Chapter 14

2688 Words
By Michael Juha ---------------------- Alas 8:30 noong umalis ako ng bahay patungo na sa simbahan. Bago ako umalis, tinext ko pa si Lito. Ang plano kasi namin ay magko-kotse na lang siya galing sa kanila at dumiretso na sa simbahan. Isang oras lang naman kasi ang biyahe galing sa bayan niya patungo sa bayan ng girlfriend ko. At dahil sariling sasakyan naman nila at may driver pa siya, mas mabilis siyang makarating. “Tol, handa ka na ba?” ang text ko. “Handa na.” ang sagot niya. “Maglagay ka pala ng isang pulang rosas sa may kaliwang dibdib ng coat mo ha? May pulang rosas din ako…” dugtong ko. “Copy.” sagot niya. “Di kami magsisimula hanggang hindi ka makarating. Kaya darating ka on time” ang paniniguro ko. “Copy.” Iyon na ang huli kong text sa kanya. Dumiretso na ako sa simbahan. Alas 9:30 ay puno na ng tao ang simbahan at naroon na rin ang halos lahat ng mga bisita, mga brides maid, grooms men. Ang kulang na lang ay ang best man at ang bride. Habang nakatayo ako sa may b****a ng simbahan at naghintay sa kanila, tila sumisigaw naman ang isang parte ng utak ko, “Sana ay huwag nang dumating pa ang bride”. Ewan ko… marahil ay bunga lang iyon sa sobrang anxiety. Halos mag-aalas 10 na noong dumating si Sarah. Napakaganda niya sa suot na damit pangkasal. Nakangiti siya at nang makalapit na sa akin, hinalikan niya ako sa pisngi. Kinabahan na ako kung bakit hindi pa rin dumating si Lito. Tinatawgan ko ang kanyang cp ngunit walang sumagot. Panay na rin ang tingin ko sa relo ko. Nakalipas ang 10 minuto, 15 minuto, 20 minuto, 25 minuto… wala pa ring Lito ang sumulpot. Sobrang kaba na ang naramdaman ko. Ramdam ko ang pabilis na pabilis na t***k ng aking puso. 10:30 noong nakita ko na ang pari na nasa harap ng altar at minuwestrahan ako na magmartsa na. “Lito nasaan ka na! Shiitttt!” ang sigaw ng utak ko. At imbes na magmartsa, tumalikod ako sa altar at sinilip ang highway kung nandoon na ba ang sasakyan ni Lito. Pakiwari ko ay mag-collpase na talaga ako sa sobrang kaba at tensyon. “Warren! Hinintay ka na ng pari!” ang sigaw ng aking inay na talagang nilapitan na ako, kitang-kita rin sa kanyang mukha ang pagkabalisa kung bakit hindi pa ako pumasok sa loob ng simbahan at magmartsa. “Hindi po ba puwede na maghintay pa tayo ng ilang sandali?” ang sagot ko sa inay. Tinawagan niya ang isang kumare niya na nasa harap ng simbahan upang itanong sa pari kung puwede pa bang maghintay ng sandali. Ngunit nagalit daw ang pari dahil may susunod pa raw itong misa. Kaya wala na akong nagawa kundi ang pumuwesto sa b****a ng simbahan upang magsimulang magmartsa. Nag-alangan man, pilit kong inihakbang ang aking mga paa patungo sa altar. Hindi ko alam kung iiyak ako o sisigaw sa magkahalong inis at pag-alala kung bakit hindi pa sumipot ang aking best man. Ramdam kong may kakaiba akong naramdaman sa sandaling iyon. Nang nasa kalagitnaan na ako ng pasilyo, tila may isang malakas na pwersang humihila sa akin. Hindi ko lubos maintindihan ang sarili. Nalilito, naiinis, nag-alala… Pakiwari ko ay napakabigat ng aking mga paa. Ngunit pinilit ko pa rin ang sariling tapusin ito hanggang sa makarating ako sa altar. Habang nakatayo ako roon at hinintay ang ang aking bride na nagmartsa na rin papuntang altar sampo ng kanyang mga bridesmaid, pakiramdam ko ay mas lalo pa akong nalito. Tila may kung anong emosyon ang nagbabadyang sumabog. Litong-lito pa rin ako. Sa kabila ng napakalaking okasyon na iyon sa buhay ko, parang naglaho ang lahat ng excitement at ang pumalit ditto ay ang matinding kaba kung ano na ang nangyari kay Lito, kung bakit hindi siya sumipot, kung bakit wala man lang siyang mensahe kung ano na ang nangyari sa kanya. Tumugtog ang organ at nagsikantahan ang mga choir. Nagsimula ang misa na walang ibang laman ang utak