Hindi natuloy ang pagpapababa niya sa may palengke. Sa halip, sa ospital na siya nito inihatid. Tiniyak lang nitong pumasok siya bago umalis na. Napagdesisyunan niyang tingnan muna ang lagay ng ina bago muling bumalik sa paghahanap ng pera. Pabalik na siya sa ward kung nasaan ang ina pero sa pagtataka niya ay wala na ito doon. Agad siyang inalihan ng takot at kaba. Hinanap niyang mabuti ang ina sa loob ng ward pero wala na talaga ito roon.
Lalo pa siyang nakadama ng takot nang mapagawi sa isang bahagi kung saan may babae na umiiyak habang tinitingnan ang mga doktor at nurse na tinatakpan ng kumot ang mukha ng wala ng buhay na asawa. Wala itong tigil sa pag-iyak habang paulit-ulit na sumisigaw ng, 'mahal ko'.
'Oh Diyos ko.. Huwag naman sana...'
Dali-dali siyang tumakbo palabas ng ward. Dumiretso siya sa nurse station. Hinihingal na lumapit siya at nagtanong, "Miss.. Wala ang nanay ko sa ward. Nasaan siya? Doon ko lang siya iniwan kanina?" Hindi na niya maiwasang hindi maluha.
"Wait lang po. Ano po bang pangalan ng nanay ninyo?" Gulat ding tanong ng babae.
"Linda Mercado."
Dali-daling hinanap ng babae ang pangalan ng nanay niya. Hindi naman siya mapakali. Pakiramdam niya ay anumang oras ay babagsak na siya. Panay ang dasal niya na sanay ayos lang ang ina.
"Kaano-ano po ba kayo ng pasyente?" Sa halip ay tanong nito na lalo lang nagpadagdag sa kaba niya.
"Anak niya po ako," mabilis na tugon niya.
"Nailipat na po siya sa room 202 sa second floor. Kasalukuyan po siyang pinagpapahinga para sa operasyon niya," nakangiting saad ng nurse.
"Operasyon? Pero hindi pa ako—"
"Leona!" Napatigil siya sa pagsasalita nang marinig ang malakas na tinig na tumawag. Si Aling Marga pala. Kaibigan ito ng nanay niya.
"Aling Marga..." bati niya sa may kaedaran ng babae.
"Hayy... Saan ka ba nagpupupuntang bata ka? Kanina ka pa hinahanap ng iyong nanay." Hindi mapakaling sunod-sunod na anito.
"Pero naghahanap po ako ng pera para sa operasyon ng nanay."
Nilingon muna nito ang nurse. "Sige, Miss. Salamat. Ako ng bahala dito." Sabi ni Aling Marga sa nurse bago hinila na siya palayo.
Nginitian niya lang ang nurse bago nagpatianod sa babae. Dinala siya nito sa second floor bago dumiretso sa isang silid. Binasa niya ang Room number.
'Room 202'
Pumasok sila sa loob. Private room nga iyon. Maluwag ang silid at naka-air conditioned pa. Gusto niyang maluha nang makita ang ina na payapang natutulog sa isang maayos na kama. Bagama't may dextrose na nakakabit dito, mukhang payapa ito at walang iniindang sakit.
Sa gilid ay may mesa na may fresh pang bulaklak at mga pagkain at inumin. Hindi siya ang bumili noon. Una na'y wala siyang sapat na pera. Bente na lang ata ang nasa bulsa niya. Naipambayad niya na sa tricycle kanina ang ibang tira sa benta niya.
"Pasok ikaw, Leona. Wag ka ng mag-isip pa. Ayos na ang lahat."
"Paano?" Naluluhang wika niya. "Sinong nagbayad para makakuha kami ng silid? Paanong naiayos na agad ang operasyon? Wala pa kaming pambayad?" Nilapitan niya ang ina na natutulog at bahagyang hinaplos ang buhok nito.
