CHAPTER 13
Sa prisinto mga iyak ng mga babae ang maririnig, lahat mga nagsisitakip ng mga mukha, habang ‘yung manager ng bar, pinagpapaliwanag. ‘Yung ganitong eksena sa mga balita, palabas sa TV at pelikula ko lang nakikita at hindi ko akalaing mararanasan ko. Hinihintay ko ngang may dumating na media, at dali-dali talaga akong magtatakip ng mukha. Hindi ko naman pinangarap na makita sa TV at sa ganitong sitwasyon pa.
“Boss, pwede po bang makigamit ng telepono?” sabi ko sa matabang pulis na nakaupo sa likod ng lamesa.
“Sige,” pinayagan naman ako. Dinial ko agad ‘yung number sa bahay nina Cherry. Nakakahiya man mambulabog ng natutulog, kaso wala naman akong ibang mahihingan ng tulong.
“Hello.”
“Che, ikaw ba ‘yan?”
“Ako nga, sino ba ‘to? Anong oras na o..” halatang bagong gising ang boses niya.
“Si Alex ‘to. Che, kailangan ko ng tulong mo.”
“O, Alex! May nangyari ba kay Tita?!” biglang pag-aalala niya. Sino ba naman kasing matinong tao ang mambubulabog ng dis oras ng gabi, maliban na lang kung may emergency ‘di ba?
“Wala, pero sa ‘kin meron. Puntahan mo naman ako rito sa presinto at kung may pera ka d’yan, nakakahiya man pero baka pwede kong hiramin. Baka kumasyang pampiyansa ko.”
“Huh? Anong ginawa mo? Nakapatay ka ba? O baka naman nagtulak ka na ng bawal na droga? Sabi ko naman sa ‘yo Bes, humingi ka na ng tulong kay Brenda. Tignan mo tuloy napariwara ka. Paano nang kinabukasan mo? Ang dami mo pa namang pangarap. Baka mabulok ka na d’yan sa kulangan.”
“Grabe ka naman Che. Huwag mo naman akong takutin nang ganyan. Wala naman akong ginawang masama. Na-raid ‘yung bar na pinagtratrabahuhan ko. Nasama ako sa mga dinala rito sa presinto.”
“Yan na nga bang sinasabi ko eh. Hindi talaga maganda ‘yung pagtratrabaho mo sa bar. ‘Pag nakita ko talaga si Crista, sasabunutan ko ‘yung babaeng ‘yon!”
“Nandito nga siya. Kasama siya sa mga dinala rito,” napatingin naman ako sa kinauupuan ni Crista na tinatakpan ng panyo ‘yung buong mukha sa kahihiyan. Siya kasi ‘yung dancer sa stage kanina. Hindi nga niya malaman kung paano tatakpan ‘yung sarili niya kanina. First time pa naman niyang gawin ‘yun. Napilit lang din nung manager. Parang ako lang, napilit, heto ngayon, minalas.
“Sige, pupuntahan kita ngayon din.”
“Salamat Che. Maraming salamat talaga.”
Pagkababa ko ng telepono, nakita ko agad ‘yung mga papasok na media kaya tinakpan ko agad ‘yung mukha ko at nagpunta sa pinakasulok. ‘Yung tipong hindi ako mahahagip ng camera. Tumalikod pa nga ako at humarap sa pader para sigurado.
“Miss, ikaw ba si Alex?” tinignan ko ‘yung nagtatanong. Nakita kong naka-uniporme ng pulis kaya sumagot ako.
“Opo.”
“Tara, sumama ka sa ‘kin.”
“Po?”
“Sabi ko, sumama ka sa ‘kin.”
“Bakit po?”
“Basta sumunod ka na lang, dahil sumusunod lang din ako sa utos.”
“Bakit po? Sino pong nag-utos sa inyo? Bakit po ako sasama sa inyo eh nandito po ‘yung mga kasama ko?” sunod-sunod na tanong ko sa kanya. Ayoko ngang sumama. Malay ko ba kung saan niya ‘ko dadalhin. Baka masama pala ‘yung binabalak niya. Tama na ‘yung nangyari sa ‘kin kanina kasama ‘yung VIP na customer na m******s.
