol, wala akong inililihim, alam mo iyan. Ang pagkakamali ko lang ay noong dumating si Sarah sa buhay ko, hindi ko sinabi sa iyo ito. Nalilito ako ‘tol. Ayaw kong masaktan ka…” ang paliwanag ko habang naramdaman ang kusang pagdaloy ng mga luha sa pisngi ko. Pinahid ko ang mga ito.
Wala pa rin siyang imik.
“Napagdesisyonan ko na sanang pilitin ang sariling unti-unti siyang kalimutan, para sa iyo ‘tol. Masakit pero ito ang naisip kong pinakamabuting paraan upang matupad ko ang pangako ko sa iyo at upang hindi ka masaktan. Ngunit nitong nakaraan, nalaman kong nabuntis ko si Sarah at… nabitiwan ko sa kanya ang pangakong pakakasalan siya, ‘tol…” at tuluyan na rin akong humagulgol na parang bata, hawak-hawak ko pa ang mga kamay niyang nakabendahe na. “Maniwala ka ‘tol… nahihirapan din ako sa kalagayan ko…” ang dugtong ko.
Tiningnan niya ako. Marahil ay lumambot din ang puso niya sa narinig. “M-mahal mo ba siya?” ang tanong niya.
Tumango ako.
“Kung pakasalan mo siya, ano ang plano mo para sa atin?” ang tanong uli niya.
“Ganoon pa rin tayo, ‘tol… walang pagbabago. Hindi kita pababayaan at kahit na ano man ang maging plano ko sa buhay, palaging isasama kita sa mga plano ko. Patuloy pa rin ang lihim nating relasyon.”
Iyon lang ang nasabi ko at binitiwan na niya ang isang pilit na ngiti sabay yakap sa akin. At imbis na ako ang sumuyo sa kanya, tila siya pa itong gumawa sa akin nito. Hinahaplos-haplos niya ang likod ko, ang buhok, ang mukha. Pinahid niya ang mga luha ko sa pisngi at pagkatapos, tinitigan niya ako ng matagal na tila iniuukit sa utak niya ang bawat detalye at anggulo ng aking mukha.
Ewan ko ngunit may iba akong naramdaman sa mga titig niyang iyon, hindi ko lang lubos maintindihan kung ano. Maya-maya, niyakap niya ako, mahigpit na parang ayaw na niya akong pakawalan sabay bulong sa tainga ko. “Tol… tandaan mo palagi, mahal na mahal kita. At kahit kailan man, hindi magbabago ito. Kahit ilang babae pa ang mahalin mo, palaging ikaw ang ititibok ng aking puso, pangalan mo ang palaging isisigaw nito. Mawala man ako sa mundo… ikaw pa rin ang magmamay-ari nito…”
“S-salamat tol. S-salamat sa pag-intindi mo sa akin.” ang tugon ko. Kumalas ako sa aming yakapan. Hinaplos ko ang mukha niya at inilapat ang mga labi ko sa mga labi niya. Kahit papaano, naibsan ang paghihirap ng kalooban ko.
Noong mahimasmasan, nag-ayos kami, lumabas nang sabay sa kuwarto na tila wala lang nangyari maliban sa bendahe sa mga kamay niya na pinalitan ko ng mga band aid upang hindi masyadong mahalata.
Dahil nasa kalagitnaan pa ang party na idinaos, naki-saya kami ni Lito sa mga bisita, mga ka-klase, at mga kamag-anak nila. Parang normal lang ang lahat.
Sa gabing iyon, doon ako natulog sa kwarto ni Lito. At muli naming pinagsaluhan ang init ng aming damdamin. Sa pagkakataong iyon, mas mapusok ang aming pagniniig, mas maalab ang init ng bawat dantay ng aming mga kalamnan na tumatagos hanggang sa kaibuturan ng aming mga kaluluwa. Naghahalikan kami na parang wala nang bukas; nagyakapan na parang iyon na ang huli naming pagsasama. Hanggang napagod kami at lupaypay na nakatulog.
Kinabukasan, maaga akong nagising. Naligo ako habang si Lito, na gising na rin at inaantabayanan ang pag gising ko, ay ipinaayos sa katulong ang agahan. Alam ni Lito na maaga rin akong bibiyahe patungo sa bahay ng girlfriend ko. Sinabi ko sa kanya ang mga plano naming ng girlfriend ko sa linggong iyon bago kami ikakasal. Pansamantalang doon ako titira sa bahay ng girlfriend ko hanggang sa araw ng aming kasal upang mapaghandaan namin ito nang maayos.
Nang nasa hapag kainan na kami, tila nakakabingi ang katahimikan na namagitan sa amin. Sobrang awkward. Iyon bang feeling na nahiya na naawa sa kanya na nalungkot din dahil iyon na ang huli naming pagsasama bago ako ikakasal. Tila gusto kong umiyak na hindi ko mawari. Ramdam ko ang matinding tensyon na bumabalot sa amin sa tagpong iyon. Ang tanging naririnig ko lamang ay ang kalantong ng mga kutsara, tinidor, at pinggan na gamit namin. Walang imikan. Walang may gustong magsalita. Alam ko, mabigat ang kanyang kalooban sa huli naming pagsasamang iyon na buong-buong pag-aari pa niya ako. Hindi ko lang alam kung ano ang nasa isip niya sa sandaling iyon. Ngunit isa lang ang sigurado ako, masakit na masakit ang tagpong iyon para sa kanya.
