Lumipas pa ang dalawang araw, at sa kabuuan ay pitong mahabang araw nang walang paramdam si Silas Malik Vescovi. Ang kaniyang kawalan sa mansyon ang naging daan para unti-unti kong maikilos ang aking katawan nang may kaunting kalayaan. Dahil wala ang kaniyang nakalulunod at nakatatakot na presensya, hindi na ganoon kasakit ang bawat pagbaba ng paa ko sa sahig. Pakiramdam ko, kahit papaano ay nakakahinga nang maluwag ang aking hiram na puso. Nagagawa ko nang maupo sa gilid ng kama nang hindi agad hinihingal, at ang panginginig ng aking mga kamay ay unti-unti na ring humuhupa.
Ngunit sa kabila ng pisikal na paggaling, ang utak ko ay hindi pa rin tumitigil sa pag-iisip. Palagi kong naaalala ang mga sinabi ni Doc Caleb noong nakaraang araw. Kung gusto ko raw mabuhay at maprotektahan si Kuya Cyrus at si Nanay, kailangan kong matutong makisama kay Silas. Kailangan kong sumunod. Iniisip ko kung paano ko iyon gagawin sa oras na bumalik ang lalaking iyon. Ang bawat pag-ikot ng hawakan ng pinto ay nagdudulot pa rin sa akin ng kaba, ngunit pinipilit kong ihanda ang aking sarili.
Nabasag ang katahimikan ng kwarto nang bumukas ang pinto. Awtomatiko akong napaigtad, ang aking puso ay biglang lumaktaw ng isang pintig. Subalit imbes na ang madilim na mukha ni Silas, ang maamong mukha ni Doc Caleb ang pumasok, hawak ang kaniyang pamilyar na medical chart.
Pero may iba sa kaniya ngayon. May nakatagong ngiti sa kaniyang mga labi, at ang isang kamay niya ay nasa likod ng kaniyang puting coat, tila may itinatago.
"Good morning, Leya," bati niya sa kaniyang swabe at malinis na Ingles habang lumalapit sa aking higaan. "How is your heart feeling today?"
Ikinumpas ko ang aking kamay upang gawin ang sign language ng "Mabuti," habang ang aking mga mata ay nakapako sa kamay niyang nasa likod pa rin. Bahagya siyang natawa, halatang napansin ang matindi kong kuryosidad.
"I brought you something today," wika niya, at dahan-dahan niyang inilabas ang kaniyang kamay.
Nanlaki ang aking mga mata, at literal na napaawang ang aking labi. Isang mamahalin at kilalang brand ng dark chocolate ang hawak niya. Pakiramdam ko ay biglang nagliwanag ang buong kwarto. Paboritong-paborito ko ang chocolate noong nasa Tondo pa ako, ngunit dahil sa hirap ng buhay at sa sakit ko, bihirang-bihira akong makakain niyon dahil mas kailangang ibili ng bigas at gamot ang barya-baryang kinikita namin.
Awtomatiko kong iniunat ang aking kamay para kunin iyon, ngunit mabilis itong itinaas ni Doc Caleb, inilalayo sa aking abot. Salubong ang aking mga kilay na napatingin sa kaniya, nagtatanong kung bakit niya ipinagdadamot.
Doc Caleb chuckled, shaking his head. "Not so fast, Leya. You don't get this for free," mapaglaro niyang saad, habang may nakakabighaning kislap sa kaniyang mga mata. "You need to do your physical exercise first. If you finish your walking session for today without your heart rate going dangerous, then this chocolate is all yours. Deal?"
Gusto kong umiral ang pagka-poot ko, ngunit dahil sa tindi ng pananabik ko sa chocolate, marahan akong tumango. Agad kong ibinaba ang aking mga paa sa sahig nang mas mabilis kaysa noong mga nakaraang araw. Bahagyang napangiti si Doc Caleb sa determinasyong nakikita sa akin. Inalalayan niya ang aking siko habang maingat kong itinayo ang aking sarili.