ko kundi si Lito. Nang nasa parteng tinanong na ako ng pari kung tatanggapin ko ba si Sarah bilang kabiyak sa habambuhay… hindi kaagad ako nakasagot. Tila may kung anong bagay ang bumara sa aking lalamunan. Tinanong uli ako ng pari. “Warren, tinatanggap mo ba si Sarah na maging katuwang mo sa habambuhay, sa hirap at ginahawa…?” Sa pangalawang tanong ng pari, tila doon na sumabog ang lahat ng aking naramdaman. At imbes na ssagutin ko ang tanong ng pari, bigla akong tumalikod. At naalimpungatan ko na lang ang sariling nagtatakbo palabas ng simbahan… Alam kong nabigla ang lahat. Ngunit ang nangingibabaw sa aking isip ay ang mga katanungan kung ano ang nangyayari kay Lito. “Warren! Saan ka pupunta!!!” ang narinig kong sigaw ni Sarah. Hindi ko siya sinagot. Nagpatuloy ako sa pagtakbo. Nang nasa labas na ako ng simbahan, tinumbok ko ang puting kotse na sasakyan sana namin ni Sarah patungo sa venue ng reception pagkatapos ng aming kasal. Kumpleto pa ito sa mga dekorasyon, bulaklak, ribbons, at may streamer pang nakasulat sa likuran nitong “Just Married”. Binuksan ko ito at noong nakitang nakasaksak lang ang susi sa susian, agad-agad akong umupo sa driver’s seat. Hindi pa ako ako lubos na marunong magmaneho at wala ring lisensya. Si Lito lang ang nagturo sa akin isang beses noong namasyal kami gamit ang sasakyan niya. Ayaw ko sanang magpaturo gawa nang wala naman kaming sasakyan at wala akong interes na matuto. Ngunit mapilit siya. “Sa buhay ngayon, ‘tol… isang malaking advantage ang marunong kang mag-drive. Malay mo, darating ang panahon ng kagipitan at kailangan mong magsalba ng buhay at walang ibang marunong mag-drive. E, di manghihinayang ka kung bakit hindi ka pa nag-aral magmaneho, di ba? O kaya, mag-apply ka ng trabaho at nand’yan lahat ang mga qualifications mo, maliban sa pag drive na kailangan ng kumpanyang inapplayan mo dahil ang trabaho ay kailangang mag-travel paminsan-minsan, o kaya ay may sasakyan na i-assign sa iyo. Ito na ang pagkakataon. Hindi lahat ng tao ay basta-basta na lang magkaroon ng chance na katulad nito.” Ang paliwanang niya sa akin. Kaya hindi na ako nakatanggi. Dali-dali kong pinaandar ang sasakyan at pinaharurot. Bagamat ang ibang mga sasakyang nakaparada sa gilid ng kalsada ay nasagi ko, hindi koi to alintana. Sinisigawan pa ako at hinahabol ng mga galit na may-ari ng sasakyan. Ngunit hindi ko sila pinansin. Halos lumipad na ang sasakyan sa pag-drive ko patungo sa bahay ni Lito. Nang marating ko na ang bahay ni Lito, agad akong nag-door bell. Nakailang door bell din ako. Sa pagkainip na matagal binuksan ang pinto, kinapa ko na ang door knob at noong mapansing hindi naka-lock ito, binuksan ko na at tuloy-tuloy sa pagakyat sa second floor kung saan ay naroon ang kwarto ni Lito. Agad kong binuksan din ito at ang sumalubong sa aking pandinig ay ang malakas na tugtog na galing sa stereo niya - Do you hear me? I'm talking to you Across the water across the deep blue ocean Under the open sky, oh my, baby I'm trying Boy I hear you in my dreams I feel your whisper across the sea I keep you with me in my heart You make it easier when life gets hard I'm lucky I'm in love with my best friend Lucky to have been where I have been Lucky to be coming home again Ooh ooh ooh… Hinalughog ko ang buong kwarto – sa CR, sa loob ng kabinet, pati na sa ilalim ng kama. “Litooooo!! Nasaan ka?” ang sigaw ko. Dahil hindi ko naisara ang pinto, narinig ng katulong ang ingay ng tugtog at sigaw ko na nagmula sa kwarto ni Lito at agad itong napasugod. “Martha, nasaan ba si Lito?” ang tanong ko. Bakas sa mukha ng katulong ang pagkagulat sa pagkakita sa akin na nandoon sa loob ng kuarto ni Lito imbes na sa kasal ko. “Nakaalis na kuya, kanina pa mga 8:45 ng umaga! Dala niya ang puting Lexus, siya mismo ang nagmaneho. Bakit