Hanggang sa natapos kami sa aming pagkain. Nang pumasok uli ako sa kuwarto upang kunin ang aking mga gamit, sinundan niya ako. Hawak-hawak ko na ang aking bag upang lumabas n asana ng kuwarto nang hinawakan niya ang aking braso. “P-puwede bang angkinin kita, k-kahit sa huling pagkakataon?” ang malungkot niyang sabi.
Hindi na ako kumibo. Binitiwan ko ang aking dalang bag at niyakap siya nang mahigpit. Doon ay sinarili naming muli ang mundo at hinayaang angkinin ni Lito ang aking buong pagkatao.
Hinatid niya ako hanggang sa bungad ng kanilang gate, kaming dalawa lang ang naroon dahil tulog pa ang ibang mga tao sa bahay. “Tol… huwag kang ma-late sa kasal ko ha? Ikaw pa naman ang best man ko.” sambit ko.
Tinitigan niya ako ang mukha ay walang kung ano mang emosyon maliban sa isang malalim na titig na pakiwari ko ay tumagos sa aking buong pagkatao. Alam ko, pinigilan niya ang sarili. Binitiwan niya ang isang bahagya at pilit na ngiti sabay bitiw ng isang matipid na tango.
“Black coat atsaka tie ang isuot mo ‘tol…” ang pahabol kong sabi.
Tumango uli siya, pansin ko na sa kanyang mga labi ang pigil niyang pag-iyak. Alam kong nagtapang-tapangan lang siya at pilit na pinigilan ang matinding emosyon na ano mang oras ay maaring kumawala at sumabog.
Niyakap ko siya at pagkatapos ay hinalikan sa labi. “Text-text na lang tayo, ‘tol…” ang sabi ko na lang sabay talikod, pilit na isiniksik sa utak na ang pagpapaalam ko na iyon ay isa lang sa mga normal na pagpapaalam kagaya ng pag-uwi ko sa bahay naming at siya at uuwi na rin sa bahay nila kapag galing kami sa eskuwelahan, o iyong kapag natutulog ako sa bahay nila at uuwi na ako sa bahay namin. Hindi ko na hinintay pa na makita ang pagpatak ng kanyang mga luha.
Sobrang bigat ng aking kalooban. Pakiramdam ko ay iyon na ang katapusan ng mundo. Hindi ko lubos maintindihan kung bakit matindi ang nadarama kong lungkot para sa kaibigan. Narinig ko pa ang mga nagmamadaling yabag niya pabalik sa loob ng bahay. Alam ko, humagulgol siya at nag-iisa sa loob ng kanyang kwarto. Nakikinita ko rin na ang nasa isip niya: matinding takot na magkaroon ng malaking pagbabago sa set-up namin kapag kasal na ako; na baka iyon na ang huli naming pagkikita.
Patuloy na pumatak ang mga luha ko habang ako ay naglalakad. Ngunit hindi ko alintana ang mga ito. Hinayaan kong bumagsak ang mga ito sa aking damit at sa daan na aking tinatapakan. Pakiwari ko ay nawala ako sa tamang katinuan. Pakiwari ko ay nag-iisa lang ako sa mundo sa mga sandaling iyon dahil walang kahit na sino man ang nakakaintindi sa aking nararamdaman.
Binilisan ko pa ang paglakad hanggang sa nakasakay ako ng tricycle at narating ko ang terminal ng bus patungo sa lugar ng babaeng aking pakakasalan.
Lumipas ang isang araw, dalawang araw, tatlong araw… walang ni isang segundo na hindi pumapasok sa isip ko si Lito. Ang mukha niya ay palaging sumisingit, nakikinita kong nagmamakaawa, humihingi ng tulong, nahihirapan. Kahit sa gabi ay napapanigipan ko rin siya, malungkot, umiiyak.
Ngunit sa aming pagtitext ay maayos naman daw siya at huwag daw akong mag-alala dahil ok siya. Kaya, napapawi rin ang aking pangamba.
Isang araw na lang ang nalalabi at ikakasal na ako. Hindi ko lubos maipaliwanag ang aking naramdaman. Excited, ngunit sa isang bahagi ng aking utak ay may namumuong pag-alinlangan, nagtatanong kung handa na ba talaga ako sa aking gagawin; kung sigurado na ba ako sa buhay na tatahakin, at kung ano ang maaaring kahinatnan sa patagong relasyon namin ni Lito.
Nagtatanong din ako sa mga kaibigan kong nakapag-asawa na. Ang payo nila ay normal lang daw ang ganoong takot at pag-alinlangan. Karamihan daw sa kanila ay naranasan ang pinagdaanan ko. May nagpayo rin na kung may pag-aalinlangan ako, ay puwede akong umurong dahil kapag nakasal na raw, buong buhay ko itong pagsisisihan…
Sa gabing iyon, kahit magkatabi kaming nahiga ng girlfriend ko, kung anu-anong bagay ang pumapasok sa aking isip. Hindi ko maintindihan kung magtatalon ako sa tuwa o humagulgol sa lungkot dahil iyon na ang katapusan ng aking kalayaan.
Araw ng kasal. Alas 10 ng umaga ang takdang oras. Lahat ay handang-handa na; ang mga na-order na pagkain, ang mga dekorasyon, ang reception hall, mga bridesmaid at groom’s men, mga arragements, programs at ang mga in-charge sa events… lahat sila ay excited at handang-handa na.
(Itutuloy)