Nagsimula kaming maglakad nang dahan-dahan paikot sa malawak na silid. Bawat hakbang ko ay mas may lakas na ngayon. Ang aking mga mata ay paminsan-minsang sumusulyap sa ibabaw ng lamesa kung saan niya ipinatong ang chocolate wrapper na tila isang gintong parangal.
"Look at you, you're moving much better today," puna ni Doc Caleb habang maingat kaming naglalakad patungo sa malaking bintana. "Keep this pace. Don't rush. The chocolate isn't going anywhere."
Tahimik akong nagpatuloy, dinadamdam ang bawat pag-hakbang habang pilit na pinatitino ang aking paghinga. Umikot kami ng limang beses sa buong kwarto, mas matagal at mas malayo kaysa noong unang beses. Nang maramdaman ni Doc Caleb na sapat na ang naging ehersisyo ko para sa umagang ito, maingat niya akong inalalayan pabalik sa gilid ng aking kama.
"Perfect. Your breathing is stable, and you didn't look too exhausted," wika niya matapos mabilisang suriin ang aking pulso. Kinuha niya ang chocolate sa mesa at iniabot iyon sa akin. "As promised. You earned it."
Mabilis ko itong tinanggap. Agad kong binuksan ang foil at kumuha ng isang maliit na piraso upang isubo. Sa tindi ng sarap at tamis na gumuhit sa aking dila, tila nawala lahat ng pait ng aking sitwasyon kahit sa ilang sandali lang. Hindi ko namamalayan na habang ninanamnam ko ang pagkain ay dahan-dahang gumuhit ang isang malawak at totoong ngiti sa aking mga labi—isang ngiting matagal nang hindi nasisilayan sa aking mukha mula nang mangyari ang trahedya sa amin.
"You look beautiful when you smile, Leya," biglang saad ni Doc Caleb, ang kaniyang boses ay mas malambot at puno ng paghanga. "You should do it more often. It suits you better than fear."
Natigilan ako sa pagnguya. Ang kaniyang mga salita ay tila nagdulot ng init sa aking mga pisngi. Bigla akong nakaramdam ng matinding hiyang hindi ko maipaliwanag. Agad kong ibinaba ang aking tingin sa hawak kong tsokolate, pilit na itinatago ang aking namumulang mukha sa likod ng aking mahabang itim na buhok. Walang sinumang nagsabi sa akin ng ganoon bukod kay Kuya Cyrus na palaging nambubola sa akin kapag malungkot ako.
Sa tindi ng emosyong nararamdaman ko—ang pasasalamat sa tsokolate, ang ginhawa ng paggaling, at ang hiya sa kaniyang papuri—ay tila nakalimutan ko ang aking sarili. Nakalimutan ko ang aking mahigpit na panata. Bumuka ang aking mga labi, at handa ko nang sabihin ang salitang "Salamat" gamit ang sarili kong tinig.
Ngunit bago pa man may lumabas na tunog sa aking lalamunan, ang pinto ng silid ay biglang bumukas nang malakas.
Mabilis kong itinuom ang aking bibig, ang aking puso ay marahas na dinaluyong ng takot. Pumasok si Joan na may dalang malaking tray ng pagkain para sa aking almusal, at may kasama pang isang tasa ng umuusok na kape na para naman kay Doc Caleb.
"Magandang umaga po, Doc Caleb. Heto po ang kape niyo, at ang pagkain naman ni Leya," wika ni Joan sa pormal at medyo malamig na tono. Pagkatapos ay lumingon siya sa akin, ang kaniyang maikling buhok ay nakatali nang maayos, ngunit ang kaniyang mga mata ay nanatiling walang emosyon habang nakatingin sa tsokolateng hawak ko.
Nangangatog ang aking mga kamay habang maingat kong ibinaba ang chocolate sa tabi ko. Ang aking buong sistema ay binalot ng matinding kaba at lamig. Muntik na. Konting-konti na lang ay nakapagsalita na ako sa harap nila. Kung napaaga lang ng isang segundo ang pagpasok ni Joan, tuluyan nang mabe-verify ng lahat na ang aking kapipihan ay isang malaking kasinungalingan lamang.
