Mabigat pa rin ang ulo ni Sophia kinabukasan pero mas gumaan nang kaunti ang pakiramdam niya dahil kahit papaano ay hindi na ganoon kalamig ang ihip ng hangin sa pagitan nila ni Laddicus. Kahit hindi pa sila nag-uusap nang seryosong-seryoso, pero sapat na ang tahimik na presensya ng isa’t isa para maramdaman niyang baka nga may pag-asa pang maging maayos ang lahat. Pagbaba niya mula sa hagdan, naamoy na agad niya ang aroma ng kape. Akala niya ay si Aling Liza, ang kasambahay na bagong hire ng asawa niya ang nagtitimpla pero laking gulat niya nang makita si Laddicus mismo, nakasuot ng simpleng puting t-shirt at sweatpants, hawak ang dalawang mug. “Good morning,” nakangiting bati nito, parang wala lang nangyari kagabi. Napakurap si Sophia, halos hindi makapaniwala. “Uh… good morning.”