“Miss, ang kulit mo naman. Mapapagalitan ako nang dahil sa ‘yo eh. Pwede ba sumunod ka na lang?”
“Eh ayoko nga po eh!” pagmamatigas ko sa kanya. Kahit kaladkarin niya pa ‘ko, hindi ako sasama sa kanya.
“Kulit naman nito. Bahala ka d’yan ma-TV,” inis na sabi noong pulis at tinigilan na rin niya ‘ko. Pero hindi ko na-gets ‘yung huling sinabi niya. Hindi ko kasi alam kung ano bang pakialam niya kung makikita ako sa TV o hindi. Eh sila nga ‘tong humuli sa ‘min at alam naman nilang mangyayari at mangyayari ‘yung mga ganito.
****
“Bes? Bes?” narinig ko ‘yung boses ni Cherry. Hindi niya siguro ako makita dahil nakatalikod ako at hindi nakilala nang dahil sa ayos ko.
“Che! Che!” mahinang sigaw ko habang may nakatakip na panyo sa mukha. May mga media pa rin kasi. Kinawayan ko si Cherry at tumayo rin ako para mapansin niya ‘ko.
“Bes?” nakanunot-noong tanong ni Cherry. “Bes ikaw ‘yan?” tanong niya uli, habang papalapit sa ‘kin.
“Oo, ako nga. Bakit ang tagal mo? Kanina pa kita hinihintay dito. Ano, mapapahiram mo ba ‘ko?
“Ha? Hindi eh.” Nanlumo ako. Asang-asa pa naman ako na pagdating niya rito, makakalabas na rin ako. Pero hindi naman pala. Ano ‘to moral support lang ganun? “Pero dala ko naman ‘yung sigurado akong makakatulong sa ‘yo.”
“Huwag mo sabihin isinama mo dito si –“ hindi ko pa natatapos ‘yung sasabihin ko, sumagot na siya.
“Oo, kasama ko si Brenda, kasi siya lang talaga naisip ko na makakatulong sa ‘yo. Nandoon nga siya, nakikipag-usap sa mga pulis kasama nung abogado niya. Siya nag-aasikaso para makaalis ka na rito. Ikaw naman kasi eh, ang tigas-tigas ng ulo mo. Teka, nasaan nga pala ‘yung pahamak na si Crista?!” sabi ni Cherry, sabay napatingin sa pwesto kung saan nakaupo si Crista. Lalapitan sana niya pero pinigilan ko.
“Huwag ka gumawa ng eksena rito Che. Utang na loob.”
“Okay para sa ‘yo, magpipigil ako, pero may araw rin sa ‘kin ‘yang Crista na ‘yan. Pahamak eh.”
Maya-maya nakita kong naglalakad, palapit sa ‘min si Brenda. Ang tikas ng dating, akala mo lalaking tunay. Diretso ang lakad at hindi tumitilapon ang balakang. Pagdating niya sa harapan namin ni Cherry, “Pirmahan mo ‘to,” sabi niya na may lalaking boses at may folder na may nakapatong na papel siyang iniharap sa ‘kin, sabay abot ng ballpen. Si Cherry naman napatunganga lang kay Brenda. Nagulat ata dahil nagboses lalaki si Brenda.
“Ano ‘yan?”
“Pirmahan mo na lang, nang makaalis na tayo rito,” tinignan ko siya, tapos ‘yung papel, tapos balik ang tingin sa kanya. Ang sama ng tingin niya sa ‘kin. Galit ata. “Bilis! Gusto mo pa atang magtagal dito!” sabi niya na parang utos ng hari na ‘di pwedeng mabali. Ewan, bigla naman akong nataranta. Napapirma tuloy ako ng ‘di oras. Pagkatapos kong pumirma, saka ko lang naisip na hindi ko man lang pala binasa ‘yung nakasulat sa papel, tapos nakita ko pang ngumisi si Brenda.