Tumingin ako kay Doc Caleb, na mabilis ding umayos ng tayo at kinuha ang kape mula kay Joan. Bahagyang sumulyap sa akin ang doktor, ang kaniyang mga mata ay may babala, tila sinasabi sa akin na mag-ingat ako sa aking mga ikikilos.
"Thank you, Joan," seryosong wika ni Doc Caleb bago muling humarap sa akin upang magpatuloy sa kaniyang tungkulin, habang ako naman ay nanatiling tahimik, pigil ang paghinga, at pilit na ibinabalik ang malamig na pader ng aking pagpapakapipi.
Matagal nang nakaalis sina Doc Caleb at Joan mula sa aking silid, ngunit ang matinding panginginig ng aking mga kamay ay tila ayaw pa ring humupa. Nakaupo ako sa gilid ng kama, nakatitig sa pinto habang mariing nakahawak sa aking dibdib. Ang bawat pintig ng hiram kong puso ay marahas at mabilis... tila isang tambol na nagwawala sa loob ng aking tadyang. Bumibilis. Lumalakas. Natatakot ako na baka sa tindi ng kaba ko ay bigla na naman itong bumigay at mawalan ako ng malay.
Muntik na. Isang segundo na lang. Isang segundo na lang at tuluyan ko nang nabigkas ang salitang iyon sa harap ni Joan. Kung hindi bumukas ang pinto sa eksaktong sandaling iyon, narinig niya sana ang boses ko. Nalaman niya sana ang katotohanan. At kapag nalaman niya, siguradong makakarating iyon kay Silas. Ang isipin ko pa lang na malalaman ng demonyong bilyunaryong iyon na niloloko ko siya nitong mga nakaraang araw ay sapat na para paralisahin ako sa takot.
Pumikit ako nang mariin at huminga nang malalim, pilit na inaalala ang mga bilin ni Doc Caleb. Huwag mag-panic. Alagaan ang puso. Pero paano ko gagawin iyon kung ang bawat sulok ng kwartong ito ay nagpapaalala sa akin ng panganib?
Lumipas ang ilang oras ng nakabibinging katahimikan. Ang sikat ng araw na dadaan sa malaking bintana ay unti-unti nang humihilig, hudyat na hapon na. Nabigla ako nang muling umikot ang hawakan ng pinto. Agad akong napaayos ng upo, pilit na ibinabalik ang walang emosyong mukha ng isang pipi.
Pumasok si Joan. Bitbit niya ang isang tray na naglalaman ng aking pagkain para sa hapon. Tulad ng kaninang umaga, walang mababakas na kahit anong init o saya sa kaniyang mukha. Dire-diretso siyang lumapit sa mesa sa tabi ng aking kama at ibinaba ang tray nang walang nililikhang kahit anong tunog. Pagkatapos ay inayos niya ang swero ko at tiningnan ang dextrose kung malapit na ba itong maubos.
Walang nagsasalita sa aming dalawa. Ang katahimikan sa pagitan namin ay tila isang pader na may mga matatalas na bubog. Gustong-gusto kong hawakan ang kamay niya, gustong-gusto kong humingi ng tawad... pero nanatili akong tuod. Matapos niyang matiyak na maayos ang lahat, tinalikuran niya ako at muling lumabas ng silid nang hindi man lang ako sinusulyapan.
Nang maiwan akong mag-isa, tiningnan ko ang pagkaing dala niya. Walang kanin o mamahaling ulam ngayon. Ang laman ng tray ay purong sariwang gulay at mga hiwa ng prutas—mansanas, saging, at pakwan. Alam kong ito ang tamang pagkain para sa isang katulad kong may sensitibong puso. Kahit walang lasa at kahit mabigat ang aking loob, pinilit kong kumain. Bawat subo ng gulay ay pinilit kong isipin na para ito sa lakas ko... para kay Kuya Cyrus... para kay Nanay. Kailangan kong mabuhay.