kuya, wala pa ba siya roon?” Hindi ko na sinagot si Martha. Dali-dali akong lumabas ng kuwarto. Pakiramdam ko ay hindi lumalapat ang mga paa ko sa hagdananan habang nagtatakbo akong lumabas ng bahay at binalikan uli ang kotseng dala, sabay paandar at paharurot nito. Ang sunod kong tinumbok ay ang paborito naming beach kung saan nakalibing ang kabibeng may malaking kahulugan para sa kanya at sa aming relasyon. Nang narating ko na ang lugar, dali-dali kong tinumbok ang ilalim ng hagdanan ng cottage kung saan ibinaon namin ito at naghukay. Ngunit laking gulat ko noong nakitang isang biyak na lang ang naroon. Lalo akong kinabahan. Pakiramdam ko ay umikot ang paligid ko sa magkahalong pagkalito, matinding kaba, at takot sa kung ano man ang ibig ipahiwatig nito. At lalo akong kinabahan noong may nakabaon na sulat kasama sa natirang biyak na kabibe. Sulat kamay ni Lito. “Tol… binigyang laya na kita. Dala-dala ko ang isang biyak ng kabibe at dadalhin ko ito saan man ako pupunta. Ang kabibeng ito ang magsilbing alaala ko sa iyo. Sa pamamagitan nito, sariwain ko ang mga masasayang samahan at karanasan natin kung saan, kahit pilit lang, ay ipinadama mo sa akin kung paano mahalin ang isang katulad ko... Sobrang sakit. Noon pa man, alam kong may kulang sa pagmamahal mo sa akin. Ramdam ko ito sa bawat bigkas ko sa mga katagang ‘I Love You’ ngunit hindi mo tinutugunan… Naghintay ako, ngunit wala. Hanggang sa nalaman ko na lang na ikakasal ka. Gusto kong ipaglaban ang pagmamahal ko sa iyo ngunit paano ko ito gagawin gayong alam kong hindi mo naman talaga ako mahal? Ngunit huwag kang mag-alala dahil natutunan ko nang tanggapin ang lahat… Huwag mo akong alalahanin pa, at huwag mo akong sundan kung saan man ako patungo. I-enjoy mo lang ang buhay kasama ang babaeng mahal mo na siya mong pakakasalan. Sa kanya, matutupad ang mga pangarap mong magkaroon ng anak at pamilya. Hangad ko ang kaligayahan ninyo. At palagi mong tandaan ‘tol… mahal na mahal kita. Sana ingatan mo palagi ang iyong sarili… -Lito-” Pumatak ang mga luha ko sa pagkabasa sa sulat niya. At lalo itong nagpaigting sa takot na namumuo sa isip ko. Agad kong binitbit ang kabibe at ang sulat niya. Hindi ko alam kung saang lugar ko pa siya hahanapin ngunit biglang pumasok sa isip ko ang rooftop ng school building. Muli pinaharurot ko ang sasakyan patungo roon. Ibayong kaba naman ang naramdaman ko nang makita ko ang panyo niya na nakatali sa may hagdanan ng palapag papuntang rooftop. Iyon kasi ang palatandaan namin na kung ang isa sa amin ay maunang umakyat sa taas, itatali niya ang kanyang panyo sa may hagdanan at kung sino man ang susunod sa amin ay siyang magtanggal nito at dadalhin sa itaas. Tinanggal ko ito at isiniksik sa aking bulsa. Ngunit noong nakaakyat na ako, walang Lito akong nakita. Hinanap ko siya sa paligid, sa likod ng tangke. Ngunit malakas ang kutob kong nandoon siya gawa nang naroon ang panyo at itinali pa niya sa hagdanan. At lalong tumindi ang takot ko noong mapansin ko ang malaking takip ng tangke na nakalatag na sa sahig na semento. Agad kong inakyat ang bunganga ng tangke. Bukas ito. Sinilip ko ang loob ngunit wala akong maaninag. Bumaba uli ako at nanghagilap ng mahabang kahoy upang gawin kong panungkit, nagbakasakaling nasa loob siya ng tangke. Nang nakahanap ako ng isang tubo, inakyat kong muli ang bunganga ng tangke. Nahirapan akong iakyat ang tubo na iyon dahil sa bigat at haba. Ngunit dahil sa nag-uumapaw kong pagnanasa na malaman kung naroon ba si Lito, nagawa kong iakyat ito at ipasok sa loob tangke. Hawak-hawak ang nakausling dulo ng tubo, hinalukay ko ang buong lalim ng tubig sa loob. Maya-maya lang, may nasundot ang dulo ng tubo na sa pakiwari ko ay mistulang katawan ng tao. Tila nawala na ako sa tamang katinuan sa matinding kutob na