Nilapitan siya ni Aling Marga bago hinawakan sa balikat. "Ang totoo ay hindi ko alam. Basta pinapunta ako dito ni Sir Gab para magbantay sa nanay mo at mag-asikaso sa mga kailangan niya. Binigyan niya pa ako ng pera para bayad sa pagbabantay." May dinukot ito sa bulsa na dalawang libo. "Heto. Tumanggi akong kunin ito pero mapilit siya kaya naisip ko sa inyo ko na lang ibibigay. Mas higit niyo itong kailangan."
Umiling-iling siya. "Hindi ko po makukuha iyan. Isa pa'y hindi naman po sa akin nagmula iyan."
"Kahit pa. Isa pa'y hindi naman ako nagpapabayad. Kaibigan ko si Linda at para na kitang anak. Kayo na ang pangalawang pamilya ko."
Nginitian niya ito. "Salamat po. Pero nabanggit ninyong si Gab ang tumawag sa inyo?" nagtatakang tanong niya.
Humila ito ng upuan bago magkatabi silang naupo malapit sa hospital bed.
"Oo. Nagulat nga din ako. Akala ko naman humingi ka nang tulong sa kaniya."
Umiling-iling siya. "Hindi po. Ang alam ko kasi ay kagagaling lang din ng pamilya niya sa malaking gastusan," paliwanag niya na hanggang ngayon ay nababaghan pa rin. Gusto niyang tawagan ito pero wala naman siyang cellphone. 'Yung nag-iisang de-keypad nilang mag-ina ay napasangla pa.
Matagal silang nanahimik bago tumayo si Aling Marga. "Kumain ka na ba?" tanong nito bago lumapit ito sa mesa. Naalala niyang wala pa nga pala siyang kain. Gutom na gutom at pagod na siya. Tila nakuha naman nito ang nararamdaman niya. "Buti pa'y kumain ka muna bago magpahinga na. Tama na ang kakaisip mo." Punong-puno nang simpatiya na anito habang iniabot sa kaniya ang isang kahon ng pagkain. "Medyo lumamig na lang iyan. Kanina ko pa kasi iyan nabili doon sa kainan sa labas. Akala ko kasi ay babalik ka kaagad. Nakatulog na nga ang nanay mo kahihintay."
"Salamat po talaga." Hindi pa rin makapaniwalang binuksan niya ang kahon. Kanin at adobong manok ang laman noon dahilan para lalo siyang makadama ng gutom. "Si nanay po ba? Ano pong sabi ng doktor?"
"Hindi pa siya pinakain muna. Isa pa'y naka-dextrose naman siya kaya ayos lang daw. Ang kailangan niya ay pahinga."
Tumango-tango siya bago kumain na.
"Ay maiwan muna kita, Leona ha. May ilang damit diyan. Pinagdala na kita. May kumot din diyan. May aayusin lang ako."
"Okay po. Maraming salamat po." Hindi matapos-tapos ang pasasalamat niya dito. Pinagmasdan niya na lang ito hanggang sa makalabas ito. Bumalik siya sa pagkain habang patuloy pa ring iniisip kung sino ang tumulong sa kanila.
Matapos kumain ay kumuha siya ng damit at nagpalit ng damit. Nanlilimahid siya dala ng pag-uli kanina. Kung saan-saan pa nga siya nakarating. Nang maayos na ang sarili ay doon siya umupo sa malapad at malambot na upuan sa may gilid ng bintana. May unan doon kaya kinuha na lang niya ang kumot na sinasabi ni Aling Marga. Habang nakaupo ay pinagmamasdan niya ang ina sa kama. Hindi pa rin siya makapaniwala.
Nananaginip lang ba siya?
Paanong nangyari ang lahat ng ito?
Nananatili siyang nag-iisip hanggang sa hindi niya namalayang nakatulog na pala siya.
*****
ShimmersErisJane