Matapos kong maubos ang prutas, nakaramdam ako ng matinding pagod. Ang stress at takot na dumaan sa akin kaninang umaga ay tila sumipsip sa natitira kong lakas. Humiga ako sa malambot na kama, ibinaon ang aking mukha sa unan, at hinayaang lamunin ng dilim ang aking isipan hanggang sa makatulog ako.
Nagising ako dahil sa labis na lamig. Ang aircon sa loob ng medical wing ay tila mas lalong lumalamig kapag sumasapit ang gabi. Bahagya akong napa-upo at napayakap sa sarili kong mga braso. Mas maayos na ang pakiramdam ng aking dibdib, ngunit may ibang bagay na nagpapabigat sa aking loob ngayon.
Gusto ko nang maligo.
Hinaplos ko ang aking mahaba at bagsak na itim na buhok. Malagkit na ito at ramdam ko ang dumi sa aking balat. Ilang araw na akong nakahiga lang dito, pinapahiran lang ni Joan ng basang bimpo tuwing umaga, ngunit hindi iyon sapat. Nababahuan na ako sa sarili ko. Nanghihina ang loob ko kapag naiisip kong ganito ang estado ko—marungis, mabaho, at mukhang kawawa.
Tumingin ako sa paligid. Ang kwartong ito ay marangya, oo, ngunit para sa akin, isa pa rin itong malamig na selda. At ang pinakamasakit na katotohanan? Nakakalaya lang ako... nakakagalaw lang ako nang maayos at nakakatapak sa sahig kapag nandito si Doc Caleb. Siya lang ang may tapang na mag-utos na alisin ang nagpapahirap sa akin.
Dahan-dahan kong ibinaling ang aking tingin sa dulo ng aking kama. Doon, nakalatag ang malamig at mabigat na kadena na ginagamit ni Silas para itali ang aking paa. Kahit kasalukuyan itong nakakalas dahil sa utos ni Doc Caleb kanina, ang presensya ng bakal na iyon ay sapat na para ipaalala sa akin kung ano ang posisyon ko sa bahay na ito. Isa akong itinitirang preso. Isang bihag na naghihintay lang sa kumpas ng kamay ng kaniyang may-ari.
Hindi ko kayang pumunta sa banyo nang mag-isa dahil natatakot ako na baka biglang pumasok si Silas o si Ate Josie at makitang wala ako sa kama nang walang pahintulot. Baka mas lalong magalit ang mga tao rito. Napabuntong-hininga na lamang ako nang malalim, pilit na hinahaplos ang aking binti na may bakas pa rin ng pamumula mula sa pagkaka-kadena.
Wala akong ibang magagawa kundi ang magtiis. Humiga ako muli, pinagmamasdan ang bawat pag-ikot ng kamay ng orasan sa dingding, habang ang buong puso ko ay tahimik na naghihintay at umaasa sa muling pagdating ni Doc Caleb. Siya na lang ang tanging pag-asa ko para makaramdam ng kaunting dignidad sa gitna ng madilim na impyernong ito.
Ang pagpasok ng liwanag ng umaga sa malaking bintana ng silid ay hindi sapat para itaboy ang lamig na nananatili sa aking balat. Buong gabi kong binalot ang sarili ko sa makapal na kumot, pilit na tinatakasan ang malagkit na pakiramdam ng sarili kong katawan at ang takot na baka sa bawat pagpikit ng aking mga mata ay ang mukha ni Silas ang sumalubong sa akin. Subalit habang lumilipas ang mga oras, ang masidhing pananabik na makita ang pinto na bumukas para sa iisang tao ay unt-unting lumalaki sa loob ng aking dibdib.
Nakatitig ako sa hawakan ng pinto, tila binibilang ang bawat segundo ng pag-ikot ng orasan sa dingding. Isang hakbang. Dalawang hakbang.