NASA loob ng fitting room si Snoopy. Hinubad niya ang sleeveless blouse niya saka isinuot ang kulay-itim na T-shirt. Maluwag iyon sa kanya kaya itinupi niya ang mga manggas at t-in-uck in na lang sa pantalon niya ang T-shirt. Lumitaw ang dilaw niyang belt. Bumagay pa rin naman sa kanya ang ayos niya, lalo na at kulay-puti naman ang wedge shoes niya.
Napangiti siya dahil sa nakasulat sa tee niya, na may nakaguhit pang arrow sa dulo: He's The Man >>
Nang may marinig siyang katok ay binuksan niya ang pinto. Sumalubong sa kanya ang guwapong-guwapo na si Garfield. Parehong kulay at disenyo gaya ng kanya ang suot nitong T-shirt, naiba lang ang nakasulat doon: She's The Boss >>
Napangiti si Garfield habang nakatingin sa nakasulat sa T-shirt niya. "I so love my sister." Pagkatapos ay walang babalang hinila siya nito papasok sa fitting room. Magkatabing humarap sila sa salamin. He's The Man >>. He's The Man. She's The Boss. Cute!
Nagkatinginan sila ni Garfield sa salamin, saka sabay na tumawa.
"We look so cute. Picture nga tayo. 'Yong wacky," natatawang sabi ni Garfield, saka dinukot mula sa bulsa nito ang cell phone nito.
Inakbayan siya ni Garfield. Mukhang nasanay na siya sa pagkakadikit nila kaya kumportable na siya. Kinabig siya nito palapit dito at saka itinutok ang camera ng phone nito sa salamin. He puffed up his cheeks while she just smiled.
Tiningnan ni Garfield ang kuha nila sa cell phone nito, pagkatapos ay umiling-iling ito. "Snoopy, wacky shots dapat tayo. Bakit nakangiti ka lang?"
Kumunot ang noo niya. Hindi niya alam kung paano sasabihin dito na ayaw niya ng wacky shots dahil ayaw niyang pumapangit siya sa pictures.
"You're boring," nababagot na deklara ni Garfield. "You know, Snoopy, people get intimidated by you, kaya siguro naiilang sila sa 'yo. You're stiff, you don't smile often so you look strict."
"Aba! Who's boring?" singhal niya rito.
Ngumisi ito. "Oh, c'mon. Siguro nga, KJ ka rin."
"Let's do that wacky pose! Now!" nanggigigil na sigaw niya. Hindi niya kasi matanggap ang pinagsasasabi nito sa kanya.
"That's my girl," Garfield said triumphantly. "Just relax, Snoopy. Gayahin mo lang ako." Biglang naduling ang mga mata nito.
"Hindi ko kaya 'yan!"
"Point your finger near your eyes and look at it," he instructed her.
Tumalima siya. Medyo nahilo siya sa ginawa niya. May narinig siyang "click" kasabay ng pagtawa ni Garfield. Nang ipakita nito sa kanya ang kuha nila sa litrato, pareho silang mukhang naduling ng binata. Nag-init ang magkabila niyang pisngi. Pero natawa rin siya. She didn't look as bad as she thought she would if she struck wacky poses.
Ang sunod naman na ginawa nila ni Garfield ay pinalaki nila ang mga butas ng mga ilong nila. Pagkatapos ay umarte naman ang binata na nakakatakot, samantalang siya ay yumuko at itinakip ang mahaba niyang buhok sa mukha niya. Nagpa-cute naman sila sa sumunod na mga litrato nang palobohin nila ang mga pisngi nila. Pagkatapos ay tumingala naman sila sa isang direksiyon habang pisil-pisil nila ang mga baba nila. Then, they looked at each other with knotted foreheads. Nagtaas naman sila ng kilay sa sumunod na animo ay nagyayabang sila.
Nang wala na silang maisip na susunod na gagawin ay nagkatinginan sila. Pagkatapos ay natawa na lang uli sila.
"Let's take a normal one," suhestiyon ni Garfield.
Kumapit siya sa braso nito na ikinagulat yata nito kaya siguro ito lumingon sa kanya. Nagkatinginan sila, saka nagngitian. She heard the "click" even though they weren't both looking at the camera on his phone. Mukhang sinadya nitong kuhanin ang pagkakataon na iyon.
Nang tingnan nila ang larawan sa phone nito ay nagulat siya sa kinalabasan niyon. The moment was captured beautifully. They were facing each other with smiles on their faces, and she couldn't deny the sparkle in her own eyes. Ngayon lang niya nakitang ganoon kasaya ang sarili niya.
"You look so happy in this picture, Snoopy," komento ni Garfield.
"I am, Garfield."
Napangiti ito. "Really?"
Nakangiting tumango siya. "Ngayon ko lang nagawa ang lahat ng 'yon. Pakiramdam ko, ngayon lang ako naging tao. Salamat, ha? Kung hindi dahil sa 'yo, hindi ko magagawa ito."
Masuyong ginulo nito ang buhok niya. "No need to thank me, Snoopy. Isang high-five nga diyan," anito, saka itinaas ang kanang kamay.
Natatawang nakipag-high-five siya rito. It was a great day.