iyon na nga si Lito. Binitiwan ko ang tubo at umangkas sa bunganga mismo ng tangke. Akmang tatalon na ako sa loob niyon noong mula sa likuran ay may narinig akong sigaw, “Hoy! Anong ginagawa mo d’yan?!” “S-si Lito!” sigaw ng isip ko. Akala ko ay niloloko lang ako ng kaibigan. Bigla akong napalingon sa kinaroroonan ng boses. Ngunit laking pagkadismaya ko noong makita ang dalawang maintence technician ng eskuwelahan. Ang isa sa kanila pala ang sumigaw sa akin. Wala na kasing pasok sa araw na iyon kaya gumawa sila ng maintenance. “Kuya! Nasa loob po ng tangke ang kaibigan ko, hindi po marunong lumagoy iyon!” ang sigaw ko sa kanila at nagmamadali na akong tumalon sa loob, hindi na hinintay pa ang kanilang isasagot. Sinisid ko nang sinisid ang tubig hanggang sa may makapa ang mga kamay ko. “Tao nga!” sigaw ng utak ko. Bigla ko namang naramdaman ang kalamnan kong nanginginig, iniisip na baka katawan ni Lito nga iyon. Hawak-hawak ko ang kwelyong suot niya, hinila ko siya hanggang sa nakalutang na kami sa ibabaw ng tubig. Noong maaninag ko na ang mukha, doon ko na nakumpirma. Si Lito nga ito. At kumpletong suot pa niya ang sinabi kong uniporme namin para sa pagbe-best man niya sa kasal ko – itim na coat, tie, at isang pulang-pulang rosas na naka-pin pa sa kaliwang dibdib niya. Parehong-pareho sa isinuot ko. “LITOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOO!!!” Hiyaw ko, ang lalamunan ay mistulang puputok sa sobrang pagsigaw ko. Niyakap ko siya ng sobrang higpit habang hawak-hawak ng kamay ko na nasa likuran niya ang tubong ginamit kong panungkit upang hindi kami lumubog. Nanumbalik sa isip ko ang sinabi niya sa akin isang beses nang nagparinig siya na may iba siyang mahal at hindi niya magawang sabihin ito. “Kapag hindi ako mamahalin ng taong iyon, ‘tol… tatalon ako sa tangke na to at magpakamatay na lang.” Sa pag-aakalang babae nga ang ibig niyang ipahiwatig, tumawa pa ako ng malakas at biniro ko siya na “Ikaw? Hindi kayang mahalin? Sa dami ng nagka-crush at nagkandarapa sa iyo d’yan?” Natandaan ko pa ang isinukli niya sa biro kong iyon – isang matalinghagang ngiti. Malay ko ba naman na ako pala ang ibig niyang sabihing taong mahal niya. Humagulgol ako nang humagulgol, sumigaw nang sumigaw at umaalingwngaw ang aking paghihimutok sa loob ng tangke na iyon. “TOOOOOOLLLLLLLLLLLL!!! BAKIT MO GINAWA ITO??!!! ARRRRRRRGGGGGGGHHHHHHHH!!!” Mistula akong isang batang naglupasay sa mgakahalong galit at sama ng loob. Habang nasa ganoon akong paghihimutok, namalayan ko na ibinaba ng dalawang maintence personnel ang hagdanan na gamit nila. Dali-dali naming iniakyat si Lito na noo’y sa tingin ko ay simputi na ng papel ang balat at malamig na malamig na ang kamay at mukha. Noong mailatag na siya sa sementong sahig ng rooftop, sinabihan ko ang mga technician na tumawag ng ambulansya. Agad naman nilang sinunod ang utos ko. Habang nakalatag siya, napansin kong isang sapatos lang pala ang suot niya. Namukhaan ko ang sapatos na iyon; iyon din iyong kapares noong itinapon namin sa tangke. At noong tinggal ko naman ang mga butones ng long sleeves niya sa may bandang leeg upang luluwag ang pressure sa parte ng katawan niyang iyon at sisimulan ko na ang CPR, lunamtad naman ang kabiyak ng kabibe na kapares noong naiwanan sa beach na dinala ko. Isiniksik pala niya iyon sa loob ng kanyang coat. Iyon pala iyong matigas na bagay na dumampi sa dibdib ko habang yakap-yakap ko siya sa loob ng tangke. Tinanggal ko ito at walang sinayang na sandaling pinump ko ang dibdib niya tapos mouth-to-mouth. Pump uli, mouth-to-mouth, pump, mouth-to-mouth… tila walang katapusan ang pagsi-CPR ko sa kanya dahil sa hindi ko pa rin mahagilap ang kanyang pulso at walang bakas na pintig ang kanyang puso. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD